Blackmailed by the Boss-6

“At ng mga newspaper clippings nung 1987. Tiyak na magugulat si Papa kapag nakita niya ang mga iyon,” dagdag pa nito.

Nang mga sandaling iyon, naramdaman ni Alejandra ang pagguho ng lahat ng mga pinagsikapan niya.
Nababasa niya sa mga mata ni Dante Cosico ang determinasyon na sirain siya.

Si Alejandra ang unang nagbaba ng tingin. Alam niya kung kailan siya tatanggap ng pagkatalo.

“B-bitiwan mo na ako, Mr. Cosico. Naiintindihan na kita,” utos niya sa mababang tinig.

Kumunot ang noo ng lalaki ngunit tumalima ito. Nakatitig ito sa kanya ngunit hindi na siya muling tumingin dito.

Hindi alam ni Alejandra na nakabadha sa kanyang magandang mukha ang ikinukubling takot at pangamba, pati ang panlulumo.

“Saan ka pupunta, Alexa?” tanong nito nang nakahawak na siya sa seradura ng pinto.

Hindi umimik ang dalaga. Ang ibig sabihin ng lalaki ay kung saan naman siya maghahasik ng lagim pagkagaling dito. Itinuloy niya ang pagpihit sa doorknob.

[Want to read the Start of Stories Online titled – BLACKMAILED BY THE BOSS…? Click Here!]

“Alexa, tinatanong kita.” Naging imperatibo ang tono ni Dante.

Tinapunan niya ng mapait na ngiti ang lalaki.

“You don’t really care, sir,” tugon niya. “Kaya hindi ko na papagurin ang utak ko para mag-isip ng isasagot sa ‘yo.”

Akala niya’y hindi na siya makakarating sa kanyang opisina. Mistulang dagat na umaalon ang sahig ng koridor.

“Ma’am Alexa, ano’ng nangyari sa iyo?” bulalas ni Lenny nang makita siya. Titig na titig ito sa bibig niya.

Itinakip ni Alejandra ang isang nanginginig na kamay sa mga labing tiyak na namamaga at nakalatan ng lipstick.

“W-wala, Lenny.”

Ibinaling niya ang mukha upang hindi nito matitigan nang husto ang mga marka ng mapusok na halik na Dante.

“Please, cancel all my appointments for this month. Mawawala ako nang matagal,” utos niya habang nagmamadali sa paglapit sa pinto ng private room niya.

“Yes, ma’am,” ang maagap na tugon ni Lenny.

“Uh, kung may kailangan pa kayo, tawagan n’yo na lang ako sa intercom,” dugtong pa nito.

“I’ll do that,” pangako niya bago isinara ang pinto. “Thank you very much, Lenny.”

Sumandal siya sa makinis na dahon nang mapag-isa na siya. Ilang sandali siyang nawalan ng tinag habang nag-iipon ng lakas.

Sino ba ang makakapagsabi na may isang Dante Cosico na darating sa buhay niya upang sirain ang lahat ng mga pinaghirapan niya?

Sa isang iglap, mawawala na lang pala basta ang tagumpay na naging bunga ng labing-isang mahahabang taon!

Isang ilusyon lamang pala ang kanyang paniniwalang nakatakas na siya sa pangit na kahapon…!

Nanlalambot siya nang maupo sa swivel chair. Pakiramdam niya, bigla siyang tumanda.

Aywan kung gaano katagal siyang nakatitig lang sa kawalan. Kung kumuriring ang telepono o kumatok si Lenny habang nasa loob siya ng kanyang isipan, hindi na niya namalayan.

Naramdaman niyang may yumuyugyog sa kanyang balikat kaya nahimasmasan siya.

“Ma’am?” Si Lenny pala. Nag-aalala pa rin ang tono. “Ma’am, nandiyan po sa labas si Don Fonso. Gusto kayong makausap.”

Napakurap-kurap ang dalagang nawala sa sarili. Nanginginig ang mga daliri niya nang pahiin ang mga pisnging basa na pala ng luha.

“S-si Don Fonso — ?” tanong pa niya. Para bang hindi na niya kilala ang matandang amo.

Tumango si Lenny.

“Kanina pa siya nandiyan sa labas, ma’am. Ayusin mo na ang sarili mo. Gusto na niyang pumasok dito pero pinipigil ko lang. Malapit na akong maubusan ng alibi, ma’am,” pakiusap nito.

“P-pupunta muna ako sa comfort room, Lenny. Pakitulungan mo ako,” hiling niya.

Dinampot niya ang kanyang shoulder bag atsaka niya tinangkang tumindig ngunit hinang-hina pa ang mga tuhod niya.

Tinulungan siya ng sekretarya sa paglalakad.

“Okey ka na ba, ma’am? Lalabas muna uli ako para alukin ng kape si Don Fonso.”

“Maraming salamat, Lenny. Sige, iwan mo na ako.”

Hindi makapaniwala si Alejandra nang makita ang repleksiyon sa salamin. Inilapit pa niya ang mukha upang matitigan nang husto ang kanyang bibig na magang-maga.

Hinipo pa ng mga daliri niya ang namumula at nangangasul nang mga labi. Masakit.

Naghugas siya ng mga kamay bago siya naghilamos ng mukha. Unti-unti, may bumabangon na paghihimagsik sa kanyang kalooban.

Papanoorin na lang ba niya ang pagkasira ng lahat ng mga ipinundar niya? tanong niya sa kanyang sarili.

‘Dapat ay lumaban ka, Alexandra! Huwag kang magpapatalo ng hindi lumalaban!’

Minasahe ni Alejandra ang kanyang mga sentido habang pumipikit nang mariin.

Dapat ay ang katatagan at katapangan ang maghari sa kanyang kalooban–hindi ang di-maiwaksing takot.

‘Oh, God, please, help me! I love my work! This is my life!’

Oo, makakakita pa siya ng ibang trabaho, pero may espesyal na bahagi sa kanyang puso ang Sunrise Philippines.

Dito siya unang nagkaroon ng break. Dito siya unang naging mahalagang indibidwal na bahagi ng isang malaking organisasyon.

A, sentimental din pala siyang katulad nina Myrza at Ofelia! panunuya niya sa sarili.

Kumatok si Lenny sa pinto ng banyo kaya nauntol ang kanyang pag-iisip.

“Ma’am? Nandito po si Don Fonso,” anito mula sa labas.

“S-sandali na lang ako, pakisabi sa kanya. Binigyan mo na ba ng kape?”

“Opo, ma’am.”

Binuksan ni Alejandra ang maliit na make-up kit.

“Okey, pakisabing sandali na lang, ha?” ulit niya habang kinukuha ang lipstick at ang powder compact.

Kinapalan niya ang lipstick upang hindi gaanong halata ang pamamaga ng kanyang mga labi.

Pinahiran niya ng pulbo ang namumulang ilong.

Tanging ang pamumugto lang ng kanyang mga mata ang hindi niya maresolbahan kaya napilitan siyang lumabas na upang harapin ang matandang presidente.

Tumindig si Don Fonso nang makita siyang papalabas ng pinto.

“Good morning, iha,” ang magiliw na bati nito sa kanya.

Aywan kung bakit parang naiilang siya ngayon sa butihing amo gayong wala pa naman itong alam tungkol sa nakaraan niya.

“G-good morning din po, sir,” ang magalang na tugon naman niya. “Pasensiya na po kayo. Medyo natagalan po ako sa loob.”

Sinipat siyang maigi ng matanda. Matalas pa ang paningin nito kaya napuna nito ang mga marka ng pagtutunggali nila ni Dante kanina.

“You’ve been crying, iha,” obserba nito kapagkuwan.

Umiwas ng tingin ang dalaga.

“M-medyo sinumpong lang po ako ng migraine ko, sir,” pagsisinungaling niya.

BLACKMAILED BY THE BOSS-7

Leave a Reply

You must be logged in to post a comment.