Lady Romantica, Romantic Love Stories Online, Long Stories, Romance, Love Story Series

Share

DANCE WITH FIRE

Mikaela earns her living as a street dancer. She dances in exchange for some coins – just like a beggar. Until Jeff asks her to work for him as a professional dancer…

Her heart instantly fell in love with the handsome man. But how can Jeff love her back when she is just a a gypsy orphan?

Magmula bata hanggang sa magdalaga, ang likas na talento sa pagsasayaw ang naging hanapbuhay ni Mikaela. Sumasayaw siya sa saliw ng tambol araw-araw para makahingi ng limos.

Isang beses pa lang na napanood ni Jeff ang street performance ni Mikaela, narahuyo na siya. Inalok agad niya ng trabaho ang dalaga para maging prupesyonal na mananayaw…

May tsansa kaya ang pag-ibig na umusbong sa mga puso nina Mikaela at Jeff?

* * *

Sa isang liblib na bayan…

“Mama, Papa, kayo na ang bahala kay Carmela,” ang paalam ni Kapitan Miguel Figa sa mga magulang. Isa itong sundalo na patungo sa Mindanao.

Lumuluha ang matandang donya habang tumatango. “Oo, hijo. Mag-iingat ka sa sarili mo. Huwag kang susuong sa panganib kung kinakailangan, ha?”

Sumimangot ang matandang don. “Harrumph! Bakit ganyan ang sinasabi mo sa anak natin? Gusto mo ba siyang masabihang isang duwag? Lalaki si Miguel. Dapat lang na maging matapang siya sa pagtatanggol ng kalayaan!”

Nakamasid lang sa mga ito si Carmela, ang batam-batang kabiyak ng kaisa-isang anak ng mag-asawang Don Antonio at Donya Marta.

Inakbayan siya ng asawa. Hinagkan siya sa noo. “Mahal, maiiwan ko muna kayo ni Baby dito, ha? Sina Mama at Papa na ang bahala sa ‘yo,” anito sa masuyong tono.

Alanganing tumango si Carmela. Hindi niya lang masabi sa lalaki na ayaw niyang magpaiwan dito. Natatakot siya…

Ramdam na ramdam niya ang poot ng mag-asawang Figa sa kanya. Ngunit aywan kung paano nalilingid kay Miguel.

“O, ngiti naman diyan,” untag ng naglalambing na lalaki.

Pinilit niyang ngumiti. “H-huwag mo akong alalahanin, Mike,” tugon niya sa mahinang boses.

“Magpapaalam na rin ako sa anak natin,” anito habang lumuluhod sa harap niya. Hinagkan nito ang tapat ng tiyan na medyo malaki na.

Anim na buwan na ang dinadala niya. Bale walong buwan pa lang silang nagsasama ng asawa.

Nung unang alis nito, napapayag niya ito na iwan siyang mag-isa sa inuupahan nilang bahay sa kabilang bayan. Ngunit ngayong kagampan na raw siya, hindi na maaari ang gusto niya.

Mapanganib na raw para sa kalagayan niya.

“Kuu, napakalambing naman ng anak natin, oy,” sambit ni Donya Marta.

Nag-angat ng tingin si Carmela nang magsalita ang biyenan kaya nahuli niya ang matalim na titig nito sa kanya.

Hindi itinago ng matandang babae ang pagkasuklam na nadarama nito para sa kanya. Tiwala marahil na hindi makikita ng anak dahil nakatalikod.

Napalunok si Carmela. Oh, Miguel! bulong niya sa sarili. Mas mapanganib ang sitwasyon ko rito!

Nanatili lang siyang tahimik. Awtomatiko ang mga kilos niya. Tumayo siya sa may paglabas ng pinto para kawayan ang papalayong sasakyan ng lalaki, katabi ng mga biyenan niya.

Pinipigil niya ang mapaiyak. Ayaw niyang magpakita ng kahinaan.

Nang wala na si Miguel, binalingan siya ni Donya Marta.

“At ngayon, magkakaintindihan tayo, babaeng oportunista! Baka akala mo, tanggap namin na apo nga namin ‘yang dinadala mo?” atake nito sa kanya sa matigas na boses. “Imposibleng si Miguel ang dapat na managot sa batang ‘yan. Bah! Sa putikan ka lang pinulot. Marumi ka. Kahit na kailan, hindi ka magiging karapat-dapat sa pamilya namin!”

Tatangu-tango naman si Don Antonio. Malinaw na gayun din ang pagtingin nito sa kanya.

Hindi na nakahuma si Carmela. Wala siyang nagawa kundi ang mapaiyak na lang.

“Hah! Ganyan pala ang ginagawa mo’ng pagda-drama sa aming anak, ha? Magaling ka talaga,” panggigitil ng matandang babae.

Pasabunot nitong hinawakan ang mahabang buhok ni Carmela at hinila patungo sa kusina. Isinalya siya nito sa loob ng isang maliit na silid. “Diyan ka titira, maldita. Pagdudusahan mo ang kasalanang ginawa mo.”

“A-ano po ba ang kasalanan ko sa inyo?” tanong niya. “Kung anuman po ‘yon, sana naman ay patawarin n’yo na ako,” pagsusumamo niya habang sapo ng mga palad ang tiyan.

Lalong nag-ulol sa galit ang donya. Pinagsasampal si Carmela. Walang pakundangan. Huminto lang nang mapagod.

“May mukha ka pang magtanong kung ano ang kasalanan mo! Ang kapal-kapal ng mukha mo!” Isa pang sampal ang iginawad nito sa kanya. “Sinira mo ang kinabukasan ng anak ko!”

Inimpit ni Carmela ang pagdaing. Mahapdi ang mga sugat na idinulot ng matalas na singsing ni Donya Marta.

“Ito ang itanim mo diyan sa kukote mo,” patuloy nito. Nang hindi siya sumagot, sinabunutan siya at iniumpog ang ulo sa dingding. “Makinig ka, gaga!”

“N-na-nakikinig po ako.” Pinilit niyang sumagot para hindi na siya masaktan. Nag-aalala siya nang labis sa kanyang sanggol na dinadala.

“Magtatrabaho ka dito. Hindi ka namin ituturing na manugang. Kung gusto mong lumamon, magbanat ka ng mga buto. Hindi pupuwede ang mga kalokohan mo dito! Naiintindihan mo?”

Mabilis na tumango si Carmela. Laki siya sa hirap. Madali niyang natutuhan na nabubuhay ang mga nasa ibaba kapag nagpapaalipin sa mga nasa itaas.

“Gusto kong marinig ang sagot mo!” singhal ni Donya Marta sabay hampas sa batok niya.

Napasubsob si Carmela sa sahig. Hindi na niya tinangkang bumangon mula doon. “O-opo.”

Tinadyakan siya nito. Tumama ang matulis na bahagi ng sapatos sa kanyang tadyang.

Napasinghap siya sa sakit. Ngunit binigyan pa siya ng isa pa.

“Kapag sasagot ka — kukumpletuhin mo! ‘Opo, senyora’!” ang pagigil na wika nito.

“O-opo, senyora,” ang padaing na sambit niya. Paus na paos at garalgal ang boses niya.

“O, ano pa ang hinihintay mo? Bumangon ka na diyan at maglaba na ng mga damit! Magmula ngayon, isa ka na lang muchacha dito!” Sinipa na naman siya nito bago lumabas ng pinto.

Ang tiyan niya talaga ang pinatatamaan. Bahagya na lang niyang naiilag ang sarili.

Oh, Miguel, Miguel, sunduin mo na ako agad dito! Kawawa naman ang ating anak…! usal niya sa sarili nang maiwan na siyang mag-isa.

Anupa’t naging impiyerno nga ang mga sumunod na araw, linggo, at buwan para sa kawawang si Carmela.

Ang mga kasamahang katulong na naaawa sa kanya ay tumutulong kapag wala sila sa paningin ng malupit na donya.

Ngunit madalang ang mga pagkakataong nakakaligtas si Carmela sa matatalas na mga mata ng donya. Talagang kumukulo ang dugo ng matapobreng biyenan sa kanya. Pirmi itong nakabantay sa pobreng manugang.

“O, bakit wala kang ginagawa? Magtrabaho ka!” bulyaw ng donya nang maabutang namamaypay ng sarili si Carmela habang nakaupo sa balkon. Katatapos lang niyang magsampay ng mga damit.

“N-natapos ko na po ang mga pinalabhan n’yo, senyora,” ang magalang na tugon niya rito.

Ilang sampal ang pinadapo nito sa kanyang mga pisngi. “Paglalaba lang ba ang trabaho mo dito? Maglinis ka ng mga banyo!” asik nito.

Tumalima si Carmela kahit na sagad hanggang buto na ang pagod na nadarama. “O-opo, senyora.” Hindi na niya sinabi na wala pa siyang almusal. Tiyak na masasaktan lang uli siya.

Palagi siyang nalilipasan ng oras ng pagkain kaya mabilis na bumagsak ang katawan niya.

Nahumpak ang mga pisngi niya at lumubog ang kanyang mga mata. Ang kanyang tiyan ay bahagya na lang nakausli dahil sa kanyang pangangayayat.

Sa gabi, naluluha na lang siya hanggang sa makatulog. Maaalimpungatan siya sa madaling-araw kapag dinadalhan siya ng mainit na gatas ng mabait na kusinera.

“Bangon, ineng. Dinalhan kita nito. Para sa anak mo ‘yan,” bulong nito habang maingat na inilalapit ang malaking baso na puno ng gatas na sariwa. “Nakaumit din ako ng tinapay. Heto, o.”

Kahit na nanlalambot, magdudumaling bumangon si Carmela. Hangad niya ang kalusugan ng anak kahit na mahina na ang kanyang resistensiya.

Ibig niyang iluwal niya ito nang buhay…

Sa buong panahon na iyon, wala siyang natanggap na balita buhat kay Miguel. Duda niya, itinatago ng biyenan ang mga sulat ng asawa niya sa kanya.

Inabangan niya ang kartero hanggang sa matiyempuhan niya ito.

“M-mamang kartero, maaari po bang pakihulog ang s-sulat na ito?” pakiusap niya sa matandang lalaki. “H-hindi po kasi ako puwedeng lumabas dito.”

Nagulat ang kartero. Pinagmasdan siya nitong maigi. “Aba’y bakit naman,” usisa nito nang hindi siya mapagsino. “Bilanggo ka ba diyan?”

Tumango si Carmela. “W-wala na po akong panahon para magpaliwanag. Pakihulog na lang po ito’ng sulat ko. Heto ang singsing ko. Iyan po ang bayad ko sa inyo.” Hinila niya ang wedding ring na tinahi sa manggas ng suot na bestidang uniporme.

“Mahal ito, a?” Kinagat pa ng kartero ang alahas para tantiyahin ang uri ng ginto.

“S-sa inyo na po ‘yan. Basta’t ihulog n’yo lang po ang sulat na ito. Parang awa n’yo na.”

Naawa naman ang kartero. Kinuha nito ang sobre na nakabalot ng plastik at gusut-gusot na. Paano’y matagal na niyang ginawa iyon. Matagal na niyang itinatagu-tago…

Papabalik na siya sa likod-bahay nang may mapuna siyang karaban na nakaparada sa gilid ng bakod na yari sa rehas na bakal.

Naakit siyang lumapit dito dahil napakakulay ng dekorasyon ng naturang sasakyan. A, kaytagal na panahon nang walang kulay ang kanyang buhay!

Pula at dilaw ang dominanteng kulay sa kasuotan ng babaeng nakatayo sa tabi niyon. Maikli at kulot ang buhok na natatalian ng iba’t ibang uri ng laso. Napakarami din nitong suot na kuwintas na yari sa mga kabibe at beads na makintab. Pati ang mga teynga ay tadtad ng mga hikaw na yari sa mga metal na makinang.

Ngumiti ito nang mamataan siya. Nakalapit na pala siya rito nang di niya namamalayan.

“Gusto mo?” alok nito habang ipinakikita ang malaking isda na nakatuhog sa isang mahabang patpat. “Maluluto na ito,” dugtong pa habang hinihipan-hipan.

“Daleng, sino ba ang kausap mo diyan?” anang boses-lalaki mula sa loob ng karaban.

“Halika dito sa labas. At nang makita mo,” ang pabuskang tugon ni Daleng.

Ngumiti uli ito kay Carmela. “Huwag ka nang mahiya. Lumabas ka na diyan,” yaya nito sa kanya.

“Alam mo, tuwang-tuwa ako nang makita kang papalapit dito. Matagal na ako’ng walang nakikitang tao, e. Nagsasawa na ako sa asawa ko,” dugtong nito, pabulong. Habang panay-panay ang pagpaypay sa mga baga. Kaya umaamoy nang husto ang nilulutong isda.

Kumalam ang sikmura niya. Halos tumulo na ang laway niya dahil sa sarap ng amoy ng bagong-ihaw na isda.

“H-hindi po ako makakalabas dito,” tugon niya nang makapagsalita.

Tumawa si Daleng. “Ay! Hindi mo pala alam ang sikretong daan!” Humakbang ito palapit sa bakod na naghihiwalay sa kanila. Hinawi ng mga kamay na kulubot at kayumanggi ang makapal na halamang-gapang. “Dito ang daanan papasok — at palabas, ineng.”

Hindi makapaniwala si Carmela. Kasyang-kasya ang isang tao na makapaglabas-masok!

“M-matagal n’yo na pong alam ito?”

Tumawa uli ang tinanong. Inalalayan siya nito. “Tuwing ganitong panahon, nandito kami. Kapag mahina ang hanapbuhay sa daan, nandito kami.”

“H-hindi nagagalit ang may-ari?”

“Hindi nagagawi dito ang may-ari,” tugon ni Daleng. Nakalitaw ang ngipin na mapuputi at sungki-sungki habang nakangiti sa kanya. Inalalayan siya nito hanggang sa makaupo siya sa bangkito.

Lumingon si Carmela sa bakuran na pinanggalingan. Hindi siya makapaniwalang nasa labas siya ng mga rehas na bakal!

“S-sigurado po kayo?”

“Sampung taon na kaming nagka-camping dito, ineng. Pero hindi pa namin nakikitang pumunta sa banda rito ang may-ari ng mansiyon diyan,” sabad ng malaking boses mula sa loob ng karaban.

Napapitlag si Carmela.

Lumabas sa maliit na lagusan ang isang patpating lalaki.

“Siyanga pala. Hindi pa tayo nagkakakilala,” pakli ng babae, matapos ibiling ang isda. “Ako si Daleng at ito naman ang aking asawa, si Diony. Ikaw, ineng? Ano’ng ‘ngalan mo?”

“C-carmela po,” sagot niya.

“Buntis ka ba, Carmela?” pananalakab nito.

Tumango siya.

“Pero napabayaan mo nang husto ang katawan mo, a?”

“Hoy, Daleng, nakikialam ka na naman,” awat ni Diony. Maliksi itong kumilos. Sa isang kisapmata lang, nakahain na ang isang hapag-kainan. Kumpleto sa mga pinggan, baso at kubyertos. “‘Yang ulam natin ang atupagin mo.”

“Heh! Masyado ka’ng apurado,” singhal ni Daleng, pero nakangiti. “Gutumin talaga ‘tong asawa ko, Carmela.”

Ngumiti lang siya. Paano’y siya man ay gutum na gutom na rin!

Naubos ni Carmela ang lahat ng pagkain na inilagay sa pinggan niya. Pati ang kalahati ng hinog na papaya.

Sa loob ng mahabang panahon, ngayon lang uli siya nabusog. Gusto niyang mapaiyak habang nagpapasalamat sa mag-asawa.

“Maraming, maraming salamat po sa inyo,” pahayag niya sa mas matatag na tono. Nabawasan ang panginginig ng kanyang tinig matapos malamanan ang kanyang sikmura. “Pagpasensiyahan n’yo na lang po sana ang katakawan ko.”

“Kow, paano mo nasasabing matakaw ka, e, haya’t buto’t balat ka na nga,” salo ni Diony. Nakatago sa kasungitan nito ang mabuting loob. Ito pa nga ang panay-panay ang pagbibigay ng ulam at kanin kay Carmela.

“Naku, ineng. Pagpasensiyahan mo na ang bunganga nireng lalaking ito,” bawi naman ni Daleng.

“Walang anuman po iyon.” Pinilit niyang ngumiti.

“E, kailan ka naman manganganak?”

Nabigla man sa pag-iiba ng usapan, nagawa pa rin niyang sumagot nang mabilis. Ang araw ng panganganak niya ay ang tanging bagay na kinasasabikan niya.

“B-baka po sa isang linggo na.” Kaya hindi siya sigurado, malimit na siyang makaramdam ng pananakit ng tiyan nitong mga huling araw. Tagtag kasi siya sa mabibigat na trabaho.

“Sa tingin ko, malapit na malapit na, ineng,” sabad ni Diony.

Tumango si Daleng. “Marunong kaming manggamot at magpaanak. Masyado nang mababa ang tiyan mo. Baka mamayang gabi lang ay lalabas na ang sanggol mo.”

Kumabog nang husto ang dibdib ni Carmela. “M-mamayang gabi?” Magkahalong pangamba at pagkasabik ang pumuno sa kalooban niya.

Niyapos niya ang sarili. Sinapo ng mga kamay na magaspang at sugat-sugat ang kanyang tiyan. “Oh, ang anak ko! Nasasabik na akong makita ka pero natatakot ako’ng ilabas ka,” bulalas niya. Puno ng pighati ang basag na boses.

“Sinasabi ko na nga ba’t biktima ng malupit na amo ang isang ito, e,” sambit ni Daleng. “O, ano, Diony. Tama ako, hindi ba?”

“Huwag ka nang makialam, Daleng. Marami na tayong problema. Huwag mo nang dagdagan.”

“Maaatim mo bang hindi maidagdag ang tungkol sa isang sanggol na walang muwang?”

“Mabuti kung anak natin!”

Nagbigay ng ideya kay Carmela ang pagtatalo ng mag-asawa.

Nang magkaroon siya ng pagkakataon, sumabad siya. “K-kung tatanggapin n’yo, nais kong ipaampon sa inyo ang aking anak.”

Natahimik ang mag-asawa, sanhi ng pagkabigla.

Si Diony ang unang nakabawi ng wisyo. Sumang-ayon ito agad. Sa unang pagkakataon, nangislap ang mga mata nito sa kasiyahan.

“Talaga ba, ineng? Aba’y, huwag kang magbibiro nang ganyan. Hindi na kita pauuwiin hanggang hindi ka nakakapanganak.”

“Tingnan mo ‘tong asawa ko. Siya pa ngayon ang nangungunang makialam,” reklamo ni Daleng.

Nawala ang paninikip ng dibdib ni Carmela. Ligtas na ang kanyang anak!

“S-salamat po. Salamat,” sambit niya bago napangiwi nang makaramdam ng sakit na di-maipaliwanag. “Aruykupo!” daing niya nang hindi na matiis ang sumisigid na kirot.

“Ay! Diony! Napap’ano siya?” Nataranta si Daleng. “Hindi ba’t mamayang gabi pa siya manganganak ‘ika mo?”

“Susmaryosep na babae ka, oo! E, sa gusto nang lumabas ng bata. Ano’ng magagawa natin? O, ano pa’ng itinatanga-tanga mo diyan? Mag-init ka na ng tubig!” Pinangko ng mga payat na bisig si Carmela.

“Oo na! Kikilos na! Napakasungit naman nito’ng tao’ng ‘to!”

Sa saliw ng pagkakaingay ng mag-asawa, nailuwal ni Carmela ang isang sanggol na babae.

Napakaliit na nilalang. Itim ang medyo kulot na buhok. Mahahaba at malalantik ang pilikmata. Makipot ang bibig. Matangos ang maliit na ilong.

Para bang porselanang babasagin. Napaka-delikante ng hugis.

Binalot ni Daleng ng puting kumot ang munting katawan at inilapit sa ina. “O, heto ang anak mo, ineng. Naku, kasingganda mo siya!”

“M-malusog po ba siya?”

“Oo, ineng. Kita mo nga. Kawag nang kawag, o. Parang kiti-kiti.”

Pumikit sandali si Carmela. “Mikaela po ang ingangalan n’yo sa kanya,” sambit niya nang makaipon ng lakas. “At pa-pakibigay n’yo sa kanya ‘to kapag nagkaisip na’t marunong nang mag-ingat.” Hinugot niya ang malapad na sinturon na hindi niya inaalis sa beywang. “N-nandiyan po sa loob ang isang kuwintas. Bigay ng ama niya sa akin.”

Tinanggap ni Daleng ang iniabot niya. “Ano naman ang apelyido niya, ineng?”

“K-kahit po isunod na lang sa inyo,” tugon ni Carmela. Parang nanlalabo na ang paningin niya. Ginagap niya ang isang malambot na kamay ng kanyang anak.

“Este, Dionisio ang apelyido ng asawa ko, ineng,” pahayag ni Daleng.

“Mikaela Dionisio…” Pumikit si Carmela nang muling bumalong ang luha. Si Mikaela Figa y Cruz sana siya, bulong niya sa sarili.

“Ineng? Huwag kang bibigay. Kailangan ka ng anak mo.”

Narinig niya ang tinig na iyon mula sa malayo.

Kaipala, inililipad na siya ng hangin papalayo. Papalayo nang papalayo…

Makalipas ang dalawampung taon…

Nagpapalakpakan ang mga tao. May saliw pa ng mga sigawan at kantahan.

Tanghaling-tapat iyon. Maalinsangan ang panahon. Kaya marahil nayayamot si Jeff sa ingay.

Tumindig siya mula sa kinauupuan. “Ano ba ‘yang nagkakaingay na ‘yan?” tanong niya habang sumisilip sa labas ng bintana.

“Wala ‘yan, p’re. Nagkakatuwaan lang ang mga tao sa mananayaw ng kalsada. Nandiyan siguro si Mikaela,” ang pagwawalambahala ng kaibigan niyang si Bart.

“Mikaela?”

“Isang dalagang Hitana ‘yon. Sasayaw siya nang sasayaw para may magbigay ng barya. Magaling sumayaw ‘yon, p’re, kaya lang sinasayang sa kalye ang talento.”

Na-intriga si Jeff. Nagkandahaba tuloy ang leeg niya sa kasisilip.

Tumawa si Bart. “Buksan mo ang pintong ‘yon, pare. May lumang balkonahe diyan. Masisilip mo siya mula diyan.”

Tumalima si Jeff. Itinulak niyang pabukas ang dahon ng isang makitid na lagusan at iniluwa nga siya sa isang maliit na balkon.

Mula sa ikalawang palapag na kinaroroonan niya, kitang-kita niya ang mga nangyayari sa ibaba.

Isang babaeng nakasuot ng makulay na bestida ang umiindak sa saliw ng masiglang tunog ng tambol. Mahaba ang alun-alon at itim na itim na buhok. Kayumanggi ang makinis na balat. At mapuputi ang mga ngipin na pantay-pantay.

Kahit na malayo ito sa kanya, nabakas niya ang isang klasikong kagandahan.

Napakasarap panoorin ng pag-indak ng nilalang na animo malikot na dila ng apoy sa paggalaw.

Parang nakakahipnotismo.

“I must have her,” bulong ni Jeff sa sarili.

“Naakit ka agad, pare, a?” wika ni Bart. Sumunod pala sa kanya nang di niya namalayan.

“Hindi ‘yan ang tipo ko, p’re,” bawi niya. “Kailangan ko siya sa grupo. Wala na akong ‘star dancer’, remember? Umalis na si Magda. Lumipat sa kabilang grupo.”

“Bakit ba siya umalis?”

“I made the fatal mistake of taking her to my bed,” pagkikibit-balikat ni Jeff.

“So?” salo naman ng kausap. “Wasn’t it a mutual arrangement?”

“It was, pero nung bandang huli gusto na niya ng kasal. Ayaw ko naman.”

“I see.” Naintindihan na ni Bart iyon. Pareho lang silang ‘confirmed bachelor’.

Click here to READ MORE

Comments are closed.