An Extraordinary Love-21

Tumawa uli ang matandang lalaki.

Tila malagihay na dahil tinungga ng tatlo lang ang laman ng sariling baso nito.

“Iyan ang problema mo, Jace,” anito habang inililipat ng puwesto ang piyesang mayroong puting pedestal. “Touch move, tayo, ha? May pakiramdam ako na mananalo ako ngayong gabi!”

Hindi na kinontra ni Jace ang pahayag na ito ng kaharap. Umpisa pa lang ay talagang talo na siya dahil wala sa laro ang kanyang isipan… nasa babaeng nasa kuwarto nila sa itaas!

Naka-tatlong laro sila na pulos siya ang natatalo habang sinasabayan niya ng mga pagtatanong tungkol sa tutoong karakter ni Larisa Silvero-Alviento.

Kung hindi pa siguro nalasing ang matandang don, hindi pa ito papayag na huminto sila sa paglalaro ng chess. Masyado itong nag-e-enjoy sa sunod-sunod na pagkatalo ni Jace.

“Alam mo bang ngayon lang kita natalo, iho? Dapat pala ay nagpustahan tayong dalawa,” pagyayabang nito habang inaakay niyang palabas ng den.

Pareho silang gumigiray sa paglalakad.

[Want to read the Start of Stories Online titled – AN EXTRAORDINARY LOVE…? Click Here!]

Halos naubos nilang dalawa ang laman ng malaking bote ng brandy kaya medyo lasing na rin si Jace, bagamat hindi siya mapapa-amin.

“Si Papa Hernan talaga, pulos pustahan yata ang nasa isip n’yo ngayon,” patianod niya. Umaakyat na sila sa hagdanang marmol.

Inihatid niya ang biyenan hanggang sa pinto ng silid-tulugan nito. Nasa kabilang panig sila ng malaking bahay.

“Okey na kayo, Papa? Kailangan n’yo pa ba ng katuwang patungo sa banyo?” paniniguro niya nang itaboy siyang palabas ng matanda.

Umiling lang si Don Hernan. “Hala, magpunta ka na sa asawa mo. Kaya ko pa namang dalhin ang sarili ko hanggang sa aking kama,” anito, medyo ngamol ang boses.

Ngayong puwede na siyang magtungo kay Larisa, parang nag-aalinlangan naman si Jace. Hindi niya alam kung ano ang puwede niyang sabihin sa mga nalaman niya ngayong gabi.

Nagulat talaga siya nang matuklasan na ang mga regalong natanggap nila nung ikasal sila ay ipinadala ni Larisa sa Home for the Unwed Mothers. Ipinababahagi sa mga babaeng walang sariling gamit na personal at sa mismong gusali ng institusyon na walang sariling kasangkapan.

Mayroong inihandang ‘thank you’ card ang asawa upang mapadalhan ang bawa’t nagregalo sa kanya. Kaya hindi masasabing ipinagwalambahala nito ang espiritu ng pagbibigay.

“Larisa?” tawag niya sa masuyong tono habang kinakatok nang marahan ang solidong pinto na nakalagay sa pader na nakapagitan sa kani-kanilang silid.

Nakadikit ang kanyang tenga sa kahoy kaya alam niyang wala nang kumikilos sa kabilang kuwarto. Sinubukan niyang pihitin ang seradura. Gayon na lang ang tuwa niya nang mabuksan ang pinto.

Nakasindi pa ang isang lampshade na nakapatong sa malapad na headboard ng matrimonial bed, ngunit nahihimbing na ang okupante. Malungkot ang ekpresyon ng maputlang mukha ni Larisa.

Napapatda siya nang may mapansin na bagay si Jace. Yapos ito ng babae ngunit nabitiwan marahil nang makatulog na.

Isang kahon na may makintab na balat. Mahaba at makitid na tila sisidlan ng mga sariwang bulaklak…

Napabilis ang mga hakbang ni Jace nang mahinuha kung ano ang kahon na iyon. Siya pa nga ang maydala niyon nang minsang mapatango siya ni Don Hernan sa pagdalo sa isang party…!

God! bulalas ni Jace sa kanyang sarili. Ito ang mga orkidyas na iniregalo niya noong mag-debut si Larisa!

Hindi talaga siya makapaniwala. Dinampot pa niya ang kahon at tinitigan nang matagal.

Maingat niyang ibinaba ang kahon sa ibabaw ng headboard. Nagdalawang-isip siya kung hahaplusin pa niya ang noo ng natutulog na kagandahan. Minabuti niyang huwag na. Parang wala siyang maihaharap na mukha kay Larisa sa mga sandaling ito.

Tahimik siyang lumabas ng silid ng kabiyak. Magdamag siyang nakatitig sa kisame habang nakahiga sa ibabaw ng kamang tinutulugan.

Naging saksi ang mga sumunod na araw sa naging pagbabago ni Jace Alviento. Para bang nagkaroon ng ibang katauhan sa kanyang katawan.

Nagsimula siyang maghati ng mga responsibilidad at obligasyon sa kanyang trabaho. Hindi na sa kanya lang nakaatang lang ang pagdedesisyon. Marami ang natuwang empleyado dahil sa nakamit na promosyon, sanhi ng pagsisipag at pagtitiyagang ipinakita sa pagtatrabaho. Dito sa kanyang headquarters hanggang sa ibang sangay ng kumpanya niya.

Naging palauwi siya nang maaga at wala na siyang dalang mga papeles na dapat asikasuhin sa gabi. Si Larisa na lamang ang hinaharap niya, lalo na tuwing araw ng linggo.

Halatang-halata ang pagtataka ng kanyang asawa ngunit hindi ito nagtatanong.

Ang isa pang naging improvement niya ay ang pagdadala niya ng mga mumunting regalo na walang katulad — tatlong pirasong balut na may katernong tatlong rosas na pulam-pula. O ng mga aratiles na pinitas niya sa tabi ng gate ng mansiyon.

Minsan, nayamot na si Jace. Kagampan na ang kanyang esposa ngunit nananatili ang pader na nakapagitan sa kanilang dalawa.

“Larisa, puwede ba tayong mag-usap nang masinsinan?”

Bumakas ang pagkabahala sa mukha ng babae kaya pinilit niyang gawing kaswal ang pananalita.

“Maaari ba kitang ipasyal sa hardin?” paanyaya niya na para bang binabawi ang kaseryosohan ng gustong pag-usapan nila.

Tumango-tango lang si Don Hernan. Kasalukuyan silang nagmemeryenda sa veranda ng kumedor.

“Magsi-siesta ako. Huwag n’yo na akong ayain,” anito na para bang tinatanggihan ang piping mensahe sa mga mata ng anak.

Bago pa nakapagsalita si Larisa, nahawakan na niya ito sa isang siko.

Binaybay nila ang pamilyar na landas na patungo sa isang sulok ng hardin, sa gazebo. Naaalala niyang doon siya unang nagpahayag ng kanyang pagkagusto sa babae. Gusto tuloy niyang matawa sa dating sarili.

Paano ba niya napapayag na magpakasal si Larisa noon? tanong sa kanya ng munting tinig na palaging nagpapaalala sa kanya nitong mga huling araw.

“Halika, dito tayo maupo,” alok niya sa asawa habang inaalalayan niya sa pagpasok sa munting pahingahan na napapalibutan ng mga bulaklak na namumukadkad.

Ganito rin ang hitsura ng hardin noon… ngunit bakit hindi man lang niya napuna ang matitingkad na kulay ng kanyang paligid noon?

A, umiibig ka na siguro, Jace! panunudyo ng kanyang sarili na may bahid pa rin ng pagka-sinikal.

Napahinto si Jace. Hindi kaya ganito na nga ang nangyayari sa kanya?

“Bakit ka nakatitig sa akin ng ganyan?” tanong ni Larisa sa kanya nang mapuna ang masidhing pagkakatitig niya dito.

AN EXTRAORDINARY LOVE-22

Comments are closed.