An Extraordinary Love-18

“Tell me the truth,” pananalakab ni Jace.

Nabahiran ng pang-uusig ang tono. “Are you pregnant?”

Nanlaki ang mga mata ni Larisa. Nabitiwan niya nang di namamalayan ang hawak na brush. “H-hindi — ”

Tumututol siya habang mabilis na nagbibilang ang kanyang utak. Ang narating na konklusyon ay malayang rumehistro sa kanyang namumutlang mukha. Hindi na nga niya kailangang magsalita.

Saglit lang ang pagkagulat ng lalaki. Napalitan ng matinding kasiyahan ang ekpresyon nang mapagtanto ang katotohanan.

“Oh, Larisa, you little fool. Bakit kailangang isikreto mo pa sa akin ang bagay na iyan?” anas ni Jace habang hinahagkan ang kanyang leeg. Yumuko ito upang mahaplos ng dalawang palad ang kanyang pipis pang tiyan.

Mistula siyang tuyong kahoy na sinilaban nang mapadaiti ang init ng lalaki sa katawan niya. Parang ibig niyang sumiklab nang mga sandaling iyon ngunit pinigil niya ang kanyang sarili.

Hindi niya alam kung bakit ngunit naramdaman niyang kailangan niyang magtira ng kaunting katinuan para sa kapayapaan ng isipan.

“H-hindi pa natin natitiyak na tama ang hinuha mo, Jace,” pahayag niya habang tumitindig. Halos puwersahin pa niya ang sarili na humakbang palayo sa lalaking naglalambing. “Wala pang duktor na tumitingin sa akin.”

[Want to read the Start of Stories Online titled – AN EXTRAORDINARY LOVE…? Click Here!]

Nagtatakang tumitig sa kanya si Jace. Inaarok ang kanyang isipan ngunit pinili niyang umiwas ng tingin.

Sakmal siya ng matinding pagkalito kaya hindi niya alam kung ano ang dapat niyang isipin o maramdaman nang mga sandaling iyon.

“Ikaw ang maysabi sa akin noon na gusto mong magkaroon ng mga anak, hindi ba?”

Humalukipkip si Larisa upang palisin ang kayang panlalamig. Tumanaw siya sa labas ng bintana ngunit wala siyang makita dahil hilam na sa luha ang kanyang mga mata.

“Oo,” tugon niya sa mababang tono.

“So, bakit ka nagkakaganyan ngayon? Para kang nakarinig ng malagim na pangyayari nang malaman mong buntis ka?”

“Jace, please!” pakiusap niya habang sinasapo ng mga daliri ang magkabilang sentido. “H-huwag na muna nating pag-usapan ang tungkol sa bagay na iyan. Magpapatingin muna ako sa duktor bukas, okey?”

“No, it’s not,” pakli ng lalaki. Matigas ang tinig at ang anyo habang papalapit sa kanya. “Mayroon kang inililihim sa akin, Larisa, what is it?”

Binasa ng dulo ng dila niya ang nanunuyong labi ngunit umiling lang siya. Hindi siya makapangahas magsalita hanggang walang tatag ang kanyang boses.

Bumuntong-hininga ang lalaki. Waring nahihirapang arukin ang kanyang isipan.

“Alam kong napapabayaan na kita nitong mga huling araw. I thought you understand my work, After all, sanay ka na kay Papa Hernan,” obserba ni Jace sa mahinang tinig.

Tumango si Larisa. Sinubukan na niyang magsalita. “N-naiintindihan kita, Jace. Don’t worry about me. Pasensiya ka na sa akin.”

Muling nagbuntong-hininga ang asawa habang marahan siyang hinahawakan sa magkabilang balikat upang iharap.

“Ako ang pagpasensiyahan mo,” bawi nito sa masuyong tono. “I am such a selfish brute. I was being a neglectful husband,” dagdag pa, paanas na.

Napalunok siya nang masalamin ang mga dating ningas na pagnanasa sa likod ng mga matang malalalim ni Jace. Gustong tumutol ng utak niya ngunit wala na dito ang kontrol.

Katulad nang dati, alipin na naman siya ng mararahang paghaplos at paghagod ng mga labi at kamay ng lalaki sa kanyang kabuuan…

Ni hindi niya namalayang pinangko siya nito at dinala sa malaking kama.

“It’s been a long time, isn’t it, my sweet Larisa?” bulong ng mapanuksong tinig habang isa-isang inaalis ang kanyang mga saplot na manipis. “Did you miss me?”

Tumango lang si Larisa dahil nawawala ang boses niya.

“Answer me, wife. I want to hear your voice,” utos ni Jace, paanas. “I want to hear your wanting for me…”

Napapikit nang mariin si Larisa nang marinig ang nais ni Jace na sambitin niya. Nitong mga huling araw kasi, nakaipon na siya ng kaunting pride niya sa sarili.

At nakagawa na rin siya ng manipis na proteksiyon sa palibot ng kanyang damdamin.

Dahil unti-unti niyang napapagtanto na hindi na pala niya kayang magmahal nang todo sa isang lalaking wala namang pagmamahal sa kanya.

Na makasarili siya at hindi pala siya martir na kayang magbulag-bulagan kapag may napupunang pagkukulang ang asawa sa kanya…!

“No,” ungol niya habang iniaangat ang mga braso patulak sa matipunong balikat ng kaniig. “I-I don’t want to make love with you tonight, Jace,” dagdag niya, halos padaing na.

Natigilan ang lalaki. Para bang hindi na kayang kontrolin ang damdamin. Pigil-hininga si Larisa sa susunod na gagawin nito.

“Okey, if that’s what you want,” bulong ni Jace kapagkuwan. Mabilis na lumayo sa kanya. Halos padaskol na tinakpan ng manipis na kumot ang kanyang kahubdan. “Sleep, my wife. Sleep for me, too.”

Hindi nakapagsalita si Larisa hanggang sa makalabas na ito. Tinangka niyang matulog ngunit nagpabiling-biling lang siya hanggang sa lumalim na nang husto ang gabi.

Nang hindi na siya makatiis, bumangon siya upang tawirin ang distansiya na nakapagitan sa mga silid nila ni Jace.

Nagulat siya nang matuklasang walang tao sa kuwarto ng asawa. Dalawang adjoining bedroom ang master’s, pinag-uugnay ng isang pinto na inuka sa dingding.

Dala marahil ng nerbiyos, muli niyang ibinilot sa katawan ang kumot at hinigpitan pa ang pagkakabuhol sa gitna ng dibdib niya.

Nahulaan niyang nasa study ang lalaki. Doon ang nagiging opisina nito kapag nasa bahay. Ang ginagamit ng kanyang ama ay ang den sa basement ng mansiyon.

Pumanaog siya habang nakikiramdam. Bahagyang nakakiling ang kanyang ulo at tila naririnig na nga niya ang mahinang boses ng kabiyak.

“Yes?” Pormal ang ekpresyon nang bumuglaw siya sa itinulak na pinto.

Nilunok na ni Larisa nang tuluyan ang kanyang pride. Nangusap ang mga mata niyang namimilog ngunit hindi lang senyales ang kailangan ni Jace nang mga sandaling iyon.

“Say it, Larisa,” utos nito sa enigmatikong tono. “Ask.”

“I — I’m yours, Jace…”

Isang nagtagumpay at nasisiyahang ngiti ang marahang sumilay sa matiim na bibig ng lalaki habang iniaangat ang isang braso sa direksiyon niya. Nakatitig ito sa kanya habang nagpapaalam sa sinumang kausap sa telepono.

“Come here, woman.”

Lumapit siya dahil wala na siyang ibang kayang gawin…

AN EXTRAORDINARY LOVE-19

Comments are closed.