Dance With Fire-31

“Subukan mo si Mykah sa lahat ng uri ng tugtog, Starry. ‘Yung mga tipong classic, o di kaya’y primitive. Katulad ng mga tunog ng tambol lang.” Nagpatuloy sa pagbibigay ng mga suhestiyon si Jeff.

Tumango ang bakla. “Thank you for the brilliant idea, sir. Ngayon pa lang, naiisip ko na kung ano ang isasayaw niya sa kanyang big night.”

“You do that, Starry,” he encouraged the gay choreographer. “And I’ll give you a big, big bonus!”

“Ay, talaga, sir? Sana nga! Sana nga!” Nagtitili na naman ang bakla.

[Want to read the Start of Stories Online titled: DANCE WITH FIRE…? Click Here!]

Natutulig si Jeff pero hinayaan lang niya ang excitement ng tauhan. “Sige na, Starry. Do your stuff. Make Mykah a star, and I’ll make you a rich gay!”

Maluha-luha na sa sobrang saya si Starry. “Yes, sir! Maaasahan n’yo ‘yan, sir!”

Napatulala si Mikaela nang marinig ang sinabi ng baklang nagtuturo sa kanya ng tamang pagsasayaw bilang prupesyonal na mananayaw.

“Ano’ng ibig mong sabihin?”

“Gusto ni sir, magkaroon ka ng solo performance bilang pagtatapos ng show.”

Andap na pumayag si Mikaela. Hindi na kasi niya alam kung kaya pa niyang gawin ang mga dating ginagawa.

Nabasa naman ng kausap ang hesitasyon niya. Pati ang dahilan niyon.

“Subukan mo muna, Mykah,” suhestiyon ni Starry.

Saka lang siya napahinuhod. Napapayag siya dahil may nais rin siyang matiyak sa sarili. Magmula nang muntik na siyang mapagsamantalahan, parang naging malamig na ang pakiramdam niya sa sarili. Para bang may namatay na init sa kanyang naturalesa.

Ni hindi na yata marunong tumibok nang mabilis ang kanyang puso!

“K-kailan mo gustong makita, Starry?”

“Hmm, mamayang gabi?”

“S-sige, ikaw ang bahala,” patianod niya. “Saan?”

“Dito sa stage, siyempre.”

Nanghilakbot si Mikaela. “Hindi ba puwedeng sa tagong lugar muna?”

Nagkibit ng mga balikat ang bakla. “Okey. Sa bahay na lang ni Sir Jeff.”

Tumango ang dalaga. “Uh, mamayang gabi?” paniniguro niya.

“Oo, Mykah. For now, breaktime muna tayong lahat.”

Kinagabihan nga, hindi na siya nagulat nang malamang manonood rin si Jeff.

“Pakinggan mo muna ang musika, ha?” wika ni Starry habang may pinipindot sa stereo.

Naupo si Mikaela sa isahang sopa na ubod nang lambot. Sinulyapan niya nang palihim ang kinauupuan ni Jeff ngunit tila may malalim na iniisip. Hindi nagsasalita. Ngumiti lang sa kanya nang iluwa siya ng pinto patungo sa maluwang na salas.

Pumailanlang ang pamilyar na ingay ng mga tambol. Agad na sumagi sa kanyang isipan ang mga gunita tungkol sa mga magulang.

“O, ano’ng masasabi mo sa tugtog, Mykah?” tanong ni Starry nang matapos ang maikli ngunit masidhing tugtog. “Kayang-kaya mong isayaw ang tugtog, hindi ba?”

“Uh, m-maayos naman,” ang nagitlang tugon ng dalaga. Hindi siya sumang-ayon sa huling pangungusap.

“Gan’on lang? Ang gusto kong malaman ay kung nagkakaroon ka ng pagnanasang isayaw ang napapakinggan. Hindi ka ba napapaindak man lang?” Halatang disappointed si Starry.

“Maaari mo ba akong bigyan ng panahon, Starry? Hayaan mong pakinggan ko muna ‘yan nang paulit-ulit.”

Natatakot siya dahil wala siyang maramdamang sikdo sa dibdib. Wala siyang maramdamang pag-iinit ng kanyang dugo – na dati-rati’y awtomatiko na niyang nararanasan kapag nakakarinig ng musika…

Tumikhim si Jeff upang kunin ang atensiyon nila. “That’s enough for tonight, Starry. You can leave us now.”

“Goodbye, sir. Iiwan ko na lang ang tape, Mykah,” paalam nito habang dinadampot ang dalang shoulder bag.

Tumango si Mikaela. Hindi niya matagalan ang nagharing katahimikan nang mapag-isa na sila ni Jeff kaya tumindig siya upang lumabas na rin ng salas.

Napapatda siya nang tumayo rin ang lalaki.

“Gusto kong sayawan mo ako, Mykah,” ang masuyong hiling ni Jeff. Mababa at medyo paos ang boses.

Na naghahatid ng kiliti sa kanyang sensibilidad.

Nanginig si Mikaela. Ngayon lang humiling ang lalaking lihim na iniibig. Hindi pa ba niya mapapagbigyan?

“M-maaari bang tikman ang iniinom mo?”

Akmang magsasalita si Jeff pero hindi na itinuloy. Walang imik na iniabot sa kanya ang mababang basong kristal.

Lumagok siya ng isa, dalawa, tatlo. Napangiwi siya nang mapaso ang kanyang lalamunan matapos lunukin nang diri-diretso ang likidong napakanghang sa dila.

“Ugh!” bulalas niya nang muntik nang mailuwa uli ang ininom. Napaubo naman nang magkasamid-samid.

“Binigla mo naman kasi ang paglagok, Mykah,” wika ni Jeff habang tinatapik siya sa gitna ng mga balikat.

Napaluha si Mikaela sa dinanas na sakit sa lalamunan.

“Bakit ba kailangan mo pang uminom?”

Umiling siya. Nakapikit pa din nang mariin ang mga mata. Nakatuon ang isipan niya sa pagpapakalma ng sikmura kaya marahil hindi niya namalayan na nakayapos na sa kanya ang isang bisig ni Jeff.

At ang isang kamay naman nito ay humahagod na sa kanyang likod.

“Ayaw mo bang sumayaw para sa akin, Mykah?”

Naliliyo ang dalaga nang pilitin niyang imulat ang mga mata.

“G-gusto ko, Jeff,” sambit niya. Mahina ang kanyang tinig ngunit mayroong sidhi ng pagnanais. “Gusto kong sumayaw.”

Hinawi ng isa pang kamay ang nakalugay na buhok upang matunghayan ang mukha niya.

Sabay silang nagtanong.

“Bakit ka naglasing?”

“Hin-hindi ka na ba nandidiri sa akin, Jeff?”

Nautal si Mikaela dahil nangangapal pa rin ang kanyang dila.

His eyes were staring at her hot face with an intense emotion that she couldn’t fathom. Mahirap basahin ang mainit na emosyong tila apoy na pumapaso sa kanyang katinuan.

Nanlalabo ang paningin ni Mikaela ngunit parang naaninag niya ang pagkabiglang rumehistro sa ekspresyon ni Jeff.

“Bakit naman ako mandidiri sa ‘yo?”

Binigyan siya ng pekeng kumpiyansa ng alak kaya nakapagsalita siya ng tutoo sa loob.

“D-dahil marumi na ako.”

Ilang sandaling natahimik ang lalaki.

“Ganyan lang ba ang iniisip mo?”

Kumurap-kurap si Mikaela. Nais niyang maging malinaw ang paningin. Para makita niya kung ano ang ekspresyon ng lalaki.

“A-ano pa ba ang dapat kong isipin?”

Naramdaman niya ang pagbubuntonghininga ni Jeff. “I thought you didn’t want to be bothered by me anymore,” he whispered huskily. “Because you just had a traumatic experience.”

Humagikhik si Mikaela ngunit di niya alam kung bakit. Umepekto na marahil ang alkohol na ininom.

“Ano’ng nakakatawa, Mykah?”

“Hindi kasi kita maintindihan,” paliwanag niya matapos pigilan ang pagtatawa.

“I’m sorry,” buntonghininga uli ng lalaki. “Pero bakit hindi mo ako maintindihan?”

Hindi na makapagsalita si Mikaela dahil tuluyan nang tinupok ng mga titig na nag-aalab ang kanyang kamalayan.

DANCE WITH FIRE-32

Leave a Reply

You must be logged in to post a comment.

You must be 18 years old to visit this site.

Please verify your age