An Extraordinary Love-3

Namilog ang mga mata ng dalaga pagkarinig sa kaswal na pagbabalita ni Don Hernan.

“Walang biruan, Dad?” paniniyak pa niya gayong tumatalon na ang kanyang puso sa sinabi ng ama.

Kunwa’y hindi naman siya narinig ng matandang lalaki, tinutudyo siya.

“Dad!” pangungulit niya habang pinandidilatan kunwari ang ama.

“Ano’ng masasabi mo kay Jace, iha?” tanong nito nang mapansing medyo nakasimangot na siya.

Humalukipkip si Larisa. Kunwa’y umirap. Saglit na umandar ang pagka-tinedyer.

“Ano naman ang masasabi ko d’un, e, umalis din agad?” pagmamaktol niya. Sinisisi niya ngayon ang kanyang sarili sa pamimintas na ginawa sa binatang bisita ng ama kagabi sa kanyang kaarawan.

“You should understand, iha,” pang-aalo naman ng ama agad. “Maraming responsibilidad na inaasikaso ang isang katulad ni Jace na lider sa kinabibilangang industriya. Alam mo bang siya ang kauna-unahang Pilipino na nakapagtayo ng planta sa Australia?”

Ito ang gustong-gusto ni Larisa. Hindi siya nagsasawang makinig sa mga katangiang ipinagmamalaki ng ama tungkol sa lalaking nagiging laman ng naman ng kanyang isipan. At ng puso na rin…

[Want to read the Start of Stories Online titled – AN EXTRAORDINARY LOVE…? Click Here!]

Anupa’t tuluyan na ngang nabura ang sama ng loob niya. Kaya nang magkaharap na uli sila sa restawran ni Jace, nagawa pa niyang ipagwalambahala ang pagiging prangka nitong tumingin.

Unti-unti na nga siyang nasasanay na titigan nang husto ng isang pares ng mga matang-lalaki. Nararamdaman niyang babaeng-babae siya kapag nakatutok sa kanyang kabuuan at mukha ang atensiyon ng kaharap sa bilugang mesa na kainan.

Siyang-siya na lang si Larisa sa pakikinig sa dalawang lalaking nag-uusap ng tungkol sa negosyo. Hindi niya mawawaan ang mga salita ngunit ang timbre at tekstura ni Jace ay nakakabisa na niya.

Alam niyang mapapakinggan na niya palagi ang mababa at medyo paos na tinig sa kanyang mga panaginip… Sinasambit ang kanyang pangalan…!

Ni hindi kasi siya kinausap nito pagkatapos siyang batiin ng isang magandang tanghali ngunit napatawad naman agad ni Larisa ang ginagawang ito ng lalaki. Lalo pa kasing nagiging misteryoso ang dating sa kanya.

Wala siyang masabi sa kasuotang mamahaling business suit na katulad ng sa kanyang ama. Bagay na bagay at hakab pa sa matipunong katawan.

At ang tanging alahas na nakikita niyang suot nito ay ang relong yari sa ginto.

Simpleng-simple, pero napaka-elegante tingnan ni Jace Alviento. Habang tumatagal, naiisip ni Larisa na hindi negosyante ito, isa itong modelong lalaki.

“Iha?”

Nagulantang si Larisa. Para siyang nagising mula sa isang malalim na pagtulog.

“H-ha? May sinabi ka ba, Dad?”

“Okey ka lang, iha?” paniniyak ng kanyang ama habang nakatitig sa mukha niya.

Umalon ang kulay ng pagkapahiya sa mga pisngi ni Larisa. Bumaba ang kanyang mga pilik-mata upang ikubli ang nasa isip niya. Nangangarap na pala siya ng gising!

“Uh, okey lang ako, Dad?” tugon niya, kandautal. “M-may sinabi ka?” ulit niya.

Ngumiti nang makahulugan ang matandang lalaki habang tatangu-tango.

“Itinatanong ko sa iyo kung uuwi ka na ba? Mayroon pa akong appointment. Hindi na siguro kita maihahatid sa bahay. Hanggang sa office lang,” paliwanag nito.

Nilunok ni Larisa ang pagkataranta.

“O-okey lang, Dad. In fact, baka mag-window shopping na lang muna ako sa mall pagkalabas natin dito,” pahayag niya habang dinadampot ang kanyang handbag na kulay puti.

Hindi na siya uli naglakas-loob na sumulyap sa dako ni Jace. Hiyang-hiya siya!

“Mauna na ako sa inyo, Dad,” paalam niya. Kailangan pa siyang pandilatan nang pasimple ni Don Hernan bago siya humarap sa matangkad na lalaking tumindig rin nang tumayo na siya.

“Er, Mr. Alviento,” nag-aapuhap siya ng sasabihin, “m-maraming salamat sa mga bulaklak na ibinigay mo.”

Dumaplis lang ang iwas na paningin niya sa mukha nito ngunit nakita niya ang bahagyang pagtaas ng isang aroganteng kilay na para bang nagdududa sa katapatan ng kanyang mga kataga.

Nasaktan si Larisa ngunit agad niyang pinalis ang anumang sama ng loob na maaaring iresulta ng iginawi ng lalaki.

Pinilit niyang maging banayad ang kanyang paglakad kahit na ibig na niyang tumakbo palabas ng restawran. Hindi na siya nagpahatid sa labas.

KINABUKASAN na uli sila nagkitang mag-ama. Tulog na siya nang dumating ito mula sa trabaho.

“Good morning, Dad,” bati niya habang hinahagkan ang noo ng ama.

“Good morning, iha,” tugon nito habang nagbabasa ng pang-umagang pahayagan. “Ano’ng oras ka nga pala nakauwi kagabi?” tanong nito.

Tinakalan muna ni Larisa ng asukal at kremang pulbos ang kanyang kape bago siya sumagot. “U-umuwi rin ako agad. Wala naman kasi akong makitang maganda sa mga naka-display ngayon.”

Tumango-tango ang ama. “At ano naman ang sinabi sa akin ni Aling Tindeng na ipinamigay mo raw sa mga katulong ang mga regalong tinanggap mo sa iyong party kahapon?”

Napapatda si Larisa. Hindi naisip sabihin sa ama ang tungkol sa desisyon niyang iyon. Nakalimutan niya dahil sa mga bulaklak ni Jace!

“Sinulatan ko namang isa-isa ang mga nagbigay, pagpapasalamat. Hindi ko naman kailangan ang mga iyon, Dad. Katulad na lang ng salamin sa mukha,” pagkukuwento niya. Naglalagay siya ng mantekilya sa isang hiwang tinapay. “Tatlong pare-parehong disenyo ang nagbigay sa akin. Aanhin ko naman ang mga iyon?”

Umiling-iling na lang ang ama niya.

“Kapag ganyan kang magsalita, parang nakikita ko ang iyong yumaong ina. Wala kayong kahilig-hilig sa mga bagay na materyal. Nagtataka nga ako kung bakit nagsisipag pa akong maghanapbuhay, e,” pahayag nito sa patudyong tono.

Napangiti si Larisa. Bata pa siya nang mamatay ang kanyang ina kaya hindi niya ito natatandaan, ngunit nananatiling buhay sa kanyang isipan ang nawalang magulang dahil na rin sa malimit na pagkukuwento ng ama.

“E, paano po, Don Hernan Silvero, napakaraming tao ang umaasa sa pananatiling matatag ng iyong mga kumpanya. Kapag nalugi ang negosyo mo, maraming bibig ang magugutom,” pagtugon niya sa kasalo sa pagkain.

“Kunsabagay,” anito, halos wala na sa loob. Nakatutok na uli ang mga mata sa binabasang diyaryo. “Hindi mo na nga pala ako sinagot kahapon, iha,” dugtong nito kapagkuwan.

Sinimsim ni Larisa ang kape. “Tungkol saan?” Nakatingin na rin siya sa dinampot niyang diyaryo.

“Tungkol kay Jace.”

Muntik nang masamid ang dalaga. Dali-dali niyang ibinaba ang hawak na puswelo dahil nanginig ang kanyang mga daliri.

AN EXTRAORDINARY LOVE-4

Comments are closed.