An Extraordinary Love-8

“M-mabibigla si Daddy,” aniya. Hindi niya magawang tumutol nang tuwiran.

“Let’s be honest, Larisa,” salo ng matatag na tinig ng lalaki. “Manok niya akong inirereto sa iyo, simula pa nung una. In a sense, may isang taon na rin akong sinusuyo ng iyong ama sa iyo. Mag-aaksaya lang tayo ng panahon kung magpapatumpik-tumpik pa tayo.”

Nag-alangan ang dalaga sa tinurang ito ng lalaki. Tutoo kasi ang lahat ng mga sinabi nito.

“Hindi ka ba nabibigla lang — ?” tanong niya nang wala na siyang maapuhap na katwiran para idepensa ang kanyang hesistasyon. “Hindi pa tayo lubos na nagkakakilanlan ng mga ugali natin,” dugtong niya nang bahagyang dumilim ang anyo ng kaniig.

Bumuntong-hininga si Jace. “Tell me, mayroon ka bang nobyo na nauna sa akin?”

Napakurap si Larisa hindi yata siya masasanay sa pagka-prangka ng lalaking pinag-iisipan niyang pakasalan!

“Larisa?” untag nito nang hindi siya tumugon agad.

“Y-you see?” ganting tanong niya. Tinangka niyang lumayo upang magkatitigan silang mabuti ngunit sumabay ng pagbaba ang matiim upang bihagin ang kanyang inosenteng mga labi.

[Want to read the Start of Stories Online titled – AN EXTRAORDINARY LOVE…? Click Here!]

“I see your point, little one,” bulong ni Jace nang muling mag-angat ng ulo. “Marami akong hindi alam tungkol sa iyo. At ikaw din sa akin. I’ll give ourselves a month to know one another.”

Nanlaki ang mga mata ni Larisa sa narinig. “O-one month?” bulalas niya. Hindi na niya halos makilala ang sariling tinig na namamaos at nanginginig.

“No more, no less. That’s a fair bargain. Kung ako lang ang masusunod, gusto kong bukas na tayo magpakasal,” salo ng lalaki. O di kaya’y ngayon na para maiuwi na kita mamayang gabi!” dugtong nito, halos paungol habang sinasamyo ang bahaging sugpungan ng leeg at balikat ni Larisa.

Namigat ang mga talukap niya nang maramdaman ang pamilyar na kiliting tila kuryenteng dumadaloy sa kanyang mga ugat.

O tila droga, bawi ng isang tinig sa loob ng utak niya. Paano’y lalo pa siyang nabighani kay Jace Alviento!

Mabilis namang lumipas ang isang buwan. Pinabilis yata ng lalaking hindi nahihiyang magpakita ng matinding pagnanais na maangkin na siya nang buong-buo.

Sa tuwing maalala ni Larisa ang kapusukan ni Jace, ang kanyang nobyo, nagkakaroon ng maraming temperatura ang buong katawan niya. Naghahalo ang init at ang lamig upang guluhin ang kanyang pakiramdam.

“Hi, sweetheart,” bati ng lalaking palaging laman ng isipan niya. Ginawaran ng isang masuyong halik ang kanyang noo bago ibinigay sa kanya ang isang mahaba at makitid na kahong may lamang mapupulang rosas. “This is for you.”

Ngumiti siya ng buong tamis. Kapag nasa tabi na niya si Jace, napaparam na ang lahat ng mga agam-agam na dumadalaw sa kanya.

“Thank you,” aniya.

“Nainip ka ba?” tanong ni Jace habang nauupo sa katapat na silya.

Umiling si Larisa. “Kadarating ko lang.” Hinubad niya ang suot niyang sunglasses. Tinanaw niya ang malawak na damuhan. Kung saan naglalaro na ng golf ang kanyang ama. “Kanina pa dito si Daddy. Ayun na siya, o!”

Sinundan ni Jace ang itinuturo niya. Kumaway sa kanila ang matandang lalaki na naka-short at t-shirt na puti.

“Nagpapraktis na siguro para hindi matalo sa match namin mamaya,” ani Jace habang tumatawa. “Gusto mo bang um-order ng maiinom?” baling nito sa kanya.

Umiling uli ang dalaga. “Go ahead, Jace. Baka mainip na si Dad sa ‘yo niyan,” pagtataboy niya sa kasintahan.

Habang papalayo ang matangkad at atletikong lalaki, hindi makapaniwala si Larisa na ito ang kanyang makakapalad na makasama habang buhay. Isang magnipikong lalaki!

Inilipat niya ang paningin sa hawak niyang mga bulaklak upang makumbinsi ang sarili na hindi siya nananaginip lang.

Isang semi-engrandeng kasal ang napagkasunduan ng magbiyenan. Gusto sana ng kanyang ama na imbitahan ang kalahati ng Maynila ngunit tumanggi si Jace.

“Don Hernan, alam n’yo naman wala akong kamag-anak, kahit na isa. Magiging kapuna-puna ang aking kakulangan kapag dinala n’yo ang lahat ng mga mapanuring mata sa kasal namin ni Larisa,” pakiusap ni Jace. “Isa pa, ibig kong maging pribado ang aming magiging pagsasama.”

Napahinuhod naman agad ang matandang lalaki dahil sa malaking respeto nito sa mamanugangin. “Buweno, buweno, bahala ka na nga, iho ,” pagpapatianod nito.

Pakiramdam nga ni Larisa, isinakay siya sa isang bangka at pinabayaang mag-isa sa gitna ng rumaragasang agos ng ilog.

Sa loob lang ng isang buwan, naayos ang lahat ng mga kailangan — magmula sa mga imbitasyon hanggang sa trahe ng mga abay. Halos wala siyang nagawa kundi ang magsukat ng mga kasuotang in-order mismo ni Jace.

May isang bahagi niya ang nagkukukot dahil sa panibugho. Hindi maaaring maging eksperto si Jace sa mga kasuotang pambabae kung hindi ito naging sanay na bumili ng mga ganito bilang panregalo sa mga babaeng nagdaan sa buhay nito.

May isang pangako pati ang lalaki na hindi nito nagagawang tuparin kay Larisa — hanggang ngayon, hindi niya pa lubusang nakikilala ang kanyang kasintahan!

Masyadong enigmatiko ang personalidad ni Jace para maunawaan niya agad ang takbo ng utak at ang nilalaman ng kalooban nito.

Batid niyang hindi tuso o mapag-imbot si Jace sa pagnenegosyo at pakikitungo sa mga tauhan ngunit wala siyang basehan para maarok at masukat ang karakter nito bilang lalaki.

Paminsan-minsan, nagtatanong siya sa kanyang sarili kung bakit nabigla siyang magdesisyon na magpakasal kay Jace Alviento.

Habang dumaraan ang mga araw, parang napapalitan ng pag-aalinlangan ang paghangang iniuukol niya sa lalaki…

“Hello, Larisa?” anang boses ni Jace sa telepono. “Baka hindi ako makarating diyan mamaya. Mayroon nga pala kaming general check up dito sa opisina ngayon. Hindi ako puwedeng mawala dahil ako ang magsisilbing modelo sa mga empleyado ko. Okey lang ba sa iyo?”

Nilunok ni Larisa ang kanyang disappointment. “Uh, okey lang. Bale bukas na lang tayo magkikita uli?”

“Yes,” tugon ng lalaki. “Ihingi mo lang ako ng dispensa kay Don Hernan. “Bye,” paalam nito.

Nanlulumo si Larisa nang marinig ang pag-klik at ang dial tone sa receiver na hawak niya. Marahan niyang ibinaba ito bago nagbuntong-hininga.

Ilang beses na ring malimit na hindi nakakarating si Jace sa kanilang usapan. Gusto niyang isipin na napapatapat lang sa abalang panahon ang kanilang napapagkasunduang oras.

AN EXTRAORDINARY LOVE-9

Comments are closed.