A Dangerous Game Called Love-3

Walang planong maging personal assistant ng ama si Alayza kaya palagi siyang tumatanggi kapag inaalok.

Ipinagmamalaki niya sa kanyang sarili na umangat siya sa posisyon sa pamamagitan ng pagsisipag at pagtitiyaga — hindi dahil sa anak siya ng may-ari ng kumpanya.

Kaya naman nakuha niya ang buong respeto ng mga empleyado nila.

Kung paanong nagustuhan rin siya ng press people na sumusubaybay sa buhay-buhay ng mga taong rich-and-famous kahit na palaging zero ang kanyang lovelife, naging popular din siya sa lugar ng trabaho.

Ang naging imahe niya ay isang super-confident na babaeng anak-mayaman pero hindi takot magbanat ng mga buto sa pagtatrabaho.

May ilang reporters na nagbansag sa kanyang ‘ice princess’ at ‘super-reserved beauty’. Pero binalewala lahat ni Alayza.

Importante sa kanya ang pader na ipinalibot sa sarili. Ayaw man niyang aminin, nasaktan siya nang husto noong ipinadala sa Isla Jamalig bilang parusa sa pagiging sutil niya.

[Want to read the Start of Stories Online titled – A DANGEROUS GAME CALLED LOVE…? Click Here!]

Bigla niyang natutunan noon na hindi pala seguridad ang sobrang pagmamahal ng mga magulang para hindi siya makaranas ng kabiguan.

Kaya naman magmula nang manggaling sa puwersahang bakasyon sa isla, naging pribado na si Alayza. Hindi siya gaanong malapit at hindi rin gaanong malayo. Palabati siya at palangiti ngunit walang kapalagayang-loob.

Ang tanging nakakausap lamang niya nang malimit ay ang kanyang tsuper at badigard na ninong rin sa binyag.

Alam ni Alayza na malungkot ang pinili niyang maging attitude. Para kasi siyang nagmamaktol sa ginawang pang-aabandona ng mga magulang sa kanya sa isla.

Pero ang isang sarili niya na nag-matured habang nasa Isla Jamalig ay lubos na nakakaintindi naman. Ganito lang siguro ang disadvantage ng pagiging isang only child. Kaya siguro napabarkada siya sa mga spoiled brats din na katulad niya noon.

Tinangka niyang balikan ang dating kabarkada pero tila napakalaki na ng binago ng Isla Jamalig sa kanya. Hindi na niya masakyan ang mga kababawan ng mga dating kababata.

Nitong huli mas gusto niya pa ang magpunta sila ni Ninong Pule sa tabing dagat para panoorin ang paglubog ng araw sa Manila Bay kaysa makipag-jamming sa mga ka-edad magdamagan!

Maging ang mga dating grupu-grupong pakikipag-date noon ay tinigilan na rin niya. Masyado siyang nasubsob sa pagtatrabaho.

Hindi man nagsasalita ang kanyang ama, alam niyang naiinip na ito sa kanya. Na kabaligtaran naman ang kanyang ina.

Alam niyang ikinatutuwa ng kanyang Mama ang kanyang pananatili sa piling ng mga magulang. Karamihan kasi ng mga kabataan ngayon na nakakatikim ng kalayaan sa pagkita ng sariling pera ay nakakaisip na humiwalay sa pugad.

Pero darating din ang araw na magiging independent niya. Ang balak ni Alayza ay magtayo ng sariling negosyo pagdating ng tamang panahon.

Ang tungkol sa lovelife o sa pag-aasawa ay napakalayo pa sa kanyang utak.

Wala siyang kamalay-malay na may itinakdang malupit na biro ang tadhana para subukin pa lalo ang katatagan niya…

Wala ring abug-abog nang matagpuan ni Alayza ang lalaking bibihag sa puso niya – at magpapagulo sa isip niya. Pati na rin sa buong buhay niya.

At ang naging reaksiyon ni Alayza matapos mapagkit ang paningin sa lalaking nakatakdang magbigay ng ng pinakamalaking sa kanya ay ininda na agad ng buong pagkatao. Parang nilindol ang pakiramdam niya kaya marahil nadiskaril ang takbo ng utak…

Dahil may nangyaring aksidente sa kalsada kaya napaiba ang ruta nila isang umaga. Kungsaan-saan na sila lumiku-liko pero pawang mga road repairs ang nakakasalubong.

“Anak ng tinapa naman itong Menila, oo!” Nagbubusa na sa sobrang inis si Ninong Pule.

Ngunit may bumihag na sa buong atensiyon ni Alayza.

Isang lalaking matangkad at may matipunong pangangatawan ang abala sa paghuhukay ng kanal sa gilid ng kalsada. Nakalantad ang kayumangging balat dahil walang suot na pang-itaas. Tagaktak ang pawis mula sa mukha, leeg, malalapad na balikat, at mabalahibong dibdib dahil nagtatrabaho sa ilalim ng mainit na sikat ng araw.

At kahit na saglit lang niya nakita ang mukha ng estranghero, parang naimprenta na ang larawan nito sa puso ni Alayza…

Biyernes ng hapon nang mapaaga sila sa pag-uwi mula sa opisina dahil mayroong malakas na bagyo. Signal number three sa Metro Manila kaya minabuti na ng dalaga na iuwi na lamang sa bahay ang hindi pa natapos na trabaho.

Ngunit habang nakasandal siya at nakapikit, hindi niya mapigil ang mapakunot-noo dahil naaalala ang naging pag-uusap nilang mag-ama kaninang umaga habang nag-a-almusal.

“Anak, paalala lamang ito, ha? Huwag mo sanang masamain. Gusto ko sanang tumanggap ka na ng mga manliligaw dito sa bahay. Para kasing hindi normal ang palagi ka na lang nakasubsob sa trabaho.”

Agad na sumagi sa utak ni Alayza ang larawan ng lalaking nakaukit na siguro sa puso niya.

“Huwag po kayong mag-alala, Papa. Baka malapit nang matupad ang gusto ninyo.”

Kailangan ko lang siyang mahanap muna, bulong ni Alayza sa sarili.

“May napupusuan ka na ba, ha, iha?” Hindi ikinubli ng ama ang pagkasabik.

“Oy, tigilan mo nga ang anak natin. Baka mamaya, bigla na lang magdumali sa pag-aasawa si Alayza, e, napakabata pa niya.” Agad na kumontra ang kanyang ina, sabay kurot sa tagiliran ng asawa.

“Hay, masama bang masabik na makita ang magiging mga apo natin?”

“Hindi masama kung darating sila sa tamang panahon. Pangit kapag inaapura.”

Bumuntonghininga si Alayza habang ibinabaling ang paningin sa labas ng bintana. Kung makikita niya ulit ang lalaking naghuhukay sa kalsada nung isang araw, malamang na dumating na ang tamang panahon para sa kanya.

Ni hindi man lang sumagi sa utak ni Alayza na baka hindi pa tama ang panahon para sa lalaking inibig sa unang pagkakita pa lang…

“Magkakarga lang tayo ng gasolina, Alayza,” pahayag ni Ninong Pule nang matapos iliko ang sasakyan sa isang gasolinahan.

“Sige po – “ Biglang napapatda si Alayza nang makita ang isang lalaking kasalukuyang umiibis mula sa pampasaherong dyip na nasa unahan.

Nakasuot ng unipormeng pang-security guard na pamilyar sa dalaga.

“Ninong, parang katulad ng uniporme ng company guards natin ‘yung suot ng mamang ‘yon.” Kinalabit niya ang ninong at itinuro ang matangkad at matikas na lalaki.

“Aba’y si Zack ‘yan, a?” Agad namang nakilala ng matandang lalaki. “Napalipat siguro sa night duty. Kaya pala hindi ko na siya nakakasabay sa lunch break.”

A DANGEROUS GAME CALLED LOVE-4

Comments are closed.