Desired by the Boss-16

Naiilang si Ofelia dahil ngayon lang may nakapasok na lalaki sa loob ng kuwarto niya.

Ipinagpatuloy niya ang kanyang pagtayo mula sa kama.

“Lia, hawakan mo ang kumot — ”

Kasabay ng paalala ni Froilan ang pagdausdos ng kumot sa beywang niya.

Muntik nang mapasigaw si Ofelia sa nakitang kahubdan.

Niyapos nga mga braso niya ang kanyang harapan habang nagyuyuko ng ulo upang lumugay patakip ang kanyang mahabang buhok.

“D-diyuskupo!” bulalas niya, padaing. Hiyang-hiya siya!

“A-ano’ng ginawa mo sa akin? Bakit wala akong damit?” pang-uusig niya nang maibalik ang nawalang wisyo.

“Hindi kita ginawan ng masama, Lia. Basang-basa ka ng pawis kagabi kaya inalis ko ang lahat ng kasuotan mo,” paliwanag ni Froilan.

[Want to read the Start of Stories Online titled – DESIRED BY THE BOSS…? Click Here!]

“Inisip kong hindi mo lalo magugustuhan kung binihisan rin kita, hindi ba?” dugtong pa.

Walang nagawa si Ofelia kundi ang sumang-ayon sa lohika nito.

“P-puwede bang iwan mo na ako?” hiling niya.

“Hindi puwede,” ang walang gatol na tanggi nito. “Ngayong gising ka na, tutulungan kitang magbihis.”

Tumalikod si Froilan sa kanya.

“Ituro mo sa akin ang lalagyan ng iyong mga nightclothes. Ikukuha kita,” utos nito.

“N-nandiyan sa drawer.”

Napilitan siyang tumugon upang maging presentable na siya sa lalong madaling panahon.

Isang pares ng puting padyama ang iniabot ng lalaki sa kanya. Hindi ito tumitingin sa kanya kaya nabawasan ang pangamba niya.

“Ibalot mo ang kumot sa katawan mo para maaalalayan kita papunta sa banyo,” utos uli ni Froilan.

Tumalima ang dalaga. Kasama ang mga padyama sa pagkipit niya sa kumot na nakakulapol sa kanyang balikat.

“Ready?”

Napaka-matter-of-fact ng tono ni Froilan kaya nawala na nang tuluyan ang kanyang pagdududa rito.

“O-oo,” tugon ni Ofelia.

Hindi pa rin sumusulyap nang diretso sa kanya ang lalaki habang inaalayayan siya nito.

“Nandito lang ako sa labas. Tawagin mo lang ako kapag kailangan mo ako,” habilin ng binata bago hinila pasara ang pinto ng banyo.

Naiibahan si Ofelia kay Froilan. Hindi niya akalain na ganito ka-sensitibo at ka-understanding ang lalaki.

Ang paniniwala kasi niya sa mga lalaking may matipunong katawan ay brusko at bastos na katulad ng kanyang madrasto.

Nagsipilyo lang siya pero hindi muna siya ng naghilamos. Baka mapasma ang kanyang mga mata.

Binasa lang niya ang isang bimpo at idinampi sa kanyang noo, ilong at mga pisngi. Pati sa leeg. Upang mabawasan ang kinang ng pawis sa maputlang balat.

Minasdan niya nang matagal ang babaeng nasa salamin.

Parang may nagbago sa kanya ngunit hindi niya matanto kung ano…

Nakabihis na siya at kasalukuyang nagtatali ng buhok nang kumatok si Froilan.

“Lia? Okey ka pa ba? Sagutin mo ako para hindi ako pumasok diyan.”

“M-matatapos na ako. Sandali na lang,” tugon niya habang ibinubuhol ang dalawang dulo ng laso sa kanyang maluwang na ponytail.

Napalis ang pag-aalala sa mukha ng lalaki nang magbukas siya ng pinto.

“Nag-init ako ng canned soup na nakita ko sa cabinet mo. Nangahas na akong maghalungkat sa kusina mo. Pero huwag kang mag-alala, nilinis ko naman lahat ng ikinalat ko,” pahayag ni Froilan.

“Halika, kumain ka muna bago ka uminom uli ng gamot.”

“S-salamat,” sambit niya.

Nakikimi siya dahil hindi naman ordinaryong tao ang kaharap niya. At nagsisilbi pa sa kanya nang mga sandaling iyon.

Tila nabasa naman ng lalaki ang nasa isip niya.

“Maupo ka na. Baka lumamig pa ang sabaw.”

“N-nahihiya ako sa ‘yo,” wika niya.

“Huwag ka nang mahiya, Lia,” salo ng lalaki habang iniaabot sa kanya ang isang maliit na tasa.

“Siguro naman, kapag ako naman ang nangailangan ng kalinga mo balang araw, hindi ka mag-aatubiling tulungan ako?”

Pinilit niyang ngumiti habang tumatango. Sinimulan niyang simsimin ang mainit na sopas para hindi na niya kailangang magsalita.

Nakatitig sa kanya ang lalaki nang maglakas-loob siyang magtaas ng paningin.

Agad namang binawi ni Froilan ang tingin nang magtama ang kanilang mga mata.

Ibinaling nito ang atensiyon sa coffee mug na hawak ng dalawang kamay.

Magkatabi silang nakaupo sa mahabang sopa dahil inalisan ng kubrekama ang higaan.

Saglit na naghari ang katahimikan sa silid ni Ofelia habang nagkakanya-kanya sila ng mga iniisip.

Si Froilan din ang unang bumasag. Tumikhim muna ito bago nagsalita.

“Saan nga pala nakatago ang ibang mga kumot mo? Wala nang laman ang linen drawer sa ilalim ng kama.”

Namula ang mga pisngi ni Ofelia.

Pati ba naman pagpapalit ng kubrekama — ?

“Uhm, a-ako na lang ang bahala diyan. Sobra-sobra na ang tulong na nagawa mo,” pahayag niya. “K-kaya ko na naman ang katawan ko — ”

“I insist, Lia,” giit ng lalaki.

“Mabibinat ka kapag pinairal mo ang iyong pride. Sige ka, hindi ako uuwi hanggang hindi ko napapalitan ang sapin sa higaan mo,” pananakot pa nito, pero pabiro lang.

Napahinuhod siya.

“Nasa topshelf ng closet na ‘yan ang nakabalot na mga quilted blankets.”

Hindi niya napigil ang sarili na panoorin ang lalaki sa ginagawa nito.

“Pasado na ba?” ang patudyong tanong nito nang matapos.

“Parang sanay na sanay kang magbalot ng kama,” puna niya bago pa niya napigilan ang bibig sa pagbuka.

“Nung bata pa kaming magkakapatid, hindi ang mga katulong sa bahay ang nagliligpit ng mga higaan namin. Tinuruan kami ni Mama na mag-alaga sa mga personal na gamit namin para hindi raw kami maging tamad kapag lumaki na,” pagkukuwento nito sa kaswal na tono.

Para bang matagal na silang nagkakakuwentuhan nito.

“I-ilan ba kayong magkakapatid?”

Hesitante ang pagtatanong niya dahil hindi siya siguradong magugustuhan ng lalaki ang inuusisa ito ng mga tungkol sa personal na bagay.

“Apat kami,” tugon naman ni Froilan. Magaan pa rin ang tono. “Ako ang panganay at ang unico hijo.”

Hindi namalayan ni Ofelia na namilog ang mga mata niya.

“May mga kapatid kang babae?” May bahid ng pananaghili ang kanyang boses.

“Nag-iisang anak ka ba, Lia?”

Napakurap ang dalaga.

“O-oo,” tugon niya habang ikinukubli ang mukha sa tasang iniinuman ng chicken soup.

“At ulila ka nang lubos?”

Tumango ang dalaga.

Humakbang palapit sa kanya ang lalaki. Lumuhod sa harapan niya upang wala na siyang masulingan habang inaarok ang kanyang mga mata.

“Hindi mo na ba natatandaan ang nangyari kagabi?” ang pabulong na tanong ni Froilan.

DESIRED BY THE BOSS-17

Leave a Reply

You must be logged in to post a comment.

You must be 18 years old to visit this site.

Please verify your age