An Extraordinary Love-2

Naupo siya sa lounger at nanood ng mga kislap ng malalayo at malalapit na bituin sa langit.

Tahimik na tahimik dito sa ituktok ng konkretong bundok niya. Halos hindi na niya marinig ang maingay na trapiko sa ibaba.

Isang tala ang tumawag ng kanyang pansin. Mayroon itong kinang na nakapagpaalala ng babaeng Silvero sa kanya. Namumukod-tangi…

Walang ganang bumangon si Larisa. Hindi dahil sa puyat at pagod na dinanas niya nang nagdaang gabi.

Magiging masaya na sana ang kanyang debut kung hindi sa pagkasira ng kanyang pantasya.

‘A, sana ay hindi na lang siya dumalo kagabi!’ bulalas niya sa sarili habang muling ipinipikit ang mga mata.

Matapos niyang murahin ang lalaking sumira sa kanyang ‘gabi’ kagabi, isinunod naman niya ang kanyang sarili.

Hoy, Larisa, disi-otso ka na, panenermon niya. Dapat wala na ‘yang mga crush-crush na ‘yan!

Niyapos ni Larisa ang sarili nang mahigpit. Hanggang ngayon nararamdaman pa rin niya ang paggapang ng kilabot ng matinding pagkapahiya na naranasan matapos niyang mapakinggan ang matabang at plastik na tugon ng lalaking kaytagal niyang hinangaan sa malayo!

[Want to read the Start of Stories Online titled – AN EXTRAORDINARY LOVE…? Click Here!]

Nung malaman niya na tinanggap nito ang paanyaya niya, inakala niyang magiging simula iyon ng isang pagkakaibigan na puwede niyang gamiting instrumento para malimutan niya ang kanyang infatuation dito.

Dapat pa pala siyang magpasalamat dito ngayon dahil napadali ang panggagamot niya ng kanyang puppy love na nadarama para kay Jace Alviento!

Padaskol siyang bumangon.

Nagbibihis siya sa banyo nang muling makakawala sa kanyang kontrol ang malikot na imahinasyon. Naalala ang ginawang panghuhubad ng tingin ni Jace sa kanyang kabuuan kagabi.

Tumitig siya sa kanyang repleksiyon. Naka-bra at panty pa lang siya. Kritikal niyang pinag-aralan ang kanyang sarili.

Oo, aaminin niyang maganda siya kaysa sa karaniwang babae. Perpekto ang hubog ng kanyang katawan at makinis ang kanyang balat sa kanyang kabuuan.

Ngunit ang isa pang katangian niya na alam niyang malimit makabighani ng tao ay ang pera ng kanyang ama.

Kaya marahil parang namagneto siya kay Jace Alviento, magmula nang unang numulas ang pangalan nito sa bibig ng ama, alam niyang hindi ito makikipagkaibigan sa kanya nang dahil sa perang mamanahin niya.

A, nagkamali siya! Inakala niyang katulad ito ng kanyang ama na maginoo at mabait…

Lumabas siya ng kanyang silid na masama pa rin ang timpla. Lumalagutok ang suot niyang sandalyas sa marmol na sahig ng koridor patungo sa komedor.

Lumapit na pahangos ang isang katulong nang mapadaan siya sa sala. Mayroong ga-bundok na mga regalo sa gitna niyon.

“Ma’am Larisa, saan po namin ilalagay ang mga bulaklak na ito?” tanong ng katulong habang iniaabot sa kanya ang isang kahon na may lamang orkidyas na kulay puti.

Napakunot-noo siya dahil hindi niya natatandaang mayroong nag-abot ng bulaklak sa kanya kagabi. Saglit na napalis ang kanyang pagkayamot, nang mapukaw ang kanyang kuryosidad.

“Akina, ako na ang bahala dito,” tugon niya habang kinukuha ang kahon. “Salamat, ha?”

“E, ma’am, ito hong regalo ninyo?” pahabol ng katulong.

Huminto uli si Larisa. Patungo na sana siya sa kumedor. “Uh, pakikuha ninyo ang mga pangalan ng nagpadala at kung ano ang regalo. Paki-lista sa isang papel, ha? Ayusin lang ang sulat para mabasa ko agad,” utos niya sa malumanay na tono. “At pagkatapos, paghati-hatian ninyong lahat ang mga iyan, ilista mo rin kung kanino napunta ang alinman sa mga iyan.”

Nanlaki ang mga mata ng kausap niya ngunit hindi na lang nagsalita. Natakot marahil na baka magbago pa ang pasiya niya.

“At saka, pakibili na lang ako ng mga thank you cards para mapasalamatan ko ang mga bisita kagabi. Okey?”

“O-opo, ma’am,” maagap na tugon ng katulong.

Pag-upo niya sa silya ng hapag-kainan, nabura na sa kanyang isipan ang nabakas niyang pagtataka at pagkabigla sa mukha ng utusan. Nakatutok na ang kanyang pansin sa hawak na bulaklak.

Kinilatis niya ang bawa’t kanto ng makintab na kahon. Hindi pamilyar sa tingin niya ang hitsura nito. Binasa niya ang pangalan ng flower shop. Gayon na lang ang pagkagulat niya nang makitang Canberra Airport pa ang address ng tindahang binilhan ng bulaklak.

Nakaramdam ng pagkapahiya si Larisa. Hinusgahan niya agad si Jace Alviento kagabi gayong nagpaka-maginoo pa nga ito.

Kaya pala mukhang pagod siya, bulong niya sa sarili habang humihigop ng mainit na kape. Kawawa naman… Naiintindihan niya ang klase ng pagkapagal na dinaranas ni Jace kagabi dahil ganito rin ang kanyang ama kapag nasosobrahan sa dami ng trabaho.

Tumunog ang telepono sa kanyang tabi.

Nahulaan niyang ang kanyang ama iyon.

“Hello, Dad?” bati niya agad matapos pindutin ang buton.

“Iha, mabuti at gising ka na. Maganda ba ang pakiramdam mo ngayon? Aayain sana kitang mag-lunch sa labas. Puwede ka ba?”

“Hay, si Daddy talaga! Hindi mo man lang ba ako pagpapahingahin?” Kunwa’y nagreklamo siya ngunit ang tutoo nag-iisip na siya ng isusuot. “Ano’ng oras ang luncheon meeting na ‘yan?” panunudyo pa niya.

Tumawa ang matandang lalaki sa kabilang linya. “Puwede na ba ang ala una sa iyo?”

Sumulyap si Larisa sa orasang pandingding. “Dad!” bulalas niya. “Ano’ng klaseng tanong ba ‘yan? Alas onse pa lang, a!”

“Ha! Ha! Nagbibiro lang ako, iha. Kung mas maaga pa sa ala una, mas maganda. Magpapaalam na ako. Hihintayin kita dito sa tapat ng opisina.”

“Yes, Dad. Bye!” Nangingiti pa rin si Larisa habang inilalapag ang cellular phone.

Parang kay saya ng pakiramdam niya. Magtataka pa sana siya kung hindi uli tumama ang tingin sa kahon ng imported na rosas.

Buong pagsuyo niyang dinampot iyon upang isama sa kanyang kuwarto. Marami siyang tinanggap ng mga regalong materyal kagabi mula sa kanyang mga kaibigan at kakilalang pulos mayayaman ngunit ito ang kanyang aariing pinakamahalaga sa lahat.

Paano’y ito ang simbolo ng ekstra-ordinaryong lalaki na nakilala niya — si Jace Alviento!

Nagtaksi na lang siya patungo sa kanyang ama. At habang daan ay pakanta-kanta pa siya. Gumanda talaga ang kanyang sumpong simula nang matuklasan niya ang dahilan ng masamang ipinakita ni Jace sa unang pagkikilala pa lang.

Kataka-taka ang kawalan niya ng pagkagulat nang malamang kasama sa lunch si Jace. Para bang isang kahilingan na natupad!

AN EXTRAORDINARY LOVE-3

Comments are closed.