Will you marry someone who makes you tremble with fright? Can you teach your heart to fall out of love willfully? Can you hide your true feelings effectively?
Myka grew up in awe of her beautiful cousin Dahlia. She had no self-confidence and no backbone.
When Myka was blackmailed to marry Ralph, the ex-fiance of Dahlia, she could not find the courage to refuse and fight for her right.
Ang buong buhay ni Myka ay nakatutok sa pagtanaw ng utang na loob sa mga kaanak na kumupkop sa kanya. Hindi siya makatanggi nang gawing kakutsaba para imanipula ang nobyo ng pinsan.
When the table was turned against her cousin’s mercenary plan, Myka was trapped in the middle. Ralph forced her to become his fiancee instead.
* * *
Nanginginig ang mga kamay ni Myka habang pinipindot ang tamang button sa control panel ng sinakyang elevator.
Para siyang preso na inihatid sa silya-elektrika. O tuturukan ng lason. Hindi na niya sigurado kung paano pinapatay ang mga makasalanan ngayon.
Basta ang alam niya, tiyak na ganito ang magiging kapalaran niya dahil mayroon siyang dalang masamang balita.
Sa hitsura ni Ralph Valdez, na may lahing kalahating Kastila at kalahating Hapon yata, mahusay itong mag-imbento ng mga paraan ng torture para sa mga taong katulad niya!
Pumiksi si Myka. Hindi siya maaring magpatalo sa kanyang pag-aalinlangan at mga pangamba. Mas malilintikan siya kay Dahlia kapag hindi sinunod ang iniutos nito sa kanya.
“Kailangang makarating kay Ralph ang sulat na iyan, Mykaela!” asik ng pinsan niyang dalaga. Nanlilisik ang mga mata nito at saglit na nawaglit ang klasikong kagandahan habang ipinakikita ang galit at poot sa kanya. “Ultimatum ko iyan sa kanya. Tiyakin mong binasa niya iyan bago ka umalis sa harapan niya!”
Walang nagawa si Myka kundi ang tumango nang tumango. Magmula bata siya, sampung taong gulang yata siya nang maulila, alipin na siya ng magandang pinsan na mas matanda lang ng tatlong taon sa kanya.
“At gusto kong panoorin mo ang lahat ng mga reaksyon niya,” pahabol nito habang papalabas siya ng pinto ng apartment nito.
“Oo, Dahlia. Gagawin ko lahat ng ibinilin mo,” tugon naman ni Myka.
Habang papalapit siya sa silid na tinutuluyan ni Ralph Valdez sa five-star hotel na sinabi ni Dahlia, lumilipat ang takot niya sa lalaking daratnan.
Sino ba sa dalawa ang magaling magpahirap ng biktima? tanong niya sa sarili habang pinipindot naman ang doorbell.
Sumusulyap siya sa kanyang relo panggalang habang naghihintay ng magbubukas.
“At kapag walang tao sa kuwarto ni Ralph,” dagdag pa ni Dahlia matapos iaabot ang sobreng kulay rosas sa kanya.
“Tumawag ka agad sa akin dito sa numerong ito. Maliwanag ba?”
Lalong kinakabahan si Myka habang naaalalang isa-isa ang mga habilin ng pinsan. Para bang nakikini-kinita na niya ang kahihinatnan.
Napapitlag siya nang halos padaskol na nabuksan ang pinto ng silid na destinasyon niya. Tumambad sa kanyang harapan ang matangkad at matipunong hubog ni Ralph Valdez.
Makapigil-hininga ang kaguwapuhan ng binatang may-ari ng ilang plantasyon sa Davao at Zamboanga.
Mataas ang noo nito na tila palaging nakakunot at matangos ang ilong na aristokrato. Makapal ang alun-along buhok kaya palaging may bakas ng pag-aahit ang matataas na pisngi at matitigas na panga, pati ang determinadong hugis ng baba.
Matiim ang mga labing mamula-mula dahil walang bisyong paninigarilyo.
Ang huli ang unang hinangaan ni Myka. Palibhasa, namatay ang kanyang ama sa kanser sa baga, pati ang kanyang ina ay gayundin kaya nasuklam siya sa produktong tabako.
Hindi lang niya mailantad ang opinyon niyang ito dahil naninigarilyo ang kanyang pinsang Dahlia. Nakikitira lang siya rito kaya tinitiis na lang niya ang amoy ng usok.
Napakurap siya nang pumitik sa hangin ang mahahabang daliri ni Ralph.
“Hey, stop daydreaming, young lady,” tudyo nito habang pinapatuloy siya. “May kailangan ka ba?”
Napalunok si Myka. Hindi niya alam kung dapat niyang ikatuwa ang pagngiti ni Ralph sa kanya. Lalong lumakas ang pagkabog ng dibdib niya.
Paano’y alam niyang mabubura ang pagkagiliw sa ekspresyon nito sa sandaling malaman kung ano ang ‘kailangan’ niya.
Walang imik na humakbang papasok si Myka. Pakiramdam niya iginigiya na siya ng lalaki patungo sa kanyang katapusan!
Dinukot ni Myka ang sobre mula sa handbag na pinaglumaan ni Dahlia. Kulay puti iyon na katulad ng suot niyang blusa.
Nakasuot siya ng kanyang uniporme sa opisinang pinapasukan bilang clerk- typist. Umaasa siyang makakapasok pa siya pagkatapos ng misyon niya kay Ralph Valdez.
Iniabot niya ang naturang sobre sa lalaking kaharap. Pinilit niyang iangat ang kanyang tingin dahil isa ito sa mahigpit na ibinilin ni Dahlia. Malaki ang takot niya sa pinsan.
Susundin niya ang lahat ng mga utos nito kahit na hindi naman siya nito nakikita nang mga sandaling iyon.
“Titingnan mo siyang mabuti, Mykaela,” diin ni Dahlia habang pinanlilisikan siya ng mga mata.
“Kailangan ko ng buong report mo tungkol sa bawat pagbabago ng ekspresyon ng mukha ni Ralph. Malilintikan ka sa akin kapag hindi ako nasiyahan sa mga dala mong impormasyon!”
Ngunit lalo siyang nanginginig habang pinagmamasdan niya ang aroganteng kurba ng makakapal na kilay ni Ralph Valdez!
Huwag nang idagdag ang sensuwal na hubog ng mga labi nito…!
Pinagalitan ni Myka ang kanyang sarili habang tahimik na nakatitig sa kaharap.
Parang dinurog ang kanyang puso nang makitang nilamukos ng mahahabang daliri ang mahalimuyak na papel na sinulatan ni Dahlia ng mga salitang may kamandag.
“Napakatusong babae!” bulong ng lalaki sa matigas na tinig. Bumaling ang matalim na mga mata nito sa gawi ni Myka.
“Alam mo ba kung ano ang sinasabi ng sulat na ito?”
Tuluyan nang naumid ang dila ng pobreng dalaga. Sunud-sunod na pag-iling lang ang kaya niyang gawin habang nanlalaki ang mga mata niyang bilugan.
Dumudulas ang suot niyang salamin dahil sa pagpapawis ng kanyang makinis na balat. Ganito siya kapag ninenerbiyos.
“A-ano raw ang — ang sagot mo?” bulong niya sa garalgal na tinig. Ibig na niyang kumaripas ng takbo palayo sa lalaking biglang naging mapanganib ang anyo.
Dahan-dahang humakbang palapit sa kanya ang lalaki. Madilim na madilim ang mukha habang umaangat ang mga kamay nito paamba sa kanyang leeg.
Napaatras si Myka sa takot.
Sasakalin siya ng lalaki! bulong niya sa sarili.
“H-huwag — ” Isang sigaw sana ang katagang iyon ngunit wala na siyang lakas upang lumikha ng ingay mula sa nagsisikip nang lalamunan.
Kasabay ng paghawak ni Ralph Valdez sa kanyang mga braso ang pagpanaw ng kanyang ulirat. Hindi na niya nakayanan ang labis na tensiyon na dinadala magmula pa nang gisingin siya ng pinsan kaninang madaling araw.
“Gising,” anang isang tinig-lalaki habang may tumatapik-tapik sa kanyang pisngi.
Isang malamig at matigas na bagay ang dumaiti sa kanyang bibig, bago dumaloy papasok ang nag-aapoy na likido. Napaubo siya at parang maduduwal nang mapaso ang dila at lalamunan.
“Lulunukin mo iyan,” utos ng mabalasik na tinig. “Huwag mong iluluwa.”
Likas ang pagiging masunurin ni Myka, kaya pinilit niyang lunukin ang matapang na alak. Parang namaga ang kanyang dila, pati ang gilagid pagkatapos.
Ngunit napalis naman ang panlalamig na bumabalot sa kabuuan niya.
At tila may bumangon na ibang Myka sa kanyang kaibuturan.
Nakakaramdam siya ng pagkamuhi para sa sarili.
A, napakahina niya! Bakit hindi niya magawang salungatin ang mga puwersang nakakasalubong niya?
“Maupo ka.”
Awtomatiko ang pagtalima niya.
Umikot ang kanyang paningin kaya napilitan siyang pumikit.
Habang patuloy siya sa pang-uusig sa sarili.
Walang ibang puwedeng sisihin kundi siya lang. Hindi siya mapupunta sa mga ganitong klaseng sitwasyon kung magiging malakas siya.
Kung matututo siyang sumalungat…
Hindi siya puwedeng pilitin ni Dahlia kung ayaw niyang gawin ang ipinagagawa nito sa kanya, hindi ba?
“U-uuwi na ako.” Sinimulan niya ang pagtatapang-tapangan.
“Not so fast, young lady,” pigil ni Ralph Valdez.
Napilitan siyang tumingin sa lalaki nang hawakan siya nang mahigpit sa isang braso. Para bang nangangamba ito na bigla siyang lilipad palabas ng bintana!
“N-nasasaktan ako. Huwag mo na akong hawakan, please,” pakiusap niya, halos pahikbi.
Kanina pa siya hinahawakan nito sa bahaging ito. Padaklot ang pagkakakapit ni Dahlia doon habang ginigising siya. Bumaon yata sa laman ang mga kukong mahahaba.
Nagmura nang mahina si Ralph. Walang imik na binitawan si Myka. Parang napaso.
“Ano’ng sagot ang hinihintay ni Dahlia, Mykaela?” ang paasik na tanong nito.
Kahit na nanghihina pa at medyo malagihay na dahil sa ipinainom na alak, hindi pa rin manhid ang puso sa atraksiyong iniuukol para sa lalaki. Sumikdo ang pulso niya bago rumagasa sa pagpintig.
Tinawag pa lang siya ni Ralph Valdez sa kanyang unang pangalan. Paano na kaya kung may iba pa itong gawin sa kanya?
Pinalis niya ang nakakabahalang pangitain. Wala siyang karapatang mangarap ng magaganda tungkol kay Ralph Valdez!
“Hindi ko alam,” bulong niya habang hinihila ang laylayan ng kanyang palda. Umangat pala ito nang ihiga siya sa malambot na sopa. “Ikaw ang nagbasa ng sulat niya.”
Hindi siya sinagot ng lalaki. Sa halip, tinulungan siya sa pag-aayos ng kanyang palda. “Tumalikod ka sandali. Kinalas ko ang hook ng bra mo,” pahayag ng lalaki sa kaswal na tono.
Nag-apoy ang mga pisngi ni Myka. Hindi lang ang damit-panloob niya ang kinalas ng lalaki! Naramdaman niyang pati ang zipper sa likod ng kanyang palda ay binuksan nito.
Hindi siya makapagpasalamat dahil parang masagwa. Minabuti niyang magpatay-malisya na lang.
Dali-dali siyang tumindig nang matiyak niyang disente na ang ayos niya. Inapuhap ng paa ang mga sapatos na may mababang takong sa ilalim ng sopa. Namataan niya ang handbag sa ibabaw ng lamesita.
“Ops,” ani Ralph Valdez nang anyong dadaluhungin na niya ang bag upang makatakbo na palabas.
Iyon sana ang plano niyang gawin ngunit mabuway nga ang kanyang mga kilos dahil sa alkohol na nahalo na sa dugo.
“And where do you think you’re going, hmm?”
Sinundan siya ng lalaki sa pagtindig. Walang anumang hinawakan ang kanyang siko upang alalayan siya nang sumuray uli matapos magpumilit na humakbang.
“Sit down and rest, Mykaela. You just fainted.”
“I’m also drunk,” dagdag niya, pangamol.
Umiling siya nang marinig ang sinabi. Ngunit lalo lang siyang nahilo. Nawala na naman ang balanse kaya napasandal siya sa malapad na dibdib ng lalaki.
“H-hinihintay na ako ni Dahlia,” aniya, halos wala sa loob.
“Nasaan siya?” tanong ng lalaki.
Napapikit si Myka, habang kinakagat ang ibabang labi. Aywan kung bakit pinagtatakpan pa niya ang pinsan na wala namang ipinakikitang maganda sa kanya magmula pa sa simula.
“Hindi ko maaring sabihin sa ‘yo,” tugon niya sa mababang tono. “Aalis na ako. Papasok pa ako sa opisina — ”
“You’re not fit to work,” pakli ng lalaki. “Saluhan mo na lang ako sa pananghalian na in-order ko sa Room Service.”
Nangungunti ang pakiramdam ng dalaga ngunit hindi siya makapagsalita.
Hindi siya makapaniwalang inaanyayahan pa siyang sumalo sa tanghalian!
Ngayon lang siya makakasabay sa isang lalaki. Puwede na siguro niyang ilusyunin na isang lunch date iyon!
Sa edad niyang beinte tres, hindi pa niya naranasan ang makipagligawan. Marami ang nagpapaligad-hangin ngunit ayaw niya ng gayong klaseng diskarte.
Ang ibig niya ay isang tradisyunal na ligawan. Kahit na hindi na uso ang harana, gayon pa rin ang hinahanap niya.
“Nangangarap ka na naman ng gising, Mykaela,” wika ng baritonong tinig ng kaharap.
“Oh!” Dali-dali siyang yumuko upang iiwas ang paningin. Nakagat niya ang ibabang labi, katulad ng palagi niyang nagagawa kapag inaaway siya ni Dahlia.
Kunwa’y naging interesado siya sa mga ibon na nagsisipaglaro sa malapad na pasamano ng bintana.
“You intrigue me, Mykaela,” patuloy ng lalaki, habang nakatitig sa kanya.
Pakiramdam niya, isa siyang insekto na pinag-aaralan sa ilalim ng mikroskopyo.
“B-bakit?” Hindi niya napigil ang sarili na magtanong.
“Hindi ka natutuwang magtatagal ka pa sa piling ko,” tugon nito. May bahid ng panunuya ang tono. “Ang ibang babae ay nag-iisip na kung paano ako sisiluin.”
Napatulala si Myka sa tinurang iyon ng kaharap. Walang bakas ng conceit ang ekspresyon ni Ralph Valdez.
“Wala akong karapatang manilo, Mr. Valdez,” pahayag niya.
Kipit ng mga kamay ang kanyang handbag. Nakahanda siyang umalis anumang sandali na payagan siya ng kausap.
Tumawa nang mahina ang lalaki. Tila lalong tumindi ang sarkasmo nito. Nagsalin ito ng alak sa basong kristal. Tinungga na para bang tubig lang.
“Then I don’t believe you, Mykaela. Ang lahat ng mga babae ay mahilig sa seguridad. Nagsisinungaling ka kung sasabihin mo sa akin na wala kang nararamdamang atraksiyon para sa akin,” panghahamon nito.
Nag-apoy na naman ang mga pisngi ni Myka. Nagbaba agad siya ng tingin. Hindi niya kayang sumagot nang tapat!
Naputol ang pag-aaral ni Ralph Valdez sa kanya nang tumunog ang doorbell. Ang waiter na naghahatid ng kanilang pagkain ang napagbuksan ng lalaki.
Espisyenteng naihanda ng tagasilbi ang lamesang bilog sa tabi ng balkonaheng maliit.
“Thanks,” ani Ralph Valdez sa waiter habang binibigyan ng tip.
Nanonood lang si Myka. Hanggang ngayon, hindi pa rin siya makapaniwalang tutoo ang narinig niyang imbitasyon kanina.
“C’mon, I’m starving,” aya ng lalaki nang makitang wala siyang tinag sa kinatatayuan sa tabi ng bintana.
Huminga nang malalim ang dalaga bago humakbang palapit sa balkonahe.
Ipinaghila siya nito ng silya ngunit ayaw niyang isipin na espesyal na ginawa iyon ng lalaki para sa kanya. Likas lang marahil ang pagkamaginoo nito kaya siya inalalayan sa pag-upo.
Patuloy siya sa mental na pakikipagtunggali sa mapanghigop na puwersa ng kaharap kaya hindi niya agad narinig ang sumunod na itinanong nito sa kanya.
“Are you on a diet?”
“P-pardon?”
“I mean, wala ka bang pinipiling kainin?”
Umiling ang dalaga. Natataranta na talaga siya. Parang isang panaginip lang ang mga nangyayari ngayon.
Hindi kaya wala pa rin siyang malay-tao at kasalukuyan na siyang naghahalusinasyon?
Kaswal ang pag-aasikaso ni Ralph Valdez sa kanya. Panaka-naka, tinatanong siya nito ng mga personal na bagay ngunit lalo lang tumitindi ang kanyang tensyon kaya marahil huminto na ito nang dakong huli.
O nabagot na lang sa kawalan niya ng sopistikasyon?
Panay ang salin nito ng white wine sa kanyang kopita kapag nakitang dinampot niya iyon upang sumimsim nang ilang ulit.
Pilit niyang nilulunok ang nerbiyos at pagkakimi ngunit talaga yatang mahirap palisin ang naging pag-uugali na.
Kasabay ng matamis na alak.
Kaya naman maya-maya lang ay para na siyang inilulutang sa hangin.
A, ganito pala ang malasing! Masarap pala. Kaya pala ang kanyang tiyahin, ang ina ni Dahlia, ay naging alcoholic.
Parang bulang naglaho ang mga inhibisyon niya. Pati ang pagkakimi at pagkamahiyain.
“B-bakit ka nakatitig sa akin?” Nagawa niyang magtanong nang diretsahan sa makisig na lalaking kaharap.
“Nagagandahan ako sa iyo,” tugon nito, pa-kaswal.
Humagikgik si Myka. Hindi siya naniniwala. “Bolero ka pala,” wika niya habang dinadampian ng table napkin ang bibig. “Kaya siguro marami kang napapasagot na babae.”
“Ikaw, Mykaela, sasagutin mo ba ako kung sakaling ligawan kita?” tudyo ng lalaki. Seryoso ang anyo.
“H-huwag mo na akong isama sa mahabang listahan ng mga babaeng naloloko sa ‘yo,” tutol niya. “Hindi ako makakapantay sa kagandahang angkin nila.”
“You’re so humble, Mykaela,” obserba ni Ralph Valdez.
“Just being — truthful,” salo niya sa medyo mabuway nang boses. Parang sumusobra na ang pamumungay ng kanyang mga mata.
“Imposibleng magkagusto ang isang tulad mo sa akin, Mr. Valdez,” dagdag niya kahit na halos hindi na niya matuwid ang pagsasalita.
Natahimik ang lalaki. Hanggang sa matapos ang kanilang pagkain, hindi na umimik si Ralph Valdez. Para bang nawalan na ng ganang makipag-usap sa kanya.
Hindi na rin nagsalita si Myka. Pinipilit na lang niyang lunukin ang pagkaing nasa pinggan niya.
Nagpaalam agad siya nang matapos na sa pagkain ang lalaki.
“Uh, u-uwi na ako,” umpisa niya. “Maari ko bang malaman kung ano ang sasabihin kong kasagutan mo kay Dahlia?”
Natitiyak niyang sa alak niya nakukuha ang lakas ng loob na nagtutulak sa kanyang magsalita pa uli tungkol kay Dahlia.
Kumunot ang noo ni Ralph Valdez. Matamang tumitig sa kanya. Kapagkuwa’y nagkibit ang isang eleganteng balikat nito. “Sabihin mong natuwa pa ako sa isinulat niya sa akin,” tugon nito.
“Which is true. Inakala kong magiging isang mabuting asawa si Dahlia ngunit mali ang akala ko. Maghahanap na lang uli ako.”
Tumango nang marahan si Myka. Maingat siya sa kanyang pagkilos dahil naliliyo na naman siya. “M-maraming salamat sa pananghalian — ”
“Sandali lang,” pigil ni Ralph nang akmang tatayo na si Myka. “Ilang taon ka na nga ba?”
“Biente tres,” tugon niya sa namamaang tono.
“May nobyo ka na ba?”
Lalong nalito si Myka, ngunit tumugon pa rin siya. “Wala — ”
Tumangu-tango ang lalaki. Enigmatiko ang ekspresyon nito dahil nakatabing ang mahahabang pilikmata nito sa anumang emosyon na nakasalamin sa mga mata nitong malalalim.
“Bueno, ipahahatid na kita,” pahayag nito sa pormal na tono.
Hindi makatanggi si Myka. Isa pa, nahihilo na naman siya.
Takang-taka ni Dahlia nang matanaw siyang papaibis mula sa isang magarang kotse.
“Ano’ng ibig sabihin ng pagpapahatid sa iyo ni Ralph sa drayber nito, ha?” pagtataray agad ng pinsan niya habang papasok siya sa apartment.
“O, akala ko ba, wala ka dito?” tanong ni Myka nang mabuglawan ang naggagalaiting dalaga.
Naningkit ang mga mata ni Dahlia sa ipinakikita niyang tapang.
Ang tutoo, kalmado lang si Myka.
At hindi sanay ang pinsan niya na magpakita siya ng kawalan ng takot.
“Mykaela, gusto kong marinig ang sinabi ni Ralph!” angil ni Dahlia sa kanya.
Sumandal si Myka sa hamba ng pintong patungo sa kusina. “Sinabi niyang natutuwa daw siya.” Kumunot ang noo niya habang pilit na inaalala ang mga iba pang winika ng lalaki sa kanya. Gusto na niyang matulog.
“Maghahanap na lang daw siya ng ibang babaeng magiging mabuting asawa para sa kanya. At — at nagkamali daw siya ng akala sa iyo.”
Namula sa galit ang mukha ni Dahlia. “Ano pa?”
Muling nakunot ang noo ni Myka. “Wala na akong matandaan,” aniya kapagkuwan.
“Ano ang naging reaksiyon ng mukha niya pagkabasa ng sulat ko?” asik ng babae.
Pumikit si Myka. Pinagbuti pa niya ang pagsandal sa hamba bago nagsalita.
“Nilamukos niya ang sulat mo,” tugon niya.
Nagmura nang nagmura ang kanyang pinsan. Nagwala. Pinagbabato ang mga kagamitan sa paligid.
Nagtataka si Myka kung bakit hindi man lang siya naapektuhan habang nanonood sa ordinaryong tagpo ng pagmamaktol ng babae. Siguro, namanhid siya ng alak na kinunsumo niya.
O namamanhid na rin siya sa katagalan.
Nang matapos sa kababato ang babae, saka lang kumilos si Myka. Umakyat siya sa itaas.
“Mykaela, ligpitin mo ang mga ito!” sigaw ni Dahlia sa kanya ngunit tuluy-tuloy lang siya. “Mykaela! Ano ba!”