An Extraordinary Love-19

Naputol ang mahimbing na pagtulog ni Larisa nang mayroong yumugyog sa kanyang balikat.

Umungol siya ngunit hindi siya nagmulat ng mga mata. Isiniksik lang niya lalo ang kanyang mukha sa malambot na unan.

“Gising na, Larisa. Maaga ang appointment mo sa duktor mo, remember?”

Lalong umungol si Larisa sa sinabi ng asawa. “Paki-cancel na lang. Ayaw ko pang bumangon,” reklamo niya. Ngamol ang boses dahil sa unan.

“Hindi puwede. Ilang beses na nating ipina-cancel ang pagpunta mo doon,” tanggi ni Jace. Maingat siya nitong ibinangon upang magkaharap sila.

“Jace,” umpisa niya. “Ano pa ba naman ang kailangang ipatingin doon? Nagpa-frog test na ako at positive nang buntis ako,” dugtong pa niya.

Kumunot ang noo ni Jace. “Kailangan ang monthly check up, Larisa,” katwiran nito. “C’mon, get up. Magbihis ka na. Sasamahan na kita doon sa clinic.”

Sumimangot si Larisa. Isa siya sa mga babaeng sinuwerte na walang ‘morning sickness’.

“Wala naman akong nararamdaman na hirap, Jace. Pabayaan mo na lang ako, okey?”

[Want to read the Start of Stories Online titled – AN EXTRAORDINARY LOVE…? Click Here!]

Nagtiim ng mga bagang ang lalaki. Halatang nagpigil ng pagkayamot bago nagsalita.

“Larisa, kailangan ng batang dinadala mo ang palagiang atensiyon para mabigyan ng tamang vitamins na kailangan ninyong mag-ina.” Pilit ang lumanay na tinig nito habang nagpapaliwanag.

Pumikit lang uli si Larisa. Parang ipinahihiwatig niyang wala siyang pakialam sa katwiran ng asawa.

Gayon na lang ang pagkagulat niya nang maramdaman niyang pinangko siya ng asawa at dinala sa banyo.

“A-ano’ng gagawin mo?” tanong niya ngunit hindi siya pinansin ng lalaki.

Itinayo siya nito sa loob ng shower cubicle upang basain at nang mawala ang antok niya.

Huli na nang magpipiglas siya.

“Jace!” protesta niya habang yumayapos nang mahigpit sa leeg ng lalaki. “Mababasa ka rin!”

Ipinilig niya ang ulo niya at isiniksik ang mukha sa harapan ng polo ng asawa.

“Jace — ” umpisa niya habang nag-aangat ng tingin. Hindi na niya naituloy ang sasabihin nang magtama ang mga mata nila ng lalaki.

“Larisa,” bulong nito habang inilalapit ang bibig sa kanya. “Why can’t I resist you? Para kang droga na sumisigid sa bawa’t himaymay ng aking utak. Nalilimot ko ang anumang katwiran at paniniwala na meron ako.”

Napakurap si Larisa. Ngayon lang uli nagsalita ng mga pribadong kataga ang asawa. Sumikdo ang dibdib niya dahil baka ito na ang hinihintay niyang sandali.

Apat na buwan pa lang silang nagsasama ngunit parang isang libong taon na siyang naghihintay na marinig ang katugon at katapat ng nadarama niya para sa lalaking pinakasalan.

Nung una, napakainosente niya pa dahil naniniwala siyang sapat na sa kanilang pagsasama ang pag-ibig niya para sa lalaki.

Habang tumatagal, nababawasan ang paniniwala niya sa kanyang sarili na mapapaibig niya si Jace.

Kaya nga nang dakong huli, parang nahihirati na siyang tanggapin ang kahit na katiting na atensiyon nito na naiuukol sa kanya.

Ngunit kasabay naman na umuusbong ang pagkaawa niya sa sarili…

“Okey,” aniya habang itinataas ang mga kamay upang maitulak sa mga balikat ang lalaki. “Hayaan mo na ako dito. Magbibihis na ako.”

Tila natubigan pa si Jace habang tumatalima sa nais niya. Dahan-dahan nitong inilayo ang mga kamay sa kanya habang inaarok ng matitiim na mga mata ang kaluluwa niya.

Sinikap niyang i-blangko ang kanyang ekpresyon habang pilit na sinasalubong ang mga titig ni Jace.

“Iyan ba ang gusto mo?” paniniyak nito.

Tumango si Larisa habang nagbababa ng tingin. “Please,” pakiusap niya sa mababang tono.

Puno ng hesitasyon ang pagkilos ni Jace habang iniiwan siyang mag-usa sa shower cubicle.

“Nandito lang ako sa labas kapag kailangan mo ako,” habilin pa nito bago isinara ang pinto ng banyo.

Palakad-lakad si Jace. Nababalisa siya sa kakatwang ikinikilos ng kanyang asawa.

At nalilito rin siya sa kanyang nararamdaman para dito.

Oo, nandoon pa rin ang masidhing pagnanais niyang maangkin ang kabiyak sa tuwing magkikita sila ngunit hindi lang ang katawan nito ang nais niyang mapasakanya ngayon.

Gusto na niyang pati ang isip at kaluluwa at ang puso ay ibigay na rin ni Larisa sa kanya!

Sinapo niya ang magkabilang sentido at minasahe hanggang sa batok. Pagod na siya sa mga proyektong hinahawakan ng kanyang kumpanya.

Ang gusto sana niya ay wala na siyang madadatnang kumplikadong sitwasyon pagdating niya sa bahay.

Sino ba ang nagsabi na ang pag-aasawa ay paglagay sa tahimik? tanong niya sa sarili habang humahakbang palapit sa bintana.

Nagbago na si Larisa. Ganito ang napapagtanto niya nitong mga huling araw. Natatakot siyang mag-isip kung ano ang dahilan.

Nawawala na ba ang karisma ni Jace Alviento? panunuya ng isang munting tinig sa loob ng utak. Ni hindi na mahawakan ang atensiyon ng sariling asawa?

Gusto niyang kumbinsihin ang sarili na dahilan lamang ang paglilihi nito sa biglang pagbabago ng mga sumpong ng kanyang asawa ngunit mayroong nagsasabi sa kanya na mas may malalang sanhi ang ipinakikitang panlalamig—

Napahinto siya sa pag-iisip. Hindi panlalamig ang napapansin niya kay Larisa. Pag-iwas. Para bang umiiwas na itong magpakita ng nasasaloob sa kanya.

Dammit! bulyaw ni Jace sa sarili habang papiksing nagsimula sa pagparoo’t parito. Hindi niya kailangan ang ganitong problema sa ngayon. Mayroon siyang isinasagawang mahalagang negosasyon na kailangan ng buong konsenstrasyon niya!

Nagtatalo ang kanyang isip at loob nang lumabas si Larisa. Halos pigilin niya ang paghinga nang magtama ang kanilang mga mata.

Posible palang mangyari na masabik pa siya sa isang babaeng nakikita niya ng araw at gabi — maliban kapag naglalamay siya sa mga papeles na dinadala sa bahay.

“Ready?” tanong niya habang nagpipigil sa kanyang damdamin.

Tumango lang si Larisa. Hindi lumapit sa kanya. Nagtuloy ito sa harapan ng dressing table upang maglagay ng pulbo sa mukha at mag-ipit ng mahabang buhok.

Wala sa loob na pinanood niya ang simpleng ritwal ng pagpapaganda ng kanyang kabiyak. Ito pa ang isang hinahangaan niya sa babae. Walang masyadong rekutitos bago umalis sa harap ng salamin. Hindi katulad ng mga babaeng nagdaan sa buhay niya…

Muling humarap si Larisa sa kanya nang matapos.

“Puwede naman akong magpasama kay Aling Tindeng, Jace,” suhestiyon nito habang nagkakabit ng relo. “Magpapahatid kami kay Mang Gino.”

AN EXTRAORDINARY LOVE-20

Comments are closed.