An Extraordinary Love-22

Papilig na umiling ng isa si Jace.

“W-wala,” aniya, medyo paos ang tinig. “May naaalala lang ako.”

Hindi naman siya pinilit ng babae. Inilipat nito ang tingin sa palibot ng pahingahang yari sa bato.

“Matagal na akong hindi nagagawi dito,” wika ni Larisa sa kaswal na tono.

Sinunggaban ni Jace ang paksang ipinasok ng asawa sa usapan.

“Ano ba ang pinagkakaabalahan mo kapag wala kami ni Papa Hernan?” tanong niya kunwari samantalang alam niyang gumagawa ito ng mga chocolate cookies na ipinadadala sa mga bahay-ampunan para sa batang nanduruon. O di kaya ay namimili ng mga damit na pambata sa Baclaran upang ipamigay sa mga naturang musmos na kapus-palad.

Wala siyang planong bawalan ang asawa sa nagiging ugali nitong palabigay. Ang tutoo, natutuwa pa nga siya. May isang bahagi siya na nasasaling at naaantig sa ginagawang kabutihan ng kanyang kabiyak. Noon kasi’y…

Nagkibit ng balingkinitang balikat ang babae bilang tugon sa katanungan niya.

“Kung anu-ano lang. Palagi kaming magkasama ni Aling Tindeng,” anito sa paiwas na tono.

“Alam ko… ”

[Want to read the Start of Stories Online titled – AN EXTRAORDINARY LOVE…? Click Here!]

Nang makita niyang agad na tumingin sa kanya si Larisa, atsaka pa lang niya napagtanto na nakapagsalita na pala siya nang malakas.

“A-alam mo?” paniniyak ni Larisa habang nagtatanong din ang malalaki at bilugang mga mata.

“Uh-uh,” wika niya. Huminga siya nang malalim bago ipinagtapat ang iba pang nalalaman niya. “It’s nice of you to go out of your way just to help those poor little devils,” papuri niya nang pakaswal.

Namula ang mga pisngi ni Larisa. Yumuko ito at nanood na lang sa mga daliri ng isang kamay na nagtitiklup-tiklop ng laylayan ng suot na maternity dress. Bulaklaking kulay rosas ang maluwag na kasuotan. Pa-tirante ang manggas kaya malamig sa tingin.

Namulsa si Jace sa suot na slacks na kulay krema. Parang naalinsanganan siyang bigla sa suot niyang t-shirt na manipis ang malambot na tela.

Napansin ni Larisa ang pagkabalisa niya.

“M-may dinaramdam ka ba, Jace?” sambit nito nang makabawi sa pamumuri niya. “Ano nga pala ang gusto mong sabihin sa akin?”

Pasandig na naupo si Jace sa mababang bintana ng gazeho. Pinanood niya ang isang paru-paro sa talulot ng isang kabubuka pa lang na bulaklak. Buong pag-iingat na lumapag ang maliliit na mga paang mala-alambre ng makulay na kulisap.

Ganito dapat ang maging paraan niya sa pakikitungo sa kanyang bagong diskubreng damdamin. Hindi porke sinikal siya sa tinatawag na pag-ibig, makakapagtawa na siya at magiging manhid na sa emosyon na ito.

Huminga siya nang malalim bago siya humarap muli sa kabiyak na naghihintay ng itutugon niya.

“Larisa,” umpisa niya. “Naranasan mo na bang umibig?”

Namutla ang babae sa katanungan niyang iyon. Hindi agad nakapagsalita habang nakatitig lang sa kanya.

“Please, answer me.” Pakiusap niya nang lumalawig na ang katahimikan.

Nagbawi ng tingin si Larisa. Muling pinanood ang mga daliring nahawa na rin ng pagkabalisa.

“B-bakit ka nagtatanong, Jace?” ganting tanong nito.

Saglit na naumid ang dila niya. Matapang ba siya? paniniguro niya sa sarili bago nagpasiyang isuong ang damdamin sa naghihintay na sakit ng kabiguan.

Tatanggapin niyang karma niya kung masasaktan siya sa kanyang matutuklasan.

Nasa likod na kasi palagi ng kanyang isipan na hindi na masaya sa piling niya si Larisa. Oo, natutugon pa rin nito ang init na ipinadadama niya sa tuwing magsisiping sila ngunit hindi na siya nakukuntento sa pisikal na relasyong namamagitan sa kanilang mag-asawa.

Gusto naman niyang makakuwentuhan si Larisa ng tungkol sa mga bagay na mahalaga para dito ngunit mistulang tahong na sumasara ang bibig ng asawa kapag nagtatangka na siyang magsimula.

Nakatalikod ito kapag natutulog na sila. Hindi na siya lumilipat ng kuwarto. Mas gusto na niyang manatili sa malaking kama ng kanyang asawa…

“I love you, Larisa!” Isang bulong iyon na halos padaing. Ni hindi niya namalayang ito ang nunulas sa kanyang bibig.

Pareho silang nagulat ni Larisa sa ipinahayag niya. Naghinang ang kanilang mga mata. Nag-usap ng mga pribadong lengguwahe, na tanging mga puso lang ang nakakaunawa.

“Oh, Jace!” anas ni Larisa sa garalgal na boses. “I love you, too!”

Hindi makapaniwala si Jace sa kanyang narinig.

“W-what did you say? You love me, too?” ulit niya. Ibig niyang marinig uli ang mga katagang naghatid ng walang kahulilip na ligaya sa kanyang pusong kay tagal na binalot ng sinismo.

A, kaytagal niyang naging bulag sa ganda ng buhay!

Nangilid ang luha ni Larisa ngunit buong tapang na tumango habang nakatingin nang diretso. Tila ipinababasang maigi ang nilalaman ng kalooban.

“Hindi mo ba alam na labis akong umiibig sa iyo?”

“Sweetheart,” bulong ni Jace habang humahakbang palapit sa kinauupuan ng kabiyak. “My sweet wife! Bakit ngayon lang natin nasabi ang mga damdamin natin sa isa’t isa? Kaytagal kong nag-isip…”

“Naging duwag ako,” pag-amin ni Larisa.

“Ako ang naging duwag,” bawi niya. Masuyo niyang hinagkan sa noo ang asawang malambing nang nakangiti sa kanya. “I missed that sweet and gentle smile of yours, wife,” dagdag pa niya sa patudyong tono.

Tuluyan nang gumulong ang isang butil na luhang mala-diyamante sa pisngi ng babae, ngunit nanatili ang ngiti.

“And I missed your old arrogant self, husband.” Ganti nito, patudyo rin.

“Oh, that old Jace is gone forever, Larisa. He is a fool. Nasa harapan na pala ang kaligayahang pangwalang hanggan ngunit hindi pa nakikita. Sana ay mapagtiyagaan mo ako,” pahayag niya sa mapagkumbabang tono.

Hinaplos ni Larisa ang intelihenteng noo ni Jace. “I’ll never stop loving you, Jace. Minahal ko ang lahat-lahat sa iyong katauhan.”

Gustong malunod ni Jace sa mga mata ni Larisa nang mga sandaling iyon. Hinihigop siya ng isang malamyos na emosyon na tila sutlang sinulid na unti-unting gumagapos sa kanyang kamalayan.

“Ako naman ang magsasabi sa iyo nito,” bulong niya sa napapaos na tinig habang isinusubsob ang mukha sa mabangong leeg ng asawa. “I’m yours, Larisa. Only yours…!”

*** WAKAS ***

Click Here – LADY ROMANTICA TABLE OF CONTENT

Comments are closed.