Desired by the Boss-12

Ibinaling ni Ofelia sa kabilang direksiyon ang kanyang tingin.

“Lia, bakit hindi mo ikuwento sa akin? Nais kong maging isa sa iyong mga kaibigan,” pang-aamuki ni Froilan.

“P-paano mo nalaman ang tungkol sa bagay na ‘yan, Froilan?” pang-uusig niya.

Labis ang kanyang pagkagulat kaya marahil nakalimutan niya ang pormalidad.

“N-nagpaimbestiga rin ba ang bangko mo tungkol sa aking pinanggalingan?”

“That’s one of our S.O.P.’s, Lia. Ngunit hindi doon nanggaling ang perceptive conclusion ko. Napansin ko sa mga kilos mo na palagi kang may kinatatakutan,” pagtatapat nito.

“O sa akin ka lamang natatakot?”

Muli siyang tumingin sa lalaki.

[Want to read the Start of Stories Online titled – DESIRED BY THE BOSS…? Click Here!]

Gusto sana niyang sabihan ito na huwag nang makialam sa kanya ngunit may nakita siyang isang mainit na emosyon sa mga mata ni Froilan.

Animo mga mapagpalang kamay na humahaplos sa kanyang nanlalamig na kalooban.

Natagpuan niya ang kanyang sarili na umiiling.

“Hin-hindi ako natatakot sa ‘yo,” pahayag niya sa nanginginig na tinig.

Napapikit si Ofelia dahil hindi siya makapaniwalang dumating na ang sandaling sinasabi ng mga psychiatrists niya noon.

‘Darating ang araw, may makikilala kang isang lalaki na hindi mo katatakutan. Kapag nangyari na ‘yon, umasa ka nang ikaw ay magaling na magaling na! At, malay natin, matututo ka nang umibig… matatagpuan mo na ang isang lubos na kaligayahan.”

Umusal siya ng isang taimtim na panalangin ng pasasalamat.

“Lia? Are you okey?”

Tumango ang dalaga. Pinahi ng mga daliri niya ang nabasang mga pisngi.

“I’m sorry,” wika niya. “N-nabigla lang ako dahil napaka-transparent ko pala!”

Hinawakan ng lalaki ang isang kamay niyang nanlalamig.

Hinagod iyon hanggang sa mawala ang panginginig. Kapagkuwan, ang isa naman ang pinagyaman nito.

“Sa akin lang siguro, Lia,” pang-aalo ni Froilan.

“A-akala ko pa naman, nagawa ko nang maging normal ang pagkilos ko,” patuloy niya. “N-na magaling na ako.”

“You don’t look sick, Lia. But your eyes look old and weary,” salo ng lalaki.

Patuloy sa pagmamasahe ang mahahabang daliri sa kanyang mga kamay papaakyat sa kanyang mga braso.

“Iyon siguro ang hindi normal para sa isang babaeng bata pa ang edad.”

Napakurap si Ofelia.

Isang bahagi ng sarili niya ang nagpupumiglas nang mga sandaling iyon.

Nais manlaban sa agos na gustong tumangay sa kanya.

Nais lumayo sa apoy na ibig tumupok sa kabuuan niya.

Binawi niya ang mga kamay kay Froilan. Dali-dali niyang isinuksok sa mga bulsa ng blazer niya.

Gusto niyang lumubog sa kinauupuan ngunit hindi iyon maaari kaya tiniis niya ang pag-alon ng matinding pagkapahiya sa kanyang buong katawan.

Humihingi ng dispensa ang lalaki nang muling magsalita.

“I’m sorry if I said something bad, Lia. I offended you.”

Umiling ang dalaga.

“N-no you didn’t,” aniya. “Ako ang dapat na humingi ng pasensiya sa ‘yo. I’m afraid, I get too emotional sometimes.”

Huminga nang malalim ang lalaki.

“Tinatanggap mo na ba akong maging kaibigan?”

Pumikit sandali si Ofelia. Kinapa niya ang kasuluk-sulukan ng kanyang isipan.

Ibig niyang tumanggi ngunit wala siyang maapuhap na dahilan para gawin iyon.

Halos pikit-mata nang tumango ang dalaga.

“O-oo,” bulong niya, “kung nais mo ba talaga akong maging kaibigan?”

Seryosong-seryoso siya kaya nagitla siya nang marinig ang masuyo at patudyong pagtawa ng lalaki. Luminga siya sa gawi nito.

“Masaya ako, Lia,” pahayag ni Froilan.

“I feel honored dahil tinanggap mo ako. Masarap pala sa pakiramdam ang pagtiwalaan ng isang babae,” dugtong pa sa masuyong tono.

“M-masaya rin ako,” pag-amin ni Ofelia habang sumisilay sa mga labi ang isang marahang ngiti.

“Sana, hindi magbago ang turing mo sa akin — kahit na nakilala mo na ako nang lubos.”

Walang gatol ang pagtugon ng lalaki.

“That’s the idea,” anito. “I’d like to know you better,” dugtong pa, paanas.

Gusto na namang bumalong ng luha sa mga mata ng dalaga sa tinurang iyon ng kausap.

“S-sana, huwag magbago ang isip mo kapag nakilala mo na ako nang lubos,” ulit niya.

“Ngayon pa lang, natatakot na ako na baka mawala ka agad, ang aking bagong kaibigan.”

“I’m sure, there’s a wonderful person hiding beneath those thick layers of fear,” salo ng masuyong tinig ni Froilan.

“Kaya hindi ka mawawalan ng kaibigan, anuman ang matuklasan ko tungkol sa ‘yo.”

Isang pangako iyon na ikinintal ni Ofelia sa utak niya.

Ang unang impromptu dinner date na iyon ay nasundan pa ng iba.

Halos gabi-gabi, sinusundo siya ni Froilan. Kapag hindi ito nakakapunta sa kanya, tumatawag ito sa telepono.

Mag-uusap sila ng matagal. Hindi niya alam kung isang oras o dalawang oras siyang nakikinig sa boses ng lalaki.

Gabi-gabi na rin siyang dinadalaw ng lalaki sa panaginip niya.

Anupa’t parang walang pagkatighaw ang pagkagiliw niya sa unang lalaking naging kaibigan niya.

Palaging laman ng isipan niya si Froilan Jacinto.

‘Diyos ko, ano po ba ang nararamdaman kong ito?’ tanong niya palagi sa Itaas. ‘Pag-ibig na kaya ito?’

Hindi niya magawang tanungin si Jesusa dahil alam niyang wala rin itong itutugon sa kanya. Guguluhin lang niya ang isip ng kaibigan.

Lalo na siguro kina Alexandra at Myrza. Ang dalawang iyon ang malimit magbangayan tungkol sa kawalan nila ng karapatan na maging maligaya.

Walang masulingan si Ofelia sa mga sandaling iyon ng kanyang kalituhan.

Bukod sa tatlong kaibigan, wala na siyang pinagtitiwalaan. Maliban kay Froilan…

Ngunit maaari ba niya itong tanungin ng tungkol sa pag-ibig?

Kapag ginawa niya iyon — malalagay sila pareho sa kahiya-hiyang sitwasyon.

“Penny for your thoughts?” untag ng lalaki.

Napapitlag ang dalaga.

Sa sobrang lalim ng iniisip niya, nakalimutan niyang nasa harapan niya ang lalaking nagdudulot ng kaguluhan sa kanyang kalooban.

Isang eleganteng restawran ang kinaroroonan nila. Hindi man kaibigan ni Froilan ang may-ari, kilala naman ito ng mga waiters dahil suki na.

Naturuan sila ni Myrza ng ilang nalalaman nito.

Kaya may kaunting alam si Ofelia sa pagbabasa ng ekspresyon ng iba.

Ngunit napakadali naman kasing basahin ang reaksiyon ng mga tagasilbing dinaratnan sa iba’t ibang mamahaling restaurants.

Halatang hindi ang tipo niya ang malimit na isama ni Froilan sa dinner dates.

Nalulungkot si Ofelia pero dapat niyang tanggapin na hindi nga siya ang ideal woman ng isang Froilan Jacinto.

DESIRED BY THE BOSS-13

Leave a Reply

You must be logged in to post a comment.