A Dangerous Game Called Love-6

Hindi likas na mapagtanim ng galit si Alayza kaya inaasahan niyang kusang mabubura ang matinding hinanakit makalipas ang ilang linggo.

Pero dahil sa no-reaction sa pinamamalas ni Zack, parang forest wildfire na lalong naglagablab ang obsesyon ni Alayza. Palagi siyang inspired sa pag-iisip ng mga text love messages. Hindi siya nauubusan ng matatamis na salitang iti-text kay Zack.

Paano’y nagmumula lahat sa kanyang puso. A, ang kawawa niyang puso na patuloy pa rin palang umiibig kahit sugatan na!

Kinabukasan, matapos ang araw ng monthsary, nagpadala ng isang text message si Zack sa prepaid sim ni Alayza.

Abut-abot ang kaba ng dibdib ng dalaga habang nag-iipon ng sapat na lakas ng loob para i-open ang text message.

‘Aaminin ko na nagagalit ako sa mga ginagawa mo. Hindi ko alam kung anong kasalanan ang nagawa ko para bigyan mo ako ng kahihiyan araw-araw… O sobra lang talaga ang kayamanan mo. Wala ka na sigurong paglagyan. Bored ka na at ako ang napili mong pagtripan.’

[Want to read the Start of Stories Online titled – A Dangerous Game Called Love…? Click Here!]

Nabitawan ni Alayza ang cellphone dahil sa sobrang panlalamig ng mga daliri. Ngunit nang mag-vibrate ulit, pasunggab niyang dinampot ang mekanismo.

‘Talaga bang may interes ka sa akin? Talaga bang gusto mo ako? Nagtataka ka siguro dahil nag-text back ako sa iyo ngayon. May problema kasi ako. Pera. Malaking pera ang kailangan ko. Pls reply kung gusto mo malaman ang proposal ko.’

Ang isa pa marahil nagpalala sa sitwasyon ni Alayza ay ang pagbiyahe ng mga magulang. Sumama ang kanyang ina sa taunang pagpunta ng ama sa Amerika. Halos tatlong buwan ang itinatagal ng mag-asawa sa abroad kaya may dalawang buwan pang mag-iisa sa mala-palasyong tahanan ang dalaga.

Tama nga siguro si Zack. Bored nga siguro siya.

Pero walang makakapigil sa kanya na alamin kung ano ang proposal ng lalaki. Nag-text back siya.

‘Ano ang proposal mo?’

‘Magkano mo bibilhin ang isang gabi sa kama ko?’

Napangiwi si Alayza nang mabasa ang magaspang na mensahe. Kataka-taka bang ituring siya ni Zack na isang desperadang bumibili ng atensiyon ng isang lalaki?

Paulit-ulit niya pang binasa ang text bago nakapagdesisyon.

‘Magkano ba ang kailangan mo?’

Naging mabagal ang paglipas ng bawat minuto. Parang isang oras ang ginugol ni Zack bago tumugon, pero halos sampung minuto lang ang nagdaan.

‘Isang milyon sa isang magdamag?’

Isang milyon!

Dagling lumikot ang imahinasyon ni Alayza. Bakit nangangailangan ng isang milyon si Zack?

Baka mayroong maysakit sa pamilya? Baka kailangang magpa-repair ng bahay dahil nasalanta sa bagyo?

O baka gagastusin sa pagpapakasal sa nobyang naiwan sa probinsiya?

Oh, God! Ang sakit naman!

‘Deal. Paano?’

Dalawang kataga lang ang nagawa niyang i-send.

‘Ito ang bank account number ko. I-text mo kapag na-deposit na ang pera. I-text mo rin kung anong oras ka pupunta.’ Ang sumunod na text message ay mga numero, pangalan ng bangko, buong pangalan ni Zack, at isang address sa gawing Pasay.

Pikit-mata, nagdesisyon si Alayza.

‘9 am deposit. 9 pm pasay.’

Hindi nakatulog ang dalaga nang gabing iyon. Halos wala siya sa sarili nang magpahatid sa bangko kinabukasan.

“Ang daming nakapila sa loob ng bangko, Alayza,” obserba ni Ninong Pule. “Ipautos na lang kaya natin sa messenger ang sadya mo dito?”

“Saglit lang po ako, Ninong,” tutol ni Alayza. “Kausap ko na po yung manager.”

“Gan’on ba. Iikot ko na lang ang kotse kaysa maghanap ng parking space.”

“Sige po.” Lihim na nagpasalamat si Alayza nang hindi na siya sinamahan ng ninong.

Walang reaksiyon ang bank manager sa pag-withdraw niya ng isang milyon mula sa personal bank account. Ang banko ni Zack ay nasa kabilang kalsada. Parang naging bakal ang mga paa niya kaya hindi makapagdumali sa paghakbang.

Aywan kung good omen ang traffic na pumigil kay Ninong Pule na makabalik agad sa bangkong pinag-iwanan sa kanya.

“Hay, pasensiya na, iha. May nagbanggaang motorsiklo sa kanto kaya medyo natagalan ako. Kanina ka pa ba?”

“Ten minutes pa lang po, Ninong Pule.” Pagkasakay sa kotse, nag-text siya agad kay Zack.

Sumagot naman ang lalaki.

‘Wait ako sa bahay 9 pm.’

Makalipas ang limang minuto.

‘Salamat.’

Natigilan si Alayza. Parang ngayon lang niya naramdaman ang lihim na desperasyon ni Zack. Tila napakalaki nga ng problema sa pera. Baka nga pantustos sa malalang sakit ng mahal sa buhay ang perang kinailangan ng binata.

Hindi ko alam kung anong kasalanan ang nagawa ko para bigyan mo ako ng kahihiyan araw-araw…

Biglang nakunsensiya si Alayza. Tatlumpung araw na parusa ang iginawad niya sa isang inosenteng tao. Hindi naman siya sinalbahe ni Zack. Tinanggihan lang siya. Kailan naging kasalanan ang pagtanggi?

Kapag isang diyosa sa ganda ang tinanggihan?

O dahil siya si Alayza Tarrazona, ang tanging tagapagmana ng higanteng Tarrazona Computers?

Habang tumatakbo ang mga oras, patuloy na bumibigat ang pakiramdam ni Alayza.

Bago sumapit ang ika-siyam ng gabi, nakapagdesisyon na ang dalaga na hindi niya pupuntahan si Zack. Hindi na niya dadagdagan ang kahihiyang dinanas ng binata sa mga pang-i-stalk niya.

‘9:30 na. Asan ka na?’

Mapait ang ngiti ni Alayza kahit bahagya lang niya naaninag ang text message. “Nasha bahay – hik!” bulong niya bago ibinalik sa tabi ng whisky tumbler ang cellphone.

‘Hihintayin kita hanggang bukas ng umaga.’

Umiling si Alayza. “I’m shorry, mahal ko.”

‘Kapag hindi ka dumating, hindi ko na maibabalik nang buo ang isang milyon mo. May bawas na…’

“It’s okay, my love.” Hindi na napigil ni Alayza ang pag-agos ng luha.

‘Marahil ay barya mo lang ang isang milyon. Pero kulang ang katawan ko para gawing kapalit. Bilang pasalamat, hihintayin kita hanggang sa magkaroon ka na ng panahon sa isang katulad ko.’

“Kumpara sha yo, basura ako,” bulong ni Alayza. Nakahiga na siya sa mahabang sopa habang nakatitig sa cellphone na hawak ng isang kamay. “Wala akong kuwentang tao!”

Hindi pa siya nagpapalit ng damit na pang-opisina. Suot pa rin niya ang business suit na kulay itim. Wala siyang pakialam kahit nagkagusut-gusot na ang blazer at skirt dahil hindi na makagulapay sa sobrang kalasingan. Ang tanging gusto niya ay lunurin sa alak ang konsensiya.

Ang huling naisip ni Alayza bago nakatulog – itatapon na niya ang sim at cellphone na ginamit sa paghihiganti kay Zack.

Pero kinaumagahan, hindi niya maatim na putulin ang tanging kuneksiyon kay Zack. Dahil wala namang bagong message, pinatay na lang niya ang cellphone at itinago sa pinakalikod ng bedside drawer.

A Dangerous Game Called Love-7

Comments are closed.