An Extraordinary Love-4

“A-ano naman ang tungkol kay Jace, Dad?” tanong niya sa pinakalmang tono.

Tumawa nang mahina ang matandang lalaki. “Huwag ka nang magtatuwa diyan, iha. Kitang-kita ng mga mata ko kahapon at nung gabi ng iyong debut na humahanga ka kay Jace,” pambubuska nito. Abot teynga ang ngiti.

Nag-blush si Larisa. Hindi makatingin nang diretso.

“Ang Daddy naman. Bakit naman ganyan kang magsalita. Para bang ipinamimigay n’yo na ako,” aniya sa nagtatampong tono. “Masama bang humanga sa isang lalaki?”

Lalong natawa si Don Hernan. Tila ikinatuwa pa nito ang di-sinasadyang pag-amin sa nadarama niya.

“Hindi masama kung iniuukol mo kay Jace, iha. Gusto ko ang batang iyon. Maabilidad at maraming ambisyon. Para sa akin, dapat nga siyang hangaan.”

Napatitig dito si Larisa nang mabakas ang bahagyang pagdidiin sa huling kataga.

“Yes, iha. Paghanga lang ang puwede mong iukol kay Jace — sa ngayon. Hintayin mong dumating ka sa tamang edad at hindi ka makakarinig ng pagtutol mula sa akin.”

[Want to read the Start of Stories Online titled – AN EXTRAORDINARY LOVE…? Click Here!]

Parang inilutang sa alapaap ang pakiramdam ni Larisa ngunit pinilit niyang ibaba ang mga paa sa lupa.

“Kung,” salo niya. “Magugustuhan din ako ni Jace Alviento.”

Nasambit niya ito dahil wala siyang nakakapang pernamente sa mga pagtitig na ginagawa ni Jace sa kanya sa tuwing magkikita sila.

Pagnanasa lang ang nasasalamin niya sa mga mata nitong malalim at mapanukso…!

Para ngang nag-aalaga ng halaman ang matandang Don nang mga sumunod na araw, linggo at buwan.

Alam ni Larisa na hindi ikinasisiya ni Jace Alviento ang lantarang pang-uulok at pagrereto ni Don Hernan sa kanilang dalawa ngunit hindi siya nagpapahalatang nababasa niya nang malinaw ang pagka-disgusto ng binata.

“Larisa,” tawag ni Don Hernan sa kanya isang gabi. Kumakatok ito sa pinto ng silid niya.

“Bakit, Dad?” tugon niya habang papalapit sa pinto. Ibinubuhol niya ang tali ng robang puti na isinuot niya matapos mag-shower. Kagagaling lang niya sa eskuwelahan.

“May panauhin tayo ngayong gabi. Nakalimutan mo na ba?” paalala ng matanda. Sinisipat ang kanyang kabuuan.

Natutop ni Larisa ang bibig. Nakalimutan nga niya. “Naku, sorry, Daddy!” bulalas niya. “Naging abala kasi ako sa mga exams ko. Uh, s-sino ba ang
mga bisita n’yo?”

Pinilit niyang gawing kaswal ang kanyang tono. Hindi na kasi niya naiintindihan ang kanyang mga nararamdaman nitong mga huling araw tungkol kay Jace Alviento.

Mistula na itong isang droga na umaalipin sa kanya. Kapag nasa malapit na sa kanya, maligayang-maligaya siyang nakamasid sa binata. Kuntento na siyang nakikinig lang sa tinig na baritono.

Ngunit kapag hindi niya nakikita si Jace, kinakain na siya ng panibugho tungkol sa mga babaeng nababasa niyang nakaka-ugnayan nito sa mga pahina ng mga diyaryo at babasahin.

At ayaw niya ng ganitong pakiramdam!

Una, wala siyang karapatang magselos. Ikalawa, napupuna niyang nagkakaroon na ng pagkamuhi ang mga prangkang pagtitig ng lalaki sa kanya sa tuwing nagpupunta ito sa bahay ng ama.

Para bang napipilitan lang ito na gumawa ng isang bagay na kinaiinisan… Ang pagpunta sa bahay ni Don Hernan dahil ipinag-duduldulan ng matanda ang anak na babae sa binatang negosyante!

Habang tumatagal, naiilang na siyang pumanaog upang makiharap sa binatang may enigmatikong ekpresyon at mapanggayumang mga mata.

“Ganoon ba?” sambit ni Don Hernan habang minamasdan ang namumutlang mukha ng anak. “Buweno, iha, magpahinga ka na lang muna ngayon. Huwag mong kalilimutang kumain ng hapunan, ha? Pahahatiran kita kay Aling Tindeng.”

Kinagat ni Larisa ang ibabang labi upang mapigil ang pag-tatanong niya kung sino ang mga bisitang nasa ibaba ngunit nag-alinlangan siyang magsalita dahil baka magduda pa ang kanyang ama.

“O-oo, Dad,” tugon niya habang nagbababa ng tingin. “Pasensiya ka na, ha?”

Tinapik siya ng ama sa balikat nang marahan. “Magpahinga ka na. Huwag ka nang mag-alala sa amin. Kami na lang ni Jace ang bahala,” pahayag nito.

Magkahalong panghihinayang at pananaghili ang pumuno sa dibdib ni Larisa nang maiwan na siyang mag-isa. Ramdam na ramdam niya ang hapdi ng sugat na lilikhain ng pag-iwas niya kay Jace.

Dumaan pa ang mga araw. Naging mabagal ang paglipas ng mga oras magmula nang gabing iyon.

“Iha, tapatin mo nga ako,” pananalakab ni Don Hernan minsan. Nakakahalata na yata ito na umiiwas na siyang makisalamuha sa binatang napipisil para maging manugang. “Bakit bigla ka na lang tinabangan kay Jace?”

Namutla agad si Larisa sa narinig. Hindi niya malaman kung saan siya titingin habang nag-iisip ng itutugon.

“P-paano n’yo naman nasabi iyan, Dad?” Pag-a-adlib niya. Nasa harap sila ng isang pananghaliang pang-linggo. Pareho silang walang pasok kaya parang espesyal ang mga sandaling ganito.

Hiniwa muna ng Don ang karneng isusubo bago nagsalita.

“Napapansin ko kasing kapag nalaman mong darating si Jace o kaya ay kasama kong dumating, palagi kang may dahilan para makaalis.” Tugon ng matanda.

“Hindi naman, Dad. Mas gusto ko lang na bigyan kayo ng privacy ni Jace sa mga pinag-uusapan ninyo,” pagdadahilan niya. “At saka, medyo boring na din para sa akin ang makinig lang nang makinig sa inyo,” dagdag pa niya kahit na kasinungalingan lang.

Napakunot-noo si Don Hernan.

“I’m sorry, iha. Hindi namin alam na ganyan pala ang nararamdaman mo. Next time — ”

Itinaas ni Larisa ang isang kamay upang pigilin sa pangangako ang ama. “No, Dad. Mas gusto ko na rin ang magkaroon ng panahon para sa sarili ko. Hindi naman magandang palagi na lang akong nakabuntot sa iyo, hindi ba? Paano naman ako makakapag-mature?”

Lalong lumalim ang mga kunot sa intelihenteng noo ng ama niya.

“Ano ang ibig mong sabihin?” Nahulaan pa ng pagdududa. “Tapatin mo nga ako, Larisa. May nobyo ka na ba sa eskuwelahan?”

Nagulat si Larisa sa itinanong ng ama. Hindi ito ang inaasahan niyang magiging direksiyon ng mga tanong nito.

Ngunit agad siyang nakabawi dahil sa pabor sa kanyang lumihis ang kanilang paksa.

“W-wala pa ho, Dad,” pahayag niya sa kaswal na tono habang rumaragasa na naman ang pagtakbo ng utak niya.

“Pero may napupusuan ka na?” untag ng ama sa kanya.

Nagkibit siya ng balikat at sumimsim ng malamig na tubig. “Mahirap mamili, Dad.”

AN EXTRAORDINARY LOVE-5

Comments are closed.