A Dangerous Game Called Love-14

“Zack?” Nasanay na si Alayza na haplusin sa malapad na dibdib ang mangingibig kahit agaw-tulog pa.

Ngunit ang matigas na higaan lamang ang nakapa niya.

Sinambitla na naman agad ng insecurity ang dibdib niya. Agad siyang nagmulat ng mga mata.

Madilim pa sa labas ng bukas na bintana. Hatinggabi o madaling-araw na.

Inaninaw niya ang orasan sa dingding. Alas tres ng madaling araw.

Hindi naninigarilyo si Zack kaya hindi iyon ang dahilan ng paglabas nito ng dis-oras ng gabi.

Want to read the Start of Stories Online titled – A Dangerous Game Called Love…? Click Here!

Maliksing bumangon si Alayza. May kakaibang kabog ang dibdib. Dali-dali niyang isinuot ang jeans at t-shirt.

Tiniyak muna niyang walang tao sa banyo bago lumapit sa pintuan. Hinila niya iyon. Nagkagulatan sila ng kanyang Mama.

“M-mama?” Hindi siya makapaniwala.

“Oh my baby, halika na. Uuwi na tayo.”

“S-si Zack—nasaan si Zack?”

“Zack? Sinong Zack?”

Nanlaki ang mga mata ni Alayza. Hindi kilala ng kanyang mama si Zack–?

“Well, halika na. Uuwi na tayo.”

“K-kailan kayo umuwi sa Pilipinas?”

“Ngayon lang. Kung alam ko lang, hindi ka na sana namin iniwan.” Hinihila siya ng ina palabas habang nagsasalita.

“Mama, si Zack. Kailangang makilala n’yo siya.”

“Wala kaming Zack na nakita dito. Ikaw lang ang tao dito.”

May suspetsa si Alayza. “Sinong tumawag sa inyo?”

“Isang lalaki ang tumawag sa amin. Siya raw si Isaac Flores, ang bodyguard mo. Substitute ni Pule.”

Nabigla pa rin si Alayza kahit tama ang kanyang suspetsa. Nakasakay na sila sa sasakyan. Kapansin-pansin na wala ang kanyang Papa.

“N-nasaan si Papa?” Awtomatiko ang tanong na iyon habang ang isang bahagi utak ay abala sa pag-iisip.

“May inaasikaso siya.”

Nasaan si Zack? Bakit hindi sinabi sa kanya ang binabalak gawin? Paano pa niya ito makakausap?

Halos hindi sila naghihiwalay sa loob ng tatlong araw na magkasama sila. Hindi niya nahulaan kung ano ang plano nitong gawin.

Ano nga ba ang plano ni Zack tungkol sa kanila? Bakit tila ipinagkanulo siya ng lalaki?

“M-mama, hintayin natin si Zack. Baka may binili lang iyon.”

“No. Umuwi na tayo sa bahay. Tiyak na naghihintay na ang papa mo doon.” Mapilit ang kanyang mama.

Naiwan ni Alayza ang handbag sa aparador ni Zack. Nandoon ang celfone niya. Paano niya mako-contact ang lalaki?

Magulo pa rin ang isip niya nang makarating sila sa masiyon. Hindi kumikibo ang kanyang mama ngunit palaging nakasulyap sa gawi niya.

“S-si Papa?” tanong niya nang pumapasok na sila.

“Hindi pa tapos ang inaasikaso. Halika na sa silid mo. Magpahinga ka na.” Kinambatan ng mama niya si Lucing.

Sa tulong ng dati ay matabil na kasambahay, maliksi at tahimik na naihatid sa kuwarto si Alayza.

Wala pa rin sa sarili ang dalaga. Masyadong mabilis ang mga pangyayari.

Kagabi lang, nagtatawanan sila si Zack. Nagluluto sila. Nakalimutan niyang bumili ng mantika para sa tortang kamatis at sibuyas. Naisip ni Alayza na ilagay sa pinggan at ipatong sa ibabaw ng sinaing.

Pinagsaluhan nila ang steamed torta. Iyon ang pinakamasarap na hapunan para sa kanya.

Pagkatapos, naghugas sila ng pinagkanan. Sabay din silang naligo sa masikip na banyo.

Marahan at malalim ang bawat halik na iginawad sa kanyang mga labi. Hinagkan pati nang isa-isa ang bawat daliri niya.

Nang tumiklop ang kanyang mga tuhod, pinangko siya at buong ingat na dinala sa higaan.

Masuyo ang pakikipagtalik ni Zack. Parang sinasamba siya.

Iyon pala ay nagpapaalam na. Huli na iyon.

Parang nauupos na kandila ang pakiramdam niya nang mahiga sa kama. Nami-miss niya ang matigas na papag.

Nahiga siya patalikod sa kanyang mama. Hinaplos ang mahabang buhok niya.

Pumikit siya ngunit tuyo ang mga mata. Gusto niyang mapag-isa.

Nakatulog marahil siya. Umaga na nang dumilat uli siya.

Nag-iisa na lang siya sa kuwarto. Ini-lock niya muna ang pinto bago nagtungo sa banyo.

Naninibago siya sa luwang ng paligid. Hinahanap-hanap niya ang silid na inuupahan ni Zack.

Ngunit hindi iyon ang pinagtuunan niya ng isip. Humulas na ang pagkabigla niya. Babalik siya sa tirahan ng lalaki.

Paano kung hindi na siya tanggapin ni Zack?

Muntik nang panghinaan ng loob si Alayza. Kailangan niyang makaharap ang lalaki. Sabihin sa mukha niya na ayaw nito sa kanya…

Hindi niya namalayan na umiiyak na siya. Na yapus-yapos na ang sarili nang mahigpit. Nilulunod ang kalungkutan sa pinong bugso ng tubig.

Ang kanyang mama lang nag-aabang sa pagbaba niya. Nakaupo ito sa sala ngunit ang mga daliri ng isang kamay ay tila nagpi-piano. Larawan ng tahimik na pag-aalala.

“Iha, nakahanda na ang agahan.”

“Hindi po ako nagugutom.” Walang emosyon ang tono at ang anyo.

“Papasok ka sa opisina?” Minasdan ni Alice Tarrazona ang suot niyang pantalon at blusa.

“May pupuntahan po ako.”

“Babalik ka agad?”

Hindi na siya sumagot. Lumabas siya at napapatda. Isang matangkad na lalaki ang nakatayo sa tabi ng sasakyan.

Si Zack!

Ngunit nang humarap ay ibang lalaki pala. Nanlumo siya.

“Anak, mag-iingat ka,” habilin ng ina sa kanya.

Tumango na lamang siya.

“Saan po tayo, mam?”

Sinabi ni Alayza ang kumpletong address. Ilang sandali pa, nasa harapan na ang tirahan ni Zack.

Nanginginig ang mga tuhod, humakbang siya patungo sa kuwartong naging saksi sa maraming masasayang tagpo nila ni Zack.

Bumuntonghininga siya bago kumatok sa pinto.

“Sino ‘yan?”

Parang lumaki ang ulo niya nang marinig ang boses ng babae.

“Ay, kayo po yung dating nakatira dito? Sandali po.”

Dating nakatira? Kaninang madaling-araw lang siya umalis…?

“Heto po ang gamit n’yo yata, miss.” Isang plastic bag ang ibinigay ng tinedyer na babae.

“Atsaka, eto pa,” dagdag ng isang lalaking tila tinedyer din. “Naiwan yan nung mama kanina.”

“N-nakita n’yo si Zack?” Nautal si Alayza nang makabawi sa pagkabigla.

“Zack ba ang pangalan nung mama?” tanong ng lalaki.

“Hindi. Manong Pule ang pakilala niya,” sagot ng babae.

“S-sige, salamat dito, ha?” Pinilit niyang ngumiti atsaka nagdumaling umalis.

Naka-plano ang lahat. Kailan? Sino ang nagsabi kina Papa? Si Ninong Pule?

Sabi ni Mama, isang Isaac Flores daw. Si Zack.

Tumawag na marahil ang lalaki nung unang araw pa lang. Nung tumanggi siyang ipaalam sa mga magulang na magpapakasal sila…

Oh, Zack, anong nangyari sa iyo?

Hindi maganda.

Iyon kaya inaasikaso ng papa niya? Ang patahimikin si Zack?

May humawak sa siko niya. Luminga siya. Mabagal.

“Anak, magpapaliwanag ako.” Ang kanyang mama.

Umiling siya. Dahan-dahan. Parang sasabog ang ulo niya dahil sa dami ng impormasyon at suspetsang namumuo.

“G-gusto kong mapag-isa…”

Bumubuka ang bibig ni Alice Tarrazona ngunit walang salitang maririnig. Parang may umuugong sa magkabilang teynga niya.

Nang magsimulang dumilim ang paningin, umiling si Alayza.

“No…”

Nagkamalay siya sa loob ng sasakyan. Pinapaypayan siya ng ina. Nandoon din si Lucing.

“Inumin mo ito.” Idinikit sa bibig niya ang isang bote ng tubig. “Kailangan mong kumain, anak.”

“G-gusto kong pumunta sa Isla Jamalig…”

“Jamalig? Pero wala na doon si Ate Ditas. Nagbabakasyon siya sa Japan.”

“Mama, tulungan mo ako… Gusto ko sa Isla Jamalig…”

“S-sige, pero hihintayin natin ang papa mo—”

“Ayoko! Ayokong makita si Papa! Oh, hu hu!”

“Alayza!”

“S-sige na po… gusto kong mapag-isa… s-sa Jamalig…”

“B-bweno… sa airport tayo.” Inutusan ng mama niya ang drayber.

Isang maliit na eroplano ang inupahan para maghatid sa kanya sa Isla Jamalig.

Matapos pakinggan ang destinasyon, binalot na ng lamig ang pagkatao ni Alayza. Gising siya ngunit ang kanyang diwa ay nasa nagdaang mga pangyayari.

Binabalik-balikan niya ang bawat tagpo nila ni Zack. Nakapikit siya pero malinaw na nakikita sa balintataw ng isipan.

Parang nakaukit sa utak ang mukha ng lalaki. Ang mahal niyang si Zack!

Oh, Zack, Zack, nasaan ka na? Mahal na mahal kita!

Niyapos niya ang sarili at namaluktot sa kinauupuan.

Sa di-kalayuan, nakatanaw sa paghihirap ni Alayza ang kasambahay na si Lucing. Awang-awa ito sa amo. Unang pag-ibig ngunit malalim agad ang ukit.

Aalagaan kitang mabuti, mam Lay! pangako ni Lucing sa sarili. Sariwang hangin at sariwang pagkain ang naghihintay sa iyo sa Isla Jamalig!

A DANGEROUS GAME CALLED LOVE-15

Leave a Reply

You must be logged in to post a comment.