Lady Romantica, Romantic Love Stories Online, Long Stories, Romance, Love Story Series

Share

BELOVED IMPOSTOR

How strong are you when enduring hard times? Will you be ready to sacrifice your self for the sake of loved ones anytime? Will you do anything to ensure their comfort and safety?

Mahirap pa sa daga ang pamilya ni Martinne. Desperada na siya kaya napilitang magpanggap.

Ngunit paano kapag natuklasan ng among pinagsisilbihan ang kanyang panloloko? Papalayasin kaya siya ni Elan? O paparusahan?

Anong parusa kaya ang dapat na ipataw sa isang impostor na katulad niya?

* * *

Madilim-dilim pa kung bumangon si Martinne para simulan na ang paggampan sa naiwang gawain ng kanyang ama.

Dinidilig niya ang kalakhan ng hardin na nasa loob ng malawak na bakuran ng lumang mansiyon.

Walang nakatira sa mansiyon, sa kasalukuyan. Ang mag-asawang amo nila ay nagtungo sa America upang manirahan doon, kapiling ang nag-iisang anak na babae.

Mayroong anak na lalaki ang mag-asawang Madriaga, ngunit hindi malimit maikuwento ng mga amo nila ang tungkol sa anak na may pagka-bagamundo.

Napa-buntonghininga si Martinne habang tinatanaw ang matayog na istrukturang may dalawang palapag. Maluwag ang mga silid doon, bumibilang ng may limampu, kasama na ang mga banyo at mga dressing room na halos kasinglaki na ng barung-barong nila sa likod-bahay.

Ang tutoo, hindi naman barung-barong ang kanilang tirahan ngunit ang lahat ng perang tinatanggap nila ay nauubos para sa pantustos ng mga gamot ng kanyang amang maysakit at ng mga pangangailangan ng iba pang mga kapatid.

Wala na ang kanyang ina kaya si Martinne na ang itinuturing na ilaw ng tahanan. At ngayon ay bilang haligi ng tahanan na rin.

Muli siyang napabuntonghininga.

Bakit hindi naging pantay ang mga katayuan ng mga tao sa mundo? tanong niya sa sarili.

Narito sa kanyang harapan ang isang gusaling napakalaki at napakaluwag. Puno ng mga mamahaling mga bagay ngunit walang nakatira.

Pumiksi si Martinne. Tinalikuran niya ang palalong bahay. Malimit siyang tuksuhin ng imahe nito, ilang araw na niyang napupuna.

Marahil ay bumibigat na kasi nang bumibigat ang kanyang mga suliranin. Hindi na yata gagaling ang kanyang ama.

Ngunit patuloy pa rin niya itong pinaiinom ng gamot. Hindi niya maatim na makita at marinig ang paghihirap nito, lalo na sa gabi.

Kahit na magdildil na lang siya ng asin sa mga pagtitipid sa sarili upang mapag-aral lamang at mapalaki nang maayos ang tatlong mga kapatid na sumunod sa kanya.

Sina Millet, Mae-an at Mina ay sampu, siyam at walong taong gulang.

Si Martinne ay labing-siyam na gulang na.

Malayo ang agwat niya sa mga bata dahil anak siya sa unang asawa ng kanyang ama. Namatay ang kanyang madrasta nung dose anyos siya.

Sa kanya na napaatang ang pag-aaruga sa mga bata at ang pag-aasikaso sa bahay kaya hindi na siya nakapag-aral.

Nitong huli na lang siya natututo, kapag nakikinig siya sa pag-aaral ng mga kapatid na nasa elementarya.

Kahit na pagud na pagod na siya sa gabi, pinipilit pa rin niyang magbukas ng mga aklat ng mga bata upang mag-ensayo sa tulong ng isang bumbilyang malabo.

Wala naman siyang puwedeng sisihin sa kahirapang dinaranas nila ngayon. Kumpleto naman ang padalang pera ng abogado ng mga Madriaga para sa pagmamantini ng kapaligiran ng mansiyon.

Nagpapasalamat pa nga siya at natatakpan ng makakapal na punong-kahoy ang kanilang lugar. Kung hindi, kahiya-hiya ang makita ng mga pumupunta sa mansiyon ang bahaging iyon ng bakuran.

Naalala niya, magdadalawang linggo na nga palang walang sulat na dumarating mula sa America. Dati-rati, linggu-linggong sumusulat ang babaeng Madriaga.

Tinutugon niya agad ang mga liham na iyon upang hindi mag-aalala ang mga ito sa kalagayan ng malaking bahay. Buwan-buwan naman pating pinakukunan ng letrato ang naturang ari-arian sa abogado.

Nagkibit na lamang siya ng balikat habang nagpapatuloy sa paglalakad nang marahan habang hawak ang bumubugang hose na nakatapat sa mga halaman.

Bahagya siyang napapangiti dahil namumulaklak na ang kanyang mga rosas at bougainvilla. Pati ang mga sampaguita at gumamela. Ang mga ito na lang ang nagbibigay ng kasiyahan sa kanya.

Magtatanghalian nang gulantangin siya ng sunud-sunod na pagdo-doorbell ng kartero. Tumakbo agad siya palapit sa malaking gate kahit na basam-basa siya ng pawis.

Nagluluto na siya kahit na katatapos lang niyang magdilig.

“Sulat!” hiyaw ng kartero bago isinuot ang puting sobre sa siwang ng gate.

Maliksing kinuha ni Martinne ang naturang sobre na lumagpak sa damuhan. Medyo nabahiran ng putik mula sa basang damo ang malutong na mamahaling papel ng sobre.

Dinala niya sa bahay ang liham upang matingnan ang sinaing habang nagbabasa. Natutulog ang kanyang ama kaya tahimik siyang kumikilos.

Nanlaki ang mga mata ni Martinne sa nabasa, pagkatapos ng mahabang pagtitiyaga. Nahihirapan siya sa pag-intindi ng mga Ingles ngunit parang nauunawaan niya na inatake sa sakit sa puso ang babaeng Madriaga kaya hindi nakasulat.

May buti naman daw na naidulot ang insidente dahil napatunayan na may pagtingin naman pala sa mga magulang ang bagamundong anak.

Nagngangalang Elan Madriaga ito. At malapit nang umuwi sa mansiyon upang ito na ang mamahala muna sa mga negosyong iniwan ng dalawang matanda sa mga katiwala.

Ano kayang klaseng amo ang Elan Madriaga na ito? tanong niya sa sarili habang ibinababa ang sulat.

Ibig niyang ipagkibit-balikat na lang ang mga suliranin ng mga amo dahil mas mabigat ang dinadala niya ngunit hindi niya maiwasang mangamba para sa kinabukasan ng kanyang pamilya.

Paano kung may asawa na ang lalaking anak ng mag-asawang Madriaga? Paano kung ayaw sa serbisyo niya? At palayasin sila rito? Saan sila titira?

Oh, Diyos ko, usal niya. Isa-isa lang po sana ang pagsubok na ibibigay ninyo sa akin! Baka hindi ko makaya…

Hanggang sa gumabi, sakbibi si Martinne ng mga agam-agam.

Gayunpaman, hindi naman napapansin ng kanyang ama at mga kapatid ang kanyang dala-dalang problema. Pinakain niya ang mga ito at pinagpahinga na.

Hindi siya makatulog kaya lumabas muna siya sa hardin at naglakad-lakad.

Kailangang tiyakin niyang masisiyahan ang mga bagong amo sa pagdating ng mga ito! pangako niya sa sarili.

Ito ang matatag na resolbang iniuutos niya sa kanyang isipan at kalooban. Hindi siya dapat magpatalo agad sa isang bagay na hindi pa nga niya nakikita.

Kinabukasan, madilim-dilim pa nang lumabas siya ng bahay. Mas maaga kaysa dati ngayon dahil nagdagdag siya ng kalahating oras sa panahon ng trabaho niya.

Isang oras sana ang ibig niya ngunit kailangan pang asikasuhin ang kakainin ng mga kapatid at ama.

Marami na naman siyang puwedeng gawin sa kalahating oras araw-araw. At saka, hindi dapat mapabayaan ang ibang bagay sa personal na buhay niya nang dahil lang sa trabaho.

Priyoridad niya palagi ang kanyang pamilya. Ito ang laging nakatanim sa isip ni Martinne dahil wala na siyang ibang yaman kundi ang mga ito.

Maghapon niyang nilinis ang swimming pool na mabaha at maluwang. Kinaskas niya ang nilulumot na mga tiles at pinahiran ng kloroks upang mamuti habang nakabilad sa araw ang mga puting batik at maningkad naman ang kulay asul na disenyo.

Pagud na pagod siya pagsapit ng gabi. Hindi na siya nakapag-ensayo sa pagbabasa habang natutulog ang mga kapatid. Kasabay na siyang nakatulog ng mga ito.

Anupa’t araw-araw ay para siyang hinahabol ng kung ano sa kanyang pagpaplano ng mga dapat gawin.

Kahit hindi na niya trabaho, ginagawa na niya. Katulad ng paglilinis ng mga bintana sa labas. Wala siyang susi sa loob ng bahay, nasa abogado ng mga Madriaga, kaya hindi niya magawang linisin ang loob ng bahay.

Kunsabagay, nakakatakot pumasok doon. Maraming mamahaling kasangkapan. Baka makabasag pa siya sa pag-iimis doon.

Makalipas ang isang linggo, napakalinis na ng palibot ng bakuran. Pantay-pantay ang mga damo sa lawn. Nagupitan na ang mga santan na nakatanim sa gilid ng driveway.

Nabawasan na ang mga halamang-pader. Pati ang mga sanga ng mga punongkahoy ay natapyasan na rin.

At si Martine ay halos wala nang lakas at laman sa mga buto. Lalo na siyang nawalan ng katawan. Payat na nga siya dati, mas lalo pa ngayon.

Umimpis ang kanyang dibdib at tiyan. Humumpak ang kanyang mga pisngi. Nanlalim ang kanyang mga mata.

Halos wala nang buhay ang kanyang buhok na wala sa korte ang pagkakagupit. Paano’y siya lang ang nagbabawas sa buhok niya.

Ngunit balewala sa kanya ang kawalan ng hitsura, kung ang maisasalba ay ang pamilya.

Papasimula na ang susunod na linggo nang may dumating na namang sulat. Hindi galing sa America, sa probinsiya naman. Nakapangalan na naman sa kanyang ama.

E, sino naman ba ang susulat sa kanya? Wala naman siyang kakilala o kaibigan.

Dahil wala namang sinasabi ang ama na basahin niya ang liham na iyon, hindi niya binuksan. Ang galing lang sa America ang mayroon siyang permiso. Iniwan niya sa tabi ng kama ang sobreng galing sa Cebu.

Nang magbalik siya upang painumin ng mainit na sabaw ang ama at ng gamot nito bandang hapon, nakatawa na ang kulubot na bibig habang hawak sa isang kamay ang bukas na sulat.

“Anak, mayroong magandang balita!” pahayag ng magulang habang nakatingin kay Martinne.

Sinundan ng mga matang malalim ang bawa’t kilos niya habang nagbubuhos siya ng sabaw galing sa lumang termos.

Ngumiti naman si Martinne upang magpatuloy ang matandang lalaki sa sinasabi. Naglabas siya ng isang tableta mula sa botelyang kulay puti at iniabot dito, kasabay ng tasang may lamang sabaw na umuusok.

Uminom muna ang ama bago nagpatuloy. “Buhay pa pala ang kuya ko sa probinsiya. Hindi na siya galit sa akin ngayon. Matagal na raw na panahon ang nagawa kong kasalanan sa kanya,” pagsasalaysay ng matanda.

Nakatingin sa malayo habang napapangiti. “Naging magkaribal kami sa pag-ibig ng iyong ina noon, Martinne. Ako ang napili at nagalit siya sa amin. Nagtanan kami at nakipagsapalaran sa ibang lugar. Dito nga kami napadpad sa Maynila.” Bumuntonghininga ang ama. Waring may inilalabas na tinik na kaytagal na nabaon sa kalooban.

“Ah, maraming salamat sa Panginoon. Napatawad na ako — kami ni Seling — ni Kuya Mario!” sambit nito bago muling humiga at pumikit. Ang kaunting kilos na nagawa nito nang magbasa ng sulat ay nakapagal agad sa mahinang resistensiya ng katawan.

May sumunod pa uling sulat sa dalawang nauna. Halos magkasabay nang inihatid ng kartero.

Ang una ay galing na naman sa America. Darating na raw ang anak na lalaki!

Ang ikalawa ay galing uli sa Cebu. Pinauuwi na ang buong pamilya ni Martin Salve! May parte sa isang ektaryang lupa ang ama ni Martinne. Inaanyayahan na itong umuwi na upang mapakinabangan na nito ang lupang minana.

Masayang-masaya ang ama ni Martinne. “Iha, puwede na tayong umuwi sa probinsiya namin ng iyong ina!” pagbabalita nito, halos paulit-ulit na nga. Iyon ang nasasambit kapag nakikita siya.

Pulos ngiti lang ang ipinakikita ni Martinne. May iba siyang inaalala. Hindi alam ng ama ang tungkol sa nalalapit na pagdating ng anak na lalaki ng mga amo.

Napuna niyang lumamlam ang mga mata ng ama nang tila may maalala. “Mayroon nga palang kaunting problema, iha. Wala tayong pamasahe,” pahayag nito.

Nalungkot din si Martinne. Panibagong problema muna bago malutas ang luma, bulong niya sa sarili.

Naawa naman ang nasa Itaas, dahil ng sumunod na araw ay dumating na ang tseke na regular na ipinadadala ng abogado para sa suweldo ng kanyang ama.

Mayroong dagdag na halaga dahil pinabibili ng mga pagkain para sa pagdating ng anak na lalaki ng may-ari. Halos lumuwa ang mga mata ni Martinne sa haba ng mga listahan na kailangan nilang bilhin para sa isang tao lang.

Aba’y halos isang taon na panggastos nila ang nakatoka para sa amo!

Hindi na niya pinayagang makapag-isip pa ang sarili. Nang araw din na iyon, inihulog niya sa bangko ang naturang tseke.

Habang naghihintay ng clearing nito, inimpake na niya ang mga dadalhin ng kanyang pamilya. Wala siyang balak magnakaw. Naniniwala siya sa karma.

Alam niyang susundan sila ng naunang pagkakasalang ginawa niya rito sa lungsod kahit na hindi matuklasan ng mga amo ang kanilang probinsiya.

Balak niyang magpaiwan upang maglingkod ng libre para mabayaran ang malaking perang kinuha niya sa amo.

Dahil sa sobrang kasiyahan, hindi na nakuha pang mag-isip ng kanyang ama kung saan siya kumuha ng perang pambili ng mga tiket at ng mga bagong damit na isusuot ng mga kapatid niya para sa pag-uwi.

Ni hindi naman siya naghinampo dahil hindi man lang napansin ng mga ito na siya ay walang binili para sa sarili.

Tila likas na sa kanya ang mag-alala para sa kapakanan ng iba kaysa sa sarili niya.

Talos niyang sawang-sawa na sa hirap ang kanyang mga kapatid at ama. Nais niyang bigyan ng kaginhawahan ang mga ito.

Saka pa lang tila natauhan ang ama nang malaman nitong hindi sasama si Martinne. “Bakit hindi ka sasama?” tanong nito sa nagtatakang tinig.

Kunwa’y hindi narinig ni Martinne ang tanong ng magulang. Nagpatuloy ito sa pagbibihis sa mga kapatid.

May bumusina sa gate kaya napasikdo ang kanyang dibdib. Kinailangan niyang umalis muna sa kanilang barung-barong upang pagbuksan ang dumating na sasakyan.

Ang abogado lang pala. Nagpaikut-ikot ito sa loob ng bakuran. Tila namamangha sa malaking pagbabagong nagawa ni Martinne sa mga halaman at damo, pati sa labas ng bahay na nilinis niyang mag-isa.

“Umupa ba kayo ng maglilinis sa labas ng bahay?” usisa nito sa kanya.

Umiling lang si Martinne. Nakasunod siya habang nagpapalakad-lakad sa paligid.

“Kaya mo rin kayang linisin ang loob ng bahay?” untag nito. Tila nag-iisip ng isang panibagong pasiya. “Sa aking palagay, kaya mo. Mukha ka namang matiyaga. Akalain ko bang makakaya ng iyong ama ang paglilinis dito sa hardin?”

Tumango lang si Martinne. Lihim ang pagkakasakit ng kanyang ama. Natatakot kasi sila na baka paalisin na sila dahil wala nang pakinabang ang katiwala-hardinero.

Tumangu-tango ang abogado. “Tama. Kayo na nga lang. Kahit paano ay hindi ako kakaba-kabang baka may mawala sa loob ng malaking bahay. Matagal na kayong pinagkakatiwalaan nina Mrs. Madriaga dito,” pagpapasiya nito. “Nasaan nga pala ang iyong Itay?”

Sumenyas si Martinne na may pinuntahan ang kanyang ama.

“Hindi bale, sa ‘yo ko na lang ibibigay ang pera. Cash na dahil aabonohan ko ang pang-upa, pati na ang pambili ng panlinis. Pakisabing kalahati lang muna. Kapag natapos na ang trabaho, saka ko ibibigay ang kalahati. Maliwanag ba, iho?”

Sunud-sunod ang pagtango ni Martinne. Hindi na niya kailangang pilitin ang pagngiti.

Bahagyang napatitig sa kanya ang abogado na tila nagtataka na. “Teka nga pala. Matagal na kitang kilala, pero hindi pa kita naririnig na magsalita. Pipi ka ba?”

Napatiim-bagang si Martinne. Hindi siya pipi pero maikli ang kanyang dila kaya hindi siya tuwid magsalita. Malinaw ang kanyang pandinig kaya hindi siya maaaring ilagay sa kategoryang ‘pipi’.

Umiling siya. Hinaplos niya ang kanyang leeg upang ipahiwatig na masakit lang ang lalamunan.

“Ganoon ba?” Nagkibit na lang ng balikat ang abogado. Masyadong mahalaga ang oras nito para mag-intindi pa sa isang katulad niya.

“Buweno, aalis na ako. Narito ang susi ng mansiyon. Ikaw na ang bahalang magsabi sa Itay mo. Babalik ako sa isang linggo upang mag-inspeksiyon. Okey?”

Inihatid niya hanggang sa paglabas ang abugado. Saka lang siya nakahinga nang maluwang nung makaalis na ito.

Maingat niyang ibinulsa ang susi ng bahay bago bumalik sa kanilang barung-barong.

Ipinagpatuloy ni Martinne ang pag-aasikaso sa mga kapatid. Sinadya niyang iblangko ang isipan upang hindi magkaroon ng puwang ang lungkot.

“Martinne, sumama ka na sa amin sa prubinsiya,” pakiusap ng Itay niya.

Matigas ang pag-iling niya. Isinenyas na lang niya na kailangan niyang magpaiwan para may kikita ng perang pantustos sa pagbabagong-buhay sa prubinsiya. Nangako pa siyang magpapadala ng regular sa mga ito.

Nalungkot ang kanyang ama, pero iginalang nito ang pasiya niya. “Mag-iingat ka na lang, anak. Susulat kami ng madalas sa ‘yo.”

Niyakap niya ang magulang. Pati na ang iba pang kapatid.

Iniabot niya ang perang nakasobre nung papaalis na ang barko. Ibinawas lang niya ang pambili ng mga panlinis.

Hatinggabi na nang makauwi siya. Napakalungkot ng bahay sa kanyang pagbabalik. Wala na siyang kasama sa munting barung-barong.

Pero may iniwan namang masasayang alaala ang mga huling araw ng mga kapatid niya sa barung-barong.

Tuwang-tuwa ang mga bata dahil, sa unang pagkakataon, nagkaroon ng maraming bagong kasuotan at sapatos ang mga ito. Namili rin siya ng ilang laruan at pasalubong para sa mga kamag-anak na daratnan sa prubinsiya.

Natutuwa na rin siya dahil nabigyan niya ng isang magandang simula ang isang bagong kabanata sa buhay ng pamilya.

Nangilid ang luha niya nang makita ang mga aklat na naiwanan ng mga kapatid. Mayroon pa pala siyang mapaglilibangan.

Matuling lumipas ang isang linggong palugit ng abogado.

Ibinuhos ni Martinne ang buong panahon sa paglilinis sa lahat ng sulok ng mansiyon. Sinasadya niyang pagurin ang sarili para hindi siya mangulila.

Sa umaga lang siya kumakain. Dahil sa gabi ay nakakatulog na agad siya.

Kaya naman lalo pa siyang nangayayat. Nagmistula isang binatilyo na lang, imbis na isang babaeng edad-disinuwebe.

Nasunod niya ang lahat ng mga instruksiyon na nakalista sa papel na ibinigay ng abogado.

Ang pambili lang ng mga pagkaing i-i-imbak sa malalaking freezer at refrigerator ang kanyang inumit. Ang plano niyang ipamili ay ang natitirang kalahati ng sahod niya sa paglilinis.

Ngunit kahit na ubusin niya iyon, malaki pa rin ang kakulangan sa halagang kinupit niya. A, saka na lang niya iisipin ang tungkol doon…

Ang mahalaga ay ang magandang balita na tinanggap sa pamamagitan ng sulat. Maayos raw agad ang mga kapatid niya. Biyudo na rin ang kanyang tiyuhin kaya nagsama na lang sa iisang bahay ang dalawang pamilya.

Ang higit na nakakatuwa ay ang paggaling ng ubo ng kanyang Itay. Sariwang hangin at sariwang pagkain lang pala ang makakapagpabalik sa nawalang kalusugan nito.

Salamat po, Diyos ko! usal niya bago natulog nung gabing iyon.

Walang kamalay-malay si Martinne na may mga darating pang unos sa buhay niya.

Madilim ang anyo ni Elan Madriaga.

Sobra-sobrang oras na ang naaaksaya sa pagkaantala niya. Nagwewelga raw ang mga empleyado ng airline na maghahatid sa kanya sa NAIA Airport. Hindi niya kailangan ang anumang sagabal ngayon.

Masakit na ang katawan niya sa katutulog sa mga kamang hindi kasukat ng katawan niya. Ilang araw na siyang nagtitiis. Sumusumpong pa ang kanyang migraine. Ubos na ang gamot na ibinaon niya.

Nagmura siya sa sarili. Palakad-lakad sa lobby ng airport ng Hongkong. Ilang oras na lang ang layo niya sa kanyang destinasyon!

Papiksi siyang lumapit sa telepono. Naghulog siya ng coin para makapag-dial. Gusto niyang sabihin sa mga magulang na umuurong na siya sa kanyang salita.

Labis siyang nabigla nung makatanggap ng tawag habang nasa Africa. Ipinaalam sa kanya na agaw-buhay na ang kanyang mama gayong hindi naman pala.

Sinadya ng mga ito na magsinungaling para makuha ang pangako ni Elan. Ang pangako na papayag na siyang umuwi para mag-asikaso sa mga ari-ariang naiwanan sa Pilipinas.

Click here to READ MORE

Comments are closed.