Desired by the Boss-10

Kumiling ang ulo ng binata bilang pagsang-ayon.

“Ang mga kopya ko rito ay may pirma na ni Attorney. Iiwan ko ang isa, at kukunin ko ang nasa iyo.”

Naghagilap ng itutugon si Ofelia ngunit sukol na siya.

Isa pa, wala na naman siyang dapat na pag-isipan pa.

Nangako pa nga siya kay Jesusa kanina na itutuloy niya ang pangungutang para sa negosyong itatayo niya, hindi ba?

Kinuha niya ang signpen na iniaabot ni Froilan Jacinto.

Nanginginig ang mga daliri niya nang ipirma ang kanyang kumpletong pangalan.

“Medyo marami-rami ang pipirmahan mo. Lahat ng mga pages, pati sa sides,” wika ng lalaki habang tinutulungan siya sa pagbubuklat ng mga pahina.

Itinuturo ng mahabang daliri nito ang mga bahaging dapat niyang pirmahan.

[Want to read the Start of Stories Online titled – DESIRED BY THE BOSS…? Click Here!]

“Tapos na?” tanong niya nang matapos na ang triplicate copies.

“Yes,” tugon ng lalaki habang sinisigurong maayos na ang lahat. Inihiwalay nito ang isa upang ibigay sa kanya.

“Narito ang kopya mo. Check it again. Baka may nakaligtaan tayo.”

Tumalima si Ofelia. Para siyang nawawala sa sarili niya.

“O-okey na ‘to,” aniya.

Tumindig ang lalaki nang maibalik na sa document wallet ang mga papeles nito.

“Magpapaalam na ako, Lia. Bukas nang gabi, may matatanggap ka nang development report tungkol dito sa restaurant-to-be mo,” pangako nito habang kinakamayan siya.

“At kapag kinakasihan tayo ng suwerte, two to three months from now, may restaurant ka na. I hope, nakaisip ka na ng itatawag sa place mo. Para naman maikuha ka na rin agad ng business permit, kasabay ng building permit for renovation.”

Kanina, tumanggi siyang makipagkamay rito.

Ngunit ngayon, nabigla siya ng lalaki nang gagapin ng palad nito ang isang kamay niya.

A, naliliyo lang siguro siya sa sobrang bilis at husay ng organizing prowess ng lalaki!

At tila naparalisa ang buong katawan niya nang gumapang ang walang katulad na init sa kanyang braso, patungo sa bawa’t himaymay ng kanyang mga kalamnan.

“Goodnight, Lia,” paalam ni Froilan habang nakatitig nang matiim sa kanya.

“Hanggang sa muli nating pagkikita,” dugtong pa ng lalaki bago tumalikod sa kanya.

Nakaalis na si Froilan, hindi pa rin makatinag si Ofelia.

Nahimasmasan lang siya nang kumuriring ang telepono.

Naka-ilang kuriring muna ito bago siya nakalapit. Paano’y nangangatog na pala nang husto ang kanyang mga tuhod.

“Hello?”

“Hello? Eli? Si Mar ‘to,” salubong ng boses ng kaibigan.

“Mar! Bakit ngayon ka lang napatawag?”

Kinapitan niya agad ang tanging lubid na kunektado sa matinong realidad.

“P-pasensiya na kayo, ha? Medyo busy lang ako. Kumusta na nga pala ang business loan mo?”

“Okey na.”

At nagulat pa si Ofelia sa sarili dahil talagang magaan sa kanyang kalooban na sabihing pinal na nga ang desisyon niya.

“Ha? Naku, mabuti naman at matutuloy na ‘yan. Mga ilang buwan pa kaya ang ipaghihintay natin bago ka mag-operate?”

Inulit niya ang sinabi ni Froilan Jacinto sa kanya.

“Siguro, mga tatlong buwan ang pinakamatagal,” tugon niya.

“Ganoon ba?” sambit ng kausap na para bang may binibilang.

“Mabuti, mabuti,” dugtong nito.

“In-between jobs ka pa rin ba ngayon, Mar?” Naalala niya ang binanggit ni Jesusa sa kanya.

“Hindi naman.” Tila may itinatago sa kanya ang kaibigan.

Inakala niyang nahihiya lang na umamin na walang trabaho ito sa ngayon.

“Uhm, Mar? Ipangako mo sa akin na hindi ka mag-aatubiling pumunta sa akin kapag kailangan mo ng tulong, ha?”

“O-oo naman. Huwag mo akong alalahanin, Eli. Okey lang ako ngayon.”

“Si Andy? Nakausap mo na ba?”

“Hindi pa nga, e. Kinontak ko ang opisina niya, pati sa bahay. Nasa out-of-town business daw. Hindi alam kung kailan ang balik. Hindi man lang ba nagpaalam sa inyo ni Jess?”

“Hindi, e.”

“Hmm, susubukan ko uli siyang tawagan,” sambit nito.

“O, paano? Magpapaalam na ako. Busy ang number ni Jess. Pakikumusta mo na lang ako sa kanya, ha? Bye!”

Nagtungo si Ofelia sa kusina nang maikandado ang gate niya sa labas, pati ang pinto.

Gumawa siya ng cheese sandwich at isinalang sa maliit na oventoaster habang nag-iinit ng tubig para sa tinitimplang gatas.

Pagkatapos niyang kumain ng simpleng hapunan, nagpunta na siya sa kuwarto upang maghanda na sa pagtulog.

Nang gabing iyon, dinalaw siya ng isang kakatwang panaginip.

Si Froilan Jacinto ang bida sa panaginip niya.

Wala itong ginagawa kaya walang elemento ng takot sa paglalakbay ng kanyang diwa.

Nakatitig lang sa kanya ang lalaki. Minsan, nakangiti. Minsan naman, seryoso lang.

Ang kapansin-pansin, hindi siya tinitingnan ni Froilan nang may pagnanasa.

Oo, may bahagyang kislap ng admirasyon — pero mas higit ang ekspresyon ng pakikipagkaibigan lang…

Kinabukasan, sa unang pagkakataon na natatandaan niya, nagising siyang may magaan na pakiramdam.

Buong araw iyon na masaya ang sumpong niya.

Malimit nga niyang matagpuan ang sarili na kumakanta-kanta pa.

“Naku, bumubuhos ang ulan sa labas, Ofelia!” bulalas ng kasamahan niya sa opisina.

Si Nida. May-asawa na pero wala pang anak.

“Tiyak na napakahirap na namang sumakay nito. At sobra pa ang traffic!” reklamo nito.

Ni hindi siya nakaramdam ng pagkabahala.

“Siguradung-sigurado ‘yan,” sang-ayon pa niya.

“Magligpit na tayo ng mga ito para makalabas na tayo agad,” aya niya.

“Mabuti pa nga.”

Tumila na ang ulan nang mag-out sila.

Magkatabi silang nag-aabang ng bus sa waiting shed nang may humintong BMW na kulay metallic gray sa kanilang harapan.

Kumabog agad ang dibdib niya nang makita ang lalaking nakaupo sa likuran. Ito mismo ang nagbukas ng pinto.

“Sakay na, Lia. Ihahatid na kita sa uuwian mo.”

“Kilala mo ba ‘yan, Ofelia?”

Duda agad si Nida dahil ngayon lang siya nito nakitang may kinausap na lalaki sa labas ng trabaho.

Tumango ang dalaga.

“Uhm, gusto mo na bang makauwi?” tanong niya.

Biglang nabago ang ekspresyon ng kasama.

“Of course naman. Isasabay n’yo na rin ba ako?”

“Oo, kung papayag si Mr. Jacinto?”

Ipinarinig ni Ofelia sa lalaking naghihintay ng katugunan niya ang kanyang sinabi.

“Yes, payag ako,” anito, nakangiti. “Kayong dalawa lang ba? Baka may mga kasama pa kayong ibig nang sumabay sa atin?”

Nahagip ng mga mata ni Ofelia ang dalawang quality controllers na dalaga pa rin.

DESIRED BY THE BOSS-11

Leave a Reply

You must be logged in to post a comment.