Ofelia was a prisoner of her traumatic past. Even after several years, she could not free herself from the nightmares…
Until Froilan came into her life. He blasted every single fear she had and showed how desirable he found her.
Sa wakas, may pagkakataon nang makalaya si Ofelia sa mga bangungot na umaalipin sa kanya.
Ngunit paano kung tutoong mabagsik ang sumpang bawal siyang magmahal – at mahalin?
Tunay kaya ang pag-ibig ni Froilan para tuluyang maging malaya ang dalaga?
* * *
Takipsilim. Oras ng hapunan ng bawat pamilya, maliban sa loob ng isang tahanan kungsaan isang krimen ang naganap…
Isang dalagitang nasa edad disisais ang dinakip ng mga awtoridad bilang pangunahing suspect sa salang pagpatay.
Diumano, ang dalagitang itatago sa pangalang ‘Martina’ ay natagpuang tulala habang nakasiksik sa isang sulok.
Samantalang ang madrasto ay nakahandusay sa salas, naliligo sa sariling dugo at walang ng buhay.
Ayon sa awtopsiya, isang martilyo ang ginamit ng salarin para basagin ang bungo ng biktima.
Napag-alaman sa mga kapitbahay na isang linggo pa lang ang nakakalipas nang mamatay sa sakit sa puso ang ina ni Martina. Kaya tanging ang mag-amain na lamang ang natira sa inuupahang bahay.
Bagama’t walang testigo, ang agad na itinuro ng mga kapitbahay na may sala ay ang dalagita. Ito lamang umano ang may motibong gawin ang karumal-dumal na krimen.
“Misis, paano n’yo natiyak na si Martina lamang ang puwedeng gumawa ng naganap na pagpatay?” tanong ng sarhento sa mataba at malaking babae na may maliliit na mga mata.
Sumurot sa direksiyon ng dalagita ang daliring maikli at animo luya bago nagsalita ang maitim na babae.
“Malimit ikuwento sa akin ng tiyuhin niya na may kamalditahan daw ‘yang si Ofel — este, Martina na ‘yan! Aba’y kung sagut-sagutin ang mabait na amain ay ganun-ganun na lang — para bang mag-asawa lang sila? Hindi gumagalang gayong dapat ay ituring na magulang. Kinukumpleto naman siya sa mga gastusin. Pinag-aaral pa nga siya! Ibinibili ng mga gusto — ”
“E, misis, ang ibig lang ho naming malaman ay kung nasaksihan n’yo ba — na nakita ba ng dalawang mga mata ninyo ang pagpatay ni, er, Martina, sa kanyang madrasto?” sabad ng sarhento na halatang nayayamot na sa haba ng pasakalye ng kinukuhanan ng statement.
“E, e, h-hindi ko nakita pero sigurado akong siya ang pumatay sa biktima!” Talagang makulit ang babaeng may makakapal na labi at patulis ang nguso.
“Paano ka naman nakasigurado?”
“Sapagkat siya lang ang may motibo. Buhay pa ang ina niyan ay may nangyayari nang milagro sa kanilang mag-tiyuhin. Siguro, nagselos dahil magandang lalaki naman ‘yung biktima. Macho pa. Kaya, ayun, dinedo na lang ng walanghiyang babaeng ‘yan!” Hindi na nagpigil sa pagkati ng dila ang babaeng nagprisintang tetestigo.
Napailing-iling ang sarhento.
“Misis, misis, huminahon kayo,” awat nito sa kaharap.
“Ewan ko naman ke Maning, nandito naman ako — kung bakit ang mag-inang hidhid pa ang ginusto niyang pakisamahan. Ayan, tuloy, napatay siya nang walang laban! Hu! hu! hu!”
Napapalatak ang ibang mga naruruon. Kaya naman pala desididong idiin ang dalagita, may lihim na pagtatangi ang babae sa napatay.
“Misis, ang mabuti pa, umuwi na lang kayo,” pagtataboy ng sarhento sa kausap.
“Aba, hindi. Kailangan ko pang magbigay ng statement laban sa babaeng ‘yan!”
Nagmatigas pa ang humahagulgol na babae. Tila nakahandang maghisterikal.
“Kailangang mabigyan ng katarungan ang pagkamatay ni Maning! Oh, Maning, mahal na mahal kita! Bakit mo ako iniwan?”
“Mga pards, wala na ang isang ito. Iuwi n’yo na lang sa bahay niya. Walang kuwenta ang mga sasabihin niyang patunay,” utos nito sa mga kasamahan.
Pakaladkad na inilayo ng mga pulis ang naghihisterikal na babae.
Ang dalagita naman ang binalingan ng sarhento.
“Ineng, huwag kang matakot. Sabihin mo sa akin kung ano ang talagang nangyari.”
Hindi sumagot ang tinanong. Nanatili lang itong nakayapos sa mga tuhod habang nakatingin sa sahig. Walang hinto ang pagdaloy ng luha mula sa mga matang puno ng sindak.
Dinukot ng pulis ang panyolito sa bulsa ng uniporme. Iniabot sa kaharap.
“Punasan mo na ang luha mo, ineng. Wala na ang Tiyo Maning mo. Hindi mo na siya makikita.”
Saka lang nag-angat ng mukha ang dalagita. Basang-basa ang mga pisnging humpak at maputla.
“M-masamang tao siya, sir. G-gusto niya akong — pero a-ayaw ko!”
“Nagtagumpay ba siya?”
“L-lumaban po ako. N-nakatakbo po ako palabas ng kuwarto. N-nagkulong po ako sa banyo…”
“Palagi ka ba niyang pinagtatangkaang halayin?”
“O-opo,” hikbi ng dalagita. Nakayuko na naman na para bang hiyang-hiya.
“Ang ibig mong sabihin, kahit na minsan hindi ka pa niya nagagalaw?”
“H-hindi po.”
Nakadama ng kasiyahan ang maawaing sarhento ngunit itinago agad.
“Alam mo bang ikaw ang pinagbibintangang pumatay sa iyong Tiyo Maning?”
Tumango ang dalagita. Muling nanginig ang payat na katawan. Halatang matagal na nasalat sa nutrisyon.
“Ikaw ba ang pumatay sa kanya?”
Umiling ang dalagita. Pumikit nang mariin at niyapos pa nang mas mahigpit ang mga tuhod.
“Nakita mo ba kung sino ang pumatay sa kanya?”
Umiling uli ang dalagita.
“Buweno, malalaman natin sa imbestigasyon.” Nagsubo ng panibagong papel sa makinilya ang sarhento.
“Ano’ng buong pangalan mo? Pati ang edad at ang eksaktong address ng iyong tinitirhan.”
“A-ako po si Ofelia Reyes, s-sixteen, taga-Libertad…” umpisa ng dalagita matapos magpalinga-linga na para bang tinitiyak na wala na nga sa paligid si Maning Santos.
“Tumawag na ako sa D.S.W.D.,” pahayag ng pulis matapos ang interview.
“Susunduin ka ng isang social worker. Kailangan mong sumama doon, ineng, dahil hindi ka puwedeng isama sa mga buwitreng nandiyan sa loob ng selda. Kung nakaligtas ka kay Maning, hindi sa mga iyan.”
Lalong namutla ang dalagita nang malingunan ang mga bilanggong babae na mga mukhang lalaki na dahil sa matitigas na loob. Hinuhubaran siya ng mga matang puno ng pagnanasa.
Agad na tumalikod si Ofelia sa mga ito.
“S-sir, sasama po ako sa social worker,” pangako nito.
“Good, good. Teka’t magpapakuha ako ng kape sa boy para mainitan ang sikmura mo.” Tumindig ang pulis upang tawagin ang utusang binatilyo sa presinto.
“H-huwag na po, sir!” pigil ni Ofelia sa opisyal.
“H-huwag n’yo po akong iiwan dito,” pakiusap niya.
Ayaw niyang maiwang mag-isa sa lugar na iyon.
Natatakot siya.
Bumuntonghininga ang sarhento. Nag-alala rin ito nang makita ang matinding sindak na nasa hapis na mukha ng dalagita.
“Hindi ka ba nagugutom?”
Sunud-sunod ang pag-iling ni Ofelia.
“Buweno, mamaya na lang ako kakain. Hihintayin na lang muna natin ang sundo mo.”
Dumating nga ang isang may edad na babae na tila may busilak na kalooban.
Sumama siya rito nang walang pag-aalinlangan.
Kailanman ay wala siyang pinagsisihan sa desisyon niyang iyon dahil natagpuan niya ang tatlong babaeng nagbigay sa kanya ng dahilan para ituloy ang buhay.
Sina Jesusa, Alejandra, at Myrza!
Ngunit kahit nakalipas na ang maraming mga taon, nanatiling bilanggo si Ofelia ng masasamang alaala…
Sa loob ng munti pero maayos na tahanan, mahimbing na natutulog si Ofelia.
Hindi niya ramdam ang alinsangan ng gabi dahil sa airconditioner na nasa kuwarto niya.
Dakong hatinggabi nang magsimula siyang managinip.
Matagal na siyang hindi nananaginip. May isang taon na.
Ang akala nga niya ay tuluyan nang nabaon sa limot ang mga pangit na alaala.
Hindi pa pala…
Palaging nagsisimula ang panaginip sa eksenang umuwi ang kanyang Inay at Tiyo Maning.
Nabigla nang labis si Ofelia noon dahil unang pagkakataon iyon na nakita niyang may kasamang lalaki ang medyo may edad nang si Aling Rosing.
“I-inay? Sino po siya?”
“Siya ang iyong Tiyo Maning, Lia. Magmula ngayon, dito na siya titira sa bahay natin.”
‘Pinalitan n’yo po si Itay?’ Iyon ang gusto niyang itanong sa kanyang ina ngunit hindi siya makapagsalita dahil sa magkahalong hinanakit at pangamba.
Ayaw niya kay Maning. Iba itong tumingin sa kanya. Para bang inaalisan siya ng suot niyang duster.
Nagsawalang-kibo na lang siya. Ang paniniwala kasi niya, wala siyang karapatang magsalita sa kanyang ina.
Anak lang siya.
Isa pa, mahal na mahal niya ang nag-iisang magulang. Kailanman, hindi niya pa ito nabibigyan ng sama ng loob.
At hindi siya magsisimula nang dahil lang kay Maning!
Tiniis niya ang malalaswang tingin ng amain para lang mapagbigyan ang kaligayahan ng kanyang Inay.
Wala siyang pinagsasabihan ng mga ginagawa nitong panghihipo sa kanyang balakang o puwitan kapag napapadaan siya sa tabi nito.
Nagdoble na lang siya ng pag-iingat.
Sinisiguro niyang palaging naka-lock ang banyo o ang kuwarto kapag nasa loob siya ng mga iyon.
Ngunit nangyari ang di niya inaasahan. Biglang inatake sa sakit sa puso ang kanyang mahal na ina. Naiwan siyang mag-isa kay Maning.
Sa bahaging ito ng panaginip ni Ofelia, biglang bumibilis ang takbo ng mga sandali.
Paano’y patungo na sa pagiging bangungot…
Nakadagan na sa kanya ang nakangising lalaki. Hinihilang pataas ang kanyang t-shirt.
Pinipilit hubarin ang kanyang pantalong maong. Palaging makapal ang kanyang mga suot na saplot upang may proteksiyon siya kahit na sa pagtulog.
“Pu — !” Nagmura na ito nang mahirapan sa gustong gawin.
“Masyado kang pakipot, a? Ang arte-arte mo! Hindi puwedeng sa iba ka pa mapunta. Ang laki na ng hirap ko sa ‘yo!” angil nito habang inuulaol ng magaspang na bibig ang kanyang leeg.
Nagpumiglas si Ofelia. Kinalmot niya ang mukha ng buhong na amain.
Sumikad ang mga tuhod niya. Napaigik sa sakit ang katunggali.
Nabitiwan siya kaya nakakawala siya.
Ang sumunod na eksena ay nang nasa loob na siya ng banyo. Nagawa niyang ikabit ang malaking pako sa lusutang butas na nasa hamba ng pinto kaya hindi siya masundan ni Maning sa loob.
“Ofelia! Buksan mo ang pinto!” utos ng malaking boses ng ama-amahan habang kinakalabog ang dahon na yari sa manipis na plywood.
Nanginginig si Ofelia ngunit hindi siya tumalima. Naghahanap ang kanyang mga mata sa palibot ng munting kubikulo.
Kailangan niyang makalabas dito bago pa magiba ng lalaki ang taguan niya!
Nasa akto siyang tumutuntong sa labi ng drum upang maabot ang kisame nang maulinigan niya ang malakas na daing ng isang nasaktan.
Galing sa labas.
Nakakangilo ang ingay na tila nadudurog… para bang mga butong nababasag sa loob ng katawan.
Nang tumahimik na ang paligid, saka lang siya naglakas-loob na sumilip sa maliit na siwang sa dingding.
Ang nakita niya agad ay ang mga tilamsik ng dugo sa sahig na linoleum. Dali-dali siyang lumabas.
Natagpuan niya ang duguang madrasto sa sala. Malakas ang tagas ng dugo sa malaking sugat sa ulo.
Naduwal si Ofelia. Wala siyang boses para sumigaw.
Sumiksik na lang siya sa isang sulok nang malugmok siya sa labis na pagkabigla.
O ayaw niyang sumigaw?
Hindi doon natapos ang bangungot. Bumangon pa daw ang bangkay upang daluhungin siya.
Itutuloy pa ang maitim na balak hanggang kamatayan!
“Akin ka lang, Ofeliaaa! Walang ibang makikinabang sa ‘yooo!” sambit ng duguang bibig ng ama-amahan habang sinasakal siya.
Sa parteng ito nagigising si Ofelia.
“Hindi! Hindiii!” Sumisigaw siya.
Pawis-pawisan ang buong katawan niya at kinakapos ng oksihena ang mga baga.
Tuyung-tuyo ang loob ng bibig at lalamunan niya habang naghahabol ng paghinga.
Humahagulgol siya ng iyak ngunit walang ingay ang kanyang mga hikbi. Para siyang binalot ng matinding lamig dahil sa matinding panginginig na nadarama.
Kahit na gising na siya, parang naaamoy pa niya ang lansa ng dugong kumapit sa sahig at sa dingding ng dating tirahan.
A, ni hindi sumagi sa utak niya na saklolohan ang kinamumuhiang tiyuhin! Kung hindi siya naunahan ng takot na matagal nang nang-aalipin sa kanya, baka nagsayaw pa siya noon sa tuwa!
Ngunit alam niyang hindi tama ang ganoon. Kaya marahil hanggang ngayon, inuusig siya ng konsensiya niya.
Dapat ay humingi siya ng tulong sa mga kapitbahay para naisugod agad sa ospital ang ama-amahan… ngunit hindi niya ginawa.
Bakit pa niya gugustuhing mabuhay ang halimaw na ibig humalay sa kanya?
Tumitig siya sa kisame ng kuwarto niya. Hinanap niya doon ang kasagutan.
Isang bulag na pagmamahal ang iniukol ng kanyang Inay sa pangalawang asawa. Kaya hindi nito nakita ang tunay na kulay ni Maning.
Sa isip ni Ofelia, nagkasala siya sa kanyang ina nang hindi siya nagtangka man lang na iligtas ang madrasto.
Ngunit mali rin ang katwiran niyang iyon.
Hindi nga lang niya magawang kumbinsihin ang sarili — kahit na matagal na panahon na ang nakakalipas…
Kahit na napatunayan sa imbestigasyon na hindi siya ang maaaring gumawa ng krimen.
Ang unang hampas ng martilyo ay sa mismong tuktok ng ulo. Ubod-lakas.
Ibig sabihin, malaki at mataas ang umatake kay Maning na isa ring maskulado at matangkad na lalaki.
Ang sumunod na ebidensiya ay ang mga bakas ng mga paa na mas malaki kaysa kay Ofelia. Kaya napawalang-sala siya, pagkatapos ng dalawang taon.
Ngunit nandoon pa rin ang batik na ikinulapol sa pangalan niya, pati sa pagkatao niya.
Bumangon ang dalaga nang manumbalik ang kaunting lakas sa mga biyas.
Nagtungo siya sa kusina upang uminom ng tubig.
Nagsisikip ang dibdib niya, pati ang loob ng kanyang utak. Sinasakop ng dilim na mula sa nakaraan.
Sumulyap siya sa relong pandingding bago siya lumapit sa teleponong nakapatong sa corner table sa munting salas niya.
Idinayal niya ang numero ni Jesusa. Alam niyang gising pa ito kahit na ala una na nang madaling-araw.
“Hello?” Tinugon ng kaibigan ang telepono sa ikalawang kuriring.
“J-jess?”
“Eli? Ikaw ba ‘yan?”
“A-ako nga,” tugon niya. Hindi pa rin niya nakokontrol ang panginginig ng kanyang tinig.
“Nanaginip ka na naman?” hula ng nag-aalalang tinig sa kabilang linya.
“O-oo,” aniya, pabulong na. Muling bumalong ang luha sa kanyang mga mata.
“Hanggang kailan ba ako pahihirapan nang ganito, Jess? Bakit hindi ko makalimutan ang — ang halimaw na ‘yon?” tanong niya, padaing.
“Naging madalang na ang pananaginip mo, hindi ba? Malapit na malapit mo na siyang makalimutan, Eli. Huwag kang mawawalan ng pag-asa. Didinggin rin ng Diyos ang mga panalangin natin,” pang-aalo ni Jesusa.
“Parang gusto ko nang sumuko!”
“Oh, Eli! Huwag kang magsalita nang ganyan,” pigil ng kaibigan sa kanya. “Gusto mo bang magpunta ako diyan ngayon? Kailangan mo ba ng kasama?”
Pinilit niyang ibalik ang normalidad ng kanyang sarili. Unfair ang ginagawa niyang pagbibigay ng ibayong alalahanin sa kaibigan.
“N-no, huwag na, Jess. Sapat na ang makausap kita sa telepono.”
Pinahiran niya ng mga daliri ang mga pisnging nabasa ng luha. Suminghut-singhot siya bago nagpatuloy.
“H-hindi ka pa ba natutulog niyan? Ano na naman ba ang pinagkakaabalahan mo?”
Nagpatianod si Jesusa sa direksiyong gusto niya. Pinagaan din nito ang tono.
“Hindi pa ako inaantok, e. Sinusumpong na naman ako ng insomnia ko,” tugon nito. “Nag-aaral akong maggantsilyo. Nakakabuo na nga ako ng isang kurtina. Ang daming inubos na sinulid!”
“M-magastos pala ang hobby mo ngayon?” Naupo si Ofelia sa sopa para maging kumportable habang nakikipag-usap.
Tumawa si Jesusa. Pigil at mahina ang tunog. Para bang palaging iniisip na hindi ito dapat maging masaya.
“Mas magastos pa rin ang cross-stitching!” bawi nito.
“Bilib ako sa tiyaga mo.”
Dumako ang paningin ni Ofelia sa isang parihabang kuwadro na nakasabit sa dingding ng sala. Isang batang anghel na may maamong ngiti at mga mata ang matiyagang ibinurda sa kulay rosas na telang basketweaved.
Iniregalo ni Jesusa sa kanya nung nakaraang Pasko.
“Mas maganda namang pagkaabalahan ito kaysa magbilang ng pako sa kisame ng bahay ko,” salo ng kausap.
“Oo nga naman,” sambit ni Ofelia. “Siyanga pala, may nakita na akong venue na puwedeng gawing restaurant. Pupuntahan ko na bukas.”
“Talaga? Mabuti naman,” tugon ni Jesusa. Muling sumigla ang tono para sa kanya.
“Ano’ng oras mo pupuntahan? Gusto ko sanang samahan ka, kaya lang may home service kami sa Makati. Sagot namin ang make-up and hairdo for a wedding ceremony. Suki ko ang mother ng bride kaya hindi puwedeng hindi ako kasama ng mga beautician ko.”
“Naku, huwag mo na akong samahan, Jess. Malapit lang naman dito sa bahay ko, e. Atsaka, hindi naman ako magtatagal doon. Titingnan ko lang ang location, at ang paligid. Mag-iikot lang ako sandali at pagkatapos ay uuwi na ako,” pahayag niya.
“Ganoon ba?” Nag-isip sandali ang kausap niya. “May balita ka ba kina Andy at Mar?”
“Wala pa. Tumatawag ako sa kanila pero masyado yatang abala ang dalawang iyon. Hindi pa sila nagre-return call sa akin. Ibabalita ko sana sa kanilang nadagdagan na ang loan ko sa bangko dahil sa ipinahiram nilang mga titulo,” ang mahabang tugon niya.
“Baka busy sila. Uh, may problema kaya sila?”
“Wala naman. Nami-missed ko na siguro sila. Malapit na ang birthday ni Andy, hindi ba?”
“Naku, baka iyan ang dahilan kung bakit nananahimik ang dalawang iyon. Nagkukutsabahan na naman siguro sa pag-iisip ng panggulat na sorpresa para sa atin,” wika ni Ofelia.
Close silang apat na magkakaibigan.
Ngunit dahil mas una niyang nakapalagayang-loob ang mayuming si Jesusa, mas malapit siya rito. Bukod pa sa marami silang ipinagkapareho ng ugali.
Parang nakakahiya kasing magpakita ng kahinaan kina Alejandra at Myrza.
Parehong may matigas na kalooban ang dalawang iyon. Parang hindi nga marunong umiyak.
Samantalang sobrang babaw naman ng luha nila ni Jesusa.
Gayunpaman, naging matatalik na magkaibigan sila sa pagdaraan ng panahon.
Lumipas man ang mga buwan na halos walang komunikasyon, kapag muling nagkita-kita naman ay nandoon pa rin ang pagmamahalan na hinubog ng dalawang taon na inilagi nila sa loob ng detention center ng ahensiya ng pamahalaan na kumupkop sa kanila habang iniimbestigahan ang mga kasong kinasangkutan ng bawat isa.
“Eli?” sambit ni Jesusa nang tumagal ang katahimikan niya.
“Hmm?”
“Ang akala ko’y nakatulog ka na,” wika nito. “Okey na ba ang pakiramdam mo?”
Tumuwid ng upo ang dalaga. Napasandal na pala siya.
“Oo,” sagot niya matapos huminga nang malalim. Natatakot pa rin siya ngunit hindi na gaano. “Ibababa ko na ang telepono, ha? Salamat sa pakikipag-usap mo sa akin.”
“Walang anuman ‘yon, Eli. Basta’t kailangan mo ng kausap, huwag kang mag-aatubiling tumawag sa akin.”
“Goodnight, Jess,” paalam niya habang pinipigil ang paghihikab. “Matulog ka na rin. Baka mangalumata ka na naman nang husto, sige ka,” paalala niya.
“Oo, magliligpit na nga ako. Nahawa ako sa paghihikab mo, a?”
Napangiti si Ofelia. “Tatawag na lang ako uli sa ‘yo bukas. Bye!”
Nagpalit muna siya ng kubrekama, pundan at kumot. Pati ng damit-pantulog, bago siya muling nahiga.
Paulit-ulit siyang umusal ng panalangin habang nakapikit. Hanggang sa nakatulog na uli siya.