Desired by the Boss-18

“Mama, pauwi na nga ako diyan ngayon. Puwede bang huwag ka munang magpalit ng damit — I mean, puwede bang mag-casual attire ka pero hindi naman pambahay. May pupuntahan ka kasi…”

“Naku, iho. Ayaw ko munang mamasyal. Kararating ko lang. Magpapahinga muna ako,” tutol ng Mama niya.

“Sorry, Mama. Pero kailangan n’yong puntahan ang magiging manugang n’yo,” pakli ni Froilan.

“Magiging manugang ba, ikamo? Aba’y sige, sunduin mo na ako.” Biglang nagbago ang isip ng matandang babae.

Muntik nang matawa si Froilan nang marinig ang pagbuwelta ng ina. Pero masaya siya dahil siguradong magugustuhan nito si Ofelia bilang daughter-in-law.

“Pasensiya ka na, Ma. Medyo nabaligtad ang sitwasyon. Dapat ay siya ang dadalhin ko sa inyo, pero may sakit siya ngayon.”

“Kow, wala sa akin ‘yon, iho. Ang importante’y nakita mo na ang babaeng pinag-iisipan mong makasama habambuhay,” bawi ng ina niya.

“Kailan ba ang kasal? Sabik na talaga akong magkaapo, e!”

[Want to read the Start of Stories Online titled – DESIRED BY THE BOSS…? Click Here!]

“M-medyo maraming sagabal, kaya kailangan ko pang magtiyaga pa nang husto.”

“Ang ibig sabihin, kailangan pa ng kaunting pangungumbinsi ang dalagang pihikan?” panghuhula ng kausap sa kabilang linya.

“Parang ganoon na nga, Mama.”

“Buweno, buweno, ang Mama na ang bahala. O, dali-dalian mong magpunta dine. Baka mainip ako. Gusto ko nang makilala ang magiging manugang ko sa ‘yo!”

Bumalik uli siya sa bahay ni Ofelia upang tiyakin na natutulog na nga ito.

Kinuha niya ang bungkos ng susi at ini-lock ang pinto at gate bago siya umalis.

Hindi na nga mapakali ang matandang donya nang dumating siya sa penthouse. Halos tulungan na siya nito sa paliligo at pagbibihis.

“O, kumain ka muna, iho. Baka magutom ka sa pagmamaneho,” alok ng ina habang iniaabot sa kanya ang isang sandwich na naka-platito.

“Ipinatawag ko na ang driver, Mama. Puyat ako kagabi kaya hindi ako ligtas na magmaneho.”

“Mabuti’t hindi ka nap’ano sa daan?”

“Kaya pa nang kaunti,” tugon niya habang inililipat sa bulsa ng bagong suot na pantalon ang laman ng hinubad kanina.

“Halinakayo, Ma. Baka magising ang pasyente ko.”

Tumatawa si Donya Zita habang pasakay sila ng elevator.

“Bakit kayo natatawa?”

“Naaalala ko kasi ang Papa mo. Naku, ganyan din siya noon sa akin. Napaka-thoughtful.”

Ngumiti si Froilan. “Ganito ba talaga ang umiibig, Mama?” tanong niya kapagkuwan.

“Lahat ng bagay sa mundo, gustong ialay sa paanan ng minamahal?”

“Naks! At naging makata na nga ang aking unico hijo!” pagbibiro pa muna ng ina bago siya tinugon.

“Oo naman. Kaya nga may nagsasabi pa diyan na susungkitin pa raw ang mga bituin at ang buwan!”

Parang ganoon nga ang pakiramdam ni Froilan.

Parang ibig niyang gawin ang lahat para makamit ang pag-ibig ni Ofelia!

Napaidlip siya habang sakay sila ng kotse. Sa harap naupo ang ina upang bigyan siya ng pagkakataon na magpahinga.

Nang maalimpungatan siya, iniabot nito ang cellular phone niya.

“Tumawag ang sekretarya mo. Mag-return call ka raw agad sa kanya. May emergency sa opisina.”

Natataranta nga ang tono ni Lorlie habang kinakausap niya.

“Sir, may tumawag ditong isang lalaki. Hindi namin alam kung nanloloko lang. Pero sinasabi niyang may itinanim daw siyang bomba sa ilalim ng mesa n’yo. Sir, ano’ng gagawin namin?”

“Tumawag na ba kayo ng pulis?”

“Opo, sir. Paparating na daw po.”

“Sige, lumayo kayong lahat diyan sa building natin. Magpunta kayo sa may tennis court. Para walang masaktan kung may mangyaring aberya. Papunta na ako diyan ngayon.”

Nagtatanong ang mga mata ng ina sa kanya.

“Ano’ng bomba ang naririnig ko?” usisa agad nito.

“May prankster na tumatawag sa telepono,” paliwanag niya.

“Pupunta ako doon pagkatapos ko kayong maihatid kay Lia. Babalik din ako agad. Aayusin ko lang ang mga empleyado natin.”

“Okey, mag-iingat ka, ha?”

Tumango si Froilan habang tinitingnan ang dinadaanan nila. Kabisado na ng drayber niya ang patungo sa bahay ni Ofelia.

Mahigit isang linggo na silang nagpupunta sa lugar ng dalaga.

“Nandito na tayo, Mama.” Dinukot niya ang susi upang buksan ang tarangkahan.

Papasok na siya nang muling kumuriring ang cellular na isinuksok niya sa bulsa ng suot na polo.

“Heto ang susi sa front door, Ma. Ikaw na ang magbukas. Bahala ka na muna diyan. Pupunta na ako sa opisina.”

Hindi na niya nahintay ang itutugon ng ina. Dali-dali na siyang nagbalik sa sasakyan.

“Hello, Lorlie? O, ano’ng development diyan?”

Tinutugon niya ang tawag habang nakatingin siya sa kanyang Mama. Papasok na ito sa loob ng bahay.

Nagising si Ofelia nang may maramdaman siyang nakatingin sa kanya. Agad siyang nagmulat ng mga mata.

Alam niyang umalis na si Froilan. Nagtulug-tulugan siya nang sumilip ito kanina.

Kaya hindi niya inaasahan na may kasama pa siyang ibang tao sa bahay.

Ngunit lalo lang siyang nabigla nang isang matanda na ngunit maganda pa ring babae ang nakatunghay sa kanya habang natutulog siya.

“Magandang hapon sa ‘yo, iha,” ang magiliw na bati nito sa kanya. “Ako ang ina ni Froilan.”

Nanlaki ang mga mata ni Ofelia. Tinangka niyang bumangon ngunit maagap siyang pinigilan ng panauhin.

“Huwag kang pabigla-bigla, iha. Baka mabinat ka. Magaling-galing ka pa naman na,” ang paalala nito.

Napilitan siyang mahiga uli.

“A-ano po ang ginagawa n’yo rito?” tanong niya nang makabawi ng kaunting kalma.

“May aberya sa opisina ng anak ko kaya ako muna ang pinagbantay niya sa iyo,” paliwanag ng kaharap.

“H-hindi ko naman po kailangan ng tagabantay. Dapat ay hindi na niya kayo inabala,” wika niya.

“Habang nakikilala mo ang anak kong iyon, malalaman mong may matigas na determinasyon ‘yon sa buhay,” ang pahayag ng matandang babae.

“Maaari ko bang gamitin uli ang telepono mo, iha? Ibig kong malaman kung ano na ang balita sa mga nangyayari sa opisina niya.”

May nabakas siyang matinding pag-aalala sa pa-kaswal na pagsasalita ng matanda kaya nawalang lahat ang pagkapahiya niya rito.

“M-may peligro po bang nangyayari ngayon sa opisina ni Froilan?”

Tumango ang ina ni Froilan.

“May nagtanim daw ng bomba sa ilalim ng mesa ni Froilan, ayon sa narinig kong sinabi ng sekretarya. E, kanina pa ako kumokontak, wala namang sumasagot.”

Parang inihulog sa isang mataas na lugar ang pakiramdam ni Ofelia nang marinig ang sinabi ng ina ni Froilan.

DESIRED BY THE BOSS-19

Leave a Reply

You must be logged in to post a comment.