Vicki married Drake knowing she was the only one with love in her heart. Their agreement was a no-child marriage.
So when she got pregnant, he got cruel and sent her away.
After years of hardship, she fell ill… and her husband found them when she was very weak. How could she fight him to protect her child?
Alam ni Vicki na siya lang ang nagmamahal nung pumayag na magpakasal sa isang lalaking wala yatang puso, si Drake.
Ang buong akala niya ay sapat na ang pag-ibig niya para maging matiwasay ang kanilang pagsasama.
Ngunit nung suwayin ni Vicki ang utos ni Drake na bawal silang magkaroon ng anak, biglang nawasak ang lahat ng ilusyon sa kanyang puso.
* * *
Nang gumising si Vicki nung umagang iyon, inaasahan niyang isa na namang ordinaryong araw ang dumating at lilipas pagsapit ng hapon.
Ngunit nagkamali siya dahil alas nuwebe pa lamang ay sumasakit na ang ulo niya. Mabigat na ang pagkilos niya.
Barado ang ilong at mapait ang panlasa. Dakong tanghalian, nang mangati ang kanyang lalamunan. Parang nasamid lang siya nung una pero nagtuluy-tuloy na sa pag-ubo.
Maluha-luha siya habang sapo ng isang palad ang dibdib.
Bakit ba ngayon pa siya nagkasakit? pang-uusig ni Vicki sa sarili.
Bawal sa kanya ang magkasakit!
Nang makalma sa wakas ang katawan, saka lang nakaandar ang isipan. Kinuwenta na niya sa loob ng utak ang halaga ng mga gamot na kailangang bilhin at inumin.
Ano kaya kung manghingi na lang siya sa health center? Oo, makikisuyo na lang siya kay Bebot, ang dalagitang partime helper niya sa karinderya.
“Pabili nga ng sigarilyo, babes,” anang maskuladong lalaki na mukhang sanggano dahil sa maraming tattoo sa dibdib at mga braso. “Kukuha na ‘ko, ha? ‘Lista mo na lang,” dagdag nito habang nagsisindi ng sigarilyo.
Pinigil ni Vicki ang huminga para hindi makasagap ng usok. Inignora niya pati ang istambay. Nasanay na siyang mahingan ng kotong ng mga lalaking walang kayod sa kanilang looban. May apat na taon na rin siyang naninirahan doon.
Parang kailan lang nung ipadpad siya ng masaklap na kapalaran sa lugar na iyon, buhat pa sa isang napakalayong prubinsiya. Mayroon siyang tiyahin sa gawing iyon ng Blumentritt.
Nagbakasakali siyang magpakupkop, at hindi naman siya binigo ng butihing matandang dalaga. Nang mamatay si Tiya Conchang nitong nakaraang taon lamang, ipinamana pa sa kanya ang munting gotohan na nasa harapan ng maliit at lumang barung-barong.
Tanging ang tadhana lamang ang nakakaalam kung hanggang kailan mananatiling bukas ang naturang tindahan ng lugaw at lutong pagkain.
Bago pa man yumao ang orihinal na may-ari, matumal na ang negosyo. Paano’y kabi-kabila na ang mga nagsulputang kain-kainan sa kata-katabi at maging sa labasan. Idagdag pa ang mga fastfood restaurants na nakahilera sa di-kalayuang kalsada.
Kumbaga, bilang na ang mga araw ng tanging hanapbuhay na meron si Vicki.
Paano na kapag dumating na ang malungkot na pagkalugi? Uuwi na lang ba siya sa prubinsiyang nilisan?
Hindi siguro…
Kung ibebenta niya ang puwestong kinatitirikan ng munting tirahan at tindahan, magkakaroon siya ng kaunting puhunan. Saan kaya siya makikipagsapalaran uli?
Iginala niya ang naliliyong paningin sa maruming palibot ng squatter’s area na kinaroroonan. Ayaw na niyang manatili nang matagal sa lugar na yaon. Gusto na niyang lumisan doon.
A, sana nga’y makaalis na nga sila doon!
Lumala ang masamang pakiramdam niya nang gumagabi na. Tila walang naitulong ang mga tabletang ininom niya kaninang tanghali.
Marahil ay mga expired na ang stock sa center. Wala naman siyang puwedeng sisihin kundi ang sarili lang niya. Hindi siya dapat nag-arimuhan sa pera.
Yapus-yapos ni Vicki ang nanginginig na katawan habang isa-isang nirerekisa ang pagkakasara ng mga bintana at pinto.
Pagkatapos, nagtungo siya sa kusina upang magtimpla ng gatas sa dalawang boteng de-tsupon.
Mabuti na lang, maghapong hindi naghilo si Junjun. Nakuntento ang tatlong taong gulang na paslit sa paglalaro sa loob ng kuna. Mas mahaba pa ang mga oras na natutulog ito.
Katulad ngayon.
Matagal niyang tinunghayan ang nahihimbing na anak. Ito lang ang tanging yaman na mahalaga sa kanya. Ito rin ang kanyang lakas.
Parang gumaan-gaan nga nang bahagya ang pakiramdam ni Vicki kaya sa batalan siya nagtuloy para maghilamos bago magpalit ng damit-pantulog.
Nagsuklay muna siya ng mahabang buhok na hanggang beywang. Medyo kulot ang mga hiblang itim kaya makambong at kailangang itirintas o ipusod para hindi maging abala sa pagtatrabaho.
Maaga pa para mahiga kaya hinarap muna ni Vicki ang kaha ng pera na yari sa kahoy. Ayaw man niyang magbilang ng barya ngayon, wala siyang magagawa.
Dapat niyang alamin ang eksaktong estado ng kanyang pananalapi. Kahit na halos sigurado na niyang wala nang salaping maiba-budget!
Inuna niyang piliin ang mga limang pisong coins. Sumunod ang mga mamiso. Panghuli ang mga bente-singko. Nakatiklop na ang limang sasampuin at maingat nang nakatago sa ilalim ng unan niya.
Muli siyang nakaramdam ng panghihina dahil hindi man lang siya naka-dalawang daan. Malapit na naman ang singilan sa kuryente at tubig. Papaubos na naman ang asukal, kape at gatas.
Higit sa lahat, ubos na ang laman ng tindahan. Ubos na ubos na!
Pumikit nang mariin si Vicki habang humuhugot ng malalalim na buntonghininga. Ayaw niyang harapin ang katotohanan pero umaalsa na ang histerya sa kanyang kalooban.
Hanggang kailan niya makakayang buhayin si Junjun?
Kahit na para sa sarili lang ay kulang pa ang kinikita niya sa araw-araw. Halos hindi na nga siya kumakain, kahit na tindera siya ng pagkain.
Tiyak na darating ang araw, maging ang kanyang anak ay hindi na rin siguro kakain!
Hindi dapat, bulong niya sa sarili. Panay ang iling ng ulo habang nakayuko. Nakapikit pa rin. Hindi dapat madamay sa pagdurusa si Junjun. May dugong bughaw na nananalaytay sa mga ugat nito.
Dumilat uli siya upang apuhapin ng mga matang naluluha ang kuna ng bata. Tulog na tulog na ito. Walang kamalay-malay sa mga problemang nilikha nito magmula pa nung ipinaglihi niya.
Kundi marahil siya nabuntis noon… ibig magbalik ang mga alalala…
“Hindi,” piksi niya, bago pa natapos ang iniisip. “Hindi ko pinagsisisihan ang pagbubuntis ko sa anak ko!”
Tinigasan niya ang loob para mapanatiling nakatago ang mga alaalang pulos mga hinanakit lamang ang idinudulot kapag nagugunita.
Apat na taon na ang nakakaraan pero hindi man lang nababawasan ang pait at sakit na nadarama niya.
‘Malupit ka kasi, Drake…’
Mistulang asido na pumulandit mula sa kung saan ang mga katagang iyon. Nakapiglas pa rin kahit labis na ang pagtitimpi.
Tumindig siya at naglakad patungo sa kalawanging lababo. Para bang matatakasan ang sarili.
Nagsalin siya ng tubig sa baso at inubos iyon sa ilang lagukan lang. Bahagya naman siyang naginhawahan.
Bumalik uli si Vicki sa lamesitang kinapapatungan ng mga barya. Susubukan niyang maglista ng mga puwedeng bilhin ng tatlong daan at pitumpung piso.
Linggo pala bukas. Mas lalong matumal dahil may panahong magluto ng ulam ang mga taong nagtatrabaho sa karatig na pabrika.
Ang kakaunting suki niya ay tiyak na mga chichirya lang ang bibilhin sa tindahan niya. Atsaka sigarilyo na rin.
Matapos maglista, saka lang siya nahiga sa makitid na katre. Hindi na muna nagkabit ng kulambo dahil tatayo pa naman para padedehin ang anak.
Humiga si Vicki nang patagilid at paharap sa kalapit na kuna. Buong pagmamahal na hinagod ng tingin ang maamong mukha ng munting anghel ng buhay niya.
Tiyak na tatanggapin ng matandang Cervantes ang batang Drake. Kaya marahil sinadya niyang isunod sa pangalan ng ama si Junjun — para kung saka-sakaling may masamang mangyari sa kanya mayroong kaanak si Drake Cervantes Junior…
Nagsimulang umagos ang luha sa mga mata ni Vicki dahil sa tumintinding pagkaawa sa sarili. Ayaw niyang maging mahina at marupok pero parang wala na siyang magagawa.
Nanatili sa kanya ang depresyon hanggang kinabukasan kaya marahil lalong bumigat ang katawan niya. Kahit nakainom na siya ng gamot, hindi pa rin napalis ang masamang pakiramdam.
Liyung-liyo na siya nang umuwi mula sa pamamalengke kaya napilitang mahiga matapos tiyaking nasa ayos ang lagay ng anak.
“Ikaw na lang muna ang magbantay sa tindahan, Bebot. Magpapahinga lang muna ako sandali,” habilin niya sa dalagita bago pumasok sa kanilang kuwarto.
Anupa’t hanggang sa pag-idlip niya, taglay pa rin niya ang mabibigat na alalahanin. Kaya siguro binangungot siya gayong umaga pa lang.
Dumating daw si Drake at ang aristokratikong agwelo nito. Parehong madilim at malamig ang anyo habang nakatitig sa kanya nang may halong pang-uusig.
Ang sumunod na eksena ay tumatawa na ang dalawang lalaki. Buong pang-uuyam. Kaipala, nakuha na ng mga ito ang kanyang anak.
Hawak ng mga kulubot na kamay ni Don Rodrigo ang maliit na katawan ng kanyang anak.
At ang bata ay nakatawa rin. Humahagikhik pa nga.
Si Vicki naman daw ay walang magawa kundi ang umiyak lang. Paano’y napapalibutan siya ng apoy. Para bang ikinulong siya sa isang masikip na bilog na impiyerno.
Humahagulgol siya ng iyak hanggang sa magising. Basam-basa pati ng pawis ang buong katawan niya. Nakadikit na sa balat ang manipis at kupasing daster.
Gayunpaman, balewala sa kanya ang estado ng sarili. Ang agad niyang pinagtuunan ng pansin ay ang kuna.
Nagsikip ang dibdib niya dahil sa magkahalong awa at tuwa, nang makitang nandoon pa ang batang lalaki at abalang naglalaro ng isang second-hand na rubber ball.
“Oh, ang anak ko!” bulalas ni Vicki. Mahina at paos na paos ang boses.
“Ma! Ma!” tawag ng anak pagkakita sa kanya. Nakalitaw ang apat na ngipin nito sa itaas at ibaba. Tumindig ito at humawak sa makikitid at kuwadradong barandilya ng crib.
“Ma! Mik! Mik!”
“G-gusto mong dumede? S-sandali lang,” sambit niya.
Pinilit niyang ngumiti habang pinupuwersang ikilos ang mga biyas na nagmistulang sinemento sa bigat at tigas.
Itinuon niya ang buong konsentrasyon kaya nagtagumpay rin kahit na halos maubos na ang lahat ng buong katawan dahil sa sobrang pagpapawis.
Pakiramdam niya’y para siyang kandilang natutunaw at nauupos. Parang gusto na naman niyang mapaiyak dahil napakahina niya.
Wala pang dalawang metro ang layo ng tokador na kinapapatungan ng termos, bote ng dede at lata ng gatas pero hindi niya magawang abutin nang maliksi na katulad ng dati.
Nasa akto siyang hawak-hawak na ang termos na plastik nang biglang bumukas ang manipis na dahon ng pinto.
Inakala niyang si Bebot ang dumating, narinig marahil ang paghiyaw ni Junjun, kaya nakangiti na siya nang luminga dito.
Gayon na lang ang pagkatigagal ni Vicki nang isang matangkad na lalaki ang sumalubong sa kanyang paningin. Ang kaunting lakas na meron siya ay mistulang alikabok na hinipan ng hangin.
Nabitawan niya ang sisidlan ng mainit na tubig ngunit ni hindi niya narinig nang bumagsak iyon at nabasag sa sahig na semento.
Kasunod na rin kasi siyang nalugmok matapos maidaing ang pangalan ng asawa.
“D-drake…!”
Nang magkamalay si Vicki, nasa isang ospital na siya. Sigurado siya dahil sa matapang na amoy ng disinfectant. Gayon din ang naamoy niya nuong inilabas siya mula sa delivery room matapos makapanganak kay Junjun.
Gusto sana niyang bumalikwas na agad ng bangon at magtatakbo palabas dahil sa awtomatikong takot na umalsa sa isipan.
Mamumulubi na siya nang tuluyan kapag nagtagal pa sa lugar na iyon. Saan siya kukuha ng pambayad?
Atsaka si Junjun — nasaan si Junjun?
Ang labis na pag-aalala sa anak ang nagpabugso ng adrenalin sa dugo ni Vicki upang magawa niyang magpabiling-biling.
“Huwag kang malikot, Victoria,” saway ng isang tinig-lalaki sa malapit. Napakatigas ng tono nito, agad siyang nawalan ng tinag.
Pagkarinig sa boses ni Drake Cervantes, dagling humugos pabalik ang sirkumstansiya na naging sanhi ng pagkawala ng malay-tao niya.
Naalala na rin niya na wala na siya sa Rancho Cervantes, kaya hindi na siya sakop ng awtoritismo ng lalaking ito.
Aywan kung saan siya humugot ng lakas upang tumingin nang diretso sa nilalang na dati-rati’y panginoon ang turing.
“Gusto ko ng umuwi. Magaling na ako. Walang mag-aalaga sa anak ko — ”
Naputol ang sunud-sunod na pangungusap ni Vicki nang itulak ng isang palad ni Drake ang kanyang dibdib. Para siyang nakuryente sa sobrang pagkabigla kaya muling nawalan ng tinag.
“Hindi ka pa puwedeng umuwi at lalong hindi ka pa magaling,” ang banayad na wika ni Drake. Parang isang batang wala pang hustong pag-iisip ang kausap.
“Ang anak mo naman ay naipadala ko na sa rantso.”
Kaswal na kaswal ang pagsasalita nito kaya hindi agad niya nauwaaan. Ilang beses pa munang nagpaulit-ulit sa loob ng utak niya ang mga sinabi ng lalaki bago siya nagkaroon ng reaksiyon.
“N-naipadala?” sambit niya. Pabulong at hesitante pa nga.
Hindi makapaniwala si Vicki na tama ang narinig at naintindihan.
“I-ipinadala mo sa rantso?” paniniguro pa niya. Pabulalas na.
Tutok na tutok sa malamig na ekspresyon ng lalaki ang mga matang nanlalaki kaya nakita niya ang pagsilay ng pagkadisgusto kahit na saglit lang.
Katulad noon, takot agad ang naramdaman niya. Pero umiral ang pagiging ina niya. Napalitan iyon ng pag-aalala na ikinubli sa ilalim ng galit.
“W-wala kang karapatang ipadala d’on ang anak ko, Drake!” bulalas uli niya kahit na nanghihina na naman ang pakiramdam.
“I-ibalik mo dito ang anak ko!” dugtong pa niya bago siya inatake ng sunud-sunod na pag-ubo.
Ang kamay na nasa dibdib niya ay lumipat sa braso upang itagilid siya sa pagkakahiga. Kaipala, hihimasin ng mainit na palad ang kanyang likod upang maalo at mapahinto ang mga ubo niya.
Pakiramdam tuloy ni Vicki, nananaginip lang siya. Hindi naman siya makapaniwalang tutoo ang nararanasan niya.
O baka naman napatawad na siya ni Drake…”
Agad niyang pinalis ang pantasya. Mga hibang na ilusyon na naman ang gustong mabuo sa loob ng isipan niya dahil lamang sa kanyang karamdaman.
Pumiksi siya para ilayo ang sarili sa mapagpalang kamay.
“T-tama na,” utos niya kahit na nangangapos pa rin ang hininga.
“Ayaw mong hinihipo kita?” panunuya ng lalaki, sabay hinto ng paghagod sa likuran niya. “Natatandaan ko pa ‘yung nagmamakaawa ka para angkinin kita, Victoria,” dagdag pa sa tonong nang-uuyam.
Nag-apoy sa naramdamang humiliyasyon ang mukha at buong katawan ni Vicki. Parang inilutang siya sa hangin dahil sa sobrang pagkapahiya.
Tutoo kasi ang sinabing iyon ni Drake. May isang panahon kasi na baliw na baliw siya rito. Nung nabubuhay pa siya sa daigdig ng mga ilusyon…!
Lihim rin naman siyang nagpapasalamat sa nakakasakit na sarkasmo ng dating asawa. Nagawang manumbalik ng kaunting katinuan sa kanya.
“P-paano mo nalaman kung nasaan kami?” tanong niya kapagkuwan. Nakabaling ang mukha niya. Nakapikit pa rin nang mariin.
Para bang sa likod ng isipan, tanggap na niyang tapos na ang walang kuwentang pagpupunyagi niya. Suko na siya, kumbaga.
Natitiyak na kasi niya na hinding-hindi na niya mababawi ang anak ngayong nasa Rancho Cervantes na.
Puwera na lang kung ipag-uutos ni Drake na umalis ang bata doon…
Unti-unting nabuhayan ng pag-asa si Vicki sa isiping iyon. Puwede pa pala niyang bawiin ang kanyang anak!
“May natanggap kaming sulat mula sa isang Conchita Dela Cruz,” wika ng baritonong tinig. “Sinabi niya kung saan ka naruruon.”
Napatigagal siya. “P-pero p-patay na si Tiya Conchang,” bulalas niya. Para bang pinagdududahan ang tinuran ni Drake.
“Mahigit isang taon na nga ang sulat na iyon, ayon kay Lolo,” paliwanag ni Drake. “Pero kamakailan ko lang nalaman. Dalawang taon akong nanirahan sa Australia.”
“N-nag-aral ka?” panghuhula ni Vicki. Iyon ang planong gawin nito nung bago sila nakasal.
Tumango ang lalaki. Tila papiksi. Tumindig ito at nagpalakad-lakad. Kapagkuwa’y huminto sa tapat ng bintana.
Nang sundan niya ng tingin si Drake, saka lang napagtanto ni Vicki na isang pribadong kuwarto pala ang kinaroroonan niya.
Isa lamang ang kama. Maluwag ang paligid at kumpleto sa appliances, katulad ng refrigerator, television at stereo set, at sofa set. May coffee table pa nga at telepono.
Nagbalik tuloy ang panic ni Vicki.
Ano’ng ibabayad niya dito?
Nagdulot ng lakas ang pagkataranta niya. Nagawa niyang ibangon ang sarili. Kahit na sumusuray, pinilit niyang tumayo.
Putlang-putla ang kanyang mga paa nang tumuntong sa asul at makintab na sahig. Nangunyapit siya sa gilid ng kama habang naghahanap ng isusuot na pamaa sa ilalim ng kama.
Nang walang makita, inalis niya pahugot ang karayom ng suwero na nakatusok sa isang pulsuhan. Napasinghap siya nang makaramdam ng kirot.
Narinig iyon ng lalaki kaya napalinga sa gawi niya.
“Aba’t — bakit bumangon ka na?” pang-uusig ni Drake habang maliksing humahakbang palapit sa kanya.
“Gusto kong umuwi,” giit niya. Nagkaroon din ng panandaliang tatag ang kanyang tinig. “Kukunin ko ang anak ko,” dagdag pa.
“Gusto mo rin bang mabinat?” singhal ng lalaki. Nagyeyelo sa galit ang tono, habang walang anumang pinapangko siya para ibalik sa pagkakahiga sa ibabaw ng kama.
“Hindi ka pa rin pala nagbabago, Victoria. Matigas pa rin ang ulo mo!”
Hindi napigil ni Vicki ang pagsulak ng sobrang inis. Noon, palagi niyang tinitiis kapag tinatrato siyang parang bata ni Drake.
“At ikaw naman ay matigas pa rin ang loob,” ganting-singhal niya.
Na agad din namang pinagsisihan. Hindi niya dapat ituring na kaaway ang lalaki dahil maaari itong maging susi sa pagbawi niya kay Junjun.
Nais niyang bawiin ang sinabi pero ayaw bumuka ng bibig niya kaya nanahimik na lamang matapos ibaling sa katabing dingding na puti ang paningin.
Nanatili ang mabigat na katahimikan nang matagal. Para bang lihim na naghahamok ang kanilang mga isipan. Ngunit hindi siya ang nanalo kahit na si Drake ang unang bumasag niyon.
“Ibinigay ko na kay Bebot — ‘yung dalagitang dinatnan ko sa tindahan mo? — ang lahat ng mga gamit at damit na maiiwan n’yong mag-ina,” pahayag nito. “Pati na ang mismong bahay na tinitirhan n’yo.”
Napatulala muna si Vicki bago nakahuma.
“I-ipinamigay mo ang — ang bahay at mga gamit namin — ?” Halos pangapusan siya ng hininga dahil sa matinding pagkabigla.
“S-saan ako uuwi — ?” dagdag pa. Parang wala na sa sarili.
“Sa Rancho Cervantes,” tugon ni Drake. “Susunod tayo doon kapag pinayagan ka nang lumabas mula sa ospital na ‘to.”
Umiling si Vicki. “Hindi ako sasama — ” umpisa niya. Pilit na nagpapakatatag.
Ngunit naudlot nang pukulin siya ng matalim na sulyap ng lalaki.
“Kung gusto mong mabawi ang anak mo, sasama ka ng matiwasay sa rantso, Victoria,” pakli ng matigas na tinig ni Drake.
Magkahalo at magkakontra ang reaksiyong nadama ni Vicki sa tinuran ng dating asawa.
Naginhawahan siya dahil mababawi niya si Junjun. Nagsikip rin ang dibdib niya dahil ilang ulit nang ipinamukha sa kanya ni Drake na anak niya lang ang batang nilikha ng mga gabing mapagnasa.
Masakit marinig na hanggang ngayon ay hindi tinatanggap ng ama ang sariling anak!