Lady Romantica, Romantic Love Stories Online, Long Stories, Romance, Love Story Series

Share

BLACKMAILED BY THE BOSS

Alejandra had a very dark secret in her past that she’d managed to hide now that she was a successful career woman.

Until the son of the company’s owner became the boss… Dante hated her at first sight. And he was determined to destroy her…

Nagsipag at nagsikap nang husto si Alejandra para maiwan sa nakaraan ang pangit na sikreto ng kanyang pagkatao.

At dahil natatakot siyang mabunyag ang pinagkakatagu-tagong lihim, napilitang maging sunud-sunuran ang dalaga sa kaaway.

Ngunit tila naitakda na ang muli niyang pagkasira dahil ang kanyang puso ay napaibig pa kay Dante…

* * *

Biyernes. Araw ng suweldo. Hatinggabi.

Isang raid ang isinagawa ng mga pulis sa isang tagong sulok ng Libertad. Kungsaan nagaganap ang mga lewd shows gabi-gabi.

Gayon na lang ang pagkabigla ng mga awtoridad nang mahuli sa gitna ng stage ang isang dalagitang ubod nang ganda.

Napagkamalan pa ngang artista ng ibang mga usyosero. Nasa aktong nagsasayaw ito nang walang saplot habang natatapatan ng mga spotlights ang maputi at perpektong katawan.

Tila high sa droga ang dalagita dahil halos wala ito sa sarili nang arestuhin at isakay sa patrolcar upang isama sa presinto.

Tulala pa rin ito habang kinukuhanan ng mga fingerprints at ng letrato para sa police record.

Kakamut-kamot ng ulo ang sarhento habang ginagawa ang rekord ng naturang menor de edad.

“Wala ka bang magulang na magbabantay sa iyo para hindi ka napapariwarang ganyan, iha?” tanong nito habang nagmamakinilya.

Umiling ang dalagita. Nanginginig ito sa ilalim ng malaking jacket na ipinantakip ng isang pulis sa kanyang kahubdan kanina.

Pawis na pawis ang mukha nito at gulu-gulo ang mahabang buhok na medyo kulot. Humuhulas na marahil ang epekto ng narkotiko sa sistema nito.

“Tsk! Sino ba ang walang pusong may-ari ng klab na ‘yon?” bulalas ng sarhento. Awang-awa sa inosenteng musmos na nakaupo sa silyang kaharap.

“Wala ka na bang magulang, ‘ne? Bakit ka pinababayaang magtrabaho sa ganyang lugar?”

Garalgal at paos ang boses nito nang tumugon.

“A-ang Mama ko po. S-siya ang may-ari ng klab. Siya ang namilit sa akin para sumayaw,” sambit nito, nang-aakusa ang humihikbing tono.

“Napakasama ng M-mama ko! Masama siya! Masama siyang babae!” Nabulabog ang buong presinto nang maging histerikal si Alejandra.

Nagwala ito nang makahulagpos marahil ang tinitimping sama ng loob at mga hinanakit sa sariling magulang.

Nakalma lamang ang dalagita nang kausapin ng isang social worker. Ni hindi ito nag-alinlangang sumama nang sunduin ng isang ahensiya ng pamahalaan na nangangalaga sa mga karapatang pambata.

Umaasa ang dalagita na magkakaroon na siya ng panibagong simula ngayong nakawala na siya sa poder ng magulang na wala namang pagmamalasakit sa kinabukasan niya.

Halos isang buwan ding naging laman ng mga pahayagan ang tungkol sa batang biktima ng child prostitution, ang isa sa mga talamak na sakit ng lipunan.

Ngunit dahil sa pagpipiyesta ng press at ng mga pulitiko sa controversial news na iyon, muntik nang naging imposible ang paglimot…

Gayunpaman, naging matatag si Alejandra. Ibinuhos niya ang buong konsentrasyon sa pagbubuo ng bagong buhay.

Ginamit niya ang lahat ng mga katangian na meron siya upang maging tiyak ang tagumpay.

Sa tulong ng government scholarship and NGOs at sa angking likas na talino, nakamit ni Alexandra ang pinakamataas na antas ng edukasyon na nais niyang abutin.

Nakapag-aral pa nga siya sa ibang bansa bago niya tinanggap ang alok na trabahong may mataas na sahod ng isang prestihiyosong kumpanya.

Kaya naman sa loob lamang ng siyam na taon, malayo na ang nararating ni Alejandra, o Andy Rios, sa nasabing kumpanya.

Abot-kamay na niya ang lubos na kaligayahan niya…

Sana…

“Define ‘happiness’, Andy,” tanong ni Myrza sa kanya.

“Happiness,” ulit ni Alejandra, habang nag-iisip. “Happiness is the state of contentment and peacefulness, hindi ba?”

Tumaas ang mga kilay ng kausap. “Bakit hindi ka yata sigurado?”

Nagkibit ng mga balikat ang dalaga. “Hindi pa ako nakakaranas ng ganoon, e.”

Bumuntonghininga si Myrza.

“I know what you feel, Andy,” anito sa mas mababang tono. Lumamlam ang mga mata nito habang tumitingin sa malayo.

“Kahit mahabang panahon na ang nagdaan, pagkatapos ng — ”

Pumiksi si Alejandra.

“Huwag mo na lang ituloy ‘yan, Mar. Baka marinig ka pa nina Eli at Jess.” Inginuso niya ang dalawang kaibigan na nasa di-kalayuan.

Nasa isang beach sila sa Cavite. Birthday ni Ofelia kaya nag-treat sa kanilang tatlong tanging matatalik na kaibigan.

“Sorry,” bawi ni Myrza na para bang nahihimasmasan. “Nadadala lang ako ng inggit.”

“Kanino ka naiinggit?” taka ni Alejandra.

“Hindi mo ba napapansin ang mga nasa paligid natin?” Ikinampay nito ang isang kamay sa ibang mga umpukan na kumakain din sa buhanginan. “Tayo lang yata ang walang kapareha at mga tsikiting!”

Saka lang niya napuna ang pamilya at mga pareha na nagkalat sa palibot ng malinis na beach.

“Hay, Mar! There’s no use pining for something that we can’t have,” salo niya.

Tumuwid siya sa kanyang pagkakaupo sa portable lounger. Inalis niya ang kanyang sunglasses bago sumimsim ng tropical juice sa mataas na basong kristal.

“Puwede tayong magkaroon ng ganyan, Andy,” pilit ni Myrza. “Gusto kong magkaroon ng sariling pamilya.”

Nakaramdam ng awa si Alejandra sa kaibigan ngunit kailangan niyang itago iyon.

Hindi niya akalain na sentimental din pala si Myrza. Ang iyakin sa kanilang apat ay si Ofelia.

“Mar, tanggapin mo na lang na imposibleng mangyari ang gusto mo. Sino’ng luku-luko ang iibig sa mga katulad natin?”

“Bakit? Napakasama na ba natin? Tayo ang mga biktima, Andy,” pakli ni Myrza. “Atsaka, may karapatan din tayong lumigaya.”

“You’re right, my friend,” bawi ni Alejandra. Tinanggap agad niya ang pagkakamali.

“Okey, to be truthful, ganyan din ang pangarap ko — pero hindi ako umaasa. Mahirap maghanap ng isang lalaking magmamahal sa atin kahit na malaman ang ating mga nakaraan.”

“Mahirap, pero hindi naman siguro imposible.”

“Sana nga.” Sinadya niyang maging neutral ang tono.

Nahiga uli si Alejandra matapos magpunas ng suntan oil sa mga braso at hita.

Nakasuot siya ng cycling shorts na itim at midrib blouse na puti. Pawang ganito rin ang attire ng mga kasama.

Pare-pareho silang may pagka-conservative sa pananamit. Dahilan na rin siguro sa kanilang mga nakaraan.

“Hindi ka pa ba nakakaranas ng crush o infatuation sa buong panahon na nasa labas na tayo? For example, sa kumpanyang pinapasukan mo? Wala bang mga presentableng lalaki doon?”

Tila nasa mood dumaldal si Myrza.

“Maraming presentable sa kumpanya, Mar. At karamihan ay mga disente pa. Educated at with breeding pa. Galing sa mga pamilyang may sinasabi. Mga pamilyang hindi magkakagusto sa kahit na anong eskandalo.” Tumikhim si Alejandra.

“Sa palagay mo ba, babagay ang isang tulad natin sa kanila?”

“E, di ilihim natin,” solusyon ni Myrza.

“Matagal na panahon na ang nagdaan. Wala na naman sigurong makakatanda sa atin.”

“Hindi ako magiging masaya kung mayroon akong ililihim sa isang taong nagmamahal sa akin, Mar. Ikaw, kaya mo bang lokohin ang lalaking iibigin mo?”

“K-kung kinakailangan,” anito ngunit may pag-aalinlangan na.

“You’re lying,” pakli niya.

“But, can’t you see? Happiness is peacefulness. Magiging payapa ba ang kalooban mo kung mayroon kang madilim na sikreto?”

Naputol ang pag-uusap nila nang lumapit sina Ofelia at Jesusa.

“O, mukhang nagbabangayan na naman ito’ng dalawang ito,” puna ng huli, ngunit pabiro.

“Hi! hi! Alam mo naman ang dalawang ‘yan, maraming gimik sa katawan,” salo ni Ofelia.

“Luto na ba ang barbeque natin?” tanong ni Myrza. Wala na ang wistful expression nito. Naikubli na ang kung anumang gumugulo sa isipan nito magmula pa kanina.

Sasabihin din ni Alejandra kina Ofelia ang problema ngunit hindi ngayon. Birthday nito ngayon at kailangan nilang maging Masaya — kahit na paimbabaw lang, katulad nang dati.

“Oo, kakain na tayo,” tugon ni Jesusa. “O, baka sunog na si Andy. Kanina pa rin ito nag-iihaw ng katawan, a?”

Naghagikhikan ang apat.

“Ikaw talaga, ako palagi ang pirmi mong inaasar. Porke ako ang pinakamaputla sa inyo,” kunwa’y reklamo naman ni Alejandra habang nakatawa.

“Halinakayo rito, mga girls. Nakahain na ang pagkain. Kanina pa raw nagugutom si Jess,” sabad ni Ofelia.

Nailabas na nito sa picnic basket ang mga Tupperware food containers na may lamang mga pagkain na ito mismo ang nagprepara.

Masaya silang nagkuwentuhan ng mga anekdota sa sari-sariling trabaho habang kumakain.

Pare-parehong edad beinte siyete ang apat na magkakaibigan. May magaganda na silang trabaho.

Ang bawa’t isa ay masinop at masipag at masikap kaya naman mayroon na silang security sa buhay.

May mga ipon na sa bangko at may sari-sarili nang bahay na tinutuluyan.

Si Alejandra ay senior executive sa kumpanyang pinapasukan.

Si Myrza ay sikat na lady magician.

Si Ofelia ay kilalang nutritionist.

At si Jesusa ay may-ari ng class na beauty parlor and massage salon.

Masasabing naging mapagpala ang nasa Itaas sa apat na babae nitong nagdaang labing-isang taon. Para bang bumawi sa mga pagkukulang nung bata pa sila…

“Ano’ng nangyari sa beautician mo nung nalagas ang buhok ng kustomer?” usisa ni Myrza nang mainip sa pagtatapos ng kuwento ni Jesusa.

“Sandali naman, umiinom pa si Jess, o?” awat ni Ofelia habang pinipigil ang pagtawa.

“Sinu-suspense n’yo pa ako,” reklamo ni Myrza.

“Alam mo na ang kuwento, ano, Eli?” hula ni Alejandra. Nakatawa na rin. May pagka-comedy na kasi ang hitsura ni Myrza.

“Naku, hinimatay ang beautician ko sa takot. Nagkagulo kaming lahat sa parlor,” patuloy ni Jesusa.

“Nasisante ba ‘yung pobre?”

“Hindi. Nagkapera pa nga siya, e.” Aktong ibibitin na naman ni Jesusa ang kuwento dahil dinampot na naman ang water jug.

Pero hindi na pumayag si Myrza. Inagaw nito ang jug at pinandilatan ang kaibigan.

“Puwede ba? Hindi ka naman siguro mamamatay sa uhaw. Tapusin mo na ang istorya mo, please naman.”

Hindi na napigil ng tatlo ang katuwaan. Naghagikhikan na naman ang mga ito.

Napatingala na sa langit si Myrza. Nanggigigil na talaga ito.

“Hay! Makakasakal na ako ng tatlong babae!” bulalas nito habang sinasakal ang leeg ng kawawang water jug. “Sige na naman, Jess! Ano’ng nangyari? Bakit nagkapera pa ang bakla?”

“Paano, nagbibiro lang pala ‘yung kustomer. Talaga palang malalagas ang buhok dahil naka-wig lang ito. Tapos may kasama pala ito na kumukuha ng reaksiyon ni Diana sa pamamagitan ng isang hidden camera.”

“A! Oo, alam ko ‘yan. Napapanood ko ‘yan sa telebisyon.” Nakangiti na rin si Myrza. Pamaya-maya, humagalpak ito ng tawa. “Nagalit ba si Venus nang malaman niya?”

“Aba’y hindi. Nag-treat pa nga ang loka nang malaman na ipapalabas siya sa TV, e.”

“Wow, di sisikat pang lalo ang parlor mo?” obserba ni Alejandra. “Tiyak na dudumugin ka na ng mga artista niyan.”

“Sana nga,” ang mapagkumbabang wika ni Jesusa.

“Tiyak na kakailanganin mo na ng branch niyan,” ang dugtong ni Myrza.

“Hindi pa naman. Pero ang balita ko’y magtatayo na raw ng restaurant ang kaibigan nating si Eli.”

Tatlong pares ng mga matang bilugan ang tumutok kay Ofelia. Nagtatanong.

Nag-blush ang may pagkamahiyaing dalaga.

“Kung matutuloy ang loan ko,” wika nito.

“Hus, tuluy na tuloy na ang loan na ‘yon,” bawi ni Jesusa.

“Nakausap ko ang manager ng bangko. Nagpa-massage sa amin kahapon. May approval na raw ang application mo. Pasado ang mga credentials and collaterals na ipinasok natin.”

“Ops, teka, teka muna,” sabad ni Alejandra. “Mukhang may sikreto kayo sa amin ni Mar, a? Bakit hindi namin alam na kailangan mo ng collateral?”

Namilipit si Ofelia bago tumugon. Ganito ang mannerism nito kapag napupuno ng pag-aalinlangan.

“E, nahihiya kasi akong magsabi sa inyo,” paliwanag nito.

“E, bakit kay Jess, hindi ka nahiya?” Naghihinampo na rin ang tono ni Myrza.

“Dapat nasabihan mo rin kami. May kasunduan tayong apat na tulung-tulong tayo sa lahat ng bagay, hindi ba?”

“Kakilala ko kasi ang bank manager,” salo ni Jesusa.

“Nagkampihan na naman kayong dalawa, ha? Hindi kami papayag na hindi kami kasali diyan,” pakli ni Alejandra.

“Dagdagan mo ang loan mo, Eli. Bukas, dadalhin ko sa ‘yo ang aking titulo.”

“Oo, gayundin ang suhestiyon ko,” sang-ayon ni Myrza.

“S-saka na lang. Baka malugi ako, pati ang mga titulo n’yo ay ma-ilit pa.”

“Tanggapin mo na, Eli. Noon nga, ganyan din ang pakiramdam ko, hindi ba?,” pang-aamuki ni Jesusa.

“Pero tingnan mo, naisauli ko ang mga titulo n’yo. At saka, tiyak na magtatampo sila,” dagdag pa nito para makumbinsi na si Ofelia.

“Talagang magtatampo kami,” salo ni Alexandra.

“Tutulungan ka naming. Kakaladkarin ko ang lahat ng mga kakilala ko sa restaurant mo. Ipo-promote ko ang pangalan mo sa lahat ng sulok ng trabaho ko,” prisinta ni Myrza.

“Marami kang magiging customers dahil nasa entertainment ako. Magiging sikat sa mga birthday, anniversary and wedding occasions ang lugar mo. Magkakaroon na ako ng palagiang venue para sa mga magic shows ko. O, di ba bongga?”

“Oo nga,” dugtong ni Alejandra. Umaandar na ang marketing skills niya.

“Maglalabas tayo ng mga advertisements para sumikat agad ang restaurant mo. Huwag kang mag-alala, Eli. Kapag nag-o-operate ka na, dadalhin ko ang mga kasamahan ko sa restaurant mo. Para magayuma rin sila ng iyong mga lutuin.”

Maluha-luha sa tuwa si Ofelia nang matapos ang mahahabang pahayag nila.

“M-maraming salamat sa suporta n’yo, Jess, Mar, Andy.” Suminghut-singhot ito. Dumampot ng isang tissue at nagpunas ng mga mata. “Sana, hindi kayo ma-disappoint sa akin.”

“No, kailanman ay hindi,” halos sabay-sabay na pangako ng tatlo. “Nandito lang kami palagi sa tabi mo, kaya hindi ka mabibigo.”

“K-kumain na uli kayo,” alok ni Ofelia. “Sayang ang pagod ko sa pagluluto ng mga iyan kung hindi n’yo matitikman lahat.”

Hudyat iyon para ibalik na ang magaan na atmospera. Kuwentuhan uli. Hagikhikan. Hanggang sa mag-uwian.

Si Alejandra pa lamang ang may sariling sasakyan. Iniregalo iyon ng kumpanya sa kanya nang ma-promote siya nung isang taon. Kaya siya ang naghatid sa mga kaibigan sa mismong bahay ng mga ito.

“Thank you sa pagbibigay n’yo ng panahon sa akin. At sa mga regalo ninyo,” wika ni Ofelia habang daan. “Masayang-masaya ako ngayong araw na ito.”

“Happy birthday, Ofelia!” Nag-chorus silang tatlo sa pagkanta habang binabagtas nila ang kahabaan ng Roxas Boulevard.

Isang lungsod lang ang inuuwian nila pero sa hiwa-hiwalay na lugar.

Sa Cubao si Ofelia, sa Kamuning si Myrza, at sa Project 6 si Jesusa. Si Alejandra ay sa Congressional.

Napapangiti ang dalaga nang mag-isa na siya sa kotse. Nagpapasalamat siya sa Diyos para sa isang araw ng kasiyahan.

Wala siyang kamalay-malay na may paparating na unos sa buhay niya…

Kina-Lunes-an, maagang kumilos si Alejandra para pumasok sa opisina.

Kahapon, nagtungo siya kay Ofelia upang ihatid ang kanyang titulo. Dinatnan pa siya nina Myrza at Jesusa doon kaya nagkaroon uli ng kaunting salu-salo.

Gabi na nang makauwi siya.

Mabuti na lang ugali niya ang pagsama-samahin sa isang hanger ang mga damit na magkakaterno, pati ang mga aksesoryang scarf o tie o anupaman.

Para magbibihis na lang siya pagkatapos maligo. Hindi na niya kailangang maghanap sa mga drawer at closet ng mga dapat niyang isuot.

Metikulosa siya sa lahat ng bagay kaya palagi siyang organisado. Bihira siyang mataranta.

Lalo na sa trabaho. Kahit na matindi na ang pressure, kaya pa rin niya.

Ang bansag nga sa kanya ng mga kasamahan ay ‘Alexandra the Great’.

Pero hindi ipinaririnig sa kanya, siyempre. Isa siya sa may pinakamataas na posisyon ngayon sa kumpanya.

At may mga sabi-sabi na napipisil siyang maging kapalit ng matandang presidente, si Don Ildefonso Cosico.

Hindi naniniwala si Alejandra dahil masyado pa siyang bata.

Sa kanyang palagay, kulang pa ang kanyang kaalaman at karanasan para pangahasan ang isang posisyon na puno ng mabibigat na responsibilidad at obligasyon.

Napansin agad niya ang ibang kulay at disenyo ng kotseng nakaparada sa reserved parking space para sa big boss ng Sunrise Philippines, Incorporated.

“Good morning, ma’am,” ang magalang na bati ng guwardiya sa kanya nang mag-punch siya ng kanyang card sa bundy clock.

“Good morning din, Mang Pedring.” Palagi niyang tinatawag sa pangalan ang mga empleyadong nakakausap.

Naging ugali niya ito magmula nang mabasa niya sa isang libro na ang pangalan ang pinakamatamis na salita sa nagmamay-ari nito.

“Tila napaaga po yata si Don Fonso, ano po?” tanong niya, pa-kaswal.

“Naku, hindi po sasakay sa ganyan si Don Fonso. Ang anak po niya ang may-ari niyan.”

Kilala ni Alejandra ang anak ng matanda, si Ma’am Assunta. At hindi rin sasakay iyon sa sportscar na kulay pula pa man din.

“S-si Ma’am Assunta?” paniniguro niya.

Umiling ang guwardiya. “‘Yung bunso, si Sir Dante.”

Ang blacksheep! bulong ni Alejandra sa sarili.

Nabigla siya sa narinig ngunit nanatiling kalmado ang kanyang ekspresyon.

“Aakyat na ako, Mang Pedring,” paalam niya matapos pumirma sa logbook.

Dinampot niya ang bungkos ng keychain na hinihiram niya tuwing Lunes.

At isinasauli tuwing hapon.

Tumango ang matandang lalaki. Magiliw ang pagkakangiti sa kanya.

Bilib si Mang Pedring sa dalagang executive dahil mapagkumbaba pa rin kahit na tumaas na ang ranggo.

Magkasabay silang nag-apply noon kaya nasundan nito ang pag-asenso ng masipag na Ma’am Alexa nila, sa loob ng nagdaang anim na taon.

Ano kaya ang hitsura ni Dante Cosico? tanong ni Alejandra sa sarili habang nakasakay sa elevator.

Nasa topfloor ng ten-level building ang opisina ng mga senior executives. Bale isang taon pa lamang siyang nag-oopisina sa itaas.

At siya na lang ang tanging babae na nanduruon dahil nag-retiro na si Mrs. Balbuena nung isang buwan.

Nagulat si Alejandra sa unang tanong na lumutang sa kanyang isipan. Hindi siya naging curious sa mga lalaki kahit na kailan.

Para bang ang pag-i-ignora niya sa mga lalaki ang kanyang defense mechanism upang hindi siya ma-attract sa sinuman.

Naging tila manhater siya magmula nang — pumikit siya nang mariin upang magawang harapin ang katotohanan sa sarili — magmula nang maranasan niyang humarap sa napakaraming lalaki nang walang saplot sa katawan.

Sapagkat kahit na napakatagal na panahon na ang lumipas, dinadalaw pa rin siya ng kahapon na tinatakasan niya.

Nakaramdam ng pangangatal si Alexandra nang sumagi sa kanyang isipan ang hayok na pagnanasa na nabasa niya sa mga matang nakatutok sa kanya nung mapilitan siyang magsayaw sa gitna ng entablado.

Kahit na lango siya sa droga, nakakintal na sa kanyang gunita ang tanawing iyon…

Click here to READ MORE

Comments are closed.