Bought by the Boss-22

Tumango lang si Myrza. Natutubigan siya dahil tila may malalim nang iniisip si Rad.

Hindi naman gaanong matagal ang naging paghihintay niya. Sumunod sa kuwarto niya ang lalaki.

“Hi,” bati ni Rad habang pumapasok sa pintuan, “nainip ka ba?”

Umiling si Myrza. Nakakaramdam siya ng kakatwang nerbiyos. May kakaibang sidhi ang mga mata ni Rad habang nakatitig sa kanya.

“H-hindi naman.” Pinilit niyang tumugon kahit na medyo paos na ang tinig.

Wari’y balisa rin si Rad. Palakad-lakad ito sa gitna ng silid. Para bang nag-aapuhap ng sasabihin sa kanya.

“Puwede bang maupo ka naman, Rad?” pakiusap niya nang mahawa na siya sa tensiyon ng lalaki.

“Sorry,” sambit nito. Naupo naman pero malayo sa kinaroroonan niya. Para bang umiiwas na mapalapit sa kanya.

“May gusto kang sabihin?”

[Want to read the Start of Stories Online titled – BOUGHT BY THE BOSS…? Click Here!]

Tumango ang di-mapakaling lalaki. “Hindi ko lang alam kung paano ko sasabihin,” pag-amin nito.

“Bakit hindi mo na lang sabihin?”

“Baka hindi mo magustuhan.”

“Pang-iinsulto ba sa pagkatao ko ang sasabihin mo?”

“Of course not! I’ll never insult you, Myrza!”

“Oh, Rad! Sabihin mo na lang, okey?”

Isang maikli at mabigat na katahimikan pa muna ang nagdaan.

“Papayag ka bang magpakasal sa akin?”

Napasinghap si Myrza. “T-tutoo ba ang naririnig ko, Rad?”

“Oo, Yza darling. Kung tatanggapin mo ang isang ready-made na pamilya — gusto ko sanang magpakasal tayo pagkatapos ng ika-isang taon ng kamatayan ni Emmy.”

“Oh, Rad!” Iyon lang uli ang kanyang nasambit.

Halos puputok na sa sobrang kasiyahan ang kanyang dibdib nang mga sandaling iyon. Itinuturing niyang isang milagro ang nangyayari sa kanya!

Ngunit nagkaroon pa rin ng puwang ang pag-aalinlangan. “P-parang masyado tayong nagmamadali…?”

“No, of course not.” Bahagyang pumiksi si Rad. “Hinihiling ko na huwag ka sanang mag-isip ng anupaman. Minahal ko rin si Emmy bilang isang mabuting kabiyak — ngunit sa loob ng matagal na panahong may sakit siya, hindi ko na siya naituring na asawa.”

Naupo ang lalaki sa kama. Sinuklay ng mahahabang daliri ang buhok.

“Parang naging magkapatid na lang kami nitong mga huling buwan niya sa mundo. Para bang matagal na matagal na akong nabiyudo dahil sa haba ng panahon na nag-iisa na lang akong malakas at kumakandili sa aming anak na si Honey habang inaalagaan ang isang buhay na patay.”

Walang maisip sabihin si Myrza. Ramdam na ramdam niya ang paghihirap at kalungkutang dinanas ni Rad noon.

“Kaya siguro naging matindi ang epekto ng tuluyang pagkawala ng ina sa anak ko. Umasa pa rin si Honey kahit na wala nang pag-asa!”

“Sinasabi mo ba sa akin na hindi ako magiging isang stand-in wife kapag kasal na tayo?”

Ginagap niya at pinisil ang isang kamay ng lalaki upang subuking pawiin ang lungkot na nadarama nito.

Hinagkan ni Rad ang mga daliri ni Myrza.

“No, Yza. You can never be a stand-in anything. You’re too unique to be like someone else. At lalong hindi kita puwedeng ipagkamali kay Emmy — may her soul rest in peace forever,” salo ni Rad, seryosong-seryoso.

“Iba ang pagmamahal ko para sa kanya. At iba rin ang para sa iyo, Yza.”

‘A, kahit na pareho pa!’ bulong ng munting tinig sa puso ni Myrza.

“Ang pag-ibig ko para sa iyo ay lumalagablab,” patuloy nito. “Ang apoy ng damdamin ko ay panghabangbuhay na di mawawalan ng init!”

“Ganyan din ang nadarama ko para sa ‘yo, Rad,” tugon niya.

“Kung gayon pumapayag ka nang magpakasal sa akin?” tanong ng lalaki. Bakas na bakas ang pagkasabik na marinig ang kanyang kasagutan.

Pinigil niya ang mapaiyak ngunit hindi na maampat ang masaganang pagdaloy ng kanyang mga luha.

“Pumapayag ako, Rad!” bulalas niya.

Nakita niyang nabahiran ng kaunting pagkapahiya ang masuyong ngiti ng lalaki sa kanya.

“May gusto sana akong itanong sa ‘yo, sweetheart,” umpisa nito.

“Kapag ganyan naman ang tawag mo sa akin, puwedeng-puwede kang magtanong ng kahit na ano, darling,” ganting-lambing niya.

“Papayag bang maging abay si Andy–este, Alejandra pala — sa kasal natin?”

“Oh.” Hindi agad niya naisip ang tungkol doon. “Siyempre naman. At siguradong magugulat ‘yon, pati sina Eli at Mar. Puwede ba ang tatlong abay sa kasal?”

“Sure,” tugon ng lalaki kahit na halatang nasa ibang bagay na ang isipan. “At sino naman sina Eli at Mar? Siguro naman, mga babae rin sila?”

Napahagikhik si Myrza. Sa labis na kaligayahan niya, hindi niya agad naalalang gamitin ang kanyang kakayahang magbasa ng isip.

“Hay, Rad! Alam ko na ang tinutumbok mo. Hindi mga lesbian ang mga kaibigan ko. Ang ‘Eli’ at ang ‘Jess’ ay mga palayaw nina Ofelia at Jesusa. Alam mo na kung sino ang Andy at Mar sa amin, hindi ba?” paliwanag niya.

“Sinadya naming magpalayaw ng panlalaki para palagi naming naaalala ang pinanggalingan naming — para hindi kami matuksong mag-ilusyon.” Huminto siya sandali bago nagpatuloy.

“Lahat kami ay nanggaling sa bilangguan, Rad.”

“Oh, Yza, I’m sorry!” Guilty ang ekspresyon ni Rad. Na naging apologetic matapos niyang paliwanagan. Idinampi nito ang bibig sa kanyang noo at ilong.

“Pasensiya ka na kung napag-isipan ko pa ng hindi maganda ang mga kaibigan mo, Yza. Uh, nagseselos kasi ako kay Alexandra nung nasa sinehan tayo. Nakahilig ang ulo niya sa balikat mo habang bulungan kayo nang bulungan.”

Hinaplos ni Myrza ang isang pisngi ng lalaki.

“May mga kahapon kaming lahat, Rad. Sa loob ng mahabang panahon, kaming apat lamang ang palaging magkakasama. Ang nagdadamayan. Matanggap mo rin kaya sila?”

“Of course, sweetheart.” Isang malalim at masuyong halik ang itinugon ni Rad sa kanya.

Halos mapugto ang kanyang paghinga nang maghiwalay ang kanilang mga labi.

Hindi makapagsalita ang lalaki dahil sa labis na kaligayahan ngunit nababasa naman ni Myrza sa mga mata nito ang tunay na nadarama nang mga sandaling iyon.

“Kailanman, hindi ko inasahan na magkakatutoo ang pangarap kong magkaroon ng sariling pamilya balang araw.” Nanginginig ang boses ni Myrza nang makapagsalita. “Maraming, maraming salamat, mahal ko. Pakaiibigin kita habang ako ay may hininga!”

Ginawaran ni Rad ng maapoy na halik ang kanyang mga labi.

“Ako ang dapat na magpasalamat sa ‘yo, Yza. Ibinalik mo ang kulay at sigla sa buhay naming mag-ama.” Gumapang papababa sa kanyang balikat, patungo sa kanyang dibdib ang mainit na bibig. “Maraming salamat sa mahika mo, Myrza…!”

Gusto pa sanang sabihin ng dalaga na ang tunay na mahika ay nasa pag-ibig na may katugon ngunit… tinangay na ng malalakas na agos ng mga emosyon ang kanyang kamalayan.

*** WAKAS ***

Click Here – LADY ROMANTICA TABLE OF CONTENT

Leave a Reply

You must be logged in to post a comment.