An Extraordinary Love-20

“Hindi,” ang matatag na pagtutol ni Jace.

Tumiim ang mga bagang niya. Dapat ay matuwa siya dahil makakapunta na siya agad sa kanyang opisina ngunit parang ni-reject ang pakiramdam niya nang piliin pa ng asawa na magpasama sa mga katulong kaysa sa kanya na ama ng dinadala nito sa sinapupunan.

“Let’s go,” dugtong niya sa mas pigil na tinig.

Bahagyang nagkibit ng balikat si Larisa habang nagpapatiuna sa paglabas.

Nagngingitngit ang kalooban ni Jace ngunit hinayaan lang niya ang kakatwang kustombre ng asawa.

Mapagmahal na ama si Don Hernan ngunit hindi ito mapagpasunod na katulad nang inaakala niya noon. Hindi isang spoiled brat si Larisa, na katulad ng iniisip niya noon.

Kumbaga, ngayon pa lang siya nakakakita ng mga sumpong nito. Kaya nga obligado talaga siyang magpasensiya dahil sa paglilihi lang ni Larisa puwedeng ibintang ang nagaganap na pagbabago ng ugali nito.

Nag-iisip pa rin si Jace habang nagmamaneho. Hindi umiimik si Larisa kahit na anong sabihin niya. Puro tango at iling lang ang ginagawa nito habang nakatanaw sa labas ng bintana.

[Want to read the Start of Stories Online titled – AN EXTRAORDINARY LOVE…? Click Here!]

Baka naman nagkukulang na siya nang di niya namamalayan? tanong ng isang bahagi ng sarili niya. Hindi naging normal na ligawan ang nangyari sa kanila.

Napapailing-iling siya habang pinag-iisipan ang dapat gawin para mapalis ang nadaramang depresyon ng asawa.

Padalhan ko kaya ng bulaklak…?

Napalatak si Jace. Gusto niyang matawa sa tinatakbo ng isip niya. Hindi niya namamalayan na naging napakahalaga na ng babaeng ito sa kanya.

Kung tutuusin, hindi na dapat pinag-iisipan ang ireregalo kay Larisa. Babae ito kaya mapapasaya agad ng kahit na anong alahas na kayan bilhin ng kanyang salapi.

Sumulyap siya sa kinauupuan ng tahimik na asawa. Tanging ang makinis na wedding ring lang na isinuot niya sa daliri nito ang nakita niya. Ni walang bracelet. Isang simpleng gold wristwatch lang ang gamit na accessory.

Wala ring kuwintas. Maliliit na hikaw na diamante lang ang nasa tenga nito.

Ngayon lang napuna ni Jace na kulang pala sa alahas ang kanyang asawa!

Buweno, mamaya ay bibili ako ng isang jewelry set na yari sa ginto at mga diamante! pangako niya sa sarili.

Nakarating na sila sa parking lot ng klinika ng gynecologist ni Larisa.

Kinagabihan nga, dala na ni Jace ang kanyang regalo sa kabiyak. Ibinigay niya habang naghahapunan silang tatlo ng kanyang butihing biyenan.

Bumakas ang kasiyahan sa mukha ni Don Hernan. Paano’y ipinakikita niya nang hayagan ang pagpapahalaga niya sa anak nito.

“Ganyang-ganyan ako noon, iho,” pagmamalaki nito habang tinititigan ang anak.

Nagtaka si Jace. Dapat ay sa kanya nakatingin ang matandang Don dahil siya ang kinakausap nito. Kaipala, sinenyasan pa si Larisa na buksan ang nakabalot na kahitang malapad.

Napukaw ng husto ang kuryosidad niya kaya pinag-aralan niya nang husto ang mga kilos ng mag-ama.

Nakita niya ang tila napipilitang pagtalima ni Larisa sa piping utos ng ama. Pilit ang tipid na ngiti nito sa kanya nang mailantad na sa liwanag ang nangingislap na kariktan ng mga hikaw, kuwintas at bracelet na pawang yari sa lantay na ginto at mamahaling diamonds, ruby at sapphire.

“S-salamat,” wika nito sa pormal na tono.

Bahagyang kumunot ang noo ni Jace. Hindi ganito ang inaasahan niyang magiging reaksiyon ni Larisa. Tila lalo pang nadagdagan ang depresyon nito nang makita ang kanyang regalo.

A, isang enigma ang kanyang napangasawa! bulalas ni Jace sa sarili habang dinadampot ang kopita ng pulang alak na naka-terno sa tenderloin steak na hapunan nila.

Tumangging mag-dessert ni Larisa.

“Bawal daw sa akin ang mga pagkaing masyadong matamis,” pagdadahilan nito.

“Maraming prutas na binili si Aling Tindeng, iha,” salo ni Don Hernan. Kulang na lang ay pandilatan nito ang anak.

“Busog na ako,” pagtatapos ni Larisa. “Bukas ng umaga ko na lang kakainin ang mga prutas, Dad. Goodnight.”

Nanliliit ang mga mata ni Jace dahil sa hindi siya isinama ni Larisa sa pinagsabihan ng ‘goodnight’ at hindi rin dinampot ang malapad na kahita ng alahas upang dalhin sa kuwarto.

Nagkatinginan silang dalawa ni Don Hernan nang makalabas na ng pinto ng kumedor si Larisa.

Bumuntong-hininga ang matandang lalaki habang naghihintay ng sasabihin niya.

“May nagawa ba akong hindi maganda, Papa Hernan?” untag niya nang mapagtanto na siya ang pinauuna nitong magsalita.

Tumango-tango ang kanyang biyenan. “Puwede ba tayo sa aking den? Mayroon akong masarap na brandy,” pagyayaya nito.

Napapantastikuhan si Jace habang kinukuha sa lamesa ang kanyang regalo na iniwan ng asawa. Ibinalik niya iyon sa bulsa ng kanyang suot na dinner vest na itim.

Naglatag muna ng chessboard si Don Hernan. Inayos nang buong ingat ang mga piyesang yari sa pilak bago tumindig upang kumuha ng dalawang basong kristal. Nilagyan ng tig-isang piraso ng yelo ang likidong apoy na ibinuhos sa sisidlan bago bumalik sa kinauupuang sopa.

Nakikiramdam lang si Jace.

“Alam mo bang walang kahilig-hilig sa materyal na bagay si Larisa, iho?” tanong nito sa kaswal na tono. “Mas pinahahalagahan pa niya ang mga bulaklak o card kaysa sa mga alahas,” patuloy nito.

Huminto muna sa pagsasalita nang samyuin muna ang laman ng hawak na baso bago sumimsim ng kaunti.

Ginagad ni Jace ang ginawa nito. Sabay pa silang nalukot ang mukha nang dapuan ng mala-kidlat na likido ang kani-kanilang lalamunan.

Ipinilig ni Jace ang kanyang ulo nang makaramdam ng dagling pagkaliyo.

“Aah!” bulalas niya, habang inilalapag sa ibabaw ng lamesita ang baso. “Bakit umiinom kayo ng ganyan, Papa Hernan?” pag-uusig niya. “Kaya nang sindihan niyan ang inyong bituka!”

Tumawa nang malakas ang kaharap niya. “Kailangan nating buksan ang iyong nakasarang imahinasyon, iho,” tudyo nito. “Ni hindi mo pa pala alam ang isa sa pinakamagandang katangian ng aking anak!” pangangantiyaw pa nito.

“Ano’ng ibig n’yong sabihin?” taka ni Jace.

“Kung gusto mong mapalapit ang loob kay Larisa, magbigay ka ng mga bagay na mahirap magkaroon ng katulad. O di kaya ay mga personal na bagay na alam niyang manggagaling talaga sa iyo. At — ” dagdag pa habang itinataas ang isang hintuturo, “hindi mamahalin.”

“Pero ang mga bagay na walang katulad ay mga antigo, hindi ba?” protesta niya. Tumatakbo na agad ang utak niya. Nag-iisip na siya ng puwedeng ipanregalo na hindi tatanggihan ng babaeng sinusuyo.

AN EXTRAORDINARY LOVE-21

Comments are closed.

You must be 18 years old to visit this site.

Please verify your age