A Magnetic Attraction

Xander hated Cassie even before he saw her. She was a femme fatale and a marriage wrecker.

But when they met face to face, everything exploded to his face. He desired her. He wanted her.

And he got her. He blackmailed her but he knew it was nothing. What did she want?

Cassie had a secret to keep. She was slippery to men but Xander was extraordinary. She was putty to his brand of charisma.

One was seeking revenge. One was hiding a secret. Both desired one another. Would they find love?

PROLOGO:

“BASTA magtiis-tiis ka pa nang kaunti, Cassie. Naghihintay lang ako ng magandang tiyempo kung paano ko sasabihin kay Elizabeth.”

“Bakit kailangan mo pang maghintay ng magandang tiyempo? Kahit naman paano mo sabihin, magigimbal pa rin ang asawa mo kapag nalaman ang tungkol sa akin.”

“Hindi ko maaaring biglain ang asawa ko. Nung isang taon lang namatay ang aming anak… Kaya intindihin mo na lang muna ang sitwasyon, ha?”

“Oh, I’m sorry! Nawala sa isip ko. I’m sorry talaga, Da–er, Jose pala.”
“It’s okay. Napakasuwerte ko dahil napaka-understanding mo, Cassie.”

“Wala naman akong choice kundi ang maging understanding.”

“Oh, well, as I was saying–sandaling panahon na lang siguro ang ipagtitiis mo. Tiyak na masasabi ko na kay Elizabeth ang tungkol sa ating dalawa.”

“Sana nga–pero ‘wag mo naman siyang madaliin. Nabigla lang ako kanina. Natataranta lang ako dahil baka may ibang tao nang nakakahalata sa relasyon nating dalawa. Naisip ko lang na mas maigi siguro kung sa bibig mo na mismo marinig ng asawa mo ang tutoo.”

“I agree with you, Cassie. Hindi mo lang alam kung gaano kahirap ang sitwasyon ko. Napakahirap palang magtago ng lihim na relasyon! Ayokong masaktan si Elizabeth pero…”

“K-kawawa ka naman… Jose… Ang mabuti pa siguro’y lumayo na lang ako para hindi na ako makagulo sa buhay n’yong mag-asawa.”

“No! Hindi mo gagawin ‘yan. Baka hindi ko na makaya ang sakit. Ipangako mo sa aking hindi ka mawawala at malalayo sa piling ko, Cassie!”

“A-ano kaya kung ‘wag mo na lang sabihin sa kanya? Ilihim na lang natin habang panahon–”

“Hindi puwede, Cassie! Hindi puwedeng itago ko ang pagmamahal ko sa ‘yo habambuhay! Kailangang malaman ni Elizabeth–at kailangang tanggapin niya ang katotohanan tungkol sa ating dalawa!”

“Oh, please calm down! Ikaw na nga ang bahala.”

“I’m sorry I annoyed you, my dear Cassie. Pasensiya ka na sa matandang hukluban na ito.”

“Hindi ka pa matandang hukluban! You’re still on your prime.”

“Sometimes I feel so old and weak, Cassie.”

“Natural lang ang maging depressed ka paminsan-minsan. Ipinagluluksa mo pa ang iyong anak.”

“You’re right. Kaya nga ang suwerte-suwerte ko dahil dumating ka sa buhay ko, Cassie. You brought joy to my sad life. That’s why I love you so much.”

“I love you, too.”

Isang mahabang hintuturo ang padaskol at mariing pumindot sa ‘stop’ button kaya huminto sa pag-ikot ang naka-‘play’ na casette tape. Tumigil rin ang pag-uusap ng dalawang tinig.

“Mga taksil!” angil ni Xander. Nagliliyab ang poot sa matigas na tinig. “Magbabayad ka, kung sino ka mang Cassie ka! Hindi ko papayagang mawasak ng isang mababang uring babae ang twenty-five-year-old marriage ng parents ko!”

CHAPTER ONE:

“SHE’S the woman in a blue gown, sir.”

Agad na nag-apuhap sa gitna ng maraming tao ang mga mata ni Xander. Hindi isa lang ang babaeng nakasuot ng damit na kulay asul.

Ngunit iisa lang ang babaeng may mapanuksong kariktan. Kapansin-pansin ang aura ng mapanghigop na sensuwalismo.

Ang bestidong panggabi na may deep v-neckline, spaghetti straps at mid-thigh skirt ay mistulang ikalawang balat na dahil hakab na hakab sa katawang hubog hourglass.

Mayaman ang umbok ng dibdib. Maliit ang beywang. Bilog ang balakang. Mahahaba ang mga hita. Delikante ang hugis ng mga binti.

At nakalantad ang isang misteryosang cleavage. Sa sobrang lalim, mae-engganyo ang sinumang lalaki na magpatihulog at magpakahibang…

Poor Dad, he had no chance with this sex bomb of a woman, bulong ni Xander sa sarili.

Aminado siyang kaya lang nakapanlaban sa mapanuksong kariktan ng babae ay dahil alam niya ang tunay na kulay ni Cassie–isang babaeng walang prinsipyo. Isang babaeng marriage wrecker!

“Tell me everything you know about her,” utos ni Xander sa kausap. Nakapagkit pa rin ang paningin sa katuksu-tuksong kabuuan ng babaeng kinamumuhian.

Hinayaan niyang mahati ang pagkatao. Ang isa ay namumuhi habang ang isa ay nagnanasa. Dahil natural lang na mapukaw ang pagnanasa ng pagkalalaki.

Ekstra-ordinaryo ang kagandahan ni Cassie. Napaka-sensuwal. Hindi pangkaraniwan. Isang perpektong sexual toy. Tiyak na napakasarap na maging bedmate…

Nang mamalayang humahabi na ng mga pantasya ang imahinasyon, biglang nagpreno si Xander. Hindi siya dapat magpatangay nang husto. Hindi niya dapat kalimutang kerida ng kanyang Dad ang babaeng pinag-uukulan ng pagnanasa.

Itinutok naman niya ang isipan sa pakikinig sa report ng katabi. Awtomatikong iniipon at itinatago sa loob ng memory bank ang lahat ng mga impormasyon tungkol kay Cassie Torres, beinte sais anyos, tourism graduate, personal assistant ng isang travel company, single at always available.

“Paano mo nalamang available pa siya?” sabad ni Xander.

Tumawa ang tinanong, sabay iniangat ang whisky tumbler. “Can we have another round of drink, sir?” ang nakangising hiling. Sinasamantala ang interes niya sa babaeng pinag-uusapan.

“Sure.” Ikinubli ni Xander ang pagkayamot dahil pabor sa kanya ang malasing ang inpormante para lalupang dumulas ang dila. Kinambatan niya ang isang waiter.

“Ano’ng order n’yo, sir?” ang episyenteng tanong ng unipormadong tauhan ng five-star hotel, na kasalukuyang pinaggaganapan ng isang victory party ng katatapos na elite fashion show.

“A half bottle of whisky.” Walang gatol ang tugon ni Xander kahit siguradong triple pa ang presyo ng alak para sa gabing iyon.

“Wow! Galante ka pala, ha? Gusto kita, sir. Saludo ako sa ‘yo.” Idinikit nito sa gilid ng noo ang baso.

“Marami pa ang darating na biyaya kung magiging honest ka sa akin,” pangako ni Xander, sa tonong nagbababala. “Gusto kong sabihin mo sa akin ang lahat ng mga nalalaman mo tungkol kay Cassie Torres.”

Tumawa na parang nakakaloko ang kaharap. “Lahat? Sigurado ka, sir? That woman has a sizzling private life.”

Agad na naningkit ang mga mata ni Xander. “Talaga? Gaano naman ba ka-sizzling?”

Hindi agad tumugon ang tinanong dahil dumating ang waiter na may dala sa kalahating bote ng mamahaling whisky. Sabik nitong pinanood ang pagsasalin ng alak sa baso.

Lihim na natuwa si Xander sa napunang kahayukan ng kausap sa alkohol. Natuklasan na niya ang kahinaan nito.

Kabisado na niya ang mga patakaran sa sari-saring laro sa mundong ginagalawan. Lahat ng bagay o pabor na kailangan ay hindi ibinibigay ng walang kapalit.

Kabisado na rin niya kung paano manalo sa mga ‘kalaro’. Ibigay lang ang lahat ng hilig, pasakayin lang ng pasakayin ang kalaban–at kapag kumagat na sa pain ay saka lang susunggaban sa leeg.

Ganito ang balak niyang gawin kay Cassie Torres…

“Anu-ano ba’ng gusto mong malaman tungkol sa aming Ice Princess?”

“P’ano siya naging Ice Princess? Ang sabi mo’y sizzling ang private life niya?” Gustong sipain ni Xander ang sarili dahil nawalan na naman ng kontrol sa kuryosidad.

Control yourself, man.

“Hey, isa-isa lang, okey?” Lumilitaw na ang pagiging mayabang dahil lalong nalalasing. “Ibang klase ‘yang si Cassie Torres. Napakabilis ng pag-asenso n’yan sa kumpanya namin. Anim na buwan lang naging junior tourist guide–tapos, biglang na-promote sa pagka-assistant ng boss namin. Tiyak na hanep sa kama ‘yan!”

“Ang ibig mo bang sabihin, may relasyon sila ni Mr. Montes?” Banayad at mahinahon na ang tono ni Xander.

“Sikreto ang tungkol d’yan pero hindi nila ako mapapagtaguan.”

“Ano’ng pruweba mo?”

“Magmula nang maging assistant, nakabili agad ng bahay at lupa sa isang class subdivision at isang brand-new car si Miss Torres. Saan kukuha ng pera ang isang ‘yon kundi sa isang mayamang sugar daddy?”

“Malay mo, tumama sa lotto si Miss Torres?”

Humalakhak nang patuya ang kaharap. “May reputasyon nang malikot at mahilig ang aming si Miss Torres bago pa man na-igarahe ng big boss namin. Sumasama ‘yan sa mga mayayamang turista kahit na saan.”

“Sigurado ka ba d’yan?”

“Ako mismo ang nakakita sa kanya sa loob mismo ng hotel room ng isang Amerikanong turista noon. Inatake sa puso ang kawawang matanda nang matikman ang galing sa kama ni Cassie,” ang nagmamalaking tugon.

“Na-caught in the act mo ba sila sa kama?” Aywan kung bakit may mga kalamnan si Xander na nag-iigtingan.

Bahagyang namilipit ang tinanong. Tinungga ang natitirang alak sa baso para makabawi bago tumugon.

“Ang sabi ni Cassie, nilansi lang daw siya ng turista kaya napapayag na pumasok sa hotelroom. Umarteng nahihilo para tulungan niya, tapos bigla siyang sinunggaban nang nasa loob na. He! he! Kundi ko pa alam, binago niya ang kuwento para hindi mapagalitan ng big boss namin–at para makuha ang simpatiya ni Sir Jose.”

“Nakuha ba naman ni Cassie ang simpatiya ni Da–Mr. Montes?” Ang mga bagang naman ni Xander ang nagtatagisan ng lakas.

“Aba, oo. Ora mismo nga, naging personal assistant na niya si Miss Torres, e.”

“Gaano katagal na silang may relasyon?”

“May anim na buwan na.”

May anim na buwan na ring nagpapahayag ng mga pagdududa ang kanyang Mommy. Naalala niya ang ilang masinsinang pag-uusap nila ng ina…

“Xander, hindi ko na maintindihan ang Daddy mo. Marami nang nagbago sa kanya.”

“Katulad ng ano, Mom?” Magmula nang mamatay ang bunsong kapatid, palagi nang binibigyan ng atensiyon ang magulang. Inilalaan niya ang isang oras ng bawat araw para makausap si Elizabeth Montes, kahit saan mang panig ng mundo siya naruruon.

Nasa travel business rin si Xander pero mas extensive at mas kumplikado kaysa sa negosyo ng Daddy niya. Pag-aari ng travelling company niya ang isa sa mga luxury cruise ship sa buong mundo.

“Parang may inililihim siya sa akin. Palaging malalim ang kanyang iniisip. ‘Pag itinatanong ko naman kung anong problema niya, wala daw.”

“Baka naman wala nga, Mom?”

“Meron,” giit ni Elizabeth mula sa kabilang kawad. “Nararamdaman kong–may ibang babaeng involved…”

Biglang napahinto sa tuluy-tuloy na pagpirma ni Xander sa mga papeles na ipinasok ng sekretarya bago kumuriring ang telepono.

“May ibang babae si Dad?” Nagulat siya. Singkuwenta y singko anyos na si Jose Montes, na tila biglang nadagdagan ng dalawampung taon dahil nagdalamhati sa biglaan ring pagkamatay ni Joseito.

“Sigurado ako, Xander. B-bihira na niya akong yayaing lumabas. Hindi na siya nakikipagkuwentuhan sa akin…”

“Hindi na siya umuuwi sa bahay n’yo?”

“Umuuwi–kaya lang palaging gabi na.”

“Baka naman, abalang-abala lang sa negosyo, Mom?”

“Abala?!” Nagkaroon ng panunuya sa tinig ng ina. “Abala sa pagwawaldas kamo! Nasimot ang laman ng personal bank account niya sa loob lang ng isang buwan!”

“Kailan nangyari ‘yan, Mom?” Tuluyan nang binitawan ni Xander ang hawak na gold-plated signpen. Isang seryosong problema na ang naririnig niya.

“About six months ago.” Tuluyan nang napahikbi si Elizabeth Montes. “Oh, anak! Hindi ko yata makakayang mawawala rin sa akin si Jose. Isang taon pa lang nung mamatay si Joselito! Nawalan na ako ng isang anak, mawawalan pa rin ba ako ng asawa? Xander, please, help me! Hu! hu! hu!”

“Mom, stop crying. Makakasama lang sa ‘yo ang pag-iyak. Ang mabuti pa’y mag-impake ka para sa inyong dalawa.” Mabilis na gumawa ng desisyon si Xander. Ang maliksi at matalas na utak niya ang nagpalago sa kanyang negosyo.

“B-bakit?”

“Sasakay kayo sa aking cruise ship. Mananatili kayo d’on ni Dad hanggang hindi nawawala ang inyong problema.”

“P’ano kung hindi na mawala? P’ano kung hindi na niya magawang kalimutan ang babaeng ‘yon? Tiyak na bata at maganda ang kerida ni Jose. Imposibleng kumuha siya ng babaeng kaedad ko lang, hindi ba?”

“Don’t worry, Mom, aalamin ko kung talagang may ibang babaeng kinalolokohan si Dad.”

“At kung meron nga?”

“Buburahin ko siya sa mundo ni Dad.” Kaswal lang ang pahayag ni Xander ngunit tigib sa kamandag ng poot ang anyo at kalooban niya.

“Oh.” Napasinghap si Elizabeth. Tila nasindak sa galit ng anak na naramdaman kahit hindi siya nakikita.

“Please, don’t be reckless, son,” paalala nito. “Ayokong mawala ka rin sa akin.”

“Of course, I won’t. Tuturuan ko lang ng kaunting leksiyon kung sinuman ang babaeng nangahas na sirain ang wonderful marriage n’yo ni Dad.”

“Oh, Xander! Salamat sa reminder mo na wonderful ang marriage ko. Muntik ko nang makalimutan ang bagay na ‘yan.” Bumuntonghininga bago nagpatuloy.

“Alam mo bang ako rin siguro ang nagtulak sa Dad mo na mambabae? Masyado akong nagpakalubog sa depression. Nagluksa ako nang matagal sa kamatayan ni Joselito,” ang malungkot na pag-amin.

“‘Wag mong sisihin ang sarili mo, Mom. Sundin mo ang payo ko. Pack your holiday clothes. Ipapasundo ko kayo d’yan sa company driver para ihatid sa airport. Nakadaong sa Hongkong port ang cruise ship.”

“Baka hindi pumayag na mawala nang matagal sa Pilipinas si Jose.”

“Yayain mo muna siyang magbakasyon–‘pag tumanggi siya, ako ang makikipag-usap sa kanya.”

“Papayag na magbakasyon ang Dad mo. In fact, nagyaya na nga siyang mag-three-day holiday kami sa Paris last week. Ako lang ang tumanggi.”

“Ikaw naman ang magyaya ngayon. I’m sure, hindi na magugulat si Dad kung nagbago ang pasiya mo.”

“Okey, I’ll do that.”

“I suggest, ‘wag mo munang sabihin sa kanya na isang world tour ang vacation trip na iniaalok mo,” pahabol ni Xander. “Baka balakin niyang ipuslit ang kerida sa barko ko.”

“Posible ba ‘yon?”

“Hindi natin alam kung gaano na siya kabaliw sa kerida niya.”

“I–I will do exactly as you suggested.” Gumaralgal na naman ang boses ng ina.

Lalong nag-alab ang hangarin ni Xander na makapaghiganti sa babaeng nagdudulot ng kaguluhan sa pagsasama ng mga magulang.

“Good. I’ll be waiting for your call.”

Katulad ng inaasahan ni Elizabeth, hindi agad pumayag na umalis si Jose.

“Bakit daw ayaw niyang umalis agad?”

“May gusto raw muna siyang sabihin sa ‘yo, anak.”

“I’ll call him at once.”

“Nandito na siya sa tabi ko ngayon. Ibibigay na kita sa kanya.”

“Okey.”

“Hello, Xander?” Parang pagud na pagod ang boses ni Jose Montes.

Hindi agad sumagot si Xander dahil inisip niya kung saan pa kumukuha ng enerhiya ang matandang lalaki para makapagbigay ng sexual satisfaction sa isang kerida.

O baka naman financial satisfaction lang ang kailangan ng babaeng golddigger sa matagumpay na negosyante? Hindi imposible para sa isang babaeng walang prinsipyo ang maging two-timer slut.

“Hello, Dad?”

“Hindi na ako magpapaliguy-ligoy pa, Xander. Gusto ko nang magretiro. Ibebenta ko na sa ‘yo ang lahat ng shares ko sa aking kumpanya.”

Hindi iyon ang inaasahang marinig, nabigla si Xander. “Biglang-bigla naman ‘ata ang desisyon mong ‘yan, Dad?” May bumahid na banyagang punto sa matatas na pananagalog niya, isang pahiwatig na nawala ang kanyang kalma.

“I’ve been preparing for this. Napapagod na ako… sa maraming bagay.”

Napapagod ka na bang makisama kay Mommy? tanong ni Xander sa sarili.

“‘Wag kang magpadalus-dalos, Dad. We’ll talk about this when you come back from your vacation. In the meantime, personal kong aasikasuhin ang kumpanya mo habang wala ka. Is that alright with you?”

“That would be more than enough, son. My old company shall be honored to have you there, Xander. You’re a world-class business tycoon at a young age of thirty-five.”

Sa unang pagkakataon, hindi nasiyahan si Xander sa papuri ng ama sa kanyang business success.

“I would prefer to remain incognito, Dad. Mas maiging walang makaalam kung sino ako habang wala pa tayong final decision para sa future ng kumpanya.”

“Okey, sasabihin ko na lang na anak kita at–”

“No,” pakli ni Xander. “‘Wag mo rin akong ipakilalang anak mo.”

“Kung gayo’y paano kita ipapakilala?”

“Ako na ang bahalang magpakilala sa sarili ko.” Paiwas ang sagot ni Xander dahil naghihintay pa siya ng mga impormasyon mula sa mga private detectives na inupahan upang mag-imbestiga.

“Trust me, Dad. I’ll never put your precious company in jeopardy.”

“Of course, I trust you implicitly, Xander. Alam kong iingatan mo pa rin ang kumpanya kahit wala na ang kapatid mo na magmamana sana d’on.”

“Iingatan ko ang kumpanya habang wala ka–dahil isa ‘yon sa mga alaala ni Joselito sa atin.” Ang pangalan ng travel company ay Joselito’s Exotic Travels Company.

“Salamat, Xander. Binawasan mo ang mga gumugulo sa aking isipan.”

Natigilan si Xander nang marinig ang pag-amin ng Dad sa isa sa mga suspetsa ng ina.

“Kung ready ka na, gusto ko rin sanang marinig ang tungkol sa mga bagay na ‘yan, Dad.” Mas naging seryoso pa ang tono ni Xander. “Bakasakaling makatulong ako.”

“Napakalaking tulong na ang panahong iuukol mo sa aking kumpanya, Xander. Salamat pa rin. Pero ang dapat ko lang pagtapatan ng aking mga problema ay ang iyong ina–wala nang iba.”

“You do that.” Medyo naging pa-brusko na ang pagsasalita niya dahil nagkokontrol sa kuryosidad.

Lalupang naging brusko ang sumpong ni Xander nang makatanggap ng isang recorded conversation ng dalawang taksil na kaluluwa mula sa mga inupahang private detectives.

Sari-saring plano na ng paghihiganti ang nabuo sa loob ng utak niya laban kay Cassie Torres!

Ang mga balaking mapaghiganti ay nabahiran ng naglalagablab na pagnanasa ngayong nakita na sa personal ang babaeng tukso.

Bakit ayaw mo pang lapitan ang babaeng ‘yon? panunuya ni Xander sa sarili. Natatakot ka bang matulad kay Jose–o sa ibang lalaki?

Tinapunan niya ng sulyap ang kausap na kasalukuyang lasing na lasing na dahil halos naubos na ang laman ng bote ng mabagsik na whisky. Patuloy pa rin ito sa paninira kay Cassie Torres pero hindi na interesadong makinig si Xander.

Kaya lang niya nilapitan ang pobre kanina ay dahil alam niyang isa ito sa mga empleyado ng Joselito’s. At para maituro sa kanya kung sino si Cassie Torres. Umaapaw sa maraming babaeng magaganda at seksi ang naturang party.

“May gusto ka ba kay Miss Torres?” pananalakab ni Xander.

“Obvious ba?” Sumibi ang may kakapalang labi ng kausap. Guwapo sana kung hindi sa hitsurang parang batang nagmamaktol dahil hindi nakuha ang nagustuhang laruan. “Sorry ka na lang, Mac-Mac pards, wala kang pera, eh! Kaya hanggang wet dreams ka na lang! hik! hik!”

Napailing si Xander. Muling ibinalik ang paningin sa babaeng paksa ng usapan. Kahit sa malayo pa lamang niya napapagmasdan, sang-ayon na siya sa sinabi ni Mac-Mac pards. Si Cassie Torres nga ang tipo ng babaeng pagpapantasyahan ng mga kalalakihan.

“Eh, ikaw, ser? Hik! May gusto ka rin sa kanya, di ba?” ganting-pananalakab ni Mac-Mac pards. “He! he! May surprise ako sa ‘yo, hik! Sasama sa ‘yo ‘yan ngayong gabi, dahil mayaman ka. hik!”

“Sigurado ka?” Hindi naniniwala si Xander. Isang babaeng matalino ang impresyon niya kay Cassie Torres. May pagka-segurista. Hindi basta-basta sumusunggab kundi sigurado ang pakinabang na matatamo.

Pero ang salapi daw ay isang napakalakas na aphrodisiac, sabi ng ilan…

“Ba’t di mo subukan, ser? Hik!”

Kumiling ang ulo ni Xander bago pasenyas na hiningi ang chit sa waiter. “Dalhan mo pa siya ng whisky,” utos niya matapos iabot ang international credit card.

“Lasing na po yata siya, sir,” ang magalang na puna.

Dumukot ng ilang salaping papel si Xander sa bulsa ng blazer. “Tulungan mo na lang siyang mahulasan bago pauwiin. Bahala ka na dito,” wika niya habang inilalapag sa lamesa ang pera.

“Okey, sir!”

Nang humakbang si Xander patungo sa kinaroroonan ni Cassie Torres, nagsimula na ang katapusan ng mga maliligayang araw ng babae…!

CHAPTER TWO:

KAHIT nakangiti at masiglang nakikipag-usap sa kung sinu-sinong tao, namamahay pa rin ang matinding kalungkutan sa kalooban ni Cassie.

Ngunit pinilit niyang isaisantabi muna ang mga emosyong nagpapahirap sa kanyang isipan at damdamin. Kailangang magampanan muna niya ang tungkulin bilang personal assistant ng general manager sa kumpanyang pinaglilingkuran.

Ang dahilan ng pagdalo niya sa naturang fashion show with party ay upang mapanatili at mai-promote pa ang magandang public relation at image ng Joselito’s Exotic Travels Company, bilang proxy ng mismong company owner.

“Pasensiya ka na, Cassie. Alam kong hindi mo kasundo si Mac-Mac pero siya ang p.r.o. ng kumpanya. Dumistansiya ka na lang sa kanya habang nasa party para iwas-gulo.” Pumunta lang si Jose sa opisina kaninang umaga upang magpaalam kay Cassie.

At upang iabot ang dalawang mamahaling ticket para sa isang class na fashion show.

“All you have to do tonight is just be your beautiful and charming self. Tiyak na marami nang mai-engganyong maging kliyente ng ating kumpanya.”

Halatang pilit lang ang siglang ipinakikita ni Jose. Halatang ikinukubli lang ang matinding pag-aalala para sa kanya. Ngayon lang kasi sila magkakahiwalay magbuhat nang unang magkita at magkakilala, may anim na buwan na ang nakakaraan.

“Don’t worry about me,” ang maikling tugon naman ni Cassie. “Just enjoy your vacation. And good luck.”

Hindi isinabay ni Cassie si Mac-Mac kahit na nangulit ang huli. Iniwan niya itong nakatayo sa lobby ng gusaling kinaroroonan ng head office, matapos ibigay ang ticket kaninang hapon. Nakasimangot ang mukha habang sinusundan ng tingin ang kotseng minamaneho mismo ni Cassie.

Beware of that sour-graping bastard, bulong niya sa sarili. Palaging nabibigo si Mac-Mac sa malimit na pagtatangkang mapalapit sa kanya.

At kabisado niya ang mga tipo ng lalaking hindi marunong tumanggap ng kabiguan. Tiyak na gaganti ito sa kanya, sa pamamagitan ng makati at mahaba nitong dila.

Palaging nakabuntot kay Cassie ang usyoserong kaopisina. Masyado na ring maraming nalalaman tungkol sa kanila ni Jose. Hindi na siya magtataka kung nagkakalat na si Mac-Mac ng mga tsismis tungkol sa kanila ng big boss…

Kung makakarating kay Elizabeth ang tungkol sa sikretong relasyon nila ni Jose sa pamamagitan ng mga office intrigues, tiyak na lalong lalabo na maintindihan sila nito.

Wala nang ibang puwedeng gawin si Cassie kundi ang lumayo–at bumalik na lang sa pinagmulang madilim na mundo ng lumbay.

Talaga nga kayang may mga taong nakatakdang maging malungkot habambuhay? tanong ni Cassie sa sarili habang nakaguhit sa mga labi ang isang pekeng ngiti.

Kalahati lang ng isip niya ang ginagamit sa pakikipag-usap dahil pulos shop talk at flirtatious chat lang naman ang naririnig mula sa mga taong nakakasalamuha.

Ang kasalukuyang kaharap niya ay ang isang matandang biyudo na may-ari ng isang kilalang fastfood restaurant chain sa iba’t ibang panig ng Pilipinas.

“Matagal ko nang gustong mamasyal sa Greece, Miss Torres. Kaya lang, ayokong umalis mag-isa.”

“May group package kami, sir. Puwede kayong mamili sa group of four, six at eight. Mayroon ding para sa group of twenty,” ang magalang na tugon ni Cassie.

“Ang gusto ko sana ay ikaw ang makasama, Cassie.” Walang ligoy ang matandang lalaki. Buo pa rin ang kumpiyansang manligaw kahit mahigit sisenta anyos na dahil isang multi-milyunaryo. Sanay na sanay marahil sa ibang mga babaeng madaling masilaw sa kinang ng salapi.

Kung mabibigyan mo lang sana ako ng anak…! Nabigla si Cassie sa ibinulong ng isang munting tinig sa likod ng utak. Ganito na ba siya kadesperada?

Napabigla rin tuloy ang pag-iling ni Cassie. “I’m sorry, sir. Hindi po pinapayagan ng kumpanya namin ang mga ganyang arrangements with our clients.”

“Mag-resign ka sa kumpanya n’yo,” suhestiyon agad ng masugid na manliligaw. “‘Pag sumama ka sa akin, hindi mo na kailangang magtrabaho. Pakakasalan kita sa lahat ng simbahan. Ibibigay ko ang lahat ng gusto mo.”

‘Lahat ng gusto ko–maliban sa anak!’ bulong na naman ng agresibong tinig mula sa pinakasulok ng isipan.

Napabuntonghininga si Cassie. Pilit na sinupil ang nagpupumiglas na pangungulila.

Alam niyang walang ligayang naidudulot ang anumang luho sa katawan. Kumpleto na siya ngayon sa mga materyal na bagay na pinangarap lang nung bata pa ngunit hindi pa rin siya naging masaya.

“Excuse me, sir. I have to go to the comfort room.” Minabuti na lamang niyang umiwas na sa makulit na matanda. Tutal, medyo malalim na ang gabi. Marami-rami na rin siyang nakausap na mga prospective clients para sa travel company. Matutuwa na si Jose sa kanya.

“Babalik ka agad, ha?” pahabol ng matanda nang tumayo ang dalaga mula sa kinauupuang lounge chair.

Hindi tumugon si Cassie. Ngumiti lang siya nang matipid upang ipahiwatig ang kawalan ng interes sa hungkag na proposal.

Kabisado na niya ang karamihan sa mga taong gumagalaw sa alta sosyedad. Mahilig magkunwari. Madaling magsawa.

Ngunit ang sarili yata niya ay hindi pa kabisado. Labis na nababahala si Cassie sa mga katagang paulit-ulit na umaalingawngaw sa lahat ng sulok ng isipan. Gusto kong magkaanak, gusto kong magkaanak, gusto kong magkaanak…!

Itinuring na suwerte ni Cassie ang madatnang bakante ang malaki at modernong comfort room nang mga sandaling iyon. Kailangan niyang mapag-isa muna upang mapaglinaw ang utak na nadidiliman!

Dahil alam niya… Nararamdaman niya… Mawawalan na naman siya ng isang mahal sa buhay. Mawawala na ang nag-iisang taong nagmamahal sa kanya…

Dahil kapag hindi natanggap ni Elizabeth Montes ang tungkol sa kanya, tiyak na papipiliin si Jose ng asawa.

Dahil nakikiamot lang si Cassie, dapat lang na lumayo siya kung makakagulo rin lang.

Saan ka naman pupunta? tanong niya sa sarili. Wala na si Inay. Wala na siyang ibang ka-pamilya.

Lalong inatake ng pagsisisi si Cassie. Dapat ay mayroon siyang anak. Dapat pala ay pumayag siyang magkaanak noon kahit–

Napapikit si Cassie. Tumututol ang buong pagkatao na alalahanin pa ang nakaraan na. Tama na! Tapos na ang kahapon. Sa kinabukasan ka na lang tumanaw.

“It’s never too late, Cassie,” wika niya sa repleksiyon na nasa salamin habang nakatapat sa bukas na gripo ang mga kamay.

“Hindi kailangang irespeto at ibigin ka ng isang lalaki para magkaanak. Pumili ka lang ng isang lalaking may magagandang katangian at nagnanasa sa ‘yo–at, presto, buntis ka na!” Pauyam na pinitik niya ang mga daliri at bahagyang tumawa nang pagak.

Napapailing-iling si Cassie habang nagpapatuyo ng mga kamay sa tapat ng maingay na drying machine.

Ganoon lang ba kadaling magdesisyon? Sasama siya sa unang lalaking matipuhan ngayong gabi para makalikha ng anak–na kikitil sa kanyang kalungkutan?

‘You’re getting mad with so much loneliness, Cassie!’ ang pagalit na bulalas niya sa sarili habang nagdudumaling maglagay ng bagong make-up.

Gayunman, hindi pa rin napalis sa loob ng isipan ang hibang na ideya. Panaka-naka, nauulit-ulit pa rin ang pagsulpot ng mga katagang: gusto kong magkaanak, gusto kong magkaanak, gusto kong magkaanak…

Hanggang sa hindi na nakatiis si Cassie. Basag na ang konsentrasyon niya kaya ipinasiya na lang niyang tapusin na ang pagtatrabaho sa gabing iyon. Uuwi na siya bago pa man mangibabaw ang kabaliwan!

Nagdudumali ang mga hakbang ni Cassie patungo sa cloak’s room, kungsaan niya inihabilin ang mahabang black velvet overcoat na isa sa mga mamahaling bagay na iniregalo ni Jose, bukod sa bahay at lupa, at ang latest model na kotse.

Ngunit biglang may humarang na anino sa kanyang daraanan. Dahil sa malalim na pag-iisip, bumagal ang reflex niya. Hindi agad nakapagpreno kaya bumunggo sa matipunong katawan.

Ang tanging nagawa ay maiangat ang mga braso sa huling sandali at ilapat ang mga palad sa isang malapad na dibdib.

Nang mag-angat ng paningin si Cassie, nagulat siya dahil lubhang napakalapit ng mukha ng estranghero. Halos nakadikit na nga ang bibig nito sa pisngi niya.

Lalupang nagulat si Cassie nang hindi pumitlag lumayo ang kanyang katawan, katulad ng palaging nangyayari kapag may lalaking napapalapit nang husto.

At ni hindi nga sumagi sa isip niya ang agad na lumayo upang makakawala sa maluwang na pagkakayapos ng matitigas na bisig.

Naghinang ang kanilang mga titig. Inarok ang mga kaluluwa ng isa’t isa. Kung anuman ang mga mensaheng tumawid sa hangin, walang nawawaan si Cassie.

Ngunit parang nanghina siya. Parang may isang bahagi agad ng sarili ang sinakop at inangkin ng isang puwersang di-nakikita.

Iwinaksi ni Cassie ang kakatwa at kakaibang pakiramdam. Pinilit niyang ibalik sa kasalukuyan ang wisyo.

Ngunit naunahan siya ng lalaki. Walang anumang itinulak si Cassie palayo. Kalmado ang ekspresyon sa makisig na mukha.

“I’m–sorry.” Nagtaka si Cassie nang mapagtantong hinihingal siya. Hindi naman siya tumakbo, hindi ba?

“I was not looking where I’m going,” dugtong niya habang tarantang binabawi ang paningin.

Gusto na ring matunaw dahil napagtantong nakahabi na pala agad ng mga pantasya patungkol sa mga labing may sensuwal na hubog.

Masama bang mag-isip kung masarap humalik ang lalaking ito o hindi? pagtataray ng munting tinig.

“Exactly,” sang-ayon ng simpatikong estranghero. “Or you don’t know where you’re going,” mungkahi pa.

Napamaang si Cassie sa nabakas na bahid ng pang-uuyam sa prangkang obserbasyon. Naudlot tuloy ang namumuong instant attraction.

“I’m sorry,” ulit niya habang maliksing umaatras palayo. “I hope I didn’t do any damage?”

Balingkinitan ang katawan ni Cassie pero hindi biro ang lakas na taglay niya dahil mas matangkad at mas mabigat siya kaysa sa tipikal na Pilipina.

Muli, hindi na naman inaasahan ni Cassie ang itinugon ng lalaki.

“Actually, you did.”

“Oh! Where–?” Napahinto si Cassie nang makita ang bahagi ng katawang sapo ng mahahabang daliri. Hindi niya napigil ang pamumula ng mga mga pisngi. “Uhm, I’m really sorry, sir…” Napaos ang boses niya.

“Have a drink with me so that I could recover some of my dignity.”

Hindi nakatanggi si Cassie kahit malinaw na umpisa iyon ng isang flirting game.

“O-okey.” Nagpatianod siya nang hawakan ng naturang mahahabang daliri ang isang siko niya habang patungo sa kinaroroonan ng bar.

“Actually, I’m interested with your travel package for a group of twenty, Miss Torres,” ang sorpresang pahayag ng lalaki nang nakaupo na sila sa magkatabing stool.

Nalito si Cassie. Kung anu-ano tuloy ang nasabi niya. “I-it’s Mrs. Torres, actually, sir.”

Nang maningkit ang mga mata ng katabi, gusto niyang sipain ang sarili.

Nandito na sa harapan niya ang isang lalaking may magagandang katangian–at maaaring maging ama ng kanyang anak…

Click here to READ MORE

Leave a Reply

You must be logged in to post a comment.