A Dangerous Game Called Love

Alayza was sexy, rich, and beautiful. Whatever she wanted, she always got – so she expected to get the only man she fell in love with.

But Zack was not rich like her. And he didn’t believe that someone like Alayza would really love him. He ignored her.

So she did the chasing. Si Alayza ang nanghabol, nanligaw, at nanuyo kay Zack.

Hanggang sa madaig ng damdamin ang katinuan… Bumigay si Zack sa puwersa ng atraksiyon para sa dalagang masigasig.

Na ang naging kapalit ay ibayong sakit at disilusyon…

Pinarusahan ni Alayza ang sarili dahil sa napakalaking kasalanang nagawa sa lalaking tanging iibigin habang buhay.

Hanggang sa muling magtagpo ang kanilang mga landas… May pag-asa pa kaya siyang lumigaya?

* * *

Sampung mga katulong sa bahay ang nagtulung-tulong sa pag-iibis ng mga kahon at plastic bags na pawang may mga tatak ng ilan sa mga sikat na department store sa Maynila.

Punumpuno ang loob at compartment ng puting Mercedes Benz na paboritong kotse ni Gomer Tarrazona, ang nangungunang negosyante ng mga piyesa ng computer sa bansa ngayon.

Isang multi-milyonaryo na matapos ang maraming taon ng pagtitiyaga at pag-iipon ng kayamanang tinatamasa ng bagong pamilya.

Dating batang iskuwater na may kakaibang talino sa paglikha ng maliliit at kumplikadong bahagi ng isang buong bagay.

Mapa-laruan o mapa-instumentong de-kuryente. Sa pamamagitan ng pagsisikap, nakatapos ng pag-aaral ang batang Gomer.

Nakapagtrabaho sa iba`t ibang kumpanya para makakalap ng iba`t ibang karanasan.

Hanggang sa makatuklas ng isang modernong pamamaraan sa maramihang produksiyon ng isa sa mga importanteng parte ng karamihan sa mga electronic devices.

Parang hinihipang lobo ang pagyaman ng binatang negosyante.

Kaya nga nagpasiya na si Gomer na mag-asawa na at magpamilya.

Pinakasalan ang sariling sekretarya na si Alice Dillon.

Makalipas ang maikling panahon, isinilang ang una at huling anak na babae.

Nagkaroon kasi ng kumplikasyon ang pagbubuntis ng asawa kaya hanggang isa lamang ang maaaring maging supling.

Hindi inalintana ni Gomer Tarrazona na walang magpapatuloy ng lahi ng sariling apelyido.

Singlaki ng pagmamahal sa asawa ang naramdaman agad sa anak, sa una pa lamang pagkikita.

Kamukhang-kamukha ng pinakamamahal na Alice ang batang si Alayza. Napakadaling palakihin sa layaw ang malambing at karinyosang anak.

Hindi na kailangang manghingi para sumpungin nang pagkaheneroso ang lokal na business tycoon ng computer parts.

Sumalubong si Alice sa asawang hindi mangkandaugaga sa pagbibitbit ng mga pinamili para sa kaarawan ng anak.

“Ano na naman ba ‘yan, Gomer?” Pagalit sana ang katanungang iyon pero hindi mapigilan ng babae ang mapangiti sa may pagka-komikong hitsura ng asawang nakasuot pa ng itim na business suit.

Hindi bagay ang nakasabit na timbulang kulay pula at hula-hoop na kulay dilaw sa braso nitong nakasuot pa sa itimang blazer.

“Hay naku, masyado kang mapagpasunod na ama. Masama ‘yan. Huwag mong sobrahan ang pagmamahal sa anak natin. Isa lang siya at napakadaling ma-spoiled. Baka lumaki siyang may sungay sa ulo, sige ka.”

“Killjoy ka talaga, Alice,” tudyo ni Gomer habang hinahagkan ang pisngi ng asawa. “Hindi mangyayari ‘yon dahil magmamana siya sa ‘yo na mabait at maunawain.”

Pero mali ang naging prediksiyon ni Gomer…

“Basta! Basta! Basta! Gusto ko ng red car sa birthday ko!” hiyaw ng dalagitang nagdadabog na lumabas ng kumedor.

Pabagsak na isinara ang solidong pinto kaya dumagundong na parang kulog ang pagsasalubong ng kahoy sa kahoy.

Nagkatinginan sina Gomer at Alice. Nang-uusig ang sa babae at may pagsisisi naman ang sa lalaki.

Maya-maya’y napabuntong-hininga na lamang ang lalaki.

“I’m sorry, Alice. Really sorry.”

Bumuntong-hininga na rin lang ang babae.

“Nandiyan na ang kinatatakutan ko, Gomer. Kung bibigyan natin ng kotse ang anak mo, kahit na menor de edad pa siya, tiyak na magsasawa agad siya. Ano naman ang kasunod na hihingin niya? Sportscar? Motorsiklo? Siyempre, mas mabilis ang pipiliin niya. O kaya’y eroplano siguro?”

“Alice, please.” Isinuklay ni Gomer ang mahahabang daliri sa maikli at alun-along buhok.

Namumula ang mga punong-teynga habang pinakikinggan ang pagsesermon ng asawa. Si Alice lang ang puwedeng gumawa nang gayon sa presidente ng Tarrazona Enterprises, Ltd.

“Huwag mo akong sumbatan nang tungkol sa pagmamahal ko sa anak natin. Masakit sa loob ko ang nangyayari. Pero ayaw kong maniwala na ako lang ang dahilan nang ipinagkakagayon ni Alayza. Surely, isa na ang kapaligiran niya, hindi ba?”

Napailing-iling na lamang si Alice. May punto doon si Gomer. Hindi nga maganda ang barkadang kasa-kasama ng anak nilang teenager sa kasalukuyan.

“Maaaring tama ka nga,” wika nito, halatang hindi agad-agad sasang-ayon sa ideya ng asawa — sa hindi na mabilang na pagkakataon kapag ang tungkol sa anak na ang pinag-uusapan!

Pinilit palisin ni Alice ang sarkasmo sa tinig sa nakikitang paghihirap ng kalooban ng asawa.

“O, siya, hindi na natin uulit-ulitin ang nakaraan. Ano ba ang magandang solusyon? Hindi maaaring magpatuloy ang pagtigas ng ulo ng anak natin.”

Matagal na nag-isip ang lalaki. Nakalimutan na ang masarap na hapunang inihanda ng asawa para sa bisperas ng kaarawan ni Alayza. Disisais anyos na ang anak nila!

Nasaan na ang pangkaraniwang larawan ng pagka-inosente ng babaeng tutungtong sa ganitong gulang? tanong ni Gomer sa sarili habang naglalaro sa diwa ang sopistikadang anyo ng anak.

Marunong na agad ng pagme-make-up! Nakakahinga pa siya nang maluwang dahil wala pang lumilitaw sa mga report ng bodyguard ni Alayza na mayroon na itong boyfriend.

Pero ngayong nalaman na niya ang ibig hingin ng dalagita — mas gusto na siguro niyang magka-nobyo na lang ito!

“May naiisip ako,” umpisa ni Gomer matapos kitilin ang umuusbong na isipin tungkol sa nalalapit na panahong mag-aasawa na ang kanyang ‘little princess’.

“Ano kaya kung pagbakasyunin natin siya kay Ate Ditas?”

Bahagyang nanlaki ang mga mata ni Alice.

“Sa Jamalig? Ayaw ni Alayza ang islang iyon. Hindi ba’t halos mag-histerikal na siya nung isang taon para lang iuwi natin siya agad?”

Lumuwang ang ngiti sa labi ni Gomer. Tumangu-tango na para bang ikinatutuwa pa ang huling tinuran ng asawa.

“So much the better, hindi ba? Iyon ang magiging punishment niya. Ano sa palagay mo?”

Kinagat ni Alice ang ibabang labi. Masakit sa loob ang mapawalay sa kaisa-isang anak ngunit sa pagkakataong ito, kailangang gupitan nang kaunti ang mga pakpak ng impertinensiya.

“Sang-ayon ako sa anumang makabubuti kay Alayza,” tugon ni Alice sa mahinang tinig. Hindi makontrol ang kalungkutang pumupuno sa kalooban.

Makaraan ang ilang linggo…

Nanginginig ang ibabang labi ni Alayza, pati na ang determinadong hugis ng bilugang baba.

Ang mga matang may pagkasingkit ay nangingilid na sa luha ngunit kinokontrol lang ng mura pa pero may katatagan nang kalooban.

“C’mon, sweetheart,” yaya ng kanyang ama.

Nakababa na ito sa bangkang de-motor na naghatid sa kanila sa huling destinasyon.

Laban sa kalooban niya ang itungtong na muli ang mga paa sa puting buhangin ng kinasusuklamang isla, ang Isla Jamalig.

Alam ng kanyang ama ang nasa isip at damdamin niya pero — sa unang pagkakataon — hindi siya pinagbigyan sa kagustuhan niya.

“Papa?” May pagsusumamo na sa tinig niya.

“I promise I won’t ask for a car anymore. Take me home, please. I’ve learned my lesson now,” hikbi pa niya.

Umiling lamang si Gomer. “What are you talking about? Of course, we’d like to give you your car, but you have to stay a while with your aunt. Okey?”

“But, why?” bulalas ni Alayza.

Muntik na niyang makalimutan ang script na kanina pa niya binubuo sa loob ng isipan.

Hindi agad nakapagsalita ang ama. Tila nag-isip muna nang itutugon sa kanya.

“Er, kailangan kong dalhin sa States ang Mama mo. She’s been asking for a vacation many times in the past.”

“Puwede naman akong maiwan kina Yaya, ah?” katwiran niya.

Medyo nawawala na ang panginginig sa kanyang tinig habang nakakaramdam ng pagkalito sa ama.

“Uh, of course, pero hiniling ni Ate Ditas na dumito ka na lang muna sa kanya. Huwag nating biguin ang kapatid ng Mama mo, okey? There’s my good girl.”

Tinapik-tapik siya ng ama sa isang balikat bago siya biglang pinangko para maibaba na mula sa bangka.

Napakurap-kurap si Alayza habang nakatitig sa mukha ng ama. Ngayon lang niya nakita ito bilang isang lalaki.

The wretched opposite sex! wika nga ng mga kabarkada niya na mga bagong miyembro sa Young Women’s Lib.

Saglit niyang nakalimutan ang sariling problema habang sinusundan ng nanlalaking mga mata ang malinis na hugis ng matatag na panga at haba ng ama.

Pati ang malalim na mga mata nitong palaging may kislap ng pagmamahal-ama para sa kanya. Siya ang munting prinsesa sa buhay ni Gomer Tarrazonna —

Naudlot ng isang suspetsa ang masayang isipin na iyon.

Paano kung second honeymoon pala ang biyahe ng mga magulang sa States?

Kung anak na lalaki ang magiging resulta, iyon ay magiging ang munting prinsipe — pero kung babae rin… baka hindi na siya mahalin ng kanyang ama.

A, hindi siya papayag!

Ngunit paano niya mapapanatili ang atensiyon ng kanyang mga magulang gayong nagiging salbahe na siya?

Kaya pumayag na rin siyang maiwan sa Isla Jamalig, sa piling ng napakasungit na tiyahin sa loob ng dalawang buwan.

Naging pagsubok ang makisama sa matandang dalagang ubod ng sungit at istrikta. Bukod pa sa nakababagot na buhay sa isla.

Kaya marahil maraming nagbago sa kanyang sarili. Naging tahimik siya at naging mapag-isa.

Minsan na lamang siya nakikisama sa mga kaibigan.

Hanggang sa makarating at makatapos na siya sa kolehiyo. Kumuha siya ng business management dahil iyon ang gusto ng ama.

Planado nang lahat ang mga mangyayari sa kanyang pang-araw-araw na buhay.

Hatid-sundo siya ng kotseng personal na gamit ng bodyguard at driver niya ang pinakamatagal na empleyado ng kanyang ama, si Ninong Pule.

Kababata at kaibigang matalik ni Gomer kaya kamag-anak na ang turing nila sa matandang lalaki.

Bahay at opisina lang ang ruta niya hanggang sa maglingkod na sa kumpanya ng ama.

Tumatanggap siya ng mga manliligaw pero wala siyang sinasamahan nang nag-iisa lamang siya. Grupo palagi kung lumabas siya.

“Baka naman kung napap’ano na ang anak nating dalaga.” Nag-aalala na si Gomer.

Naulinigan ni Alayza ang pag-uusap ng mga magulang sa hardin na katapat ng kanyang balkonahe.

“Ni hindi ko nakitang nakipag-date nang nag-iisa. Palaging nakiki-grupo. Wala pa ring nobyo. Hindi kaya…”

“Sus! Ikaw ang taong masyadong maraming iniisip!” bulalas ng kanyang ina.

“Ang bata-bata pa ni Alayza para hanapan mo ng mga nobyo-nobyo. At saka ano naman ang ibig mong sabihin diyan sa pambibitin mo?”

“Tsk! Alice, Alice… Masama ba kung masabik ako sa mga apo ko. Tumatanda na ako, gusto ko na namang makirinig ng mga hagikhik ng bata. Ang ipinagtataka ko lang ay kung bakit wala pang napupusuan ang ating anak. Hindi naman sa itinutulak ko siya sa pag-aasawa, ano?”

Narinig niyang umaray nang umaray ang ama kaya nahulaan niyang kinukurot na naman sa tagiliran ito ng kanyang ina.

“E, ano pa ang ibig sabihin ng mga apo-apo na pinagsasasabi mo?” usig ng napipikon nang si Alice.

Napailing-iling na lamang si Alayza.

A, nakakapanaghili ang magandang pagtitinginan ng mga magulang.

Kahit na sala-salabat na ang mga pilegis sa mukha ng kanyang ina, nandoon pa rin ang init ng pag-ibig sa mga mata ng kanyang ama sa tuwing magkakatinginan ang dalawa.

Gusto niya nang ganitong klaseng relasyon kung magkakaasawa siya.

Kung…

Para bang wala siyang kabalak-balak. Napangiti siya nang mapakla sa nakikini-kinitang reaksiyon ng ama.

Mauunsyami ang maraming pangarap nito tungkol sa ‘mga’ apo na ibibigay niya.

Muli siyang napailing-iling at napabuntong-hininga. Siya man ay nababagot na rin sa kanyang sarili.

Kailan kaya siya matututong umibig? Gusto na rin niyang maranasan kung paano ang ibigin ng isang tao.

Kapag nakakita siya ng lalaking makakapagpatibok sa kanyang pusong nananahimik — at saka lamang siya mag-aasawa, pangako niya sa sarili.

You bet, I’ll fight for him! dagdag pa ni Alayza.

Tumaas ang posisyon niya nang unti-unti pero tuloy-tuloy naman.

Nagsimula siya bilang typist sa typing pool.

Pagkatapos, naging sekretarya siya ng mga executive sa iba-ibang department hanggang sa maging personal assistant siya ng mga senior executives na sumusunod sa ranggo ng kanyang ama.

Walang planong maging personal assistant ng ama si Alayza kaya palagi siyang tumatanggi kapag inaalok.

Ipinagmamalaki niya sa kanyang sarili na umangat siya sa posisyon sa pamamagitan ng pagsisipag at pagtitiyaga — hindi dahil sa anak siya ng may-ari ng kumpanya.

Kaya naman nakuha niya ang buong respeto ng mga empleyado nila.

Kung paanong nagustuhan rin siya ng press people na sumusubaybay sa buhay-buhay ng mga taong rich-and-famous kahit na palaging zero ang kanyang lovelife, naging popular din siya sa lugar ng trabaho.

Ang naging imahe niya ay isang super-confident na babaeng anak-mayaman pero hindi takot magbanat ng mga buto sa pagtatrabaho.

May ilang reporters na nagbansag sa kanyang ‘ice princess’ at ‘super-reserved beauty’. Pero binalewala lahat ni Alayza.

Importante sa kanya ang pader na ipinalibot sa sarili. Ayaw man niyang aminin, nasaktan siya nang husto noong ipinadala sa Isla Jamalig bilang parusa sa pagiging sutil niya.

Bigla niyang natutunan noon na hindi pala seguridad ang sobrang pagmamahal ng mga magulang para hindi siya makaranas ng kabiguan.

Kaya naman magmula nang manggaling sa puwersahang bakasyon sa isla, naging pribado na si Alayza. Hindi siya gaanong malapit at hindi rin gaanong malayo. Palabati siya at palangiti ngunit walang kapalagayang-loob.

Ang tanging nakakausap lamang niya nang malimit ay ang kanyang tsuper at badigard na ninong rin sa binyag.

Alam ni Alayza na malungkot ang pinili niyang maging attitude. Para kasi siyang nagmamaktol sa ginawang pang-aabandona ng mga magulang sa kanya sa isla.

Pero ang isang sarili niya na nag-matured habang nasa Isla Jamalig ay lubos na nakakaintindi naman. Ganito lang siguro ang disadvantage ng pagiging isang only child. Kaya siguro napabarkada siya sa mga spoiled brats din na katulad niya noon.

Tinangka niyang balikan ang dating kabarkada pero tila napakalaki na ng binago ng Isla Jamalig sa kanya. Hindi na niya masakyan ang mga kababawan ng mga dating kababata.

Nitong huli mas gusto niya pa ang magpunta sila ni Ninong Pule sa tabing dagat para panoorin ang paglubog ng araw sa Manila Bay kaysa makipag-jamming sa mga ka-edad magdamagan!

Maging ang mga dating grupu-grupong pakikipag-date noon ay tinigilan na rin niya. Masyado siyang nasubsob sa pagtatrabaho.

Hindi man nagsasalita ang kanyang ama, alam niyang naiinip na ito sa kanya. Na kabaligtaran naman ang kanyang ina.

Alam niyang ikinatutuwa ng kanyang Mama ang kanyang pananatili sa piling ng mga magulang. Karamihan kasi ng mga kabataan ngayon na nakakatikim ng kalayaan sa pagkita ng sariling pera ay nakakaisip na humiwalay sa pugad.

Pero darating din ang araw na magiging independent niya. Ang balak ni Alayza ay magtayo ng sariling negosyo pagdating ng tamang panahon.

Ang tungkol sa lovelife o sa pag-aasawa ay napakalayo pa sa kanyang utak.

Wala siyang kamalay-malay na may itinakdang malupit na biro ang tadhana para subukin pa lalo ang katatagan niya…

Wala ring abug-abog nang matagpuan ni Alayza ang lalaking bibihag sa puso niya – at magpapagulo sa isip niya. Pati na rin sa buong buhay niya.

At ang naging reaksiyon ni Alayza matapos mapagkit ang paningin sa lalaking nakatakdang magbigay ng ng pinakamalaking sa kanya ay ininda na agad ng buong pagkatao. Parang nilindol ang pakiramdam niya kaya marahil nadiskaril ang takbo ng utak…

Dahil may nangyaring aksidente sa kalsada kaya napaiba ang ruta nila isang umaga. Kungsaan-saan na sila lumiku-liko pero pawang mga road repairs ang nakakasalubong.

“Anak ng tinapa naman itong Menila, oo!” Nagbubusa na sa sobrang inis si Ninong Pule.

Ngunit may bumihag na sa buong atensiyon ni Alayza.

Isang lalaking matangkad at may matipunong pangangatawan ang abala sa paghuhukay ng kanal sa gilid ng kalsada. Nakalantad ang kayumangging balat dahil walang suot na pang-itaas. Tagaktak ang pawis mula sa mukha, leeg, malalapad na balikat, at mabalahibong dibdib dahil nagtatrabaho sa ilalim ng mainit na sikat ng araw.

At kahit na saglit lang niya nakita ang mukha ng estranghero, parang naimprenta na ang larawan nito sa puso ni Alayza…

Biyernes ng hapon nang mapaaga sila sa pag-uwi mula sa opisina dahil mayroong malakas na bagyo. Signal number three sa Metro Manila kaya minabuti na ng dalaga na iuwi na lamang sa bahay ang hindi pa natapos na trabaho.

Ngunit habang nakasandal siya at nakapikit, hindi niya mapigil ang mapakunot-noo dahil naaalala ang naging pag-uusap nilang mag-ama kaninang umaga habang nag-a-almusal.

“Anak, paalala lamang ito, ha? Huwag mo sanang masamain. Gusto ko sanang tumanggap ka na ng mga manliligaw dito sa bahay. Para kasing hindi normal ang palagi ka na lang nakasubsob sa trabaho.”

Agad na sumagi sa utak ni Alayza ang larawan ng lalaking nakaukit na siguro sa puso niya.

“Huwag po kayong mag-alala, Papa. Baka malapit nang matupad ang gusto ninyo.”

Kailangan ko lang siyang mahanap muna, bulong ni Alayza sa sarili.

“May napupusuan ka na ba, ha, iha?” Hindi ikinubli ng ama ang pagkasabik.

“Oy, tigilan mo nga ang anak natin. Baka mamaya, bigla na lang magdumali sa pag-aasawa si Alayza, e, napakabata pa niya.” Agad na kumontra ang kanyang ina, sabay kurot sa tagiliran ng asawa.

“Hay, masama bang masabik na makita ang magiging mga apo natin?”

“Hindi masama kung darating sila sa tamang panahon. Pangit kapag inaapura.”

Bumuntonghininga si Alayza habang ibinabaling ang paningin sa labas ng bintana. Kung makikita niya ulit ang lalaking naghuhukay sa kalsada nung isang araw, malamang na dumating na ang tamang panahon para sa kanya.

Ni hindi man lang sumagi sa utak ni Alayza na baka hindi pa tama ang panahon para sa lalaking inibig sa unang pagkakita pa lang…

“Magkakarga lang tayo ng gasolina, Alayza,” pahayag ni Ninong Pule nang matapos iliko ang sasakyan sa isang gasolinahan.

“Sige po – “ Biglang napapatda si Alayza nang makita ang isang lalaking kasalukuyang umiibis mula sa pampasaherong dyip na nasa unahan.

Nakasuot ng unipormeng pang-security guard na pamilyar sa dalaga.

“Ninong, parang katulad ng uniporme ng company guards natin ‘yung suot ng mamang ‘yon.” Kinalabit niya ang ninong at itinuro ang matangkad at matikas na lalaki.

“Aba’y si Zack ‘yan, a?” Agad namang nakilala ng matandang lalaki. “Napalipat siguro sa night duty. Kaya pala hindi ko na siya nakakasabay sa lunch break.”

Click here to READ MORE

Comments are closed.