An Extraordinary Love-10

“Naghihintay na si Aling Tindeng sa kuwarto. Magbihis ka na. Baka mahuli tayo sa flight natin.”

“G-ganoon ba?” umatakeng muli ang nerbiyos niya. Magsisimula na ang kabanatang kinatatakutan niya. “M-magpapaalam lang ako sa mga bisita natin — ”

Umiling ang lalaki. “No, mamaya na. Sabay tayong magpapaalam sa kanila.”

Nasukol si Larisa kaya wala siyang nagawa kundi ang sumunod sa sinabi ng lalaki. Nagbihis siya ng isang ternong suit na kulay krema naman.

Nabibigla si Larisa sa sobrang pagka-metikuloso at detalyado ng kanyang napangasawa. Kahit siya ay hindi maaalalang bumili ng katernong guwantes at handbag ng naturang kasuotan. Sapat na sa kanya ang kahit na anong handbag na makikita niya sa loob ng aparador, dahil puro neutral lang ang kulay ng mga ito.

Kumakabog na nang ubod lakas ang kanyang dibdib habang papababa ng hagdan. Sinadya niyang huwag gumamit ng elevator para magtagal pa ang mga sandali na magagawa niyang kalmahin ang sarili.

Ngunit lalo lamang tumitindi ang kanyang tensiyon habang papalapit siya sa kinatatayuan ni Jace. Nakatitig ito sa kanya na para bang nababasa nang malinaw ang kanyang nasasaisip.

[Want to read the Start of Stories Online titled – AN EXTRAORDINARY LOVE…? Click Here!]

“You look stunning, wife,” bati nito, pabulong, habang hinahapit siya ng isang bisig sa beywang.

Napalunok si Larisa ngunit pinilit niyang ngumiti. “T-thanks to you,” tugon niya sa mahinang tinig. “G-gusto ko ang mga damit na pinili mo para sa akin, Jace.”

“Hindi ako ang pumili ng mga iyan,” salo ng lalaki, nakangiti. “Sinabi ko lang kay Silvy kung ano ang size mo, at binigyan ko siya ng picture mo. Siya na ang namahala sa lahat.”

Binalot ng panlulumo ang kalooban ni Larisa sa narinig. At paninibugho. Sino naman ang Silvy na iyon?

What a nice question! buska ng munting tinig sa likod ng utak niya. Alangan namang pinsan, e, wala ngang kamag-anak ang lalaking napangasawa mo!

Pinilit niyang lunukin ang mapait na panlasa matapos niyang palisin ang mga pangit na nararamdaman. Unang araw pa lang ng kasal nila. Hindi siya dapat nagpapatangay sa kanyang mga emosyon.

“Ladies and gentlemen,” umpisa ni Jace habang itinataas ang isang kopitang may lamang champagne. “Aalis na kami ng aking bride. Gayunpaman, ipagpatuloy n’yo lang ang inyong kasayahan.”

Pumangalawa agad si Don Hernan. Itinaas din nito ang hawak na kopita.

“We wish you a happy married life!”

Nagsunuran ang mga bisita at saglit na napuno ng maraming tinig na umuulit sa tinuran ng matandang lalaki ang malaking silid.

Parang namamaga ng mga braso at kamay ni Larisa nang makalabas na sila. Isa’t isa yata sa mga taong iiwanan ay nakipagmakay sa kanila ni Jace.

Isang limousine na simple at walang dekorasyon ang naghihintay sa kanilang paglabas ng hotel.

“S-saan tayo pupunta?” tanong niya upang makalimutan ang sariling nerbiyos.

Napatitig sa kanya ang lalaki.

“Sa honeymoon natin. Pinili ko sa Carribean dahil hindi na matutuloy ang bakasyon n’yo ng Daddy mo doon. Nasabi ko na sa iyo iyan, hindi ba?”

“N-nakalimutan ko, sorry,” sambit niya habang nagbababa ng tingin.

“Are you nervous, Larisa?” pananalakab ng lalaki habang sinasapo ng isang daliri ang baba niya. “Don’t be, I won’t hurt you.”

Naniwala si Larisa sa ipinangako ni Jace habang nasa loob sila ng limousine. Para bang biglang binura ang lahat ng mga alalahanin niya.

Atsaka, wala pa pala siyang dapat pangambahan dahil magdamag silang nagbiyahe. Ilang beses silang bumaba ng eroplano upang magpahinga at maglakad-lakad sa mga airport na hinintuan ng kanilang sinasakyan, bago nila narating ang Barbados Airport.

Isang pribadong villa ang ipinahiram ng isang kaibigang taga-roon ang tinuluyan nila.

Puwede nang isipin ni Larisa na nasa isang panig lang sila ng Pilipinas dahil sa mga pamilyar na halaman at puno na nakikita niya sa paligid. Napakaraming kulay ng bouganvilla na nakatanim sa mga gilid ng pader at pinagagapang hanggang sa ituktok ng bakod na bato ang nakikita. Maliban sa ibang lengguwahe ng mga taong nakakausap nila, iisipin niya talagang nasa sariling bansa sila.

“May swimming pool sa gawing likuran at mayroong pribadong bahagi ng dalampasigan na di-puwedeng puntahan ng kahit na sino, maliban sa taga-villang ito,” pahayag ni Jace sa kanya habang dinadala siya sa harapang pinto.

Nasa likuran nila ang mag-asawang katiwala sa lugar, magkatulong na ibinababa ang mga maleta at bagahe nila sa sasakyan na naghihintay sa airport para sa kanila.

Walang sabi-sabi na pinangko siya ni Jace kaya napasinghap siya nang malakas, sabay daklot ng mga daliri sa harapan ng suot nitong polo. Pareho silang pagod at pagal sa nagdaang biyahe nila ngunit parang walang pagbabago sa hitsura ni Jace.

“Jace, ibaba mo ako,” bulong niya. Namumula ang kanyang mukha dahil hindi siya sanay ng kinakarga kahit nung maliit pa siya.

“Ito ang tradisyon, hindi ba?” tudyo ng lalaki habang patuloy sa paghakbang papasok sa loob ng maluwang na kabahayan.

“P-para saan ba ang tradisyon na ‘yon?” tanong niya nang mailapag na siya nito sa loob mismo ng magiging silid nila.

“Hindi ko alam, pero gusto ko iyon dahil naramdaman kong lalaki ako at babae ka kapag nakasandig ka sa aking dibdib,” tugon ni Jace habang isa-isang binubunot ng mga daliri ang maraming hairpin niya sa buhok.

“You’re so beautiful, Larisa!” bulalas nito nang tuluyan nang lumugay pabagsak ang mahabang buhok sa kanyang balikat at sa mismong mga kamay ng lalaki na sumahod sa mga hiblang itiman at mahalimuyak.

Napapikit siya nang magsimulang gumapang ang mainit na bibig sa kanyang punong-teynga, patungo sa kanyang pisngi.

Para siyang idinuduyan habang hinahagkan siya nang marahan at masuyo sa kanyang mga mata. Unti-unti siyang natutunaw na parang yelo sa ilalim ng init ng araw.

“Let’s shower first,” anas ng lalaki habang inaakay siya patungo sa banyo.

Naramdaman ng isang bahagi niya ang pagsabit ng kanyang mga paang may suot pang stockings sa sahig na tabla ngunit hindi niya pinansin. Ang lahat ng wisyo niya ay nakatuon sa lalaking may masidhing pagnanasa sa mga mata.

Maluwang ang impresyon niya sa banyo ngunit wala siyang pakialam kahit na ga-kahon pa ang sukat nito nang mga sandaling iyon.

AN EXTRAORDINARY LOVE-11

Comments are closed.