An Extraordinary Love-17

Hindi alam ng mga ito na nasa isang cubicle siya nang magsimulang magkuwentuhan.

Nag-alangan na lumabas si Larisa nang marinig ang pangalan ni Jace.

“Mas lalo siyang gumuwapo ngayon, ano?” bulalas ng isang tinig-babae na medyo matinis.

“Hay, oo nga! Kahit na alam kong wala siyang pinanggalingan, tatanggapin ko siya ng buong puso!” buntong-hininga naman ng isa pa.

“Wala na, huli na kayong dalawa sa mga pangangarap ninyo. Nabingwit na ni Larisa Silvero ang lalaking pinagpapantasyahan ninyo,” pakli ng isa pa. Tila mas mataras ang boses.

“That’s what you think, my dear,” salo ng unang nagsalita. “Kilala ko kung ano’ng klaseng babae ang napangasawa ni Jace darling. Kawawang lalaki, napapunta sa isang Larisa-the-Frigid-Lady!” dagdag pa nito sa mas makamandag na tinig.

Napasikdo ang dibdib ni Larisa sa narinig na pangalang nakabinyag sa kanya. Hindi niya akalain na ganito ang tingin sa kanya ng mga kasalamuhang babae sa lipunang ginagalawan.

Hindi naman siya ganoon ngunit naisip niyang mula marahil sa bibig ng mga lalaking sinubukan niyang i-date noon.

Ayaw kasi niyang magpahawak o magpahalik man lang kahit na sa pisngi kapag sumasama siyang mamasyal o manood ng sine sa mga kaklase nung hayskul hanggang sa mag-college siya.

[Want to read the Start of Stories Online titled – AN EXTRAORDINARY LOVE…? Click Here!]

“At kilala ko rin si Jace,” pagbibida naman ng ikalawang tagapagsalita.

“Really?” ang interesadong tanong ng mataras na boses. “At ano naman ang alam mo?”

“Hmm, mayroong mga alagang babae iyan, ano? Kaya siguro pinakasalan si Larisa Silvero, tinatarget ang kayamanan ni Don Hernan!”

Natutop ni Larisa ang bibig. Tinimpi niyang mabuti ang kanyang sarili. Ayaw niyang magalit nang mga sandaling iyon.

“Bakit? Mas mayaman pa ba si Don Hernan kaysa kay Jace?”

“Aba! kahit na ba mas mayaman, e — alam mo naman ang background ni Jace Alviento, ha? He is a shrewd and ruthless businessman. Sabi nga ng Daddy ko, walang pinapatawad sa negosyo.”

Hindi na nasundan ni Larisa kung sino ang nagsasalita sa mga tinig na napakinggan. Tumitimo sa kanyang kalooban ang bawa’t katagang masakit na patungkol sa karakter ng kanyang asawa.

“Bakit naman nadawit ang pangalan ng Daddy mo, aber?”

“Isa ang Daddy sa mga tinanggal na vice president ng kumpanyang binili ni Jace noon. Grabe ang taong iyon, walang sini-sino. Kahit na alam niyang mapupunta sa korte ang usapin, tuloy-tuloy lang,” pagkukuwento ng paimportanteng tono.

Laban sa loob ni Larisa ang makinig. Ngayon lang niya narinig ang tungkol sa aspetong ito ng pagkatao ng lalaking pinakasalan.

“Ow, talaga ba? Ano ang nangyari sa kaso?”

“Naku, matitinik ang mga kinuhang abogado ni Jace. E di, ano pa, pinalabas na gumawa ng kalokohan ang grupo ni Daddy sa loob ng kumpanya kaya walang nangyari sa kaso nila.”

“O, e, bakit parang bilib ka pa yata?”

“Sino ba naman ang hindi hahanga sa ganoong klaseng katawan?” salo ng tinanong bago naghagikgikan ang tatlong tinig.

Nanggigil si Larisa ngunit nanatili siyang tahimik sa loob ng kubikulong kinaroroonan.

Lumabas lang siya nang matiyak na nag-iisa na uli siya sa loob ng comfort room. Tinitigan niya ang kanyang sarili sa malapad na salamin.

Ngayon lang siya nakaramdam nang ganito kasidhing pagseselos. Parang gusto niyang labasin kanina ang mga babae at pagkakalmutin ang mga dilang makakati.

Hindi dahil sa mga narinig niyang maaanghang na salitang patungkol sa kanya — kundi dahil sa paninirang ginawa tungkol sa kanyang asawa!

Niyapos ni Larisa ang sarili bago huminga nang malalim. Maraming beses bago siya nakaramdam ng kalma.

Napapitlag siya nang may kumatok sa pintong nakapinid.

“Larisa? Larisa, are you in there?” tawag ng boses ni Jace habang kumakatok nang sunod-sunod.

“C-coming,” tugon niya sa pinalakas na tinig. Dali-dali niyang inayos ang sarili. Dinampot niya ang kanyang handbag na binitawan sa ibabaw ng counter.

“Uuwi na tayo,” pahayag ng lalaki nang makita siya.

Tumango si Larisa. Hindi na siya nagtanong kung bakit tila nagmamadali ngayong umuwi ang asawa.

Tahimik silang dalawa habang daan. Nasa likod si Don Hernan. Tahimik din na para bang nakikiramdam sa kanilang mag-asawa.

“Want a nightcap?” alok ng matanda nang iginarahe na ang puting Mercedes Benz sa gitna ng pabilog na driveway.

Si Jace lang ang sumang-ayon. Wala pa rin imik si Larisa.

“Goodnight, iha,” tawag ng ama sa kanya. Tinugon lang niya ito ng isang matamlay na ngiti.

Panakaw niyang sinulyapan ang madilim na mukha ng asawa. Nakakunot ang noo nito at nakatitig nang mataman sa kanya.

Kumabog ang dibdib ni Larisa. May nabakas siyang isang elemental na emosyon sa anyo ng lalaki. Dali-dali siyang naghanda sa pagtulog. Nais niyang tapos na ang kanyang preperasyon. At natutulog na siya – sana — kapag sumilip ito sa kanya mamaya.

Kung sinusuwerte siya, baka hindi na siya mapuntahan nito. Lalo’t nagyayang uminom ang kanyang ama sa kabiyak.

Sa malas naman, halos kasunuran lang niya si Jace.

Napatalon siya sa pagkabigla nang itulak nito nang malakas ang pinto ng kanyang silid. Kasuluyan siyang nagsusuklay ng mahabang buhok.

Nagkatinginan sila sa salamin ng dressing table niya. Hindi niya namalayan na napahinto na ang kanyang paghagod ng malaking brush sa mga itimang buhok.

“What’s wrong with you, Larisa? Naging matamlay ka nitong mga huling araw. May dinaramdam ka ba?” pananalakab ng lalaki habang humahakbang palapit sa kanya.

Napalunok si Larisa. Nakalimutan niya kung gaano ka-prangka ang lalaki. Paano’y bihirang-bihira na siyang kausapin nito.

Hiwalay sila ng silid-tulugan. Aywan niya kung ano ang opinyon ng mga katulong nila sa ganitong sitwasyon ngunit nasasaktan siya kapag natutulog siyang mag-isa sa gitna ng maluwag na kama ng master’s bedroom.

Bumuntong-hininga siya upang matugon nang maayos ang tanong ng asawang nakatayo na sa mismong likod ng upuang kinaroroonan.

“M-medyo napagod lang ako, Jace. Naparami kasi ang nainom ko habang naglilibot tayo nina Daddy sa party,” pagsisinungaling niya rito.

Pinilit niyang ituloy ang pagsusuklay kahit na labis na ang panginginig ng kanyang mga daliri.

“Don’t lie to me, Larisa,” pakli ng lalaki. Mas lalong tumigas ang tinig. Tumiim ang mga mata nitong nakatutok sa kanya. “Ni isang patak, hindi ka tumikim ng alak kanina.”

Bumuka ang bibig niya upang itatuwa ang tinuran ng asawa ngunit walang tinig na numulas sa kanyang nagsisikip na lalamunan.

AN EXTRAORDINARY LOVE-18

Comments are closed.