An Extraordinary Love-5

Tutoong mahirap maghanap ng magiging nobyo dahil masyadong mataas ang pamantayan niya.

Nakaugma sa mga katangian ni Jace Alviento ang lalaking hinahanap niya.

Na imposibleng matagpuan niya sa loob ng eskuwelahan. Halos mga kasing-idad lang niya ang mga lalaking nakakakilala niya doon.

Umasim ang mukha ni Don Hernan.

“Hindi mo na kailangang maghanap at mamili. Wala ka nang magiging kahirap-hirap kung kay Jace mo itinutuon ang lahat ng pansin mo. What happened, iha? Dati-rati naman ay halos hindi maialis ang paningin mo sa kanya, a?”

Namula ang mga pisngi ng dalaga.

“Daddy naman,” protesta niya. “Ikaw na rin ang nagsabi sa akin noon na hindi masama ang humanga, hindi ba? Lumipas na ang infatuation ko sa kanya kaya wala ka nang dapat ipag-alala.”

Bumuntong-hininga na lang ng Don matapos siyang titigan nang ilang sandali.

“Ganoon ba? Nakakalungkot naman. Napalapit na nang husto sa akin si Jace. Itinuturing ko na siyang anak na lalaki.” Natubigan ito matapos sambitin ang huling pangungusap. “Hindi kaya nagseselos ka lang sa atensiyon na iniuukol ko kay Jace?”

[Want to read the Start of Stories Online titled – AN EXTRAORDINARY LOVE…? Click Here!]

Awtomatiko ang pag-iling ng dalaga, kasabay ang kanyang pagtutol.

“Ano ba naman iyang mga nasasabi mo, Dad!” bulalas niya sa medyo naghihinakit na tono. “Ganyan ba kakitid ang pagkakakilala mo sa akin?”

Umiling ang matanda. “Hindi naman, iha. Gusto ko lang matiyak na wala akong nagawang mali sa mga pakikialam na ginawa ko nitong mga nakaraang buwan. Medyo nasasabik na kasi akong magkaroon ng apo. Pasensiya ka na, ha?”

Muling nag-apoy ang makinis na balat ni Larisa pagkarinig sa salitang ‘apo.’ Napaka-personal kasi at napaka-pribado ng proseso bago lumabas ang naturang kahilingan ng matandang lalaki.

Kailangan muna ang pag-iisa ng mga ningas na nasa mga mata nila ni Jace…

Nanumbalik ang wisyo niya nang muling marinig ang mahaba at malakas na pagbubuntong-hininga ng ama.

“Napakabata ko pa, Daddy, para mag-isip ng mga tungkol diyan,” aniya sa mababang tono.

“Oo nga naman,” sang-ayon naman ni Don Hernan. Binabawi na ang sarili. “Malapit ka nang mag-disinuwebe, a?”

“Next month na, Dad.” Natuwa si Larisa nang mabago na naman ang paksa.

“Ano ang gusto mong regalo ko sa iyo?”

“Wala, Dad. I have all the things I need naman. You don’t have to make a fuss,” tutol niya.

“Ayaw mo ba ng party uli?” paniniyak ni Don Hernan.

Nanlaki ang mga mata ni Larisa. “Dad! Alam n’yo namang I hate parties. Pinagbigyan ko lang ang gusto n’yong debut last year kaya pumayag akong magkaroon ng malaking pagtitipon dito sa bahay.” Ngumiti siya upang hindi gaanong masaktan ang damdamin ng ama. “Isang espesyal na hapunan na lang sa labas, Dad. Tayong dalawa lang.”

Napailing-iling na lamang si Don Hernan. “Hay, paano ka ba naman makakapag-asawa nang ganyang kustombre mo, iha?” pagrereklamo nito sa kawalan. “Daig mo pa ang matanda sa una kung makapagkulong sa loob ng bahay.”

Pinandilatan kunwari ni Larisa ang ama, pero nakatawa siya.

“Ikaw, Dad, ha? Nagrereklamo kayo dahil nagkaroon ka ng anak na mabait at walang hilig sa barkada?”

“Hindi naman,” salo nito. “Natutuwa nga ako pero — ”

“Dad,” pigil ni Larisa. May hinuha siyang ang pangalan na naman ni Jace Alviento ang nunulas sa bibig nito. “Let’s have another topic, okey?”

Tumaas sandali ang mga kilay ng Don bago nagkibit ng balikat.

“Okey, iha,” patianod nito. “Saan mo gustong magbakasyon sa summer?”

Nakahinga ng maluwag si Larisa. Ngumiti siya at nagsimulang magsalita. “Gusto n’yo ba sa Carribean Islands naman?”

Nagtataka si Jace. Malimit niyang matagpuan ang sarili na parang nawawala sa wisyo.

Hindi niya alam kung bakit nagkakaganito siya. Nauntol ang iniisip niya nang may mapagtanto. Ngunit tumututol pa rin siya dahil hindi siya makapaniwala.

“Damn!” bulong niya sa sarili. Imposibleng mangyari ang naiisip niya.

Pabalibag niyang binitiwan ang ballpen sa ibabaw ng makapal na patong ng mga papeles na kailangan niyang basahin at pirmahan.

Tumindig siya at nagpalakad-lakad sa gitna ng kanyang study room. Ito ang pinaka-opisina niya sa bahay. Nandito siya hanggang mag-umaga kapag marami siyang trabahong dala pauwi.

Ngunit sa malas, hindi yata siya makakapagtrabaho ngayon.

Si Larisa Silvero ang palaging laman ng kanyang utak. Nung parati niyang nakikita ang dalaga, halos iduwal ng kanyang isipan ang anyo nito.

Ngunit ngayong kapuna-puna na ang pag-iwas ng babae sa kanya, para namang hinahanap-hanap niya ito!

Malapit na ang anibersaryo ng unang pagkikita nila ni Larisa. Kaarawan na naman ng dalaga sa isang buwan.

Bumuntong-hininga si Jace. Halos hindi na niya mapigil ang kanyang iniisip. Para bang sabik na sabik na siya sa babaeng ipinagwalambahala niya noon…

Para bang gusto niyang maranasang muli ang mga panakaw na sulyap nito na puno ng admirasyon.

‘A, naging conceited ka na, Jace!’ bulyaw niya sa sarili habang humahakbang palapit sa munting wet bar na nasa sulok, katabi ng french windows na patungo sa hardin.

Tinanaw niya ang katamtamang swimming pool na nakalatag sa kalakhang bahagi ng hardin, habang sinisimsim ang alak.

Puwede niyang sabihing tutoo ang lahat ng nadarama niya ukol sa babaeng malayo ang edad kaysa sa kanya. Halos sampung taon ang agwat nila ngunit parang balewala na rin.

Paano’y may pagka-kunsintidor din naman ang ama nito na si Don Hernan.

Nabalisa ang kanyang paggalaw nang sumagi sa isipan ang matandang Don. Kilala sa kabaitan at kagandahang-asal ang ama ni Larisa. Ito ang dahilan kung bakit hindi niya magawang tumanggi sa mga imbitasyon nito noon…

Ngunit nitong huli, kung hindi pa nawala sa paningin niya ang magandang anak nito — hindi pa niya mapapagtanto na nawiwili na rin siyang magpunta sa mansiyon ng mga Silvero.

Ano ba itong nararamdaman ko? At ano ang dapat kong gawin?

Inisa-isa niya ang kanyang mga opsyon. Mabuting pamilya ang pinanggalingan ni Larisa. Lumang pera, kumbaga. Mula pa sa mga ninuno ang perang mamanahin nito, na lalo pang pinagyayabong ng masipag na ama.

Samantalang siya…

Kilala siyang isang self-made millionaire sa daigdig ng industriya. Nakamit niya ang tagumpay dahil sa kanyang gilas at bilis sa pag-iisip at pagkilos. Kasama na rin ang kanyang magandang hitsura.

AN EXTRAORDINARY LOVE-6

Leave a Reply

You must be logged in to post a comment.