Desired by the Boss-13

“O, bakit parang nalulungkot ka?” tanong ni Froilan.

“May naiisip lang ako na hindi maganda,” tugon ni Ofelia.

“Ano naman iyon?”

Ngumiti siya. Matipid. “Personal.”

“I see,” sambit ng lalaki.

“Sorry for asking. Iniisip mo na sigurong masyado akong pakialamero, ano?”

“Hindi naman,” tanggi niya.

Inarok siya ng malalalim na mga mata ni Froilan.

“Siguro, napapagod ka na sa paglabas natin gabi-gabi? O kaya naman ay nagsasawa ka na sa akin?”

Huminga nang malalim ang dalaga. Medyo pumait ang ngiti niya.

[Want to read the Start of Stories Online titled – DESIRED BY THE BOSS…? Click Here!]

“It could be the other way around, Froilan,” salo niya.

“Puwedeng ikaw ang napapagod at nagsasawa na sa isang katulad kong — neurotic, hindi ba?”

Napamaang ang lalaki. Hindi nito inaasahan na magsasalita siya nang ganoon.

“You’re not a neurotic, Lia!”

Umiwas ng tingin si Ofelia. Hindi niya alam kung bakit napapaikot siya ng lalaking ito!

Ayaw niyang maging dependent sa lalaking ito!

“I’m sorry,” bawi niya. Pigil na ang tono. “You’re right. I must be tired.”

“Gusto mo na bang umuwi?”

Parang ibig masaktan ni Ofelia nang hindi man lang siya pigilin ng lalaki.

“I’ll just take a taxi to go home, Froilan. Hindi mo na ako kailangang ihatid. Ipagpatuloy mo na lang ang dinner mo.”

Itiniklop ng lalaki ang linen table napkin na nakaladlad sa kandungan nito bago idinampi sa bibig ang isang dulo.

Tumigas nang kaunti ang anyo nito ngunit nanatiling masuyo ang mababang tono.

“Are you trying to pick a fight with me, Lia? If so, drop it. Hindi ako makikipag-away sa ‘yo.”

“Hindi ako naghahanap ng away, Froilan,” tanggi niya.

“Oh,” salo ng lalaki, malumanay pa rin. “So, mali pala ang interpretasyon ko. Hindi ka nagagalit sa akin?”

Umiling ang dalaga. “Hindi,” diin niya pa.

Muling inilatag ni Froilan ang puting napkin sa mga hita.

“Then, hindi ka na uuwi? Itutuloy natin ang dinner na ito?” paniniyak nito.

Huli na nang matanto ni Ofelia ang bitag na nakaabang sa kanya. Kaya tumango siya kahit napipilitan lang.

“Good,” bawi ng lalaki. Nakangiti na uli ito sa kanya.

“Gusto kong matikman mo ang veggie rice nila rito. It has a distinctive taste na hindi ko matukoy.”

Hindi umimik ang dalaga. Ngumiti lang siya nang pilit bago itinutok ang paningin sa menubook na iniabot ng isang weyter.

Ilang ulit pa munang nagtangkang magsimula ng isang conversation si Froilan bago ito huminto sa pakikipag-usap sa kanya.

Tumahimik na rin lang ito habang naghahapunan sila.

Kunwa’y hindi niya napapansin ang malimit na pagbubuntonghininga ng lalaki.

Itinuon niya ang isip sa pangungumbinsi sa sarili na kaya siya pinag-aaksayahan ng oras ng lalaking ito, isa lang siyang kliyente.

Hindi siya dapat naglalagay ng ibang kahulugan sa ipinakikita nitong pagpapahalaga sa kanya.

“F-froilan?” umpisa ni Ofelia nang nasa coffee stage na sila.

“Ano ‘yon?” ang maagap na tanong ng lalaki.

“Gusto ko sanang huminto na sa pakikipagkita sa ‘yo,” pahayag niya.

“Siguro naman, sapat na ang mga nakita kong mga restaurant para magka-ideya ako sa gusto ko?”

Nakapag-ikot na sila ng mga kaibigan niya sa ibang mga restawran. Ngunit hindi sa mga lugar na pinagdalhan sa kanya ni Froilan Jacinto.

“Why? I thought you’re enjoying my company.” Parang hindi na nabigla ang lalaki sa tinuran niyang iyon.

“I do enjoy your company very much, Froilan,” pagtatapat niya.

Tumingin siya rito. Nakikiusap ang mga mata niya.

“Kaya lang, sobra-sobra na ang pang-aabala ko sa iyo.”

“Kaibigan mo naman ako, hindi ba?”

Higit pa sa kaibigan ang pagtingin niya ngayon sa binata!

“I’m sure, may iba ka pang kaibigan, Froilan. Huwag mo silang pabayaan nang dahil lang sa akin,” ang paiwas na tugon niya.

Saglit na natahimik ang lalaki. Kapagkuwan, bumuntonghininga ito habang tumatango nang may pag-aalinlangan.

“You’re right.” Sinenyasan nito ang weyter para sa chit nila. “Halika, ihahatid na kita,” wika nito.

Nilunok ni Ofelia ang disappointment. Tumango siya habang dinadampot ang kanyang handbag.

“Pupunta lang ako sa powder room,” paalam niya.

Umiiral ang pagiging babae niya. Magkaibang direksiyon ang gusto niyang tahakin.

Ibig niyang lumayo sa lalaki habang nais rin niyang mapalapit nang husto dito!

A, dapat lang na iwasan na niya ang lalaking ito habang maaga…

Hanggang kaya pa niya!

Wala siyang kaimik-imik nang nasa sasakyan na sila. Magkatabi sila sa likod.

Isang beses lang niyang nakita na ito ang nagmaneho. Nung gabing hinintay siya sa kanyang pag-uwi.

Parang ang tagal-tagal na nang gabing iyon.

“Tapatin mo ako, Lia,” wika ng lalaki nang bumigat na nang husto ang katahimikan sa pagitan nila. Tanging ang mahinang pagsipol ng drayber nito ang naririnig nila.

“Ayaw mo na ba akong makita?”

Nagsikip ang dibdib ni Ofelia. Ayaw niyang tugunin ang tanong nito ngunit naghihintay ang lalaki.

“K-kung maaari sana,” sambit niya, pabulong.

Humugot ng isang malalim na buntonghininga ang lalaki.

“But that’s impossible. Magkikita pa rin tayo dahil sa negosyong itatayo mo,” paalala nito.

“Oo,” salo niya. “Pero doon na lang.”

“Okey, kung iyan ang gusto mo,” sang-ayon ni Froilan bago tumingin sa labas ng bintana.

Sa isip ni Ofelia, relieved pa siguro ngayon ang lalaking ito.

Baka nga nais na nitong ihinto na ang halos gabi-gabing pagkikita nila ngunit nag-aalangan lang magsalita sa kanya dahil kliyente siya…

Hindi na bumaba si Froilan para ihatid siya hanggang sa loob ng gate niya.

“Goodnight, Lia,” paalam nito.

Blangko ang mga mata nito, pati ang tono. Kaya hindi niya mahulaan kung ano ang talagang iniisip.

“G-goodnight, Froilan,” tugon ni Ofelia bago umibis.

Pilit ang ngiti niya. Ayaw niyang ipakita dito ang kanyang nadaramang panlulumo.

Pagdating sa loob ng bahay niya, saka lang niya pinayagan ang sarili na umiyak.

Hanggang sa pagtulog, umiiyak siya.

Kahit sa panaginip niya. Nakatalikod na si Froilan sa kanya.

Kahit na anong tawag niya sa pangalan nito, hindi siya pinapansin.

Kinabukasan, inaapoy siya ng lagnat.

Tumawag siya kay Jesusa, nang matiyak na hindi niya makakaya ang katawan.

“Hello, Jess? Makikisuyo sana ako sa ‘yo. Pakitawagan naman ang opisina ko maya-maya. Pakisabing hindi ako makakapasok.”

“Bakit ganyan ang boses mo? May sakit ka ba?”

DESIRED BY THE BOSS-14

Leave a Reply

You must be logged in to post a comment.