Desired by the Boss-11

“Gusto n’yo bang sumabay?” alok ni Ofelia sa dalawa pang dalagang kasamahan sa trabaho.

“N-nakakahiya naman,” wika ng isa, pero halatang uwing-uwi na.

Nakakailang naman talagang maki-hitchhike sa isang mamahaling sasakyan!

“Hindi. C’mon, girls. Ihahatid na namin kayo. Mamaya pa kayo makakasakay. Mahirap makipagkumpetensiya sa mga lalaking pasahero,” wika ni Froilan.

Napahinuhod ang dalawa.

Ang nangyari, tatlo silang nakaupo sa likod. Si Nida at ang isang quality controller ay nagsiksikan sa passenger’s seat sa unahan – katabi ng drayber.

Hindi halos humihinga si Ofelia. Paano’y napagitnaan siya. Si Froilan sa kanan at ang dalagang co-worker sa kaliwa.

Sa unang pagkakataon, nakadikit ang tagiliran ng kabuuan niya sa katawan ng isang lalaki.

At pakiramdam niya ay nagbabaga ang balat ni Froilan.

[Want to read the Start of Stories Online titled – DESIRED BY THE BOSS…? Click Here!]

Pinapaso siya ngunit hindi naman siya nasasaktan.

A, ganito pala kung paano ang madarang! bulong niya sa sarili habang umuusal ng panalangin.

Ibig niyang magkaroon ng sapat na lakas upang tutulan ang pagkatupok ng kanyang katinuan.

“D-dito na lang po kami, sir,” wika ng katabi ni Nida. “Ning, puwede na nating lakarin ang papasok na kalsada.”

“Oo nga, Zeny,” sang-ayon naman ng katabi ni Ofelia.

“Baka malayo pa kayo?” tanong pa ni Froilan habang nakatanaw sa malakas na buhos ng ulan.

“Malapit na po, sir. Maraming salamat sa pagsasakay n’yo sa amin. Ma’am Ofelia, Ma’am Nida, mauna na kami sa inyo,” paalam ng dalawa habang umiibis.

Hindi na naitago ni Ofelia ang pagdudumali para lumayo sa tabi ng lalaki.

Naramdaman niyang nakatingin sa kanya si Froilan ngunit hindi siya luminga rito, ni minsan.

“Hay, salamat! Nakauwi ako agad!” bulalas ni Nida nang matanaw na ang kalsadang kinaroroonan ng inuupahang bahay.

“Maraming salamat sa inyo, Mr. Jacinto,” anito sa lalaki. Natandaan ang narinig na itinawag ni Ofelia rito kanina.

“It’s alright,” tugon ni Froilan. Nakangiti pa rin. “Malapit ka na ba talaga kapag dito ka bumaba?”

Tumango ang nakatawang si Nida. “Ayun na ang gate ng bahay namin, o?”

“Bye, Nida,” paalam ni Ofelia. Pilit ang kalma niya.

Nang mapag-isa na sila, saka lang nagsalita ang lalaki ng tungkol sa business.

“Nandito ang mga resibo, Lia. Pati ang lease agreement. Pumayag sa mas mababang halaga ang may-ari ng puwesto. Pero humingi ng two years advance sa bayad ng upa,” pahayag nito.

Nagulat si Ofelia dahil wala na sa isipan niya ang negosyo.

Nakatutok ang atensiyon niya sa mga nararamdaman niya sa sarili. Ngayon lang siya napukaw nang ganito katindi.

Ni walang ginagawa ang lalaki upang mag-isip siya nang mga tungkol sa pisikal na bagay.

At hindi niya inaasahang magiging interesado siya sa mga ganoong bagay pagkatapos ng naging ordeal niya nung dalagita siya.

Sa edad na beinte siyete, para bang ngayon pa lang siya nagigising. Nalaktawan niya ang puberty stage noon.

“What can you say about this progress, Lia?” untag ng lalaki nang hindi siya kumikibo.

“I was overwhelmed. Hindi ko siguro magagawa ang ganito kung ako lang mag-isa,” pagtatapat niya.

“So, you don’t regret doing business with us?”

Napamaang si Ofelia sa itinanong na iyon ng lalaki.

“B-baka kayo ang magsisi sa akin, bandang huli, Mr. Jacinto,” salo niya nang mabawi ang wisyo.

Tumawa ang lalaki habang umiiling.

“Kailanman, hindi ako nagsisisi sa isang bagay na dinisisyunan ko, Lia. Maingat na pagsusuri at paulit-ulit na pag-iisip ang paraan ko bago ako makapagpasiya. Kaya wala nang puwang ang pagsisisi.”

Tumangu-tango lang ang dalaga.

“Sana ay magtagumpay nga ako. Sayang naman ang malaking kumpiyansa mo sa aking kakayahan,” sambit niya habang umiiwas ng tingin.

Lumipas ang mahahabang sandali ng katahimikan. Tila ba nagpapakiramdaman silang dalawa.

Si Froilan ang unang nagsalita.

“Kung wala kang gagawin ngayong gabi, gusto sana kitang dalhin sa isang restaurant na dinudumog ng mga tao. Parang research ba?” pag-aaya nito.

“Besides, I’d really like to have dinner with you, Lia,”

Walang himig ng pamimilit ang simpleng imbitasyon nito kaya parang walang lakas si Ofelia na tumanggi.

“N-ngayon na ba?” tanong pa niya gayong malinaw naman niyang narinig ang sinabi ng katabi.

Napapalunok siya habang nakatanaw sa labas ng bintana.

“Kung papayag ka,” ang maagap na tugon nito. “Pero dadaan muna tayo sa bahay mo para makapagpalit ka ng damit.”

Napatango si Ofelia kahit na hindi pa siya nakakapag-isip nang husto.

“S-sige,” wika niya sa medyo paos na boses.

“Salamat sa pagpapaunlak mo, Lia,” sambit ni Froilan matapos ang sandaling pananahimik.

Napasulyap siya sa lalaki kaya nakita niyang seryoso at sinseryo ang anyo nito.

Wala na silang imikan hanggang sa makarating na sila sa bahay ni Ofelia.

Sa kotse naghintay si Froilan upang hindi mailang ang dalaga.

Kaya naman lalong napapahanga si Ofelia sa lalaki. Mahusay itong magbasa ng isipan.

Nababasa rin kaya nito ang kanyang nakaraan?

“Sa restawran ng isang kaibigan ko tayo pupunta,” pahayag ni Froilan nang tumatakbo na uli ang sinasakyan nila.

“Saan ‘yon?”

Interesado si Ofelia dahil ibig niyang makarinig ng mga success stories ng iba upang magsilbing inspirasyon para sa kanya.

“Hindi ka maniniwala sa lokasyon ng lugar niya,” pambibitin ni Froilan habang nakangiti.

“Pero click na click siya.”

Nagnakaw siya ng isang sulyap sa gawi ng lalaki ngunit nahuli nito kaya tuluyan siyang nabihag ng matiim na titig.

At naghinang ang kanilang mga mata. Nag-usap ang kanilang mga kaluluwa.

Hindi mawawaan dahil iba ang lebel ng komunikasyon ngunit nararamdaman ni Ofelia na nagkakakilala sila nang lubos ni Froilan.

“Naniniwala ka ba sa reincarnation, Lia?” tanong nito kapagkuwan.

Pabulong lang upang kaipala’y huwag masira ang di-nakikitang kuneksiyon ng kanilang mga isipan.

“H-hindi — ” Naputol ang isasagot niya dahil napagtanto niyang naniniwala siya.

Matagal na panahon nang wala ang buhong na ama-amahan niya ngunit hanggang ngayon, nabubuhay ito sa kanyang panaginip.

“S-siguro, naniniwala ako,” bawi niya habang nakatitig pa rin sa lalaki.

Hindi niya alam na rumerehistro sa kanyang mga matang nanlalaki ang lahat ng sindak na nakaimbak sa kanyang utak. Nababasa ni Froilan.

Kaya nagtaka pa siya nang makita ang pagkunot ng noo nito.

At ang pagbadha ng masidhing pag-aalala sa mukha nito.

“Tell me, Lia,” utos nito, masuyo at paanas ang pagsasalita.

“Sino ang nanakit sa ‘yo noon at hanggang ngayon ay hindi mo makalimutan?”

Nabigla ang dalaga. Dali-dali niyang pinutol ang pag-uugnayan ng kanilang mga titig.

DESIRED BY THE BOSS-12

Leave a Reply

You must be logged in to post a comment.