An Extraordinary Love-13

Nang makumpleto ang kanyang mga kasuotan — magmula sa sapatos hanggang sa mga damit-panloob –iniwan niya ang babaeng nalimutan na agad ang pangalan.

Nakipagsapalaran siya sa may gawing piyer. Nagtrabaho sa mga barko. Nagpalipat-lipat ng mga daungan. Nakarating ng maraming bansa.

At habang dumadaan ang panahon, nakamit niya ang maraming uri at antas ng edukasyon. Si Gurong Karanasan ang kanyang maestro.

A, napakagaling ng kanyang naging tagapagturo! Tumigas nang husto ang kanyang loob at tumalim nang husto ang kanyang utak.

Bagay ba ang isang katulad niya sa isang Larisa? ukilkil ng maliit na tinig ng kanyang budhi.

Nitong huli lang uli niya narinig ang boses na iyon. Simula lang nang makilala niya si Larisa Silvero…

Inihilamos ni Jace ang isang palad sa kanyang mukha habang pilit na iwinawaksi ang mga pag-aalinlangan.

Asawa na niya si Larisa, for chrissake! bulalas niya, pagalit. Bakit kailangan niyang makaramdam ng pandidiri sa sarili niya?

Nagpalakad-lakad siya hanggang sa makaramdam ng panlalamig. Lumalakas ang ihip ng hangin dito sa dalampasigan.

[Want to read the Start of Stories Online titled – AN EXTRAORDINARY LOVE…? Click Here!]

May hesitasyon sa kanyang kalooban na bumalik agad sa villa dahil baka hindi niya magawang tanggihan ang tukso ng presensiya ni Larisa. Baka hindi niya magawang iwasan ang gunita ng matamis na kandungan nito.

Nagsisisi ba siya na pinakasalan niya si Larisa? tanong niya habang nakatanaw sa bilugang buwan na nakabitin na malamlam na pisngi ng langit.

Pinagalitan ni Jace ang sarili nang marinig ang pangungusap na retorikal. Kahit na anong gawin niya, wala siyang maitutugon na iba. Nandito na ang lahat. Wala na siyang magagawang pagbabago.

Mabigat ang mga paa niya na humakbang pabalik sa villa. Nilampasan niya ang pinto ng silid na pinangyarihan ng ‘pagsasamantala’ niya sa babaeng napangasawa.

Napapatda siya sa isiping iyon. Alam niyang nabigyan niya ng kasiyahang pisikal ang babae. May bahid man ng kaunting dahas sa una, tiniyak naman niyang nakamtan nito ang satispaksiyon dakong huli.

Lumampas siya sa nakapinid na pinto nang naglalabu-labo ang mga katwiran at kontra-katwiran sa loob ng utak niya.

Kinabukasan, mabigat ang loob ni Larisa na magmulat ng mga mata. Para bang kasama niya sa nalimutang panaginip ang pangit na katotohanang naghihintay sa kanya ngayong araw na ito.

Inut-inot siyang bumangon. Hindi niya naging ugali ang magtago sa masakit na problema. Hindi siya pinalaking ideyalistiko ng kanyang ama.

Praktikal siya. Kung hindi niya magagawang perpekto ang kanyang buhay, tinatanggap niya.

Napakadaling sabihin dahil hindi pa naman siya nakakatikim ng sinasabing pait ng buhay — ngayon pa lang…

Naligo siya at nagbihis. Sinuklay niya nang sinuklay ang mahabang buhok na singtuwid ng liwanag. Hindi niya aaminin na ginagawa niya ito para ma-delay pa nang kaunti ang susunod na paghaharap nila ni Jace, ang kanyang kabiyak.

Magdamag siyang lumuha kagabi. Nang matuyo ang bukal ng luha, naghintay siya sa pagbabalik ng lalaki sa kama nila ngunit naghintay siya sa wala.

Hanggang sa nakatulugan na niya ang paghihintay. Umaga na nga nang magkamalay siya.

Tinitigan niya ang sariling mukha sa salamin ng tokador na yari sa yantok, halos ang lahat ng mga kasangkapan ay yari sa native na materyales.

Wala siyang mabakas na eksperisensiya sa kanyang inosenteng anyo. Para bang hindi niya nagawang abutin ang mga bituin kagabi…!

Tumalikod siya sa nang-uusig na pares ng mga matang bilugan. Nakabakas doon ang sakit ng loob na idinulot ng pag-alis ni Jace sa kanyang tabi.

Dinatnan niyang nakaupo na sa lamesang bilog si Jace. Kaharap ang isang malaking takuri na yari sa porselana. Pormal ang ekpresyon nito nang makita siyang paparating.

“Halika, mag-almusal ka na. Kagigising ko rin lang,” anito sa tila normal na tono.

Umupo naman siya. Parang nakikimi pa siya ngunit kailangan niyang makiharap upang matapos na ang pangit na simula.

“Magandang umaga rin sa iyo,” sambit niya. Bahagya siyang nakangiti nang may bahid pang-uusig at panunumbat.

Napamaang si Jace. Saglit na natigilan habang nagsasalin ng kape sa isa pang puswelong yari sa porselanang Intsik din.

Nakaramdam ng pagkayamot si Larisa nang hindi umimik ang kaharap niya. Na may halong pagdaramdam. Nabigyan siya ng lakas ng loob na magsalita.

“Ano ba ang gusto mong palabasin, Jace?” tanong niya sa mababa at nanginginig na tinig. “Gusto mong umarte tayo na parang walang nangyari sa ‘tin?”

Hindi pa rin umimik ang lalaki.

“You cheated me, Jace,” pang-aakusa niya. Hindi na maikubli ang garalgal sa boses na medyo paos. Nangilid din ang luha sa kanyang mga mata. “You never said you love me!”

Bumuntong-hininga ang lalaki. Umiwas ng tingin sa kanya.

Parang dinunggol ang dibdib ni Larisa. “D-do you love me, Jace?”

Marahang umiling ang lalaki. Enigmatiko ang ekpresyon ng mga mata nang muling bumaling sa kanya.

Kinagat niya ang ibabang labi nang mariing-mariin upang hindi makakawala ang mga hikbing naghihinagpis. Nang mga sandaling iyon, naramdaman niya kung paano ang mamatay!

Kinontrol niya ang kanyang sarili. Sinikap niyang igalaw ang kanyang mga kamay. Napakabagal ng pagkilos niya na para bang tumanda siyang bigla.

Sumimsim siya ng mainit na likidong mapait habang pinipilit labanan ang pagdidilim ng paningin. Parang ibig niyang gumapang palayo kay Jace at magtago sa isang lungga. At hindi na lumabas kahit na kailan.

Ngunit hindi puwede ang ganoon. Mulat ang kanyang mga mata nang magpakasal siya sa lalaking ito. Hindi nito kasalanan kung siya ay nakasuot ng mga salaming kulay rosas. Dapat ay sinigurado niyang minamahal siya ng lalaki, kahit na kaunti!

A, napakasakit namang kapalaran ang nakamit niya!

Nagsalita ang lalaki nang matapos ang tila pag-iisip. “I have a strong desire for you, Larisa. Iyan ang masasabi ko nang buong katapatan sa iyo.” Tumikhim ito nang ilang ulit bago nagpatuloy.

Pinigil ni Larisa ang paghinga.

“H-hindi ko alam kung ano ang pag-ibig, Larisa,” pag-amin nito sa tila hirap na tono.

Tumitig siya sa mga matang malalalim. May nabakas siyang sinseridad at pagsusumamo.

Hindi niya tiyak ang huli dahil tumabing na ang makakapal na pilik-mata. Ikinubli na naman sa kanya ang tutoong pagkatao ng lalaking napangasawa.

“Papayag ka bang ipakita ko sa iyo kung ano ang pag-ibig, Jace?” tanong niya, pabulong. Pigil-hininga ang kanyang paghihintay ng katugunan.

AN EXTRAORDINARY LOVE-14

Comments are closed.