A Dangerous Game Called Love-5

Halatang napilitan lang nang tumalima si Zack sa utos ni Alayza. Tila sinadyang bilisan ang pagsambit ng mga numero.

Na mabilis namang nai-record ng dalaga. Nag-call agad siya para masigurong tama ang nakuhang numero ni Zack.

“Thank you. Iti-text kita kapag kailangan ko ang kotse.” Hindi niya mapigil ang pabuskang ngiti nang kumuriring ang mobile phone mula sa bulsa ni Zack.

Isang maikling tango ang ginawa ng lalaki bago nagsalita. “May I go now, mam?”

“Alam mo ba kung saan ipina-park ang kotse ko?”

“Yes, mam.” Bumuntonghininga si Zack. Para bang may tinitimping reaksiyon.

“Good.” Alam ni Alayza na nayayamot na ang lalaki pero mas gusto niyang makita ang pagkainis nito kaysa ang sobrang pormal na pakikitungo sa kanya.

[Want to read the Start of Stories Online titled – A DANGEROUS GAME CALLED LOVE…? Click Here!]

Obsessed na ba siya sa lalaking crush niya?

O baka naman simpleng pagnanasa lang?

Paano ba niya masisigurong tunay na pag-ibig na ang nadarama niya?

Si Alayza naman ang napa-buntonghininga nang malalim. Ni minsan, di pa niya naranasan ang umibig. Ang tanging karanasan niya ay ang pagmamahal ng mga magulang sa isa’t isa.

Paano kung may ibang babae nang minamahal si Zack?

Ni sa hinagap, hindi ginusto ni Alayza na maging mang-aagaw. Kapag naging imposible ang sitwasyon nila ni Zack, makakayanan ba niyang layuan ang binata?

A, parang di naman niya kayang magpaubaya!

Isinubsob ni Alayza ang sarili sa pagtatrabaho nang magsimulang sumakit ang ulo dahil sa paglalaban-laban ng kanyang isipan at puso.

Subconsciously, nahuhulaan na ng dalaga na iiral na naman ang pagkarebelde niya kapag hindi napasakanya ang puso ni Zack.

Ang isa pang pinangangambahan ni Alayza – kasabay ng pagbangon ng iwinaksing ugaling spoiled brat ay ang isang masidhing kagustuhan na akitin si Zack.

Nanlamig ang buong katawan ni Alayza dahil lumikot pa nang husto ang imahinasyon. ‘Kailangan ko pa bang maghubad sa harapan mo para mapansin mo, Zack?’ tanong niya sa sarili.

Ang kasagutan sa sikretong tanong ng dalaga ay dumating nang di inaasahan. Nanggaling mismo sa bibig ni Zack…

Isang tanghali na nangailangan ng sasakyan si Alayza dahil may biglaang appointment sa labas, hindi na niya tinawagan si Ninong Pule dahil alam naman niya ang lokasyon ng guard house.

Hindi rin niya nakalimutang nabanggit ni Ninong Pule na palaging kasabay sa lunch si Zack. Kaya naman papabilis ang pagkabog ng dibdib niya habang papalapit sa mababang gusali na nagsisilbi ring opisina at pahingahan ng mga security guards ng kumpanya.

Ilang araw na ang nakalipas mula nang ipinagmaneho siya ni Zack. At sabik na sabik na siyang masilayan ulit ang binatang makisig.

Bahagyang nakaawang ang pinto kaya narinig agad ni Alayza ang malalim na boses ni Zack. Tila musika sa kanyang pandinig ang regional defect, iyong kakaibang pagsambit ng mga salita sa Maynila na hindi pa nagagamayan ng probinsiyanong dila.

“Wala ho akong balak na taluhin si Ma’am Alayza, Manong Pule – kaya wala po kayong dapat ipag-alala.”

Dagling nag-init ang buong katawan ni Alayza.

“Ang ibig mong sabihin, hindi ka mag-i-ilusyon? Hindi ka matutukso man lang?” pamamrangka ni Ninong Pule.

“Malaking gulo po kung magiging mahina po ako, manong. Isang diyosa po sa ganda si mam pero disgrasya naman po ang kapalit kung matutukso ako sa kanya.”

Parang gustong manlupaypay ni Alayza sa agarang pag-ayaw ni Zack sa kanya. ‘Huwag mo akong ilagay sa pedestal! Pareho lang tayong kumakain ng kanin! Pantay lang tayo, Zack!’ protesta ng puso niya.

“Natutuwa ako sa attitude mo, iho,” papuri naman ni Ninong Pule. “Marunong ka mag-prioritize. Alam mo ang lugar mo. Natutuwa si Boss sa mga tauhan na katulad mo, Zack. Mapapagkatiwalaan ka kaya malayo ang mararating mo.”

“Magandang trabaho at mataas na sahod ang mga pinangarap ko nung iwanan ko ang pamilya ko sa probinsiya, manong.”

“May-asawa ka na?”

Huminto ang paghinga ni Alayza habang hinihintay ang isasagot ni Zack.

“Biyuda na po ang ina ko at tatlo kaming magkakapatid. Ako lang po ang inaasahan nila. Wala pa po sa isip ko ang mag-asawa.”

“Napakabait mong anak, iho. Suwerte ang babaeng mapapangasawa mo,” papuri ulit ni Ninong Pule.

‘Gusto kong ako ang babaeng iyon!’ ang pabulong na hiling ni Alayza bago pinuwersa ang mga paa na lumakad palayo.

Litung-lito pa rin siya hanggang sa makauwi sa bahay. Hindi niya alam kung paano aaluin ang sarili sa tinanggap na unang pagkabigo sa pag-ibig.

Nang gabing iyon, dinala niya hanggang sa pagtulog ang hapdi ng pagkabigo.

Nang magising si Alayza, nag-uumapaw na ang paghihimagsik sa kalooban niya. Tulad ng isang maliit na hayop na nasaktan at nasukol sa isang sulok, ang naging likas na reaksiyon niya ay lumaban at gumanti.

At katulad nang kinatatakutan niya, hindi na napigil sa pag-iral ng pagiging spoiled brat. Ngayon lang siya nagkagusto sa isang lalaki. Napaka-unfair naman kung bigo na agad siya!

Namumugto pa rin ang mga mata niya kahit nakapag-shower at nakapagbihis na. Itinago ng ekspertong make-up techniques ang mga eyebags.

“Isa kang Tarrazona, Alayza. Hahayaan mo bang masaktan ka ng isang hamak na security guard lang?” panghahamon niya sa repleksiyon sa salamin.

Deep inside, alam ni Alayza na itinatago lang niya ang hinanakit sa likod ng galit. Alam rin niyang mali ang pag-isipan niya ng masama si Zack. Hindi ganoon ang pagmamahal. Pero wala siyang kontrol sa kanyang damdamin. Kailangan na niyang ituring na kaaway ang tanging lalaking may kakayahang saktan at wasakin siya.

Sa loob ng maraming taong pananahimik, mistulang naging bulkan ang pakiramdam ni Alayza. Hindi na mapigil sa pag-agos palabas ng kumukulong lava.

Isang linggo ang ginugol ni Alayza sa pagpaplano. She has two goals: to kill her feelings for Zack and to hurt him harder than he hurt her.

Bumili siya ng isang mumurahing cellphone at prepaid simcard. Araw-araw siyang nagpadala ng text love messages.

‘Hi Z. Mahimbing ang tulog ko kagabi dahil napanaginipan kita.’

‘Crush na crush talaga kita, Z!’

‘Ang sarap mo sigurong yumakap! Siguradong safe palagi ang feeling!’

‘Kailan ko kaya matitikman ang mga halik mo, Z?’

Nang sumunod na linggo, pinadalhan na rin ni Alayza ng isang bubot na pulang rosas si Zack araw-araw. Walang card. Isang delivery boy ng flower shop na kinontak niya sa internet ang nag-aabot sa binata.

Hindi alam ni Alayza kung naaapektuhan si Zack. Iniwasan na niyang matingnan o masulyapan man lang ang binata kahit na tila palagi itong nakikipagkuwentuhan kay Ninong Pule sa tuwing oras ng pag-uwi niya.

Sa ikatlong linggo, dinagdagan na niya ng mamahaling tsokolate ang daily gifts na pinapadala kay Zack. Sa ikaapat, mga mamahaling gamit na panlalaki – mga damit, sapatos, at pabango.

Sa monthsary ng ‘panliligaw’ niya, isang mamahaling wristwatch ang iniregalo ni Alayza kay Zack.

A DANGEROUS GAME CALLED LOVE-6

Comments are closed.