Desired by the Boss-14

“Oo. Parang tinatrangkaso ako,” tugon ni Ofelia. “Nandiyan pa ba sa ‘yo ang telepono ng opisina ko?”

“Oo, nandito sa address book ko,” paniniyak ni Jesusa.

“Naku, paano ba ‘to? Ang dami naming appointments ngayon. Hindi ako agad makakapunta sa ‘yo. May gamot ka na bang maiinom diyan? Gusto mo bang pahatiran kita ng mga kailangan mo sa isang tao ko dito?”

“Kumpleto ang stock sa medicine cabinet ko, Jess. ‘Yung sa trabaho ko lang ang inaalala ko. Baka makatulog ako.”

“O, siya. Magpahinga ka na. Nakainom ka na ba ng gamot? Pipilitin kong dumalaw sa ‘yo diyan mamaya. May pagkain ka na ba?”

“Oo. Katatapos ko lang mag-grocery nung isang araw. Huwag ka nang mag-abalang sumugod dito, Jess. Hindi na ako bata.”

“Kunsabagay, hindi na gaanong delikado ang trangkaso ngayon. Basta huwag kang kikilos nang mabibigat para hindi ka mabibinat, ha? Mga bandang nine na ako tatawag para siguradong may tao na sa opisina n’yo?” paniniguro nito.

“Oo, salamat. Bye!”

Mabuti na lang naibaba na niya ang awditibo bago siya humatsing nang malakas.

[Want to read the Start of Stories Online titled – DESIRED BY THE BOSS…? Click Here!]

Lalo siyang namaos nang parang nagasgasan nang husto ang kanyang lalamunan.

Maghapon siyang natulog. Dakong tanghali nang mabasag ang namuong lamig sa loob ng katawan niya.

Pinagpawisan siya nang husto.

Pinilit niyang bumangon upang magpalit ng damit, uminom ng gamot at kumain ng no-cook noodles.

Pagkatapos, nagbalik uli siya sa higaan kahit na hindi pa napapalitan ang kubrekama. Tulog uli siya.

Ang sumunod na namalayan niya ay ang pagkuriring ng telepono sa labas.

Naisip niyang baka si Jesusa iyon kaya nagpumilit uli siyang kumilos.

“H-hello?” Halos wala na siyang boses nang magsalita siya.

“Lia! Is that you? Ano’ng nangyari sa ‘yo?”

Napaubo si Ofelia dahil sa pagkabigla nang marinig ang pamilyar na tinig-lalaki.

“F-froilan — ”

“May sakit ka!” bawi ng lalaki. Nag-aalala ang tono.

“Huwag mo nang piliting magsalita, Lia. Pupunta ako agad diyan.”

“H-huwag na — ” Hindi niya natapos ang sasabihin dahil inihit na naman siya ng ubo.

Napapatda siya nang marinig ang dialtone sa hawak na receiver.

Tumingin siya sa orasan nakapatong sa t.v. set. Alas diyes na pala!

Kinumbinsi niya ang sarili na nagbibiro lang si Froilan habang nagtitimpla ng gatas sa kusina. Hanggang sa magtungo na siya sa kuwarto upang doon inumin iyon, kasabay ng medisina.

Nag-aagaw-tulog siya nang maulinigan niya ang pagtunog ng doorbell.

Nawala na sa isip niya ang naging pag-uusap nila ni Froilan sa telepono kaya nagtaka pa siya.

Sino kaya iyon? tanong niya sa sarili habang nag-iinot uli sa pagbangon.

Kung hindi lang niya iniisip na baka ang isa sa mga kaibigan ang nasa labas, hindi na niya pipiliting mag-apuhap ng lakas. Parang natunaw na ang lahat ng mga buto niya kaya halos hindi na siya makatayo.

Sinilip niya sa bintana ang gate. Napatigagal siya nang ang matanaw ay ang matangkad na hugis ni Froilan.

Kahit na medyo madilim sa tapat ng tarangkahan niya dahil nasa kabilang panig ng kalsada poste ng ilaw, natitiyak na niyang si Froilan Jacinto iyon.

Bumukal ang walang kahulilip na ligaya sa kanyang kalooban nang mapagtantong hindi na siya alipin ng alaala ni Tiyo Maning.

Dati-rati kasi, sindak agad ang namamayani sa kanyang dibdib kapag may nakikita siyang anino o hugis ng lalaki.

Ngunit ang kanyang paggaling naman ay mayroong kapalit — ang kanyang puso.

‘Nagdedeliryo ka, Ofelia!’

Kinagalitan niya ang sarili nang kung anu-ano na ang rumerehistro sa utak niya.

“Lia! Buksan mo ang gate,” utos ng malalim na tinig ni Froilan. Habang nagsasalita, kinakapa ng lalaki ang saraduhan.

Pumikit muna sandali si Ofelia bago siya tumalima. Ni hindi sumagi sa isip niya ang tumutol.

Kapag hindi niya pinagbuksan ang lalaki, uuwi ito.

Kinuha niya ang bungkos ng susi sa sabitan nito sa likod ng pintuan. Parang ang tanda-tanda na niya dahil sa sobrang bagal ng kanyang mga kilos.

“Lia!” bulalas ng lalaki nang makita siyang papalabas ng pinto. “Kaya mo bang iitsa ang susi?”

Umiling si Ofelia. Lalo tuloy siyang naliyo. Sumuray siya sa kanyang paghakbang.

Namaybay siya sa dingding na pader ng kapitbahay.

Marahang marahan lang ang kanyang mga galaw. Hanggang sa makarating siya sa tarangkahang bakal.

“Akina ang susi,” wika ni Froilan. “Ako na ang magbubukas!”

Iniabot naman niya.

Umiikot na ang paningin niya. Nakasandal na siya sa malamig na pader habang nangangatog ang kanyang mga tuhod.

“God, you’re so hot!” bulong ng lalaki nang mahawakan siya.

Dali-dali siyang pinangko nito matapos isara uli ang gate.

Hindi na alam ni Ofelia kung ano ang sumunod na nangyari.

Ipinikit niya ang mga mata niya nang bumilis nang husto ang pag-inog ng paligid kanina.

Ang sumunod na namalayan niya ay ang pagpupunas ng basang bimpo sa kanyang noo at leeg.

Umungol siya nang maramdamang inaalisan siya ng mga saplot sa katawan.

Ngunit hindi niya maiangat ang kanyang mga biyas upang makapanlaban.

Bumiling-biling siya. Hindi rin niya maimulat ang kanyang mga mata.

“Ssh, don’t worry, Lia. Papalitan lang natin ang damit mo.” Narinig niyang wika ni Froilan sa kanya.

Binalot muna nito ng kumot ang kanyang kahubdan at pinangko uli siya.

Sa pakiramdam niya, inihiga siya sa mahabang sopang nasa isang sulok ng kuwarto niya.

“Basa na rin ang kubrekama mo,” pahayag ng tinig ni Froilan. Nahulaan marahil ang pagtataka niya.

Nanginginig na naman siya nang muling balikan ng lalaki.

“Nasaan ang gamot mo, Lia?”

“N-nasa medicine cabinet, s-sa banyo.” Bahagya na lang narinig ang boses niya habang nagpipingkian ang kanyang mga ngipin.

Namamaluktot na siya sa sobrang panlalamig nang tulungan siyang ibangon ng lalaki. Pinainom siya nito ng dalawang tableta at tubig.

“Magpahinga ka na,” wika ni Froilan nang ihiga siya uli.

Hinaplos pa siya sa noo at ulo. Sinuklay pa ng mga daliri ang kanyang mahabang buhok.

Sa ginawang iyon ng lalaki, naalala niya ang kanyang ina nung silang dalawa lang ang magkasamang namumuhay.

Pitong taon lang yata siya nung maulila sa ama.

Siyam na taon nang biyuda ang ina nang maisipan pang mag-asawa uli.

Paano’y inisip na baka kailangan pa niya ng pagmamahal-ama…

DESIRED BY THE BOSS-15

Leave a Reply

You must be logged in to post a comment.