Desired by the Boss-15

Habang para kay Ofelia, sapat na ang atensiyon ng ina. Ang pagmamahal lang ng kanyang ina ay sapat na.

Kung hindi na sana nag-isip nang gayon ang kanyang ina, hindi na sana dumating sa buhay nila ang isang halimaw!

Habang nagdedeliryo siya, dumalaw uli ang madilim na panaginip.

Parang mas doble ang puwersa ng sindak na sumasakmal sa kanyang kamalayan.

Marahil, may sakit kasi siya. Kumbaga, mahina ang depensa niya.

Nasa bahaging nagpupumiglas siya sa mala-bakal na braso ng madrasto nang may maramdaman siyang init na yumapos sa kanyang kabuuan.

Agad na pinalis ang ibayong takot na ibig umalipin sa kanya.

“It’s alright, Lia. Nandito lang ako sa tabi mo. Huwag ka nang matakot,” wika ng isang masuyong tinig-lalaki.

Bigla siyang napahinto sa paggalaw. Hindi siya makapaniwalang may saklolong darating sa kanya — pagkatapos ng mahabang panahon!

[Want to read the Start of Stories Online titled – DESIRED BY THE BOSS…? Click Here!]

“It’s only a bad dream, Lia,” patuloy ng malambing na tinig.

“F-froilan — ?” sambit niya. Ibig niyang makatiyak na tama ang hinuha niya.

“Yes, ako nga.”

Yumupyop si Ofelia sa malapad na dibdib ng binata. Para bang paslit na naghahanap ng mapapagtaguan. Ng mapapagsumbungan.

“Oh, Froilan! N-nandiyan na naman siya,” aniya.

Basag at garalgal ang kanyang boses ngunit malinaw siyang naintindihan ng lalaki.

“Sino’ng siya?”

“A-ang Tiyo Maning — ”

Napahinto si Ofelia nang marinig ang sarili na sinambit ang pangalan ng kinamumuhiang madrasto.

Ngayon lang niya nagawa ang ganito!

“Nasaan siya?” Parang humigpit ang pagkakayapos ni Froilan sa kanya.

Hindi man niya nakikita ang mukha nito, naramdaman niya ang pinipigil nitong galit.

“W-wala na. Patay na,” tugon niya nang makaapuhap ng kaunting kalma.

Unti-unting lumuwag ang pagkakapulupot ng mga bisig ng lalaki sa katawan niya, habang humuhulas ang tensiyon nilang dalawa.

“Wala na siya,” sambit nito. “But he’s still haunting you in your dreams?”

Tumango si Ofelia. Nanghahapdi ang kanyang mga mata nang pilitin niyang dumilat.

“A-ayaw niya akong p-palayain. H-hindi niya ako b-bibigyan ng katahimikan,” pagtatapat niya sa nanginginig na tinig.

‘Akin ka lang, Ofeliaaa! Walang ibang makikinabang sa ‘yooo!’

Umalingawngaw sa lahat ng sulok ng isipan niya ang mga salitang makamandag.

Napapikit uli siya. Muling yumupyop sa matigas na katawan ng lalaki habang yumayapos nang mahigpit dito upang umaamot siya ng kaunting init mula rito.

Hinagod siya ng isang palad na mainit sa likod at balikat. Habang hinahapit siya ng isang kamay sa beywang upang magkadaiti pa nang husto ang kanilang mga balat.

Mga magagaan na pagdampi ng bibig ang pumahi sa butil-butil na pawis sa kanyang noo.

“You must fight those nightmares, Lia. Sa isip mo na lang siya nabubuhay. Kailangan mo siyang labanan. Tutulungan kita. Bibigyan kita ng lakas. Huwag kang magpapatalo sa kanya,” bulong ng lalaki sa gawi ng teynga niya. Puno ng sinseridad ang masuyong tono.

Tumango si Ofelia. Gusto niya ang kanyang naririnig. Nais na niyang lumaya.

Ibig na niyang kumawala…

Nagpatuloy ang marahang paghaplos ng lalaki sa kanyang likod hanggang sa huminto ang kanyang mga hikbi. Para na naman siyang idinuduyan ng antok.

“Sige, Lia. Matulog ka uli,” wika ng masuyong tinig ni Froilan.

Pinayagan nga ni Ofelia ang sarili na makatulog uli.

Kahit na inaasahan na naman niya ang pagsalakay ng multo ni Maning sa kanyang panaginip.

Anupa’t nagmistulang papel na tinatangay sa hangin ang kanyang pakiramdam nang maganap ang pakikipaghamok niya sa sariling bangungot.

Ramdam na ramdam ni Ofelia ang paglalaban ng lakas sa lakas. Ng mabuti at ng masama. Nang liwanag at ng dilim.

Para bang gising pa rin ang kalahati ng diwa niya.

Napapadaing siya nang malakas kapag nararamdaman niyang sumasalakay ang kanyang takot.

“Huwag kang bibigay, Lia. Nandito lang ako,” anas ni Froilan, paulit-ulit. “Huwag kang matakot sa kanya. Kaya mo siyang talunin. Kaya mo, Lia!”

Nangangatal siya nang magawa niyang gisingin ang sarili.

Napahagulgol siya ng iyak nang matiyak niyang nagtagumpay siya.

“H-hindi na kaya siya babalik — ?” tanong niya nang makabawi ng kaunting hininga.

“Sana,” tugon ng lalaki.

Hinagkan siya ni Froilan sa noo at sa mga mata. Pinitas ng mga labi maskulino ang mga luhang nasa mga pilikmata niya.

“Pero nandito lang ako kapag nagtangka na naman siyang bumalik.”

Pumikit uli si Ofelia dahil buo ang paniniwala niyang tutoo ang sinasabi ni Froilan.

Pagud na pagod siya. Ang buong katawan at ang buong isipan.

“G-gusto kong magpahinga,” sambit niya, paanas.

“Oo, Lia. Magpahinga ka na. Nandito lang ako. Hindi kita iiwanan,” pangako ng lalaki.

Iyon ang huling natandaan niya. Isang malalim at mapayapang paghimbing ang dumatal sa kanya.

Umaga na nang magising siya.

Napatitig si Ofelia sa labas ng bintana.

Nagtataka siya kung bakit tila blangko ang kanyang isip.

Wala siyang matandaang anuman.

Alam niyang may sakit siya ngunit parang napakaraming bahagi sa kanyang memorya ang nawawala…

Kinapa ng isang kamay niya ang noo at leeg upang tiyakin na wala na siyang lagnat.

Huminga siya nang malalim upang malaman kung mayroon pa siyang ubo. Baka may impeksiyon na siya sa baga at kailangan na pala niyang magpunta sa duktor.

Wala na siyang sakit. Pero hindi pa siya puwedeng kumilos nang kumilos dahil tiyak na mabibinat lang.

Pahinga at puro pahinga ang dapat sa kanya.

May narinig siyang ingay na nanggaling sa labas kaya naputol ang pag-iisip niya.

May pusa na naman bang nakapasok sa kusina niya? tanong niya sa sarili habang nag-iinot sa pagbangon.

Parang nakalutang sa hangin ang kanyang ulo. Isang kakatwang pakiramdam iyon para sa isang tulad niyang bihirang magkasakit.

Ngunit lalo nang naging kakatwa ang naramdaman niya nang bumukas ang pinto ng silid niya.

At iniluwa si Froilan.

“Huh! A-ano’ng ginagawa mo rito?” tanong niya sa tinig na malat.

“Kagabi pa ako nandito,” ang malumanay na wika ng lalaki habang inilalapag ang hawak na tray sa lamesitang hinila palapit sa kama.

“Hindi mo na ba natatandaan nang pagbuksan mo ako ng gate kagabi?”

Nagulat si Ofelia sa narinig.

“A-ako mismo ang nagbukas sa ‘yo?”

May naalala siyang sinagot niya ang telepono at ang lalaki ang nakausap niya.

“P-pero, sa telepono lang kita nakausap, hindi ba?”

“Oo. At sinabi kong pupunta ako dito.”

“T-tutoo palang pupunta ka,” sambit ni Ofelia, pero sa sarili lang niya.

DESIRED BY THE BOSS-16

Leave a Reply

You must be logged in to post a comment.

You must be 18 years old to visit this site.

Please verify your age