Desired by the Boss-6

Hindi na overwhelming ang presence ng lalaki kay Ofelia ngayong may nakaharang na isang malapad na lamesa sa pagitan nila.

Pinayagan niya ang sarili na makipagtitigan sa estranghero.

Napagmasdan niya ang mga matang matatalas na pirming may nakatabing na mahahabang pilikmata.

Ang matiim na bibig ngunit may henerosong hubog ng ibabang labi. Pati ang matangos na ilong, ang mataas na noo, ang makakapal na kilay, at ang determinadong hubog ng baba at panga.

Isang larawan ng katatagan ang nasa harapan ni Ofelia.

Hindi niya napigil ang pagsibol ng pananaghili sa isang katangian na wala siya…

“No offense meant, Miss Reyes. Gusto ko lang mag-comment sa pagkakaroon mo ng mga kaibigang trustful and concerned. Bihira nang mangyari sa panahon ngayon ang ipagkatiwala ang anumang ari-arian sa sinuman. Kahit sa kamag-anak — lalo na sa kaibigan,” pahayag ng lalaki.

Dumiretso ang linya ng likod ng dalaga sa tinuran ng kaharap.

[Want to read the Start of Stories Online titled – DESIRED BY THE BOSS…? Click Here!]

“Are you implying something? Kumpleto ang mga signatures sa authorization letters, hindi ba? Tiniyak naming notarized ang lahat ng mga papeles ng requirements ko.” Hindi niya napigil ang defensiveness ng kanyang tono.

“Whoa!” Tumaas ang mga kamay ni F.J. bilang pahiwatig na sumusuko ito sa napipintong argumento.

“I’m not implying anything, Miss Reyes,” tanggi nito.

“Really?”

Ngumiti ang lalaki. Isang ngiting puno ng matamis na sinseridad.

“Really, Miss Reyes. I’m just making a personal observation,” wika pa nito sa masuyong tono.

Napakurap si Ofelia nang maramdaman niyang sumikdo ang kanyang dibdib.

Ngayon lang siya nagkaroon ng ganitong reaksiyon sa isang lalaki.

Agad siyang nagbaba ng tingin.

“Okey. I believe you,” bawi niya para mabago na ang pinag-uusapan.

“Maaari bang sa negosyo na lang natin iukol ang anumang sasabihin natin?”

“Yes, of course.” Pumormal na uli ang lalaki.

Naging business-like na ito sa pagpapaliwanag ng maraming technical data na kailangan sa pagsisimula ng isang negosyo.

“Isa sa mga benefits na ino-offer namin ay ang free services ng isa sa mga accountants dito para tulungan ka sa pagta-tally ng iyong accounts and finances,” pagtatapos ng lalaki nang nasa dulo na sila ng discussion list.

“Of course, kung may mga tanong ka pa at iba pang pangangailangan, we’re always here to assist you in your young business. Gusto naming ibigay ang lahat ng makakaya naming gawin para sa mga bagong negosyante ng ating bansa,” dagdag pa.

Natagpuan ni Ofelia ang sarili na nahuhulog na sa lubos na pagtitiwala ang kanyang kalooban dahil sa matatamis na pangakong namumutawi sa bibig ng kausap.

Muli niyang ginising ang kanyang kamalayan.

“Can we put those promises in black and white?” tanong niya.

“So that I can have a reminder, everytime I meet an obstacle,” dugtong niya para ma-disimula ang pagdududa niya.

Ngumiti ang lalaki habang tumatango.

“Nasa kontrata na ang lahat ng mga iyan, Miss Reyes. Ipinapayo ko na rekisahin mo munang maigi ang mga nilalaman ng agreement natin bago mo pirmahan,” anito habang iniaabot sa kanya ang isang kopya ng triplicate na inihatid ni Lorlie kanina.

Tumango si Ofelia.

Dadaan pala siya kay Jesusa ngayon. Ipapakita niya ang kontrata dito.

Tumindig si F.J. kaya napatindig na rin si Ofelia.

“No, maupo ka uli. Hindi pa tayo tapos mag-usap, Miss Reyes,” pigil nito nang akmang aalis na siya.

“Tatawagin ko lang si Attorney. Para siya naman ang magpaliwanag ng mga ibang legal points na nandiyan sa contract natin.”

Napaupo uli siya nang manlambot ang mga tuhod niya dahil napuna na naman niya ang taas at laki ng kabuuan nito.

Hindi niya alam na bumadha ang di-mapigil na takot sa kanyang mga matang malalaki at bilugan.

Kaya napamaang ang lalaki.

“Is anything wrong, Miss Reyes?” tanong nito, nag-aalala.

Dali-daling umiling si Ofelia.

Iniiwas niya ang tingin upang mapalis ang sindak na gustong sumulak sa kanyang kaibuturan.

“N-nothing. I’m sorry.”

“Tatawagin ko lang si Attorney,” ulit nito. “Diyan ka lang, ha?”

Tumango si Ofelia.

Ngunit dali-dali siyang tumayo upang sumunod palabas nang matiyak na nakalayo na ang lalaki.

Walang nakapansin sa kanya nang patalilis siyang sumakay sa elevator.

Kinakasihan siya ng pagkakataon dahil nabuksan agad ito nang pindutin niya ang button.

“Ma’am,” bati ng guwardiyang nasa may pagpasok ng pinto nang mamataan siya.

“Thank you for visiting us. Please, come again.”

Pilit ang pagngiti at pagtango ng dalaga sa standard courtesy ng security force sa sinumang kliyente na pumapasok sa gusali.

‘I don’t know,’ tugon niya pero sa sarili lang.

Madali siyang nakalabas ng gate. Kumaway siya sa taksing nagdaraan.

Parang hindi na niya gustong bumalik sa lugar na iyon.

Puwede pa naman siguro niyang iurong ang paglo-loan — ?

“Aba, hindi na puwedeng iurong, Eli,” ang matigas na pagtanggi ni Jesusa nang sabihin niya ang kanyang naiisip dito.

“Malaki na ang hirap mo, a? Ilang beses ka nang nagpabalik-balik doon. Namuhunan ka na ng panahon at pera. Hindi naman libre ang paglalakad ng mga requirements,” patuloy pa nito.

“N-natatakot ako sa kanya, Jess,” pag-amin niya nang makasingit na sa nagsesermon na kaibigan.

Nawalan ng imik si Jesusa. Napatitig na lang sa kanya. Kapagkuwan, huminga ito nang malalim.

“Bakit hindi mo siya gamiting lunas?” suhestiyon nito matapos mag-isip sandali.

“S-sino? Si F.J.?”

Tumango ang kaharap.

“F.J.,” ulit nito. “Pangalan na ba ‘yon?”

Nabalisa si Ofelia.

Tumindig siya. Nagpalakad-lakad sa masikip na ispasyo ng opisina ni Jesusa.

Hindi niya tinugon ang tanong nito. Nakatuon ang atensiyon niya sa suhestiyong ipinasok sa isipan niya.

“A-ano’ng ibig mong gawin ko, Jess? Gamitin kong pang-exorcist ang lalaking ‘yon?” tanong niya nang magpaikut-ikot siya sa loob ng utak niya.

“Puwede mong gawin ‘yon. Alangan namang habang buhay ka na lang natatakot sa mga lalaking matangkad at matipuno?”

Napahinto si Ofelia.

“Hindi naman siya kamukha ni — ng madrasto ko.” Hindi pa rin niya masabi nang malakas ang pangalan ng ama-amahan.

“Malayo ang hitsura nila sa isa’t isa,” dugtong niya.

Napamaang si Jesusa.

“You mean, napagmasdan mo siya nang malapitan?” Tila hindi ito makapaniwala.

“O-oo,” tugon ni Ofelia.

Namamangha rin siya dahil nagawa niyang titigan si F.J. kanina.

DESIRED BY THE BOSS-7

Leave a Reply

You must be logged in to post a comment.