Desired by the Boss-9

“I see,” wika ni F.J. habang naghihintay sa pagbubukas ni Ofelia sa front door.

“Sana naman, nagustuhan rin ng kaibigan mo ang mga kundisyon na nakapaloob sa agreement. Nabanggit ko bang hanggang year-end lang ng taong ito ang offer naming mga free services?”

Sumulyap siya sa lalaki.

“O-oo, nagustuhan lahat ni Jess,” tugon niya. Nalilito siya na hindi niya maintindihan

“Jess?” ulit ni F.J. “Nobyo mo si Jess?”

Aywan kung bakit pinamulahan ng mga pisngi si Ofelia.

“B-babae si Jess,” paliwanag niya. “Jesusa ang talagang pangalan niya.”

Ngumiti ang lalaki. Para bang ikinatuwa ang ipinagtapat niya.

“She must be a helluva woman — for having a masculine nickname,” pahayag nito.

[Want to read the Start of Stories Online titled – DESIRED BY THE BOSS…? Click Here!]

Muli siyang nagnakaw ng sulyap sa lalaki.

“Apat kaming magkakaibigan,” patuloy niya, “pulos panlalaki ang mga palayaw: Andy for Alejandra, Mar for Myrza, at Eli para sa akin. Alam mo na ang kay Jesusa.”

Hindi alam ni Ofelia kung bakit nagpapaliwanag pa siya. Ang sigurado lang ay litung-lito siya at halos desperado nang mabawi ang nawawalang wisyo.

Natahimik na naman ang lalaki. Para bang talagang naiibahan.

“Then, I think, you’re all helluva women,” anito kapagkuwan. Napakasuyo ng mababang tinig.

Hindi niya napigil ang paggapang ng mala-kuryenteng kilabot sa kanyang likod paakyat sa kanyang batok.

“We’re just a bunch of ordinary women, Mr. F.J.,” pakli ni Ofelia nang muling mabawi ang nawalang wisyo.

“We’ve just met, but I already know that you’re an extraordinary woman, Ofelia Reyes,” bawi ng lalaki.

“B-bakit nagsasalita ka ng ganyan?” tanong niya rito.

Pormal ang kanyang tono kahit na namumula ang namumurok na mga pisngi.

“Dapat ay ako ang nambibilog sa ulo mo — dahil ako ang may kailangan sa inyo, hindi ba?”
Napamaang si F.J. sa tinuran niya. Puno kasi ng sinismo ang kanyang malamyos na tinig.

“May masama ba sa sinabi ko?”

Huminga nang malalim ang dalaga.

“Uhm, magtitimpla ako ng kape. Maupo muna kayo, sir,” tugon niya, paiwas.

Hindi niya dapat inaaway ang lalaki.

“Huwag ka nang mag-abala, Ofelia. Galing ka sa biyahe. Siguradong pagod ka na,” pigil ng lalaki sa kanya.

Nagpapigil naman si Ofelia. Ayaw niyang magtagal si F.J. dito.

“F.J.,” baling niya rito. “Iyan ba talaga ang pangalan mo?”

Tumango ang lalaki. Nakangiti pa rin kahit na neutral ang ekspresyon niya.

“F.J. stands for Froilan Jacinto.”

“Jacinto?” ulit niya. “Kaanu-ano mo ang may-ari ng Jacinto Banking and Finance Inc.?”

“Ako ang Jacinto Banking & Finance, Inc.,” ang malumanay na pahayag ng lalaki. Buo ang kumpiyansa sa sarili.

Kung ibang lalaki marahil ang nagsalita nang gayon, magiging mayabang siguro ang dating.

“I-ikaw mismo ang may-ari ng bangko?” Hindi siya makapaniwala.

“Tawagin mo na lang akong ‘Roi’,” wika nito.

“At kung hindi mo mamasamain, gusto ko sanang palayawan ka ng ‘Lia’. Puwede ba?”

Napapitlag ang dalaga sa narinig. Agad na lumutang sa alaala niya ang kanyang ina.

Ito lamang ang tumatawag sa kanya ng ‘Lia’…

“B-bahala kayo, pero hindi ko kayo matatawag sa gusto n’yo, Mr. Jacinto,” bawi niya.

“Bakit naman hindi?”

“H-hindi magandang tingnan. Kliyente n’yo lang ako. Hindi naman tayo magkaanu-ano.”

“I’d like us to be friends, Lia.”

Parang biglang gininaw ang dalaga nang mga sandaling iyon. Napagkit pati ang kanyang mga mata sa mala-magnetong pagtitig nito sa kanya.

Ang ipinagtataka niya nang labis, hindi man lang niya naramdaman ang pagsulak ng pamilyar na sindak sa tuwing may lalaking nakatitig na sa kanya.

“I — I don’t think we could be friends, Mr. Jacinto,” tanggi niya. “M-magkaiba tayo — ”

“Hindi naman sagabal ang pagkakaiba, Lia. Nagiging tulay pa nga ‘yan, kung minsan,” pakli ni Froilan Jacinto.

Nabalisa si Ofelia.

“A-ano nga pala ang tunay na dahilan ng pagpunta mo rito, Mr. Jacinto?” pananalakab niya.

Tila nag-isip muna ng isasagot ang lalaki bago nagsalita.

“Ibig kong malaman kung bakit bigla ka na lang umalis sa opisina ko kanina,” pag-amin nito.

“Pagdating namin ni Attorney, wala ka na. Ni hindi ka raw nagpaalam kay Lorlie.”

Kahit na nang-uusig na dapat ang tono ni Froilan Jacinto, banayad pa rin ang pagsasalita nito.

“I’m sorry. Nag-panic lang siguro ako kanina. Natakot ako sa laki ng responsibilidad na mapapaatang sa mga balikat ko sa sandaling mag-umpisa na ang restaurant business ko,” paliwanag niya.

Tumangu-tango ang lalaki.

“Hindi ka dapat matakot, Lia. Katulad nga ng mga nasabi ko na, nandito lang kami palagi sa likod mo. Aalalayan ka namin, kapag madadapa ka. Sasaluhin ka naming — kung sakaling babagsak ka.”

“Your offer’s too good to be true, Mr. Jacinto,” bawi niya.

“Yes,” pag-amin naman ng lalaki.

“Iyan ang inihanda naming regalo para sa mga Pilipinong negosyante,” ang maagap na salo nito.

Sa sinabing ito ng lalaki, saka lang nalubos ang paniniwala ni Ofelia.

Isang napakagandang ideya naman ang naisip ng mga taga-Jacinto, Inc. para panghandog sa mga kliyente!

“Nagpunta rin ako dito dahil nakalimutan mo yatang isumite sa akin ang resulta ng iyong feasibility study. Nasa notes ni Mrs. Jose ang tungkol sa appointment mo sa kanya ngayong araw na ito,” paalala ng kausap sa kanya.

“Uhm, oo. Dala ko nga ang location sketch at ang market observation ko kanina,” pagtatapat niya.

“Maaari ko bang makita?” hiling ng lalaki.

“Kukunin ko,” wika niya.

Kinuha niya sa loob ng shoulder bag ang envelope na kinalalagyan ng mga resulta ng paglilibot niya sa Araneta Center kahapon.

“Maganda ang venue mo, a? Malapit pa dito sa bahay mo. I’m sure, magiging compact ang schedule mo dahil hindi ka gaanong mauubusan ng oras sa transportation time,” puna ng lalaki matapos basahin ang mga sulat-kamay niya.

“Salamat,” sambit niya.

Nagdudulot ng saya sa kanyang kalooban ang pagpuri ng lalaki sa kakayahan niyang magplano.

“Available ba talaga ang lugar na ito? Approved na ako dito. Bukas, ipaaasikaso ko na ito sa isa sa mga liaison officers ng opisina ko.”

“Pero — ”

“May gusto ka pa bang ibang lugar?”

Umiling si Ofelia. “H-hindi pa napipirmahan ang mga kontrata natin,” paalala niya.

“Oh,” salo ng lalaki, pa-kaswal, “is that the only reason for your hesitation?”

Kinuha nito ang isang document wallet sa inside pocket ng suot na formal blazer.

“P-pipirmahan na natin ngayon?” Hindi makapaniwala si Ofelia. “Kahit na walang abogado?”

DESIRED BY THE BOSS-10

Leave a Reply

You must be logged in to post a comment.

You must be 18 years old to visit this site.

Please verify your age