A Taste Of Fire

Love is in the air. When Angelo and Judea met, love has indeed sparked between them instantly. There were fireworks. But do fireworks last long?

Nang isakay ni Judea ang isang makisig pero misteryosong lalaki sa kanyang hot-air balloon, hindi niya inakalang magiging hostage siya sa isang adventure air trip.

It was a scary yet exhilarating ride. She discovered love. They both discovered love…

But would the fire of their love last forever?

* * *

Dahan-dahang inihinto ni Angelo ang minamanehong sportscar na itim sa paanan ng bangin. Pigil-hininga siyang naghintay ng ilang sandali.

Kanina pa niya pinatay ang headlight kaya hindi tiyak kung ligtas ang pagparada niya. Napapalibutan siya ng pusikit na karimlan.

Malalim na ang gabi, nang mga sandaling iyon. Halos hindi na niya maaninag ang paligid. Pero kabisado pa rin niya ang pasikut-sikot sa bahaging iyon ng kadawagan.

Kaya malakas ang loob niya kahit na delikado at masukal ang daan patungo sa naturang lugar.

Halos limang kilometro pa ang layo ng ancestral house ng kanyang nasirang ama, si Don Andres Bulanhagui.

Ngunit pinili niyang iparada ang sasakyan upang maging sorpresa ang kanyang pagdating.

Ang tutoo, iimbestigahan niya ang stepbrother na kasalukuyang naninirahan sa matandang mansiyon. May mga naririnig na siyang masasamang balita tungkol sa mga ilegal na aktibidades ni Romy.

Na matigas na pinagtakpan ng kanyang madrasta, nung kumprontahin niya ito sa telepono habang nasa Paris siya. Katatanggap lang niya ng impormasyon mula sa detective na inupahan para magmanman sa mag-ina.

“Ano ka ba naman, Angelo,” ang mataras na sagot ni Tita Rosita. “Hanggang ngayon ba naman ay pinagseselosan mo pa rin ang aking anak?”

“Huwag mong baguhin ang usapan, Tita Rosita,” pakli niya. “Sabihin mo sa anak mo na tigilan niya ang pambababoy sa bahay ng ama ko!”

“Abababa, Angelo! Huwag mong kalilimutan na pag-aari ko ang kalahati ng bahay ni Andres! Hindi mo kami puwedeng basta-basta mapapalayas,” pagyayabang nito.

“No thanks to your manipulative method!” salo niya. Puno ng sarkasmo ang matigas na boses. “Inalagaan mo sa sulsol si Papa. Kaya naman pati ang pag-aaring naiwan ni Mama ay nakahati ka pa. Isa kang linta, Tita Rosita!”

“Oh! Napakasakit mo namang magsalita! Hindi mo alam kung gaano ko kamahal si Andres — pero mabuti na lang at alam niya iyon. Kaya naman ginantimpalaan niya ang aking pagmamahal sa kanya! Ha! ha!” ganting-wika ng madrasta. Sarkastiko rin ang tono.

“At wala kang magagawa dahil hawak ko ang legal na mga papeles!” dugtong pa, bago humalakhak nang malakas.

“Wala akong interes na maghabol, Tita Rosita. Pero kapag hindi tinigilan ni Romy ang pagdungis sa pangalang Bulanhagui — mapipilitan akong gumawa ng mga hakbang para mabawi ang kayamanan na kinurakot n’yo kay Papa!” pagbabanta niya, pagigil.

“Talaga? Bakit hindi ka muna umuwi dito, Angelo? Para naman masubukan mo kung paano ang mabigo–sa ikalawang pagkakataon,” panghahamon nito.

Ang tinutukoy ng kausap ay ang pagtatangka niya noon na ilantad sa nasirang ama ang tunay na kulay ng mag-inang kinupkop at inaring ka-pamilya.

Ngunit mas mabagsik ang lason na inilagay ni Rosita sa utak ni Don Andres. Halos itinakwil na siya ng kanyang Papa dahil sa matinding galit, matapos masaksihan ang ‘palabas’ na inihanda ng madrasta para sirain siya sa paningin ng sariling magulang.

Matagal nang nangyari iyon, ngunit hanggang ngayon ay nasasaktan pa rin siya.

Pero hindi dapat mahalata ng makamandag na madrasta ang kanyang nararamdaman. Madadagdagan pa ang amunisyon nito.

“Wala na si Papa, Tita Rosita,” sambit niya kapagkuwan. “Tayong dalawa na lang ang magkalaban.”

“Hah! Huwag kalilimutan ang aking si Romy, my dear stepson,” paalala nito. “Matindi na siya ngayon. Sing-tindi ko na rin siya. Kaya kung ako sa ‘yo, huwag mo nang subukan na bumangga sa amin. Matatalo ka lang.”

“Tsk! Malalaman natin pagdating ko diyan,” tugon niya, pauyam. “Aasahan ko na paghahandaan n’yo ang muli nating pagkikita, Tita Rosita. Bye!” Sabay bagsak sa awditibo ng telepono.

Napangiti si Angelo sa dilim. Nung isang linggo pa nangyari iyon, pero sigurado siyang hanggang ngayon ay nagbubusa sa galit ang madrasta.

Ang isiping iyon ay nakapagdulot sa kanya ng kakatwang sigla na nagpasidhi sa kanyang agresyon. Halos minani lang niya ang pagkapanalo sa sinalihang karera ng kotse, pagkatapos ng argumento sa telepono.

Para bang pagpapaalam na rin iyon sa delikadong career niya bilang isang professional racecar driver. Ipinangako niya sa sarili na hihinto na siya sa pakikipagkarera sa edad na trenta anyos. At balak niyang tuparin iyon.

Pero tatapusin muna niya ang kasamaan ni Romy at Rosita!

Mali ang desisyon niyang umalis noong kampihan ng kanyang Papa ang madrasta, siyam na taon na ang nakararaan. Parang nagpatalo na lang siya ng walang laban. Kaya nga namatay at nailibing ang matandang lalaki nang lingid sa kanyang kaalaman.

Kundi pa siya kinontak ng solicitor ni Don Andres Bulanhagui, hindi pa niya malalaman.

Huminga siya nang malalim. Ilang ulit, bago umibis mula sa itim na sportscar. Hinila niya ang makakapal na baging na nakalawit upang itakip sa sasakyan.

Pagkatapos matiyak na nakatago na nga iyon, saka lang siya lumakad palayo.

Nasanay na ang mga mata niya sa dilim kaya tiyak na ang kanyang mga hakbang. Sa loob ng siyam na taon na pagkawala, wala pang gaanong naging pagbabago ang dating paboritong pasyalan niya nung bata pa siya.

Matapos ang kalahating oras na paglalakad nang marahan sa dilim, nasa harapan na niya ang gate sa likuran ng malawak na bakuran.

Abot-tanaw na ang lumang mansiyon. At mula sa kungsaang parte, naulinigan niya ang mga tahol ng maraming aso.

Umakyat si Angelo sa tarangkahang bakal. Maingat siyang lumipat sa kabilang panig at bumaba sa sahig na damuhan. Nagpalinga-linga siya habang tumatakbo patungo sa makapal na halamanan. Doon muna siya magtatago habang nagmamanman sa paligid.

Ganoon lang ang balak niya–ang magmanman at ang mag-imbestiga. Wala siyang planong magpakita kina Rosita at Romy.

“You mustn’t do anything foolish, Angelo,” paalala ng kaibigang detektib. “Kukuha ka lang ng mga ebidensiya para makapagsampa ng mas mabigat na kaso laban kay Romy.”

“I’ll take care of myself. Kabisado ko ang bahay ni Papa. Makakapaglabas-masok ako doon nang walang nakakaalam.”

“Don’t underestimate your enemies,” patuloy ni Marvin. “Mapanganib ang sindikatong pinamumunuan ni Romy. Marami siyang mga tauhan na pulos armado ng mahahabang baril.”

“Mag-iingat ako, Marvin. Basta’t alalayan mo lang ako sa pasikut-sikot ng batas.”

Hindi siya pamilyar sa masalimuot na batas. Parang mas kumplikado pa iyon kaysa sa makina ng isang modernong sportscar!

“Maaasahan mo ang tulong ko, anumang oras mo kailanganin, Angelo,” pangako ni Marvin. “Ingat!” Tinapik pa siya nito sa balikat bago sila naghiwalay kanina.

Tutoo ang sinabi niyang kabisado niya ang bawat sulok ng ancestral house ng Pamilya Bulanhagui. Doon siya isinilang at nagkaisip.

Ngunit hindi niya dapat kinalimutan na matagal siyang nawala sa bahay na iyon. Na matagal na pinamahayan ng mga ahas ang dating tahanan…

Hindi nagtaka si Angelo nang madali siyang makapasok sa loob ng malaking kabahayan. Alam niya ang sikretong daan.

Ang ipinagtaka niya ay ang kawalan ng mga bantay. At ng mga tao.

Pero napawi din agad ang pagtataka niya nang matagpuan ang mga sisidlan ng bawal na droga sa basement. Kasama ng mga iyon ay ang mga baril at pulbura.

Agad niyang ginamit ang munting kamera na nakatanim sa kanyang relo. Katatapos lang niyang kunan ng letrato ang mga kontrabando, nang may marinig na pagkakaingay sa labas.

Tila tunog ng sirena at mga boses-lalaking nag-uutos.

“Hala, sumuko na kayo! Arestado kayong lahat!”

“Ugh! Maawa po kayo, ser. Huwag n’yo po akong ikulong. Maliliit pa ang mga anak ko…”

“At sa mga inosenteng sinisira n’yo ang buhay — hindi kayo naaawa? Hala, iposas mo ‘yan, Santos!”

“Nas’an ang mastermind ng sindikatong ito?”

“N-nandoon po sa basement — ”

“Mendez, Pinlac, sumama kayo sa akin. Bilis! Baka makatakas pa ang ulanghiyang utak ng grupong ito!”

“Yes, ser!”

Gayon na lang ang gulat ni Angelo. Walang tao sa basement kaninang dumating siya.

Anak ng teteng! Na-frame-up ako! sigaw niya sa sarili.

Nagpalinga-linga siya. Naghahanap ng masusulingan. Pero sukol na siya. Papalapit na ang mga yabag. Wala na siyang pagkakataon na makaalis.

Ilang sandali pa, may sumipa na sa mabigat na pinto ng basement.

“Aha! Huli ka ngayon!” wika ng lalaking may puting tali sa ulo, sabay ng tutok ng kuwarenta y singko sa kanya.

Agad siyang nilapitan ng dalawa pang kasama nito upang lagyan ng posas ang mga kamay.

Hindi nanlaban si Angelo, dahil alam niyang inosente siya.

“No-bail ang kasong kinasangkutan mo, Angelo,” ang malungkot na pahayag ni Marvin sa kanya. “Kilu-kilong shabu ang nasakote sa bahay mo.”

“Pero kararating ko lang buhat sa ibang bansa. Ang passport ko ang magpapatunay n’yon,” protesta niya habang mahigpit na nakakapit sa mga rehas. “Narito ang susi ng kuwarto ko sa hotel — ”

“Sori, pare. Nawawala ang mga personal na gamit mo. May naghalughog na sa hotelroom na tinutuluyan mo.”

“Talagang pinaghandaan ako nina Tita Rosita!” bulalas niya. Wala siyang magawa kundi ang magngitngit na lang sa galit. “Kailangan kong makalabas dito, Marvin. Puwede mo ba akong tulungan?”

Bumuntong-hininga ang kaibigan bago tumango. “Oo naman — but it will take a very long time. Magtitiis ka lang muna.”

“Inosente ako, Marvin. Bakit nila ako ikukulong?”

“Mainit ngayon ang mga krimen na may kinalaman sa illegal drugs, Angelo. Tiyak na pag-iinitan nila ang kaso mo. Expect the worst to happen, para hindi ka na mabigla.”

Tila nagdilang-anghel si Marvin. Sa loob lang ng anim na buwan, nalitis siya at nasentensiyahan ng isang husgado, kahit na wala siyang kasalanan.

Talaga nga yatang ang batas ay puno ng hiwaga…

“Mga kaibigan, magsilapit na kayo dito!” palahaw ng matinis ng boses ng matandang babaeng may hawak na megaphone.

“Inaanyayahan namin kayo na sumakay sa hot-air balloon ni Jude! Sa halagang beinte pesos lamang, makakatikim kayo ng kakaibang karanasan! Makakarating kayo sa mga ulap! Matatanaw n’yo ang malawak na lupain sa paligid! Mararanasan n’yo ang walang humpay na ligayaaa!”

Lihim na napangiti si Judea. Natutuwa siya kapag naririnig ang paraan ng pag-anyaya ng babaeng amo sa mga taong nagdaraan.

Tutoo naman kasi na maibibigay niya ang ipinapangako ng kanyang higanteng lobo.

Sikreto lang niya ang pag-angkin sa hot-air balloon bilang personal na pag-aari. Napamahal na kasi sa kanya ang naturang sasakyang-hangin, kahit na isang taon pa lang siyang nagtatrabaho sa perya.

Siya mismo ang nagsusulsi kapag nagkakaroon ng butas ang makapal na telang may iba-ibang kulay. At halos beinte kuwatro oras pati kung magkasama sila. Kulang na lamang ay sa basket siya matulog.

Sa dinami-dami ng mga naging trabaho niya, dito sa perya pa lamang siya siguradong magtatagal. Para bang nakakita siya ng isang bagay na mapagbubuhusan ng kinikimkim na pagmamahal.

“Boss, hindi ba delikado ang pagsakay dito?” tanong ng isang matandang lalaki. “Gusto ng mga apo kong sumakay diyan sa lobo mo, e. Nag-aalangan lang ako dahil baka liparin tayo ng hangin.”

Hindi nagkamali ng tingin ang kausap sa kasarian niya. Lalaki ang pagpapakilala sa kanya ng mga amo para hindi gaanong nerbiyusin ang mga taong magbabalak sumakay sa malikot na lobo. Pumayag siyang tawaging ‘Jude’ at ipagupit ang dati’y hanggang balikat na buhok.

“Hindi naman po, manong. Nakatali po ng malalaking lubid ang basket kaya hindi puwedeng lumayo kahit na hipan ng malakas na hangin,” paliwanag niya. Sanay na siya sa mga tanong na tungkol sa kaligtasan. “Isa pa, hanggang sampung metro lang po naman ang pinakamataas na ililipad ng lobong ito.”

“Sige na, Lolo. Safe naman kami diyan, e,” sabad ng isang binatilyo. “Tingnan n’yo po ang mga lubid, o? Daig pa ang gamit ng mga mountaineers, a!”

“O, siya, siya. Bumili ka na nga ng tiket. Sasakay na tayo,” patianod naman ng agwelo.

“Yehey!”

Ilang sandali pa, pasahero na ni Judea ang isang matandang lalaki at ang limang apo nito na pulos mga binatilyo.

“Lolo! Lolo, tingnan n’yo po ako!” anang pinaka-maliit. Nakataas ang mga braso nito habang nakaharap sa langit. “Magiging astronaut ako balang araw!”

“Kuu, masyado namang matayog ang pangarap nireng apo ko,” ang magiliw na wika naman ng agwelo.

Nagtawanan ang iba pang kabataan.

“Lobo pa lang itong sinasakyan natin, hindi pa rocketship!” pambubuska ng isa sa mga ito.

Naaaliw naman sa pakikinig si Judea habang abala sa pagmamaniobra ng hot-air balloon.

Napangiti siya sandali dahil may pangarap din siya. Simple lang pero may katayugan din na katulad ng sa binatilyo.

Kuntento na siyang maging tsuper ng lobong nagtataas-baba sa lupa, kahit na habang buhay. Paano’y natutuwa din siya kapag nakakakita ng purong kasiyahan sa mukha ng ibang tao.

Sapat na sa kanya ang magbigay-aliw sa mga kustomer ng peryang pinaglilingkuran bilang si: ‘Jude, the hot-air balloonist’!

“Oy, Jude, diyes minutos na!” tawag ng matinis na boses ni Madame Perla mula sa ibaba. Naintindihan niya kahit na ngamol ang tinig nito.

“Ay, bababa na agad tayo?” protesta ng nangangarap na binatilyo.

“Bumili na lang uli tayo ng tiket,” suhestiyon ng isa pa.

“Hep-hep! Tama na, mga apo ko. Baka maubos ang pensiyon ko — bibili pa ko ng gamot sa rayuma ko,” awat naman ng matandang lalaki, pero nakatawa. “Saka na uli tayo sumakay dine.”

“Pero, Lolo — ”

“Ang mabuti pa, sa inyong mga ama-ama na lang kayo mangulit,” pakli ng agwelo habang kinakaladkad palayo ang mga binatilyo.

“Nice idea, Lolo! Yayayain ko dito si Daddy!”

“Ako naman ay si Mommy!”

Napailing na lamang si Judea habang pinipigil ang pananaghili.

Mabuti pa sila, may mga magulang pang mapaglalambingan, bulong niya sa sarili. Ulilang lubos na siya. Umabot siya ng edad na beinte singko, na nagpapalipat-lipat sa mga bahay ng mga kamag-anak at hindi man lang naramdaman kung ano ang pagmamahal-magulang.
“Oy, Jude! Bilangin mo ang mga pasahero mo! Baka mag-overload ka na diyan,” ang pasigaw na paalala ni Madame Perla sa kanya.

Natulig siya kaya agad na nawaglit ang malungkot na nakaraan sa isipan niya.

“Oy, mamang ano, bakit n’yo naman ako inunahan?” Narinig niya ang mataras na boses ng isang ginang.

Inapuhap ng tingin niya ang pinagagalitan nito. Isang matangkad na lalaking may matipunong katawan ang nakita niya. Nakasuot ito ng jacket at pantalon na parehong kupasing maong. Ang mga mata ay nakatago sa ilalim ng black shades.

“Ako ang nauna sa pila, misis,” bawi nito. Banayad at mababa ang tinig, pero may diin. “Kayo ang nakipag-unahan sa akin.”

“Aba’t–sinungaling ka, a!”

“Este, huwag na po kayong magtalo dito. Para walang hilian, pareho na lang kayong bumaba.” Umawat agad si Judea.

Dumukot ng pera sa bulsa ng pantalon ang lalaki. “O, misis, heto ang dagdag na pambili ng gatas ng anak n’yo. Pumayag ka nang ako ang mauna sa pagsakay dito.”

Hindi nagustuhan ni Judea ang panunuhol na ginawa ng lalaki. Ngunit wala siyang magawa nang tanggapin ng ginang ang suhol.

“Naku, ka-bait namang mama nire. Halika na, bunso. Baba muna tayo.” Magiliw na ang tono at ang anyo nito.

Napailing na lang siya. Talagang iba ang mahika ng pera!

“Buweno, magsipaghanda na po kayo, mga kaibigan. Aangat na tayo sa ere,” pahayag niya habang bumabaling sa iba pang pasahero. “Handa na ba kayo sa paglipad?” tanong niya.

“Handa na!” ang sabay-sabay na tugon ng apat na babae at isang lalaki na tinedyer. Walo silang lahat. Ang hindi tumugon ay ang aroganteng lalaki at ang isang nerbiyosang babae.

Ang mga kabataan ay pawang mga datihan na. Pamilyar na sa tingin niya ang mga ito.

Isang linggo pa lamang silang nagtatanghal sa lugar na iyon, na nasa boundary ng Bicutan at Muntinlupa. Ngunit popular na agad sila. Marami na agad suki. Ang pinakamalakas na humatak ay ang hot-air balloon.

Kinalas niya ang maluwang na pagkabuhol ng mga lubid upang muling umangat sa lupa ang lobo.

Naglalagay siya ng mga tipak ng kahoy sa kalan na nagbubuga ng mainit na hangin sa bibig ng lobo, nang makaramdam siya ng kakatwang kilabot. Kaipala, lumapit ang lalaking kinayamutan dahil sa panunuhol.

“Paano n’yo ibinibiyahe ang lobong ito kapag lilipat na kayo sa ibang lugar?” tanong nito. Binalewala ang kawalan ng imik niya. “Pinalilipad n’yo rin ba?”

“Minsan po,” ang magalang na tugon niya. “Kapag maayos ang panahon.”

Ang tutoo, kahit na masama ang panahon ay kayang lumipad ng hot-air balloon. Basta’t kumpleto lang sa mga panggatong.

“Hindi ka ba nagsasawa sa trabahong ito?” sabad naman ng isa sa mga tinedyer na interesadong nakikinig. “Nakakabato naman ang manatili lang sa iisang lugar sa buong araw.”

“At paulit-ulit pa ang ginagawa,” dagdag ng isa pa.

“Ang sagot diyan ay katulad rin ng dahilan n’yo sa paulit-ulit na pagsakay dito sa higanteng lobo, mga kaibigan,” ang maagap na tugon niya.

Nagkatawanan ang iba pang kabataan. “Oo nga, ano?”

“Ang galing naman!” papuri ng isa sa mga tinedyer na babae.

Ngumiti si Judea. Matipid lang para manatiling nakatago ang hinog na hugis ng bibig niya.

Kunwa’y inabala niya ang sarili sa pag-aayos ng mga ballast bag na nakatali sa gilid ng basket upang makalayo sa lalaki. Ang mga sakong puno ng buhangin ay nagsisilbing pabigat kapag kailangan nang bumaba.

Matapos ayusin ang balanse ng basket, saka lang niya pinayagan ang sarili na tumanaw sa maaliwalas na langit.

“Ay, tingnan mo, ate! May rainbow, o? Parang ang lapit-lapit,” bulalas ng isang dalagitang nagtatatalon sa tuwa.

“Huwag ka namang masyadong malikot,” saway naman ng nakatatandang kapatid. “Gumegewang tayo. Baka sumemplang itong sinasakyan natin.”

Halatang napilitan lang ang babae sa pagsakay. Parang namumutla na ito sa sobrang pagkalula.

Nilapitan niya ang naturang pasahero para aluin. “Huwag kayong mag-alala, miss. Ligtas ang higanteng lobo na ito. Hindi tayo tatangayin dahil ang mga lubid ay hawak-hawak ng mga tauhan sa ibaba.”

“Tutoo ang sinasabi niya, ate. Subukan mong sumilip sa ibaba, o.” Dumukwang pa ang matapang na tinedyer sa gilid ng basket para ipakita ang kawalan ng takot.

“Ay! Ano ka ba? Huwag ka ngang maglambitin diyan!” saway ng natatakot na babae sa kapatid. “Ayaw ko na! Ibaba mo na ito!” utos nito kay Judea.

Click here to READ MORE

Comments are closed.