Blackmailed by the Boss-10

“Nasa personal file mo ‘yon, hindi ba?”

Hindi na siya umimik. Inilipat niya ang atensiyon sa mga taong nagsasalita sa harapan.

Isa’t isa sa mga department heads ng kumpanya ay nagpapakilala sa bagong presidente.

“At ngayon naman ay ang ating mga board members,” pahayag ni Don Fonso.

“Ikaw ang mauna, Compadreng Henry.” Tinawag nito sa unang pangalan ang katabi ni Alejandra.

Tumawa si Mr. Ballesteros habang tumitindig.

“Ikinalulugod ko, Compadreng Fonso,” ganting-tugon nito.

Lumuwag nang kaunti ang paghinga ng dalaga nang mawala sa tabi niya ang matandang usyosero.

“Do you have a favorite restaurant?” tanong ni Dante sa kanya.

Sumulyap muna siya rito bago siya tumugon.

[Want to read the Start of Stories Online titled – BLACKMAILED BY THE BOSS…? Click Here!]

“Wala.”

“Do you like French cuisine?”

“I do.” Maikli pa rin ang tugon niya.

“Good.”

Natapos ang meeting dakong alas dose kinse. Inaya ng matandang don ang mga shareholders na mag-lunch sa labas.

Samantalang ang mga may opisina doon ay pinahatiran na lamang ng mga take-out lunch trays mula sa katapat na restaurant.

Dinatnan ni Alejandra ang isang lunch tray sa ibabaw ng lamesa niya.

Wala si Lenny kaya nagsimula na siyang kumain.

Nagulat siya nang bumukas ang pinto.

At nang ang matangkad na hugis ni Dante ang iniluwa niyon. May dala itong isang tray na katulad ng sa kanya.

“May kailangan ka?” tanong niya.

“Dito ako kakain. Iniwan ako nina Papa.”

“Mamayang gabi pa ang usapan natin.”

“Gusto kong ituloy ang pinag-uusapan natin kanina, Alexa.”

“Ano’ng pinag-uusapan?”

“I want you to resign,” wika ng lalaki.

Napakurap ang dalaga. Parang dinunggol siya sa dibdib.

“I’m sorry, Dante,” sambit niya nang matagpuan ang boses.

“Pumayag ka kanina, hindi ba?”

“Oo, pero nakapag-isip na ako. Tutal, wala namang lihim na di nabubunyag. I think I’ll take the chance.” Nagtapang-tapangan siya.

Tinitigan siyang maigi ng lalaki.

“Don’t bluff me, Alexa,” pakli nito. “Seryoso ako.”

“Seryoso din ako.” Tumingin siya nang diretso sa kaharap.

Bahagyang naningkit ang mga mata ni Dante bago nagbaba ng tingin. Tinusok ng tinidor nito ang isang pirasong carrot na nasa chicken afritada.

“Kumain na muna tayo. Baka magkaroon tayo ng indigestion.”

Dinampot ni Alexa ang binitiwang tinidor at nagpatuloy sa pagkain. Inignora niya ang lalaking nakaupo sa harapan niya.

Naalala niya ang isang kuwento ni Assunta Cosico, ang panganay na anak ni Don Fonso, sa kanya.

“Mayroon akong isang kapatid na lalaki, Alexa, kaya lang ay hindi sila magkasundo ni Papa. Pareho kasing forceful ang personalidad.”

Nagulat si Alejandra noon dahil inakalang nag-iisa lang ang anak ng butihing matanda.

“Headstrong si Dante at may pagka-rebelde. Radikal pa. Dati kasing aktibista. Nang makarating siya sa hustong edad, umalis siya sa poder ni Papa. Ginamit niya ang perang namana kay Mama at naglakbay na sa buong mundo.”

Medyo nakaramdam siya ng inggit noon. Paano ba ang pakiramdam na maging isang malaya at walang madilim na kahapon?

“Paminsan-minsan, nakakatanggap ako ng mahahabang sulat galing sa kanya mula sa iba-ibang address. Nangungumusta. Nagkukuwento ng mga karanasan…”

“Ano’ng iniisip mo?”

Pinutol ng boses ni Dante ang daloy ng gunita.

“Wala. Ganito lang ako kumain. Tahimik.”

“Your silence is dangerous,” anito matapos siyang sipatin.

Ngumiti nang matabang ang dalaga. “Natatakot ka ba?”

Umiling ang binata. “Hindi ako marunong matakot.”

“Nakakainggit naman. Napakasarap siguro ng pakiramdam kapag walang kinatatakutan,” sambit niya, pa-sarkastiko.

Tiningnan lang siya ng lalaki. Hindi ito nagsalita habang nagpapatuloy sa pagkain.

Si Dante uli ang unang bumasag sa naghaharing katahimikan.

“Ano ba ang gusto mong maging kapalit ng resignation mo, Alexa?”

Pumikit sandali ang dalaga.

“Ano ba ang kaya mong ipalit?” panghahamon niya.

Gusto lang niyang malaman kung gaano kalaki ang determinasyon ni Dante na mapaalis siya.

Nag-isip sandali ang lalaki. “How much?”

Natawa si Alejandra. Mapait at pagak ang tunog.

“Bakit ba desperado kang mawala ako, Dante?” tanong niya, habang iiling-iling.

“Because you’re a menace, Alexa.”

“A menace? Wala naman akong ginagawang masama, a?”

“Binulag mo na ang Papa. Hindi niya makita ang tunay na kulay mo. Napapaikot mo siya sa gitna ng iyong palad.”

Muling natawa si Alejandra.

“Ano’ng dapat mong ikatakot? Naisalin na niya sa ‘yo ang lahat ng kapangyarihan niya. Wala na siyang impluwensiya rito.”

“Wala? At ano ang ginawa niyang paglalagay sa iyo sa bagong posisyon mo ngayon?”

“C’mon, Dante. Alam nating dalawa na gagawin mo lang akong dekorasyon bilang bise-presidente,” panunuya niya rito.

Huminto na siya sa pakunwaring pagkain.

Huminto na rin si Dante.

“Papayag ka ba naman?”

“Hindi,” ang walang gatol na tugon niya.

“Isang milyon, Alexa,” salo nito matapos ang sandaling pag-iisip.

“Isang milyon lang ang suhol mo sa akin?” paniniyak niya.

“Hindi pa ba sapat ‘yon?”

“Sa palagay mo ba, sapat na ang kaunting halagang iyan para sa isang katulad ko?”

“How about two million?”

Umiling si Alejandra. Pinapanood niya ang pag-iigtingan ng mga ugat ni Dante sa leeg.

“Hanggang tatlong milyon lang, Alexa. Take it or leave it.”

“I’ll leave it, Dante. Hindi ko kailangan ang tatlong milyon mo,” ang matatag na tanggi niya.

Hindi agad nakahuma ang lalaki.

“You mean, hindi mo tinatanggap ang tatlong milyon?”

Nagkibit ng balikat si Alejandra.

“Gaano na lang ang tatlong milyon sa panahon ngayon, Dante? Kaya bang tustusan ng perang ‘yon ang lahat ng luho sa katawan ng isang babaeng katulad ko?”

Dumilim ang ekspresyon ng lalaki.

“Hindi ako nakikipaglokohan sa ‘yo, Alexa. Magkano ba talaga ang gusto mo?” Tonong napipika na ang gamit nito.

“Tila nakakalimot na tayo sa ating ‘truce’, Dante. Nangako tayo sa iyong Papa. Remember, malas sa negosyo ang nag-aaway,” paalala niya.

Muntik na siyang daluhungin ng lalaki. Nagpigil lang ito.

“Don’t provoke me, Alexa. I can destroy you,” pagbabanta nito, paasik.

“Alam ko,” bawi niya. Itinaas niya ang kanyang noo. “Bakit hindi mo na lang gawin? Nakahanda na akong harapin ang lihim na nakaraan ko, Dante.”

Bahagya pang nagulat si Alejandra nang mapagtantong wala na nga siyang nadarama ni katiting na takot.

“Pero sana ay pag-isipan mo rin ‘yang mabuti, Dante. Masasaktan din ang Papa mo kapag itinuloy mo ang balak mong sirain ako.”

Matapos niyang itulak palayo ang lalaki, hinila naman niya ito nang maalala si Don Fonso.

Hindi matutuwa ang matandang lalaki kapag natuloy ang giyera sa pagitan nila ni Dante.

“So, inaamin mo na ngayon na mayroon kayong sikretong relasyon ni Papa?” panghuhuli nito.

BLACKMAILED BY THE BOSS-11

Leave a Reply

You must be logged in to post a comment.