Bought by the Boss-19

Sumikdo ang pagpintig ng dibdib ni Myrza nang marinig ang boses ng lalaking laman ng kanyang isipan kani-kanina lang.

“Rad,” sambit niya sa pangalan ng kausap habang pilit na binabawi ang nawalang wisyo. “Uhm, kumusta si Honey?”

“Okey lang siya. Bukas pa siya maghahanap nang todo sa ‘yo. Nakuntento pa siya sa alibi ko kanina sa kanya.”

“I see.” Nawalan na naman siya ng sasabihin. Ang bata kasi ang una niyang naisip na dahilan ng lalaki sa pagtawag nito sa kanya ngayon.

“Uhm, bakit ka napatawag?” Napilitan siyang diretsahin ang kausap.

“Ako ang hindi okey, Yza. I missed you already,” pag-amin ng napapaos nang boses ni Rad.

Lumikha ng kilabot ang mga munting gaspang sa tinig ng lalaki. Gumapang sa kanyang likod hanggang sa balutin ang kanyang utak, kaya wala na halos siyang maisip kundi ang mga sandaling nagtatalik sila.

“Naging addict na ako sa ‘yo, Yza,” pahayag ng lalaki. Para bang nababasa nito ang kanyang nasa isipan.

[Want to read the Start of Stories Online titled – BOUGHT BY THE BOSS…? Click Here!]

“B-babalik naman ako diyan sa Lunes, Rad. Kung inaalala mong iiwan ko si Honey bago siya maka-recover, ipanatag mo ang iyong kalooban. Aalis lang ako sa buhay n’yo kapag pumapasok na uli siya sa eskuwela,” pangako niya, paiwas sa talagang paksa nila.

Nagawa niyang maging praktikal dahil wala sa malapit si Rad.

“Myrza!” pakli ng lalaki. “You know damned well that I need you more than my daughter does,” dugtong pa, may kaunting tigas na ang tonong naglalambing.

Gustong tumiklop ng mga tuhod niyang nagsatubig na yata ang mga buto kaya naghanap siya ng mauupuan.

“Rad, hindi mo dapat sinasabi ang mga iyan sa telepono!” saway niya dito. “Baka may nakakarinig sa ‘yo,” dagdag pa niya, ngunit sa mas mahinang tinig na.

“I’m in the library,” bawi ng lalaki, “but I don’t care kung may makarinig man sa akin dito.”

“You don’t care dahil hindi naman ikaw ang masisira,” pakli niya bago pa siya nakapag-isip.

“Ano’ng ibig mong sabihin, Yza? May alam na ba ang mga tao dito tungkol sa ating dalawa?”

Nagsisi tuloy si Myrza kung bakit nakapagsalita pa siya.

“H-hindi ko alam, Rad. Pero wala namang lihim na hindi nabubunyag.”

Natahimik sandali ang lalaki.

“You’re right,” anito matapos bumuntonghininga.

“Magpapaalam na ako, Yza. Sigurado ka bang Lunes ang balik mo? Ipasusundo kita, ha?”

“M-may pupuntahan pa ako, Rad. Huwag mo nang abalahin ang mga tauhan mo para sa akin,” tugon niya.

Naulinigan niya ang muling pagbubuntonghininga nito.

“Hindi pang-aabala ang pag-iintindi ko sa kapakanan mo, Yza.” Tumikhim muna bago nagpatuloy.

“Gusto mo bang ako na lang ang sumundo sa ‘yo? Mas magiging thoughtful ba ako kapag ako mismo ang pupunta diyan?”

Lalong nag-panic si Myrza.

“No, no, it’s not that, Rad. Don’t leave Honey for my sake. I promise, I’ll be there on Monday night.”

Matagal-tagal na katahimikan na naman ang sumunod bago nagsalita si Rad.

“Okey. Ikaw ang masusunod.” Halatang laban sa kalooban ang pagsang-ayon.

“S-salamat,” sambit ni Myrza bago ibinaba ang telepono.

Nag-enjoy din naman siya sa party ni Ofelia kahit na parang nakalutang siya sa hangin nung umpisa.

Laking pasalamat lang niya dahil hindi na naalala ni Alejandra ang mag-amang nakasabay nila sa sinehan nung isang Linggo.

Hindi naman kasi niya binanggit ang tungkol sa insidente.

At bilang isang senior executive sa kumpanyang pinapasukan, maraming iniisip ang kaibigan.

Habang nagluluto sina Ofelia, isang kilalang nutritionist, at Jesusa, may-ari naman ng isang class na beauty parlor and massage salon — natuksong magbukas si Myrza ng usapan tungkol sa kanilang kapalaran.

At bakasakaling may pag-asa pa silang makatagpo ng kaligayahan…

“Define ‘happiness’, Andy,” umpisang tanong niya sa kaibigan.

Tila napamaang ang tinanong. “Happiness,” sambit nito habang nag-iisip. “Happiness is the state of contentment and peacefulness, hindi ba?”

Tumaas ang mga kilay niya. “Bakit hindi ka yata sigurado?”

Kumibot ang mga balikat ni Alejandra. “HIndi pa ako nakakaranas ng ganoon, e.”

Bumuntonghininga siya. “I know what you feel, Andy,” aniya. Lumamlam ang kanyang mga mata habang tumatanaw sa malayo. “Kahit mahabang panahon na ang nagdaan, pagkatapos ng — ”

Pumiksi si Alexandra. “Huwag mo na lang ituloy ‘yan, Mar. Baka marinig ka pa nina Eli at Jess.” Inginuso nito ang dalawang kaibigan na abala sa pag-iihaw ng mga barbeque.

“Sorry,” bawi niya, pero hindi pa rin siya kuntento. “Nadala lang ako ng inggit,” dugtong niya pa.

Tila na-curious si Alejandra. “Kanino ka naiinggit?” taka nito.

“Hindi mo ba napapansin ang mga nasa paligid natin?” Ikinampay ni Myrza ang isang kamay sa ibang mga umpukan na nasa paligid nila.

Grupu-grupo ng masasayang pamilya ang kumakain din sa buhanginan.

“Tayo lang yata ang walang kapareha at mga tsikiting!”

“Hay, Mar! There’s no use pining for something that we can’t have,” bawi nito, tila ibig mapailing-iling.

“Puwede tayong magkaroon ng ganyan, Andy,” pilit niya. “Gusto kong magkaroon ng sariling pamilya.”

“Mar, tanggapin mo na lang na imposibleng mangyari ang gusto mo. Sino’ng luku-luko ang iibig sa mga katulad natin?”

“Bakit? Napakasama na ba natin? Tayo ang mga biktima, Andy,” pakli niya. “Atsaka, may karapatan din tayong lumigaya.”

“You’re right, my friend,” bawi ni Alejandra. Tinanggap agad nito ang pagkakamali.

“Okey, to be truthful, ganyan din ang pangarap ko — pero hindi ako umaasa. Mahirap maghanap ng isang lalaking magmamahal sa atin kahit na malaman ang ating mga nakaraan.”

“Mahirap pero hindi naman siguro imposible,” pilit ni Myrza.

“Sana nga,” patianod na lang ni Alexandra para hindi na mauwi sa pagtatalo ang pag-uusap nila.

“Hindi ka pa ba nakakaranas ng crush o infatuation sa buong panahon na nasa labas na tayo? For example, sa kumpanyang pinapasukan mo? Wala bang mga presentableng lalaki doon?”

“Maraming presentable sa kumpanya, Mar. At karamihan ay mga disente pa. Educated at with breeding pa. Galing sa mga pamilyang may sinasabi. Mga pamilyang hindi magkakagusto sa kahit na anong eskandalo.” Tumikhim muna si Alexandra bago nagpatuloy.

“Sa palagay mo ba, babagay ang isang tulad natin sa kanila?”

“E, di ilihim natin,” salo niya. “Matagal na panahon na ang nagdaan. Wala na naman sigurong makakatanda sa atin.”

“Hindi ako magiging masaya kung mayroon akong ililihim sa isang taong nagmamahal sa akin, Mar. Ikaw, kaya mo bang lokohin ang lalaking iibigin mo?”

BOUGHT BY THE BOSS-20

Leave a Reply

You must be logged in to post a comment.