Blackmailed by the Boss-16

“Hindi ko pa masasagot iyan ngayon, Dante. Gusto ko nang umuwi. Inaantok na ako.”

Tumindig siya kahit na alam niyang wala pang lakas sa kanyang mga tuhod.

“Maaari mo bang ituro sa akin ang daan palabas?”

“You’re still mussy. Hindi mo pa kayang umuwi. Ihahatid kita.”

Sinapo ng isang nanlalambot na kamay ang pawisang noo habang sumusuray sa paglakad si Alejandra. Hindi siya tumutol sa alok nito.

“H-hihintayin kita sa labas,” wika niya.

Ang gabing ito ay isang pantasya lang. Iyon ang sinasabi niya nang paulit-ulit sa kanyang sarili.

Nakaupo siya sa isang sopa na hindi na niya matatandaan kung ano ang kulay at hugis.

Nakatitig siya sa sahig nang marinig niya ang paglabas ni Dante mula sa kuwartong pinanggalingan niya.

[Want to read the Start of Stories Online titled – BLACKMAILED BY THE BOSS…? Click Here!]

“Are you okey, Alexa?”

Awtomatiko ang pagtango niya.

Tumayo siya nang makitang papalapit na sa kanya ang lalaki. Hindi siya tumitingin nang diretso sa mukha nito.

“How are you feeling?” untag ni Dante nang manatili siyang walang imik habang daan.

“I’m fine, just fine,” ang awtomatikong tugon niya.

“Are you sure?” paniniyak ni Dante matapos ang ilang ulit na pagbubuntonghininga.

“Huwag mo na akong alalahanin,” wika ni Alexandra matapos sumulyap sandali sa dako nito.

Pinilit niyang ngumiti para ipakitang maayos ang pakiramdam niya.

Hindi na uli nagsalita ang lalaki. Ngunit alam niyang nakikiramdam ito sa kanya.

“Goodnight, Alexa. See you tomorrow,” paalam nito matapos siyang ibaba sa may tarangkahan ng bungalow niya.

Tumango ang dalaga at ngumiti uli nang pormal dito.

Ipinagbukas siya nito ng pinto ng kotse at inalalayan sa pagbaba. Ito na rin ang nagbukas ng lock sa gate at sa front door.

Kakatwa ang pakiramdam ni Alexa nang nakahiga na siya sa kanyang kama.

Parang may humihila sa kanya sa magkabilang direksiyon. Inuutusan siya ng kanyang isipan na magpakalayu-layo na kay Dante.

Samantalang ang kanyang puso naman ay nananabik na makitang muli ang lalaki.

Na makaniig na muli ang lalaki…

Nanaginip si Alajendra nang makatulog na.

Nagbalik ang eksena sa loob ng madilim at mumurahing klab ng kanyang Mama. Nasa gitna raw siya ng entablado at nagsasayaw.

Ngunit sa halip na dagat ng mga mata ang nasa harapan niya, isang lalaki lamang ang nakaupo sa lugar ng mga manonood.

Si Dante nga.

Nakatitig ito sa kanya. Hinahagod ng paningin ang kanyang katawan.

Para bang hinahagkan ng mga mata ang kanyang hubad na balat.

At hindi man lang siya nakakaramdam ng pagtutol.

O ng pagkapahiya.

Para bang natural lang na makita ng lalaki ang kanyang kabuuan.

Para bang tinatanggap na niyang pag-aari siya nito…

Hinihingal siya nang maalimpungatan dakong madaling araw. Wala na siyang makapang takot sa kanyang dibdib.

Naghahabol siya ng paghinga ngunit hindi dahil sa sindak.

Kundi dahil sa matinding pagkasabik lang. Nais niyang magpaangkin muli sa lalaking nagpalasap sa kanya ng nakahihibang na mga sensasyon.

Masidhing pagnanasa ang nakasakmal sa kanyang diwa.

Bumangon si Alejandra upang mag-shower.

Bakit pati ang kanyang panaginip ay inaalipin na ng lalaking iyon? tanong niya sa kanyang sarili. Wala na ba talagang matitira sa kanya?

Hindi na siya nakatulog uli kaya maaga siyang bumangon at tuloy nagbihis na.

Pupungas-pungas pa lang si Aling Bining nang papaalis na siya upang pumasok sa opisina.

“Andy! Papasok ka na ba niyan?” ang gulat na tanong nito sa kanya.

Tumango ang dalaga.

“Pakibuksan nga ho ang gate, Aling Bining,” utos niya habang sumasakay sa kotse niya.

“T-teka, nag-almusal ka na ba?” habol nito.

“Sa canteen na lang ako kakain. Sige na ho, pakibuksan na ang gate,” pamimilit niya.

“Siya, siya, sandali lang. ‘Andiyan na ‘ko,” patianod ng katulong.

Ang panggabing guwardiya pa ang naka-duty nang dumating siya sa opisina. Tinanguan lang niya ito habang nagpa-punch-in siya ng timecard.

“Good morning, ma’am. Ang aga n’yo, a?” bati nito.

“Medyo napaaga nga. Nakaiwas kasi ako sa traffic, e,” pagdadahilan niya. “Sige, Mang Diony, aakyat na ako.”

Inabala niya agad ang sarili sa trabaho nang makarating siya sa kuwarto niya. Ibinaon niya agad ang utak sa malalim na konsentrasyon.

Upang kaipala’y maiwaksi ang kanyang nadaramang pangungulila sa mga bisig ni Dante…!

Nasa gitna siya ng pagdidikta ng mga sulat kay Lenny nang tumawag si Dante sa internal telephone.

“Hello?” tugon niya matapos damputin ang awditibo.

“Alexa. This is Dante. Sabay tayong mag-lunch.”

Dagling kumabog ang dibdib niya. Saglit siyang hindi nakapagsalita.

“Alexa? Hello? Are you there?”

“I’m not going out for lunch,” tanggi niya. “Marami akong trabaho.”

“Umiiwas ka ba, Alexa?”

“Hindi. Pasensiya ka na. I really have to go. Bye,” paalam niya. Ibinaba niya ang receiver bago pa makapagsalita ang kausap sa kabilang linya.

Nagsisisi siya kung bakit hindi siya pumayag ngunit mas tamang umiwas na lang siya sa lalaking nagdudulot lang ng ibayong kalituhan at sakit sa kalooban niya.

“Ma’am, ita-type ko na ba ang mga ito?” tanong ni Lenny nang matapos ang pinakahuling sulat.

“Sige, Lenny. Kailangan nating maipadala sa messenger ang mga iyan ngayong hapon.”

“Gusto n’yong dalhan ko muna kayo ng kape?” Kapansin-pansin ang kasiglahan ng sekretarya niya.

Marahil, ito ang nakaka-appreciate ng pagiging vice-president niya. Sana lang, makaramdam din siya ng ganitong kasiglahan.

Umiling si Alejandra habang ngumingiti.

“No, thanks. Tama na muna ang kape. Baka magkaroon na ako ng insomnia,” pagbibiro pa niya.

Nawala ang ngiti niya nang mapag-isa na siya. Pilit na lang ang kasiyahan niya sa mga ginagawa niya ngayon.

Palaging nasa likod ng isipan niya ang nangyari sa kanya kagabi.

Saan kaya hahantong ang sinimulan nila ni Dante?

Walang hahantungan ang isang maling simula. Hindi na dapat masundan ang pagniniig nila ng lalaking iyon. Mapanganib para sa kapayapaan ng kanyang isipan.

“Ma’am, nandito po si Mr. Cosico,” wika ni Lenny habang nakasungaw ang ulo sa awang ng pinto niya.

Nagulat si Alejandra. Kahit na inaasahan niyang pupuntahan siya ng lalaki, hindi niya akalaing magkakatutoo ang hula niya.

“P-papasukin mo siya.”

Napilitan lang siyang harapin ang lalaki. Ayaw niyang mag-isip ng iba ang sekretarya niya.

Pormal ang ekspresyon ng lalaki nang pumasok sa kuwarto niya. Napapaso siya sa matiim na pagkakatitig nito sa kanya. Kaya nagbaba siya ng tingin.

BLACKMAILED BY THE BOSS-17

Leave a Reply

You must be logged in to post a comment.