An Extraordinary Love-9

Muli niyang ibinalik ang kanyang atensiyon sa hawak na diyaryo.

Nung isang linggo pa lumabas ang naturang pahayagan ngunit hindi siya nagsasawang pagmasdan ang larawan nila ni Jace. Isang anunsiyo iyon ng nalalapit na kasal nila ng lalaki.

Para bang napaka-perpekto ng kinabukasan para sa kanila habang tinitingnan ang masayang ngiti niya habang nakatingala sa simpatikong mukha ng lalaking nakatitig rin sa kanya.

A, sana nga… bulong ni Larisa sa sarili.

Ganito ang inuusal-usal niya hanggang sa dumating na ang takdang araw ng kanilang pagpapakasal.

“Tita, ang ganda-ganda mo!” bulalas ng baklang beautician na kinuha ng kanyang ama. Ito rin ang nag-ayos sa kanya nung nag-debut siya.

“Parang kailan lang, ano? Last year lang nung ayusan kita para sa iyong debut, hindi ba?” patuloy pa nito kahit na hindi nagsasalita ang bride na inaayusan.

Nakatitig naman si Larisa sa kanyang repleksiyon. Gusto niya ang kanyang nakikita… sana ay magustuhan din ni Jace!

[Want to read the Start of Stories Online titled – AN EXTRAORDINARY LOVE…? Click Here!]

Pulos mamahalin ang mga kasuotang pinili ng lalaki para sa trousseau niya. Walang inalintanang presyo. Tunay na diamante ang nakalagay sa kanyang tiara at mahabang belo, pati sa bodice ng kanyang trahe. Nagmistula siyang isang prinsesa nang mga sandaling iyon.

Wala siyang kamalay-malay na ang pinakamagandang bahagi ng binuo niyang larawan sa kanyang damit-pangkasal at belo ay ang kanyang mga matang malalaki na puno ng pagkasabik at pag-ibig. Walang kasing-halagang hiyas ang mga kislap na makikita sa pagitan ng malalantik na pilik-mata niya.

“Iha, oras na,” tawag ni Don Hernan. Makisig na makisig ito sa suot na puting morning suit. “Baka naiinip na ang iyong bridegroom.”

Nanikip ang dibdib ng dalaga ngunit nanatiling kalmado ang kanyang mukha. Pinilit niyang ngumiti habang humahakbang palapit sa ama.

Nabakas niya ang pangingilid ng luha nito habang minamasdan siya.

“Sana ay nandito ngayon ang iyong ina, Larisa. Matutuwa siya kapag nakita ka niyang animo prinsesa ng kagandahan!”

Nagkaroon ng kulay ang mga pisngi niya sa narinig na papuri ng ama.

“M-maraming salamat, Daddy. I needed that!” bulalas niya.

“Ah, ang aking si Larisa,” pang-aalo ni Don Hernan habang maingat na hinahagkan ang isang pisngi niya sa ilalim ng manipis at malinaw na belo.

“Natural lang sa isang bride ang magkaroon ng nerbiyos. I’m sorry, hindi ko naikuwento sa iyo ang tungkol sa kasal namin ng iyong Mommy. Ganyang-ganyan din siya noon,” pagkukuwento nito habang patungo sila sa sasakyan.

Pinilit uli niyang ngumiti. Hindi niya masabing maraming-marami itong hindi naikukuwento sa kanya. Katulad na lang maaaring mangyari sa gabi ng pulot-gata…

Napalis ang lahat ng mga agam-agam at isipin niya nang makarating na sila sa katedral na pinili ng magbiyenan na maging lugar ng pag-iisang dibdib nina Jace at Larisa.

Sumaliw sa masayang awit ng kanyang pusong romantika ang malualhating tugtog na hinahabi ng malaking piano sa loob ng simbahan, habang naglalakad silang mag-ama patungo sa altar.

Natatanaw na niya ang hugis ni Jace na nakatindig sa isang panig ng aisle habang nakatingin din sa kanyang paglapit dito.

Maliksing lumipad ang mga sandali. Ang unang pagdadaop lang ng kanilang mga palad ang natatandaan ni Larisa, pati ang pagsagot nilang dalawa ni Jace ng ‘I do’ sa mga tanong ng pari.

Napapitlag pa siya nang maulinigan na niya ang pagbibigay-permiso sa lalaki na hagkan siya.

Halos malunod si Larisa sa mga matang nang-aarok sa kanya habang iniaangat ang kanyang belo.

“You are mine now,” bulong ni Jace bago naglapat ang kani-kanilang mga labi. Puno ng kasiyahan ang tono nito.

Aywan kung bakit hindi siya nakaramdam ng satispaksiyon sa ipinapahayag na ito ng bagong asawa. Para bang pakiramdam niya, isa siyang materyal na bagay na binili nang mahal.

Bumilis agad ang pagpintig ng puso niya na tumututol sa tumatakbong isipin sa loob ng utak niya.

Walang puwang ang katwiran at lohika habang nahihibang siya sa mga pangakong inihahayag ng mga mata at bibig ni Jace…!

“Yes,” bulong niya bilang pagsang-ayon. “I’m yours, my darling.”

“Body and soul?” anas ng lalaki, patudyo.

“Yes,” ulit niya.

Muli siyang hinagkan ng lalaki, mas mariin. Hindi alintana ang mga panauhin nilang nanonood sa eksenang ginagawa nila sa harap ng altar.

Namumula ang mga pisngi ni Larisa nang matapos ang maalab at malalim na halik na iyon ngunit wala siyang pagsidlan ng kaligayahan kaya balewala sa kanya ang pasimple at pakaswal na panunukso ng kanilang bisitang lalaki kay Jace. Kunwa’y hindi niya naririnig ang mga ito.

Wala siyang malapit na kaibigan sa eskuwelahan ngunit mayroon siyang napiling mga abay. Ang mga ito ay sina Nel, Tessie, Romelia at Lydia. Kaklase niya ang mga ito simula elementarya. Parang barkada na rin niya dahil palagi silang nagkakasama sa isang seksiyon.

“Larisa,” tawag ni Lydia sa kanya, ang pinaka-pilya. “Mayroon bang pinsan iyang napangasawa mo? Ipakilala mo naman sa akin, o? Type kong malahian ng matatangkad, e.”

“Heh,” sabad naman ni Romelia, ang pinaka-konserbatibo. “Marinig ka ni Jace, hindi ka ba nahihiya? Baka sabihin niya, mga maniac ang mga abay ni Larisa!”

Nagkatawanan kaya napalis ang tensiyon ni Larisa. Muli niyang naalala kung paano ba ang umestima ng mga bisita. Kapag nararamdaman niya ang mapangahas na pagdampi ng mga labi ni Jace sa balat niya, nawawalang lahat ang kanyang mga kaalaman at karanasan.

“O, siya, Larisa, hayaan mo na kami dito. Asikasuhin mo na ang iba pang mga panauhin ninyo,” pagtataboy ni Nel sa kanya.

“Oo nga, nakatingin sa iyo si mister, o,” wika naman ni Tessie.

Ngumiti ng ubod tamis si Larisa dahil gusto niya ang salitang ‘mister’. Kanya na rin si Jace!

Dala marahil ng kaligayahang bumubukal sa kanyang puso, hindi nakakaramdam ng pagod si Larisa habang nakikihalubilo sa mga taong dumalo sa kanyang kasal. Palaging nakatayo sa kanyang tabi si Jace. Larawan ng isang maasikaso at maalalahaning kabiyak.

Panay naman ang ngiti at tango ni Don Hernan. Para bang ito ang ikinasal kung makapag-taas ng noo! Paano’y natutuwa sa tinamong tagumpay ng pagpapapel nitong kupido.

“Puwede na tayong umalis, sabi ni Dad,” anas ni Jace nang nagsasayaw na sila sa gitna ng malaking ballroom na inarkila para sa reception.

AN EXTRAORDINARY LOVE-10

Comments are closed.