Desired by the Boss-17

“A-ano’ng nangyari kagabi?” Pigil-hininga, naghintay si Ofelia sa itutugon ni Froilan.

Isang masuyong ngiti ang sumilay sa matiim na bibig nito bago nagpatuloy.

“Dinalaw ka ng iyong masamang panaginip.”

Muling nanlaki ang mga mata ni Ofelia.

“Nan-nandito ka nang — n-nang — ?” Hindi niya maituluy-tuloy ang sasabihin.

Tumango ang lalaki. “At alam mo ba kung ano ang ginawa mo?”

Umiling siya. Wala na siyang natatandaan.

“Nilabanan mo siya. Nagpakatapang ka kagabi.”

“O-oh! N-natalo ba siya?”

Puno ng kawalan ng tiwala sa sarili ang kanyang tinig na nagtanong nang paanas.

[Want to read the Start of Stories Online titled – DESIRED BY THE BOSS…? Click Here!]

“Oo, Lia. Natalo mo siya. Hindi na niya gagambalaing muli ang iyong pagtulog.”

Hindi makaimik ang dalaga.

Aywan kung bakit hindi niya masabing hindi lang ang kanyang pagtulog ang sinasakop ng kanyang panaginip…

“May gusto akong sabihin sa ‘yo, Lia,” umpisa ng lalaki nang lumawig ang katahimikan sa pagitan nila.

Napilitan siyang magtaas uli ng tingin.

“A-ano ‘yon?”

Kinuha muna ni Froilan ang tasa sa mga kamay niya. Inilapag iyon sa lamesita bago ginagap nang buong pagsuyo ang kanyang mga palad.

“Tumingin ka sa akin nang diretso, Lia. Ibig kong makita ang magiging reaksiyon mo sa sasabihin ko.”

Nilunok niya ang aprehensiyon na lumulutang sa kanyang lalamunan.

Nagmistulang alipin siya na sunud-sunuran sa bawa’t instruksiyon ng panginoon.

“I think, I’m falling in love with you, Lia,” pagtatapat ni Froilan, paanas.

Malamyos ang mababang boses at puno ng katapatan.

Nabigla si Ofelia. “N-no — ”

Ngumiti nang marahan ang lalaki habang tumatango.

“No, that’s not the truth anymore. Sigurado na pala ako ngayon,” sang-ayon pa nito. “Iniibig kita, Ofelia Reyes!”

“H-hindi tutoo ‘yan, Froilan,” tanggi niya. “N-nagbibiro ka lang — ”

Lumipat ang mga kamay ni Froilan sa kanyang mga balikat kaya napahinto siya sa sasabihin.

“Kagabi, sinubukan kitang tikisin dahil nasaktan ako nang hilingin mong ihinto na ang pagkikita natin. Ngunit hindi rin ako nakatiis. Kailangan kong marinig kahit na ang boses mo lang. Kaya nga tumawag ako kahit na disoras na ng gabi,” pagsasalaysay ng binata.

“Froilan, hindi ako puwedeng umibig,” pakli niya. “Bawal akong umibig,” diin niya.

“Walang bawal sa pag-ibig, Ofelia.”

“H-hindi kita mapapa — oh!” Ipinikit niya ang mga mata dahil hindi niya matagalan ang mainit na apoy ng pag-ibig sa mga titig ni Froilan.

Hindi kita mapapaligaya…

Iyon ang sasabihin niya ngunit naumid ang kanyang dila.

“Hindi mo ako iniibig?” salo naman ng lalaki. “Iyon ba ang sasabihin mo, Lia?”

Umiling si Ofelia.

“M-mahal na rin kita pero — pero hindi kita puwedeng tanggapin,” wika niya, halos paungol.

“Oh, Lia! Sapat na ang marinig kong mahal mo nga ako!” pakli ng lalaki.

Niyapos siya ng matitigas na bisig nang buong ingat. Para bang isa siyang porselanang babasagin.

“Alam mo bang ngayon lang ako nakaramdam ng ganito sa tanang buhay ko? Tama pala si Mama,” dugtong nito habang ginagawaran ng magagaan na halik ang kanyang buhok.

“B-bakit? Ano’ng sabi ng Mama mo?” Sinunggaban ng nalilitong isip niya ang unang dibersyon na dumating.

“Sinabi niyang ang pag-ibig lang ang pinakamahalagang dahilan para sa pagpapakasal ng dalawang nilalang.”

Muntik na siyang hindi makahinga nang magsikip nang husto ang kanyang dibdib.

Nalulungkot siya kahit na dapat ay naliligayahan siya.

Kailanman, hindi niya inasahan na puwedeng umibig sa kanya ang lalaking ito!

Oo, pinangarap niya — ngunit alam niyang hanggang doon lang siya…

“F-froilan, hindi ko matatanggap ang pag-ibig mo,” pahayag niya.

Gumaralgal nang husto ang kanyang boses habang sinasambit ang kabiguan nilang dalawa.

Hindi makapaniwala si Froilan.

“Ano’ng sinasabi mo? You can’t be serious, Lia!”

Kumawala siya sa pagkakahawak nito. “I’m very sorry, Froilan.”

Muli siyang hinawakan ng lalaki.

Ngunit umatras siyang pasiksik sa sulok. Agad na rumehistro ang sindak sa kanyang maamong mukha kaya napilitan ang lalaki na pabayaan lang siya.

Bumuntonghininga ito. Halatang nagpipigil sa sarili.

“Hindi ito ang huling pag-uusap natin tungkol sa mahalagang bagay na ito, Lia,” ang mariing pahayag nito bago ito tumindig.

Hindi siya makakibo. Parang may nakabara sa kanyang lalamunan.

“You better lie down. Kukunin ko ang gamot mo,” utos nito habang tumitindig.

Tinangka niyang maglakad nang mabilis patungo sa kama ngunit dinatnan pa rin siya ng lalaki nang lumabas ito mula sa banyo.

Hindi nagsalita si Froilan ngunit maagap siyang nilapitan upang alalayan sa paghakbang.

Muli itong nagbuntonghininga.

“Mag-uusap uli tayo, Lia,” pahayag nito. Nagbalik na ang dating lumanay ng tono nito.

“I picked up a lousy time in expressing my feelings to you. You’re still very ill.”

“H-hindi na magbabago ang pasiya ko, Froilan. Ibaling mo na sa iba ang pag-ibig mo,” sambit ni Ofelia.

Nakahiga na uli siya. Hinila niya ang kumot hanggang sa kanyang baba habang nakatitig ang malalaking mga mata sa lalaking natutunan niya agad mahalin.

Iniwan ni Froilan ang dalaga matapos matiyak na kumportable na ito sa pagkakahiga.

Kailangan niyang umalis muna sa bahay na ito bago siya makalimot nang tuluyan sa sarili.

Ngunit hindi naman niya puwedeng iwan si Ofelia na nag-iisa lang. Baka kung mapaano na naman ito.

Nag-iisip siyang ganito habang binubuksan ang pinto ng kotse niya nang marinig ang matinis na pagkuriring ng cellular phone na naiwan pala niyang naka-on magdamag.

Dinampot niya iyon upang tugunin ang caller. Baka ang sekretarya niya. Hinahanap na siya.

“Hello, iho? Bakit ang tagal mo namang sumagot? Busy ka ba?” anang boses ng kanyang ina.

Normal na dito ang magsalita nang sunud-sunod na pangungusap nito.

“Pasensiya ka na, pero iistorbohin na naman kita. Nandito ako sa penthouse mo. Dito ako nagpahatid kay Menchie. Lumuwas kasi ng Manila ang kapatid mo kaya sumabay ako. Pero sa Ilocos ang tuloy niya kaya dito na lang ako bumaba sa condominium na tinitirhan mo. Iho, nandiyan ka pa ba? Nakikinig ka pa ba sa akin?”

“O-oo, Mama. Nandito pa ako,” tugon niya habang sinusundan ang paragasang takbo ng utak niya.

May kumislap na ideya sa loob ng isipan niya, sagot sa lahat ng problema.

“Buweno, tumawag lang ako para hindi ka naman magulat kapag dinatnan mo ako dito mamayang pag-uwi mo. Atsaka, para agahan mo na rin ang uwi mo,” patuloy ni Donya Zita.

Napangiti si Froilan. Walang kamalay-malay ang kanyang mama sa susunod na mangyayari.

DESIRED BY THE BOSS-18

Leave a Reply

You must be logged in to post a comment.