Lady Romantica, Romantic Love Stories Online, Long Stories, Romance, Love Story Series

Share

BOUGHT BY THE BOSS

Myrza was a bad character in her former life.

She managed to stay clean and straight using her talented fingers to do magic for a living… until Rad saw her for what she really was – a fortune huntress and a golddigger.

She was an orphan trained to be a pickpocket and a lockpicker by foster parents who were robbers. He was a wealthy widower with a small sad daughter.

Na-hire si Myrza bilang magician sa birthday party ng munting anak ni Rad.

Kahit na alam niyang mababa ang tingin sa kanya ng lalaki, mahirap tanggihan ang malaking halaga ng salaping matatanggap para sa sandaling panahon lang…

Ngunit paano kung pati pala ang puso at ang buong pagkatao niya ay naipagbili na rin niya?

Hindi siya babagay sa isang katulad ni Rad kahit na kalian…

* * *

Gabi. Madilim at tahimik na tahimik ang paligid. Perpekto sana para gumawa ng krimen…

Isang patrol car ang rumesponde sa isang anonymous call na nag-report ng nagaganap na nakawan sa isang panig ng Malibay.

Successful sana ang operasyon dahil nahuli ang mga kawatan: dalawang tomboy at isang menor de edad na babae.

Ngunit nakakawala din ang mga ito sa tulong ng kasamang dalagita na tila may magic sa mga kandado.

Nagawang kalasin ang mga posas at ang malaking lock na nasa pinto ng jeep van.

Kaya nakatalon patakas kahit na tumatakbo ang sasakyan.

Ang nakapagtataka lang — nagpaiwan ang tinedyer.

“Bakit hindi ka sumama sa mga kasama mong tumakas?” usisa ng sarhento habang kinukuhanan ng letrato ang lahat ng view ng dalagita.

Nagkibit lang ng mga balikat ang tinanong.

“Ito na lang ang tanging paraan para maiba naman ang kapalaran ko, sir,” katwiran nito, nakangiti.

“A, gusto mo nang magbago? Paano kung kunin ka nila uli?”

Saglit lang na sumagila ang takot sa maamong mukha bago napalitan ng determinasyon.

“Hindi nila ako mapipilit sumama, sir,” pakli nito, masigla na naman.

Kakaiba sa ibang mga nahuhuli ang isang ito. Parang ang saya-saya pa. Hindi katulad ng iba na mayroong malaking sindak sa mga rehas.

“Mamaya, may darating na social worker. Kung talagang gusto mong mabago ang destinasyon ng buhay mo — sumama ka sa kanya.”

Napamaang si Myrza.

“Ang ibig n’yo po bang sabihin — hindi ako makukulong dito?”

Tumawa ang pulis.

“Hindi ka puwedeng isama sa mga nandiyan sa loob. Menor de edad ka. First offender pa. Sa D.S.W.D. lang ang bagsak mo,” ang mahabang paliwanag ng matiyagang sarhento.

“Sana, paglabas mo doon — nasa tamang landas ka na.”

Tumango si Myrza. Ganoon din ang ipinagdarasal niya.

Ayaw na niyang makita sina Leon at Tigre. Ang mga iyon ang palayaw ng dalawang tomboy na naging tagapag-alaga at tagapagturo niya magmula nung mapulot siya ng mga ito sa isang tambakan ng basura.

Masasabing wala siyang utang na loob.

Ngunit para kay Myrza, sapat na ang ilang mahahabang taon na ginamit siya ng mga ito sa ilegal na hanapbuhay.

May natural siyang kakayahan na magbukas ng maraming uri ng mga de-klaseng kandado. Kaya siya ang malimit na isama ng mga ito bilang tagabukas ng mga tahanan ng mayayaman na ibig looban…

“Pangako po ‘yan, sir,” panunumpa niya, pausal ang pagsasalita.

Tinapik siya ng awtoridad sa balikat habang tumatangu-tango.

“Good girl. Ayaw ko nang makita ka uli dito sa presinto, ha?”

“Opo.”

Kalmado si Myrza nang sumama sa mukhang mabait na social worker na ipinadala ng D.S.W.D.

Hindi siya nangangamba dahil may galing siyang maka-kawala kung hindi niya magustuhan ang palakad ng naturang ahensiya ng pamahalaan.

Kahit na anong klaseng kulungan pa ang paglagyan sa kanya, puwede siyang makaalpas.

Nagtiis siya ng isang buwan sa istriktong pamamalakad.

At na-premyuhan naman siya.

Nagkaroon siya ng tatlong matatalik na kaibigan, sina Alejandra, Ofelia at Jesusa…

Makalipas ang labing-isang taon…

Nakatutok ang buong atensiyon ng lahat ng manonood sa babaeng nasa gitna ng entablado. Habang ang mahinang tunog ng tambol na nagmumula sa backstage ay dahan-dahang bumibilis at lumalakas upang lalo pang pagyabungin ang tensiyon at ang suspense sa paligid.

Nakasuot ng itim na over-all leotards at black boots ang babaeng kunwa’y binihag ng mga aliens na iniluwa ng isang props na spaceship.

At iginapos ng mga tanikalang may maliliit na blinking lights sa loob.

At nilagyan ng pagkadami-daming kandado.

Pigil-hininga ang audience dahil limang minuto lang ang taning ng mga taga-ibang planeta sa kawawang bihag para makakawala.

Kung hindi, sasabog ang timebomb na nakakabit sa helmet na suot ng babae.

“Dali! Dalian mo na! Dalawang minuto na lang!” ang tilian ng mga manonood.

Mapapansin na hindi lang mga bata ang nanduruon. Pati ang mga may edad na ay excited rin na naghihintay sa paglaya ng ‘alien prisoner’.

Nagsigawan at nagtalunan ang lahat ng mga tao nang buong gilas na nagtaas ng mga kamay at braso ang babae.

Nag-pirouette pa nga ito na animo isang ballet dancer upang ipahayag ang tinamong tagumpay.

“Mga kaibigan, malayang-malaya na po si Myrza the Magician!” ang hiyaw ng lalaking emcee.

“Nawalan ng saysay ang sandamakmak na kandado at tanikala! Walang binatbat ang mga hi-tech na lock ng mga taga-planetang Mula-Mula!”

Nag-alis ng suot na helmet si Myrza. Mistulang tubig na kulay itim ang pagdaloy ng makinang na buhok na umabot hanggang sa balingkinitang balakang.

Lumantad ang hugis-pusong mukha na atraktibo kahit na kaunti lamang ang nakapahid na meyk-ap sa makinis na balat.

“Myrza, I love you!” sigaw ng isang lalaking manonood. Kumakaway ito at tumatalon upang mapansin.

Tinugon naman ng matamis na ngiti ng dalaga ang fan. Kumaway rin bago yumukod.

“Maraming salamat sa inyong pagsuporta sa show na ito, mga mahal naming manonood. Magpapaalam na po muna kami. Hanggang sa muli!” Yumukod uli matapos sambitin ang scripted na pamamaalam.

Habang nagpapalakpakan ang mga tao, bumababa naman ang makapal na pulang telon.

Kinamayan ng manedyer si Myrza.

“Iha, napakagaling mo talaga!” ang papuri nito habang inaakbayan siya. “Siyanga pala, may magandang balita ako sa ‘yo.”

“Ikaw ang napiling lady magician sa show ni David Copperfield dito sa Manila sa susunod na buwan!”

“Wow!” Hindi napigil ni Myrza ang mapabulalas.

“Pagkatapos ng exposure na ‘yon–I’m sure, tuluy-tuloy na ang pagsikat mo sa larangan ng magic. Makikilala ka na sa lahat ng sulok ng Pilipinas, Myrza the Great!”

Isang masayang ngiti ang itinugon ng dalaga.

“Masyado naman kayong exagerrated, bosing. Hindi pa naman tayo nate-televized para sumikat sa lahat ng sulok ng Pilipinas.” Kinontra niya ang pahayag ng amo pero sa pabirong tono.

Tumawa nang malakas ang lalaking may malaking tiyan.

“At sinong maysabi sa ‘yo na hindi ka pa nakikita sa telebisyon? Iha, sa tuwing may show ka, kinukunan ka namin ng video. Ipinadadala namin sa isang istasyon na nagpapalabas ng tungkol sa mga magicians,” pagtatapat nito.

Nasorpresa si Myrza. “Talaga, bosing? Bakit hindi ko yata napapanood?”

Nagkamot ng napapanot nang ulo ang kausap habang ngumingiti na para bang napapahiya.

“E, medyo gabing-gabi na kasi ang timeslot ng palabas na iyon. Bandang alas dose, ala-una,” pag-amin nito.

“Sus! E, alas diyes pa lang ay tulog na ako.” Na-dismaya ang dalaga pero sandali lang. “Hindi bale, hihintayin ko pa rin para naman mapanood ko. Ano’ng channel ba, bosing?”

Ipinagbukas muna siya nito ng pinto ng dressing room bago tumugon. “Channel 8 yata ‘yon. Tuwing Biyernes.”

“Channel 8!” ulit niya pabulalas. “Meron na bang channel na gan’un?”

“Oo naman. Basta’t may cable ka ba, e.”

Umiling-iling na lang si Myrza. Hindi siya naniniwala. Masyado na siyang matanda para mapaikot nang pabasta-basta lang.

“Hay, si boss talaga. Iniistir mo lang pala ako, e,” pamamrangka niya.

“Aba’y hindi, iha,” tanggi ni Mr. Balbatog. “Kung gusto mo, sa amin ka makipanood para maniwala ka.”

Ibinaling ng dalaga ang mukha niya upang hindi makita ng kausap ang pagdududa sa kanyang ekspresyon. Sanay na siya sa mga ganitong pasakalye ng mga lalaking nakakasalamuha.

‘Tila malapit nang matapos ang business relationship namin nitong bondying na ‘to, a?’ aniya sa kanyang sarili habang naglalagay ng cleansing cream sa mga pisngi at ilong.

“Sa makalawa, Biyernes na. Susunduin kita sa bahay mo, ha?” patuloy ng lalaking magiging ex-boss na niya.

Nagkibit lang ng mga balikat si Myrza.

“Titingnan ko muna ang schedule ko. Kapag okey, tatawag na lang ako sa ‘yo, bosing,” patianod niya. Ngumiti uli siya rito pero pa-plastik na lang.

Kumislap ang sabik na pagnanasa sa mga matang maliliit ni Mr. Balbatog.

“Hindi ka magsisisi, Myrza. Pasisikatin kita nang husto,” pangako nito habang pinipisil ang isang braso niya.

Tatalikod na sana ito pero maagap niyang pinigilan.

“Este, Mr. Balbatog?” Pinapungay niya ang kanyang mga mata nang luminga uli ito sa kanya. “May nakakalimutan ka yata?”

Saglit na napatunganga ang may edad na Don Juan.

“A-ano ‘yon?”

Pinigil niya ang sumusulak na pandidiri.

Hay naku! Bakit ba hindi niya agad napuna ang pagka-maniac ng isang ito? pang-uusig niya sa sarili habang pilit na ngumingiti uli.

“Ang tseke ko? Hindi ba’t ngayon mo ibibigay ang kabuuan ng talent fee ko?”

Sinadya niyang palambingin ang kanyang pagsasalita.

Kaya siguro nataranta ang manedyer.

Agad na kinuha ang checkbook sa bulsa ng blazer na puti. At gumawa ng isang dated check.

“O, ayan, may bonus pa ‘yan, ha?”

Binasa ni Myrza ang halaga, ang petsa, at ang pangalan niya. Pati ang pirma. Tiniyak niyang maayos ang lahat bago niya iyon isinuksok sa bulsa ng kanyang shoulder bag.

“Sa Biyernes, ha?” paniniyak ng nakangiting manedyer.

Tumango lang si Myrza at ngumiti nang ubod tamis.

Kinabukasan, maagang nagtungo sa bangko ang dalaga. Hindi na niya ipinasok sa kanyang savings account na katulad nang dati para makaiwas sa 3-day clearance sa tseke.

Nagsiguro muna siyang nabuo na ang kabayaran sa kanyang serbisyo bago siya tumiwalag sa grupo ni Mr. Balbatog.

Nang maideposito na ang pera sa bank account niya, saka lang siya tumawag sa opisina ng manedyer.

Ang sekretarya ang kanyang nakausap.

“Pakisabi kay Mr. Balbatog na hindi na muna ako makakapunta diyan sa opisina. Mayroon akong lalakaring emergency. Sa probinsiya. Baka magtagal ako doon. Ipa-cancel mo na muna ang lahat ng nasa schedules ko, ha?”

“O, sige, Myrza. Sasabihin ko ‘yan kay bosing,” wika naman ng empleyada.

Natulog siya matapos mananghali. Nang magising ay nag-shower at nagbihis. Dakong hapon na iyon.

Nagsasangag siya ng kanin para sa hapunan niya nang kumuriring ang telepono. Sandali lang siyang nag-alinlangan bago niya binunot ang kurdon sa likod ng mekanismo.

Malakas ang kutob niya na si Mr. Balbatog ang caller.

Bukod sa pagiging mabilis ng mga kamay sa pagma-madyik, mayroon din siyang mild psychic powers na bago pa lamang niyang nai-explore.

Kumbaga, ngayon pa lang niya nadi-develop ang kanyang likas na galing na iyon.

Pagkatapos kumain at manood ng isang programa sa telebisyon, atsaka lang niya ibinalik ang kurdon ng telepono.

Kumuriring agad iyon. Hula niya ay si Jesusa ang caller.

“Hello, Mar? Si Jess ito,” anang boses-babae sa kabilang linya.

“O, Jess? Mabuti’t napatawag ka. Kumusta na?”

“Mabuti naman. Ikaw? Kararating mo lang ba? Kanina pa ako tumatawag diyan,” tugon ng kausap.

“Baka natutulog ako. May kailangan ka ba?” Nahulaan ni Myrza na may gustong itanong sa kanya ang kaibigan.

“Oo, mayroon kasi akong kustomer dito na naghahanap ng isang magician. ‘Yung magpapalabas sa isang children’s party. Puwede ka ba?” ang diretsong tugon nito.

“Nakita niya ang lumang poster mo na nasa dingding ng parlor ko,” dugtong nito para siguro hindi siya magtaka.

Walang gatol ang pagpayag niya. “Oo, ba! Kailan ba?”

“Sa Lunes na yata. Bandang three o’clock.”

“Call ako. Saan ko ba makakausap ang kustomer mo?”

“Ibibigay ko ang address and telephone number niya. Sandali lang, ha? Nahulog ang address book ko.”

“Okey.”

Pinindot ni Myrza ang remote control ng colored t.v. bago dinampot ang ballpen at notebook na katabi ng telepono.

“O, heto na. Ready ka na ba?”

“Ready.”

“Ang pangalan niya ay Rad Velasco. Nakatira siya sa Green Valley Village. Malapit yata ‘yon sa Antipolo. O nasa Antipolo na talaga. Basta’t alam na raw ng taxi driver ‘yon.”

“Green Valley Village? Parang never-heard ‘yon, ano?”

“Medyo. Gusto mo ba’ng i-try na magpunta d’on?”

“Hmm. Gusto ko. In-between jobs na naman ako, Jess. Baka mag-apply na nga akong janitress diyan sa parlor mo, e,” pagbibiro niya sa kaibigan.

Tumawa ang kaibigan. “Luka-luka! Puro ka kalokohan.” Nagseryoso ito kapagkuwan. “E, ano na naman ang naging problema sa trabaho mo?”

“As usual. Maniac pala ‘yung manedyer ko. Nagpalipad-hangin kahapon. Kaya turn-off na ako sa kanya.”

“Ano ba ‘yan? Kung hindi ang assistant mo, ang boss naman. Ano bang gayuma meron ka?” puna ni Jesusa, pabiro. “Dapat, hindi mo muna iniiwan ang trabaho mo. Baka naman, madaling mawawala ang interes nila kapag tinanggihan mo?”

“Ewan ko ba.” Pabagsak na isinandal ni Myrza ang kanyang likod sa malambot na sandalan ng upuan. “Kapag nawalan kasi ako ng gana, nawawala na rin ang sigla ng magic ko.”

“Ganoon ba? Buweno, kapag kailangan mo ng tulong, nandito lang kami, ha? Huwag kang mahihiyang magpunta rito,” wika ni Jesusa. Tonong inaalo siya nito.

Agad namang gumaan ang pakiramdam ni Myrza. Nabawasan ang depresyon na dulot ng pagkayamot.

“Maraming salamat, Jess. Puwede ko pa kayang tawagan ang taong ito kahit na medyo gabi na?”

“Gabi nga lang daw siya nandiyan sa bahay niya. Subukan mo na. Ibababa ko na ito, ha?”

“O, sige. Bye!”

Nag-dial ng panibago si Myrza. Isang batang babae ang tumugon sa kanya bago napunta sa iba ang receiver.

“Hello?”

Hindi agad nakatugon ang dalaga dahil may kung anong kilabot na gumapang sa kanyang kabuuan nang marinig ang baritonong tinig.

“Hello! Sino ‘to?”

“H-hello,” sambit niya. May bahagyang nginig ang kanyang pagsasalita dahil sa di-maipaliwanag na nerbiyos.

“Sino ‘to?” ulit ng lalaki, medyo paangil na.

“Is this Mr. Rad Velasco?” tanong niya.

“Yes, speaking.” Maikli pa rin ang tono. “Ano’ng kailangan mo?”

“Isa akong magician. Kaibigan ako ni Jesusa dela Cruz. Sinabi niya sa akin na naghahanap ka raw ng magician,” ang mahabang pahayag niya.

“Magician,” ulit ng lalaki. “Yes, naghahanap ako ng magician. Para sa children’s party ng anak ko.” Naging malumanay lang ang tono nito ngunit matigas pa rin ang tinig.

“Kailan ba ang party ng anak mo?”

Nakaramdam ng kaunting disappointment si Myrza nang malaman na pamilyado na ang lalaking may makarismang boses.

“Sa Lunes.”

“Ano’ng oras?”

“Alas tres ang party, pero kailangang nandito ka na by eleven para sigurado akong hindi mo ibibitin ang usapan natin.”

Tumaas ang mga kilay ni Myrza.

“May isang salita ako, Mr. Velasco,” pakli niya. “Gusto kong malaman kung magkano ang ibabayad mo sa talent ko.”

Saglit na natahimik ang kausap niya. Halatang nabigla sa kanyang pasalakab na pagbanggit niya sa bayad.

“Well, depende siguro sa mga kaya mong gawin? Puwede ka bang magpunta sa opisina ko bukas?”

“Puwede.” Nag-isip pa kunwari ang dalaga. “Pakibigay mo na lang ang office address and telephone number mo, Mr. Velasco. At kung anong oras ang appointment natin.”

“Puntahan mo ako during lunch. Hihintayin kita.” Idinikta nito ang mga impormasyon na hiningi niya.

“Okey.” Maliksing nagsulat ang kamay niya. “I’ll be there. Bye.”

Naibaba na niya ang awditibo nang maalala niyang hindi pala niya naibigay ang kanyang pangalan.

Nag-alangan siyang tawagan uli ang lalaki.

Maaga na naman siyang bumangon kinabukasan. Ang misyon naman niya ay sa isang opisina sa Makati.

Napaaga siya sa takdang oras kaya nagpaikut-ikot muna siya sa shopping area na kalapit.

Kumain siya sa isang fastfood restaurant bago siya naglakad patungo sa gusaling kinaroroonan ng opisina ni Rad Velasco.

Isang arkitekto pala ang lalaki. Binasa niya ang plake sa labas ng pinto ng suite nito: Conrad Velasco, Architect.

Kumatok siya. Ilang beses bago niya sinubukang pihitin ang seradura.

Isang reception area ang tumambad sa harapan niya.

“Yes?” tanong ng sekretarya sa kanya. Pormal ang ngiti nito.

“Ako ang kausap ni Mr. Velasco — during lunchtime. Nandiyan ba siya?”

“Tuloy ka, miss. Itatanong ko kay sir kung puwede na siyang makipag-usap sa ‘yo.” Pinindot ng babae ang button ng intercom na nasa mesa nito.

“Sir, may babaeng dumating. Siya daw ‘yung kausap n’yo — during lunchtime?”

Narinig niya ang boses ng lalaki.

“Papasukin mo.”

Tumingin uli sa kanya ang empleyada.

“Pasok ka na raw, miss.”

Itinulak niyang pabukas ang pintong isinenyas ng babae.

Isang maluwag at eleganteng silid na mayroong curtain wall sa isang bahagi ang sumalubong sa dalaga. Nasa malapit ang malapad na lamesa ni Rad Velasco.

At sa malayong sulok naman ay ang drawing table nito.

“Sinadya mo bang huwag sabihin sa akin ang pangalan mo?”

Napamaang si Myrza dahil paatake ang tono ng lalaki.

“H-hindi. Nakalimutan ko lang talaga.”

“I don’t think so,” pakli nito. Bakas ang kawalan ng paniniwala sa kanya. “But never mind, let’s get over with this appointment.”

Natigilan ang dalaga. May pagka-masungit ang lalaki pero hindi pa rin nabawasan ang karisma ng hitsura nito.

Tipikal na Pilipino ang kulay ni Rad Velasco. Kayumanggi ang makinis na balat.

Katamtaman ang tangos ng ilong at bahagya lang numipis ang mga labi. Nakaahit ang balbas at bigote nito kaya napakalinis tingnan.

Malalim ang mga matang diretso tumingin at makapal ang mga kilay na expressive. Kumurba pataas ang mga iyon.

“Well, have a seat,” utos nito.

Tumalima si Myrza. Naupo siya sa silyang nasa harapan ng lamesa nito pero nakatitig pa rin siya sa mukha ng lalaki.

Hindi niya maialis ang paningin kay Rad Velasco dahil ganito ang tipo niyang lalaki.

Malinis tingnan at parang ang bango-bango.

“Myrza the Magician?” sambit nito habang kinakamayan siya.

Bahagya lang nagulat ang dalaga. “Kilala mo ako?”

“Tumawag ako kay Jesusa. Itinanong ko kung sino ka,” tugon nito.

“I see.” Iyon lang ang itinugon niya dahil blangko pa rin ang utak niya.

Nahulaan niyang ganoon ang gagawin nito kagabi ngunit hindi niya akalain na magiging tama ang bunga ng imahinasyon niya na isang guwapo at bata pa ang may-ari ng simpatikong tinig sa telepono.

Click here to READ MORE

Comments are closed.