An Extraordinary Love-6

Mayroon daw siyang mapanghalinang personalidad, wika ng mga kaibigan at kaaway niya sa negosyo.

Kaya daw kahit mga ibon sa puno ay kaya niyang palapagin sa lupa!

Isang kalokohan ang bagay na ito. Wala siyang puwedeng paglagyan ng kredito sa mga suwerteng dumarating sa kanya kundi ang kanyang kasipagan. Wala siyang pinalalagpas na sandali na tatamad-tamad siya habang nag-iisip ng walang kawawaan.

Ngayon pa lamang — kung saka-sakali!

Padaskol siyang bumalik sa mesang sulatan upang magpatuloy sa kanyang ginagawa.

Ipinilig niya ang ulo niya nang ang maamong mukha ni Larisa ang lumangoy sa munting dagat ng papel. Pumikit lang si Jace at nangarap nang gising. Isinandal niya ang ulo sa malambot na likod ng swivel chair niya at itinaas ang mga paa sa ibabaw ng lamesa.

“Ano ang gagawin ko sa iyo, Larisa Silvero?” tanong niya sa malakas na tinig. Nakatingin siya sa ilaw na nasa kisame.

“Bakit hindi kita ligawan?” patuloy niya habang kumukunot ang noo.

Napailing-iling siya nang marinig ang sariling boses. Medyo andap siyang ipagpatuloy ang naturang ideya ngunit wala naman siyang makitang pangit sa kanyang naiisip.

[Want to read the Start of Stories Online titled – AN EXTRAORDINARY LOVE…? Click Here!]

“Tutal, nasa hustong edad ka na upang magbuo ng pamilya, hindi ba?’ pang-aamuki niya sa sarili habang kinukuha ang basong may lamang alak.

Sinamyo niya ang mamahaling likido bago tinungga nang isa. Iyon ang kanyang pamamaalam sa kanyang buhay na malaya.

Ngunit hindi sukat akalain ni Jace na napaka-imposibleng gawin ng naiisip niya. Madulas pa pala sa palos ang dalagang Silvero kapag naisipang mag-iiwas!

Sa tuwing madadatnan niya sa sala ang babaeng pinagpaplanuhang gawing asawa, para itong nakakakita ng multo. Napapapitlag at dagling namumutla. Pamaya-maya lang, nakakapag-isip na ito ng idadahilan para makaalis sa harapan nila ni Don Hernan.

Nagtataka rin naman siya sa matandang don. Puwedeng masabi na conceited siya ngunit alam niyang hindi siya nagkakamali ng akala noon. Napipisil siyang maging manugang ng ama ni Larisa!

Ano ang nangyari? tanong ni Jace sa sarili habang sinusundan ng tingin ang papalayong likod ni Larisa Silvero.

Hindi kaya mayroon nang nobyo ang babae kaya nawaglit na ang admirasyon na iniuukol nito sa kanya? ukilkil ng isang munting tinig na nasa likod ng isipan niya.

A, hindi maaari! bulyaw niya sa sarili habang tumitindig.

Sabay pa silang napatigagal ni Don Hernan na kasalukuyang nag-aayos ng mga piyesa ng chess sa mababang lamesita na nasa pagitan ng mga silya nila.

“Bakit, iho?” tanong ng matanda.

“Nakalimutan ko hong uminom ng gamot ko sa sakit ng ulo, Don Hernan. Pupunta lang ako sa kusina upang kumuha ng tubig,” pagdadahilan niya habang patungo sa pintong nilabasan ni Larisa.

Nabaghan ang matanda. “Maaari tayong magpadala dito kay Tindeng ng tubig — ”

Umiling si Jace. “Ako na lang ang pupunta doon, Don Hernan. Para hindi gaanong makaabala. Nais ko ring makigamit ng inyong restroom,” dagdag niya.

Hindi na nakapagsalita pa ang Don dahil napihit na niya ang seradura at papalabas na siya.

Hinabol niya ng tingin ang papalayong dalaga. Hindi nito alam na nakasunod siya.

Ngayon lang niya uli nakita itong nagre-relaks sa loob ng marangyang salas ng mansiyon. Sa labas kasi sila naghapunan ng matandang lalaki at hindi siya tumanggi nang ayain siya nitong maglaro ng chess.

“Nami-miss ko na ang mga laro natin, Jace,” ungot ni Don Hernan habang nagkakape sila sa restawran ng hotel. “Bakasakaling manalo naman ako ngayon. Pakiramdam ko ay susuwertihin ako.”

Dahil nagbabakasali siyang matiyempuhan si Larisa, pumayag siya.

Ngunit hindi niya napalago ang kanyang kabuhayan sa pamamagitan ng pagbabaka-sakali kaya sasadyain na niyang sukulin sa isang sulok ang umiiwas na dalaga.

Hindi siya sanay nang iniiwasan at tinataguan ng babae!

Nanginginig ang mga tuhod ni Larisa. Hindi niya maintindihan kung ano ang kanyang nararamdaman nang mga sandaling iyon. Niyayapos niya ang kanyang sarili dahil para siyang nanlalamig, ngunit mainit naman ang kanyang balat.

Tatlong buwan na siyang umiiwas sa lalaking iyon ngunit bakit hindi yata niya maiwaglit ang mukha nito sa kanyang isipan?

Ano pa ba ang dapat niyang gawin?

Hindi naman niya puwedeng bawalan ang kanyang ama na makipagkaibigan pa kay Jace Alviento!

A, hindi na niya alam kung paano pa niya lalabanan ang masidhing atraksiyon na umaalipin sa kanyang katinuan! bulong niya sa sarili, may halo na ng desperasyon ang kanyang tono.

Kanina lang na magtama uli ang kanilang mga mata ni Jace, para na siyang inulos sa kanyang puso. Para bang tumilapon sa kung saan ang kanyang kamalayan.

Muntik na siyang tumayo mula sa kanyang kinauupuang sopa at tumakbong palapit sa kulungan na matitipunong bisig.

Hanggang kailan kaya siya magtitiis? Isang histerikal na tanong iyon mula sa likod ng kanyang isipan.

“Mas maganda sigurong magpunta na lang ako sa Amerika,” bulong niya sa sarili. Hindi niya namamalayang nakakapagsalita na siya nang malakas.

“Hindi na ako uuwi pagkagaling namin sa Carribean Islands ni Daddy,” pangako niya sa sarili habang naglalakad patungo sa hardin. “Magsasabi ako na doon na lang mag-aral sa New York!” dagdag pa niya sa mas mariing tono.

Para bang kailangan niyang sabihin ng malakas ang mga kataga upang makintal sa kanyang isipan at makubinsi niya ang sarili na iyon ang tamang solusyon.

Malapit na siyang makarating sa gazebo na may kalapit na swing nang may maramdaman siyang sumusunod sa kanya. Nilinga niya ang kanyang pinanggalingan at gayon na lang ang kanyang pagkabigla nang makita si Jace.

Madilim sa dakong ito ng hardin dahil malalayo na ang distansiya ng bawa’t posteng may ilaw. At patay na pati ang ilaw sa gazebo.

Sa kalituhan, hindi siya huminto sa paghakbang, ang unang pumasok sa kanyang isipan ay ang magkaroon ng sapat na iluminasyon upang makita niya nang maliwanag ang ekpresyon ng lalaki.

Mistula itong anino na nagbabadya ng panganib sa kanya…

Kumabog ang kanyang dibdib sa isiping iyon ngunit pinigil niya ang kanyang takot. Walang gagawing masama si Jace sa kanya. Mayroon itong respeto sa kanyang ama.

Medyo nakalma siya matapos niyang sambitin ang mga katagang iyon sa loob ng utak. Kinalabit ng isang nanginginig na kamay ang mga switch na nasa unang poste ng gazebo.

AN EXTRAORDINARY LOVE-7

Comments are closed.