Desired by the Boss-19

Nasa panganib ang buhay ng lalaking umiibig sa kanya — at minamahal naman niya ngunit tinanggihan niya! Ganito ang unang naisip ni Ofelia.

‘Diyos ko! Huwag N’yo pong itulot na mawala ang lalaking iyon!’ usal niya. ‘Iligtas N’yo po siya. Tatanggapin ko na po ang pag-ibig niya!’

Nagpumilit siyang bumangon uli.

Nagawa niyang tumindig bago nakabalik ang bantay niya.

Narinig niyang may kausap ang ina ni Froilan sa telepono.

“Mabuti na ang lagay niya,” wika ni Donya Zita.

“Oo, wala nang lagnat. Nagpapahinga na lang. Sino ba ang sasabihin kong tumawag, ineng? A, Jesusa ba ‘kamo? Oo, sige, sasabihin kong kinukumusta mo siya at hindi ka makaalis diyan sa trabaho mo? Okey, okey. Huwag mo na siyang alalahanin. Sino ako? A, ako ang kapitbahay niya. Oo. Ako si Don — Aling Zita. O, sige, babay!”

“Uh, D-donya Zita?” Pautal na tinawag ni Ofelia ang matandang babae.

[Want to read the Start of Stories Online titled – DESIRED BY THE BOSS…? Click Here!]

“N-natawagan n’yo na po ba si Froilan?”

Iyon agad ang namutawi sa bibig niya gayong ang ibig niyang itanong ay ang tungkol sa pagtawag ni Jesusa.

“Ay, butiki! Susmaryosep kang bata ka! Naku, bakit ka tumindig? Baka mabinat ka. Halika, dito ka maupo.”

Humangos sa tabi niya ang nagulat na matanda upang tulungan siya sa paglakad palapit sa malalambot na sopa.

“Hindi ko pa nga makontak. Siyanga pala, may tumawag na Jesusa. Ngayun-ngayon lang. Kinukumusta ka niya. Alam daw niyang maysakit ka, magmula pa kahapon. Alalang-alala siya pero nakumbinsi ko naman siyang maayos na ang lagay mo.”

“S-salamat po sa pagtugon n’yo sa tawag niya, Donya Zita.”

“Walang anuman, iha.” Ngumiti ito sa kanya na para bang matagal na silang magkakilala.

“Gumawa ako ng calamansi juice. Maganda sa namamaos mong boses ‘yon. Teka’t ikukuha kita.”

Maliksing nakatindig ito bago pa siya nakatutol. Kunsabagay, medyo nanunuyo na ang lalamunan niya.

“Heto, tig-isa tayo. Ubusin muna natin ito bago ako susubok na kumontak uli,” wika nito habang iniaabot sa kanya ang mataas na basong puno ng limonada.

Nangangalahati na ang mga baso nila nang kumuriring ang telepono. Sabay pa silang napatalon sa pagkagulat.

“Ako na ang sasagot, iha,” paalam ng matanda habang dinadampot ang receiver.

“Hello? Froilan! Kumusta na diyan? A, tapos na? Nahuli ba ng mga pulis ang luku-luko? Hindi? Naku, sayang. Napaka-salbahe naman n’un!” Sumulyap sa kanya si Donya Zita.

“Oo, nandito siya sa harap ko ngayon. Kuu, bumangon na siya. Hindi ko mapigilan. Mukhang malakas na naman, e. Kakausapin mo siya? Teka’t itatanong ko.”

Bago pa makapagsalita ang matanda, tumatango na si Ofelia.

“H-hello?” Hindi niya makilala ang sariling tinig dahil sa nakabahid na matinding pag-aalala.

“Hi!” Puno naman ng pagkasabik ang boses ni Froilan. “Kumusta ka na?”

“Uhm, kagigising ko lang,” tugon niya.

“No more bad dreams?”

Umiling si Ofelia kahit na hindi siya nakikita ng lalaki.

“W-wala na.”

“Lia? I hope you won’t get mad with me. I’ve got something important to say to you.”

“H-hindi ako magagalit,” wika ni Ofelia.

“I love you.”

Nangilid ang luha ni Ofelia.

“Oh! Oh, Froilan! S-sana, tutoo ‘yan, Froilan,” bulalas niya, pa-garalgal.

“Nakahanda akong patunayan ang katotohanan ng damdamin kong ito, Lia,” ang sinseryong wika ng lalaki.

“Gusto kong maniwala ka.”

“H-hindi na kailangan, Froilan,” bawi niya matapos huminga nang malalim.

Saglit na katahimikan ang sumunod habang pinipilit sundan ni Froilan ang tinutumbok ng mga salita niya.

“W-what do you mean, Lia?”

“I’m saying ‘yes’, Froilan,” pahayag niya, halos pabulong.

“Oh, sweetheart! You won’t regret saying that one special word! Darating na ako diyan. Tatapusin ko na lang ang mga kailangang ayusin dito. Pupunta na ako diyan!”

Nang mag-angat siya ng tingin, nakita niya ang kaligayahang nadarama sa mukha ng butihing ginang.

“Ikinagagalak kong maging isa ka sa aking mga anak, iha!” sambit ni Donya Zilla habang niyayapos siya nang buong pagkagiliw.

“Malugod kitang tinatanggap sa aming pamilya!”

Hindi makapagsalita si Ofelia dahil may bikig sa kanyang lalamunan.

Ngunit maligayang-maligaya siya!

Hatinggabi na nang makarating si Froilan sa bahay niya. Nagtutukatok na silang dalawa ni Donya Zita.

Nakahiga siya sa kanyang kama, samantalang ang matandang babae ay nagpapahinga sa mahabang sopa.

Siya ang unang nakarinig sa ugong ng sasakyan na huminto sa labas. Dali-dali siyang bumalikwas ng bangon.

Mababaw naman ang tulog ng matanda.

“Ako na ang magbubukas, iha. Hintayin mo na lang siya dito. Tiyak namang dito tutuloy ‘yon,” ngiti nito habang tumitindig.

Naulinigan niya ang maikling pag-uusap ng mag-ina bago ang ugong ng papalayong sasakyan.

Pigil-hininga siyang naghintay sa pagdating ni Froilan.

Mukhang pagod at haggard ang hitsura ng lalaki ngunit bakas sa pangingislap ng mga mata nito ang masayang pakiramdam.

“Lia,” sambit nito habang humahakbang palapit sa kanya.

“Hindi na nakapagpaalam si Mama. Pinauwi ko na siya para makapagpahinga na. At para magkaroon na tayo ng privacy.”

Pinigil ni Ofelia ang nadaramang pagkakimi.

Ngayon pa ba siya magpapatalo sa kanyang kahinaan?

Dininig ng Diyos ang kanyang kahilingan, hindi ba?

Kaya dapat lang na tanggapin na niya nang lubos ang kanyang kapalaran sa piling ng lalaking ito.

“Hindi mo na sana siya inabala pa, Froilan. Magaling na naman ako kaninang umalis ka. Hindi ko kailangan ang bantay,” umpisa niya.

“Nakakahiya naman kay M-mama,” dugtong niya.

“Ibig ko lang ipakilala sa ‘yo ang aking ina, Lia,” paliwanag ng lalaki habang nakangiti nang buong pagmamahal sa kanya.

Naupo ito sa gilid ng kama upang mahawakan ang isang kamay niya.

“Did you like her?”

Tumango ang dalaga. “Yes. Napakabait niya, Froilan.”

“She likes you, too. Sinabi niyang magaling daw akong pumili ng mamanugangin niya.”

Lumamlam ang mga mata ni Ofelia.

“Bakit bigla kang nalungkot? May nasabi ba akong mali?”

Huminga siya nang malalim bago nagsalita.

“W-wala,” sagot niya. “M-marami ka pa kasing hindi alam tungkol sa akin pero tinatanggap mo na ako nang buung-buo.”

“Hindi ko rin alam kung bakit ganoon ang nadarama ko, Lia. Pero iyon ang iniuutos ng puso ko — ang tanggapin ka sa aking buhay, maging sino ka man.”

Natahimik si Ofelia habang ninanamnam niya ang tamis ng mga katagang puno ng katapatan.

“Maaari ka bang mahiga uli dito sa tabi ko, Froilan?” hiling niya nang bigla siyang masabik sa init ng pagmamahal na naging baluti niya kagabi.

DESIRED BY THE BOSS-20

Leave a Reply

You must be logged in to post a comment.