Blackmailed by the Boss-3

“Tanggapin mo na, Eli. Noon nga, ganyan din ang pakiramdam ko, hindi ba?,” pang-aamuki ni Jesusa.

“Pero tingnan mo, naisauli ko ang mga titulo n’yo. At saka, tiyak na magtatampo sila,” dagdag pa nito para makumbinsi na si Ofelia.

“Talagang magtatampo kami,” salo ni Alexandra.

“Tutulungan ka naming. Kakaladkarin ko ang lahat ng mga kakilala ko sa restaurant mo. Ipo-promote ko ang pangalan mo sa lahat ng sulok ng trabaho ko,” prisinta ni Myrza.

“Marami kang magiging customers dahil nasa entertainment ako. Magiging sikat sa mga birthday, anniversary and wedding occasions ang lugar mo. Magkakaroon na ako ng palagiang venue para sa mga magic shows ko. O, di ba bongga?”

“Oo nga,” dugtong ni Alejandra. Umaandar na ang marketing skills niya.

“Maglalabas tayo ng mga advertisements para sumikat agad ang restaurant mo. Huwag kang mag-alala, Eli. Kapag nag-o-operate ka na, dadalhin ko ang mga kasamahan ko sa restaurant mo. Para magayuma rin sila ng iyong mga lutuin.”

Maluha-luha sa tuwa si Ofelia nang matapos ang mahahabang pahayag nila.

[Want to read the Start of Stories Online titled – BLACKMAILED BY THE BOSS…? Click Here!]

“M-maraming salamat sa suporta n’yo, Jess, Mar, Andy.” Suminghut-singhot ito. Dumampot ng isang tissue at nagpunas ng mga mata. “Sana, hindi kayo ma-disappoint sa akin.”

“No, kailanman ay hindi,” halos sabay-sabay na pangako ng tatlo. “Nandito lang kami palagi sa tabi mo, kaya hindi ka mabibigo.”

“K-kumain na uli kayo,” alok ni Ofelia. “Sayang ang pagod ko sa pagluluto ng mga iyan kung hindi n’yo matitikman lahat.”

Hudyat iyon para ibalik na ang magaan na atmospera. Kuwentuhan uli. Hagikhikan. Hanggang sa mag-uwian.

Si Alejandra pa lamang ang may sariling sasakyan. Iniregalo iyon ng kumpanya sa kanya nang ma-promote siya nung isang taon. Kaya siya ang naghatid sa mga kaibigan sa mismong bahay ng mga ito.

“Thank you sa pagbibigay n’yo ng panahon sa akin. At sa mga regalo ninyo,” wika ni Ofelia habang daan. “Masayang-masaya ako ngayong araw na ito.”

“Happy birthday, Ofelia!” Nag-chorus silang tatlo sa pagkanta habang binabagtas nila ang kahabaan ng Roxas Boulevard.

Isang lungsod lang ang inuuwian nila pero sa hiwa-hiwalay na lugar.

Sa Cubao si Ofelia, sa Kamuning si Myrza, at sa Project 6 si Jesusa. Si Alejandra ay sa Congressional.

Napapangiti ang dalaga nang mag-isa na siya sa kotse. Nagpapasalamat siya sa Diyos para sa isang araw ng kasiyahan.

Wala siyang kamalay-malay na may paparating na unos sa buhay niya…

Kina-Lunes-an, maagang kumilos si Alejandra para pumasok sa opisina.

Kahapon, nagtungo siya kay Ofelia upang ihatid ang kanyang titulo. Dinatnan pa siya nina Myrza at Jesusa doon kaya nagkaroon uli ng kaunting salu-salo.

Gabi na nang makauwi siya.

Mabuti na lang ugali niya ang pagsama-samahin sa isang hanger ang mga damit na magkakaterno, pati ang mga aksesoryang scarf o tie o anupaman.

Para magbibihis na lang siya pagkatapos maligo. Hindi na niya kailangang maghanap sa mga drawer at closet ng mga dapat niyang isuot.

Metikulosa siya sa lahat ng bagay kaya palagi siyang organisado. Bihira siyang mataranta.

Lalo na sa trabaho. Kahit na matindi na ang pressure, kaya pa rin niya.

Ang bansag nga sa kanya ng mga kasamahan ay ‘Alexandra the Great’.

Pero hindi ipinaririnig sa kanya, siyempre. Isa siya sa may pinakamataas na posisyon ngayon sa kumpanya.

At may mga sabi-sabi na napipisil siyang maging kapalit ng matandang presidente, si Don Ildefonso Cosico.

Hindi naniniwala si Alejandra dahil masyado pa siyang bata.

Sa kanyang palagay, kulang pa ang kanyang kaalaman at karanasan para pangahasan ang isang posisyon na puno ng mabibigat na responsibilidad at obligasyon.

Napansin agad niya ang ibang kulay at disenyo ng kotseng nakaparada sa reserved parking space para sa big boss ng Sunrise Philippines, Incorporated.

“Good morning, ma’am,” ang magalang na bati ng guwardiya sa kanya nang mag-punch siya ng kanyang card sa bundy clock.

“Good morning din, Mang Pedring.” Palagi niyang tinatawag sa pangalan ang mga empleyadong nakakausap.

Naging ugali niya ito magmula nang mabasa niya sa isang libro na ang pangalan ang pinakamatamis na salita sa nagmamay-ari nito.

“Tila napaaga po yata si Don Fonso, ano po?” tanong niya, pa-kaswal.

“Naku, hindi po sasakay sa ganyan si Don Fonso. Ang anak po niya ang may-ari niyan.”

Kilala ni Alejandra ang anak ng matanda, si Ma’am Assunta. At hindi rin sasakay iyon sa sportscar na kulay pula pa man din.

“S-si Ma’am Assunta?” paniniguro niya.

Umiling ang guwardiya. “‘Yung bunso, si Sir Dante.”

Ang blacksheep! bulong ni Alejandra sa sarili.

Nabigla siya sa narinig ngunit nanatiling kalmado ang kanyang ekspresyon.

“Aakyat na ako, Mang Pedring,” paalam niya matapos pumirma sa logbook.

Dinampot niya ang bungkos ng keychain na hinihiram niya tuwing Lunes.

At isinasauli tuwing hapon.

Tumango ang matandang lalaki. Magiliw ang pagkakangiti sa kanya.

Bilib si Mang Pedring sa dalagang executive dahil mapagkumbaba pa rin kahit na tumaas na ang ranggo.

Magkasabay silang nag-apply noon kaya nasundan nito ang pag-asenso ng masipag na Ma’am Alexa nila, sa loob ng nagdaang anim na taon.

Ano kaya ang hitsura ni Dante Cosico? tanong ni Alejandra sa sarili habang nakasakay sa elevator.

Nasa topfloor ng ten-level building ang opisina ng mga senior executives. Bale isang taon pa lamang siyang nag-oopisina sa itaas.

At siya na lang ang tanging babae na nanduruon dahil nag-retiro na si Mrs. Balbuena nung isang buwan.

Nagulat si Alejandra sa unang tanong na lumutang sa kanyang isipan. Hindi siya naging curious sa mga lalaki kahit na kailan.

Para bang ang pag-i-ignora niya sa mga lalaki ang kanyang defense mechanism upang hindi siya ma-attract sa sinuman.

Naging tila manhater siya magmula nang — pumikit siya nang mariin upang magawang harapin ang katotohanan sa sarili — magmula nang maranasan niyang humarap sa napakaraming lalaki nang walang saplot sa katawan.

Sapagkat kahit na napakatagal na panahon na ang lumipas, dinadalaw pa rin siya ng kahapon na tinatakasan niya.

Nakaramdam ng pangangatal si Alexandra nang sumagi sa kanyang isipan ang hayok na pagnanasa na nabasa niya sa mga matang nakatutok sa kanya nung mapilitan siyang magsayaw sa gitna ng entablado.

Kahit na lango siya sa droga, nakakintal na sa kanyang gunita ang tanawing iyon…

BLACKMAILED BY THE BOSS-4

Leave a Reply

You must be logged in to post a comment.