Lady Romantica, Romantic Love Stories Online, Long Stories, Romance, Love Story Series

Share

ENEMY IS DESIRE

Do you believe in bad karma? It is somewhat destined that if you hurt someone you love, there will come a time when someone you love will hurt you very very badly…

Martina was the spoilt rich girl who played at the deep emotions of the poor guys who seriously admired and worshiped her from afar.

Then she met her match when Jed boldly declared his love for her. Unfortunately, she was not brave enough…

Martina betrayed the only man who could make her heart beat faster because she was a coward. The man who loved her was now her worst enemy…

* * *

Mula sa kinatatayuan ni Martina, natatanaw niya ang kalawakan ng Hacienda Flavio. Di-maliparang uwak, ‘ika nga, ang lapad at laki ng mga pataniman ng iba’t ibang prutas, gulay, palay, at mais.

Sa mismong harapan niya ay ang mga diretsong hilera ng luntiang alpombra na nakalatag sa tsokolateng lupa. Napapalamutian iyon ng mga ginintuang kulay ng nahihinog na mga bunga ng pinya.

Ang matulaing tanawin ay lalo pang pinatingkad ng masanting na sikat ng araw sa kalangitan.

Humugot siya ng isang marahan at malalim na buntonghininga. Pinigil muna bago mabagal na ibinuga palabas.

Nakaramdam siya ng matinding kasiyahan dahil sa masidhing pagmamahal sa lupaing kinagisnan at kinalakhan pero napalitan din agad ng di-mapigil na depresyon. Sapagkat ang umagang iyon ay isa lang sa mga umagang marami siyang dapat gampanan at gawin.

Dahil naalala ang iba pang mga responsibilidad at obligasyon, pinuwersa niya ang sarili na kumilos kahit na mabigat ang pakiramdam.

Nasanay na siyang balewalain ang pananakit ng katawan dahil wala na namang nagmamalasakit sa kanya. Maraming taon na…

‘Oh, Papa, I miss you,’ bulong niya sa hangin habang nakatanaw sa mga ulap. ‘Sana, isinama mo na lang ako…’

Nang mapagtanto ang tinatahak na direksiyon ng utak, bigla niyang ipinilig ang ulo. Papiksing lumakad patungo sa nakaparadang traktora.

“Senyorita Martina!” Ang tinig ng katiwalang si Mang Tonying ang pumigil sa kanyang akmang pagsakay.

“Bakit, Mang Tonying?” tanong niya, sabay linga. Tumindig lang muna siya sa tabi ng higanteng sasakyan.

Hinihingal ang matandang lalaki nang makalapit sa kinatatayuan niya.

“May sira ang conveyor belt. Baka hindi matuloy ang pagpapaani ngayon,” ang seryosong pahayag nito. Alalang-alala.

Kumunot ang noo ni Martina. “Bakit ngayon n’yo lang nalamang sira? Dapat ay kahapon pa — para naipaayos na agad.”

Pinilipit ng mga kulubot na daliri ang hawak na sumbrerong buli habang buong pagpapakumbabang nagpaliwanag ang katiwala.

“Pasensiya ka na, Senyorita Martina. Ginabi ako ng pag-uwi mula sa pagkumpuni ng bakod. Kanina lang dumating ang operator n’yon kaya ngayon lang natuklasan ang dip’rens’ya.”

“Gan’on ba?” Lalong lumalim ang kunot sa noo ng dalaga.

“Malaking problema kapag hindi na-resolbahan ‘yan. Kailangang ngayon na simulan ang pag-aani kundi’y maraming pinya na ang mabubulok,” dagdag pa niya.

“‘Yon nga ang mangyayari, Senyorita,” ang malungkot na sang-ayon ng kaharap.

“B’weno, gusto kong makita ang operator,” wika niya matapos ang mabilisang pag-iisip. “Bakasakaling may alam siyang paraan.”

“‘An’don, Senyorita. Sasamahan ko kayo.”

“Salamat.” Ibinulsa niya ang hawak na bungkos ng susi sa suot na kupasing jeans. Kapagkuwa’y dinukot sa bulsa ng maong na jacket ang shades upang pruteksiyunan ang mga mata.

Ang black shades lamang yata ang tanging ipinagkaiba niya sa mga trabahador na nakapalibot sa kanya.

Naka-bota rin siya. May suot na guwantes. Mayroon ding itak na naka-belt sa beywang. Ang mahabang buhok ay palaging nakatirintas at nakabilot sa ilalim ng sumbrero. Kapag katanghaliang tapat, naka-bandana at salakot na rin siya.

Halos gayon na lang ang ayos niya sa araw-araw. Ang mga mamahalin at magagarang bestida’t sapatos ay inaamag na sa loob ng kanyang aparador.

Anupa’t hindi na mababakas sa kanyang hitsura ang pagiging isang sosyalerang heredera at makapangyarihang asendera. Para bang isa na lamang siyang magsasakang walang sahod.

Paano’y ang asyendang minana niya ay maraming kakambal na problema at kumplikasyon. Napakaraming utang sa iba’t ibang bangko.

Pulos inutang pala ng kanyang nasirang Papa ang pantustos sa mga bagong gusali sa Flavio Cannery Plant. Ang buwanang interes lamang ay kahindik-hindik na.

At upang hindi magkawatak-watak ang mga ari-arian dahil sa Agrarian Reform Act, ipinarehistro ang Hacienda Flavio bilang isang commercial property. Kaya naman ang binabayarang buwis taun-taon ay halos abot hanggang langit.

Idinagdag pa ang malaking halagang binayaran nung mamatay ang kanyang butihing ama bilang inheritance tax.

Sa pagdaraan ng mga taon, lalong tumitindi ang mga sakit ng ulong dinaranas niya. Bukod sa mga higanteng suliranin, sala-salabat din ang mga samut-saring trabaho na kailangang gawin.

Ayaw man niyang aminin, walang epekto ang mga pagpapagod at pagsisikap niya. Patuloy lang sa dahan-dahan at unti-unting paglubog ang mistulang butas na barkong asyenda.

Nakatakda na ang araw ng pagbagsak ng kabuhayang minana ni Martina Flavio.

Gayunpaman, pinipilit pa rin niyang magpakatatag. Ayaw niyang sumuko. Patuloy pa rin siyang naghahanap ng mga solusyon.

Meron na nga siyang ginawang baliw na solusyon, tulak ng desperasyon!

Nung isang buwan, nagpalagay siya ng maliit na advertisement sa isang sikat na diyaryo.

‘Patalastas: Ang Hacienda Flavio ay nag-aanyaya ng mga investors upang maging kasosyo. Mangyaring kumontak sa mga numerong nasa ibaba. Hanapin si Miss Martina Flavio.’

Kahit apat na linggo pa lamang ang nakakaraan, parang apat na taon na para kay Martina ang nakalipas. A, dapat nang kalimutan ang hibang na hakbang niyang iyon!

Sino ba naman ang siraulong papatol sa paanyaya niya? Alam na ng lahat ang napipintong pagkalugi ng asyenda. Panahon na lang ang naghihintay…

‘Oh, my God! Gan’on na lang ba? Bigla na lang ba mawawala ang kabuhayang ilang siglo nang pag-aari ng Familia Flavio?’ paghihimutok niya.

“Ma’am, magandang araw po,” ang magalang na bati ng operator.

Saka lang nakabalik sa kasalukuyan ang isip ni Martina. Nakarating na pala sila sa lugar ng higanteng conveyor belt. Dali-dali niyang binawi ang naglalayag na wisyo.

“Magandang umaga rin. Ano sa palagay mo ang diperensiya nito?” Walang ligoy ang pagtatanong niya. Nilapitan rin agad ang makina upang imbestigahan.

Sa pagdaraan ng mga taon, marami nang natutuhan si Martina tungkol sa mga makina. Natuklasan din niyang may hilig pala siyang magkutingting, lalo na ng mga sasakyan.

“Ayaw hung umandar.”

“May gasolina pa ba sa tangke? Nag-oil check ka na ba?” tanong niya habang iniikut-ikutan ang mekanismo. Tumalungko siya at sumilip sa ila-ilalim. Masinsing pinagmasdan ang mga bahagi.

“Teka…” Maya-maya’y sambit niya. “May patid na kadena, a?” Tuluyan na siyang pumasok sa ilalim para makasiguro.

“‘As’an po?”

“Pakiabot na lang ang toolbox. Hindi tayo kasya dito.”

Tumalima ang inutusan. “Sabihin n’yo lang kung ano ang kailangan–at iaabot ko,” anang operator.

“Okey. Ang pla-is muna.”

Hindi niya inintindi ang paglipas ng mga minuto. Ang kanyang utak ay nakatutok sa kinukumpuni.

Nang matapos ang pagkakabit sa napatid na dugtungan, hindi pa muna siya umalis.

“Kulang na sa grasa ‘to. Pahingi ng kaunti. Sabayan mo na rin ng langis.”

“Opo.” Maliksing sumunod ang inutusan.

Umubos rin uli siya ng maraming minuto sa gawaing iyon. Tiniis niya ang pamimitig ng mga binti at hita dahil sa pagkakatalungko.

“Ayos na siguro ‘yan,” wika niya nang matapos. Naupo siya sa plastic stool na inilapit ni Mang Tonying upang palipasin ang pangangatog ng mga tuhod.

“Paaandarin ko na po,” tugon ng operator.

“Kape, senyorita?” alok naman ng katiwala.

Umiling siya. “Sa bahay na lang, Mang Tonying. Salamat na lang,” aniya.

Napuno na ang paligid ng malakas na ugong kaya hindi na nagsalita pa uli ang katabing nakamasid sa conveyor belt. Umalingawngaw ang palakpakan nang magsimulang umandar iyon.

“Ang galing!” hiyawan ng mga medyo bata pang trabahador. “Ang galing ng Senyorita!”

“Salamat.” Abot-teynga ang ngiti ni Martina. Parang biglang napawi ang pagod niya.

“O, siya, simulan na ang pagputi, mga kasama. Bilis-bilisan na natin ang pagkilos para makarami,” pakli naman ni Mang Tonying, sa malakas na boses.

Agad namang nagsisunuran ang lahat. Halos iisang tao nang kumilos.

Ilang sandali pa, sunud-sunod na ang mga pinyang nakasakay sa umaandar na higanteng belt. Patungo na ang mga iyon sa cannery plant, kungsaan ginagawa ang mga de-latang juice drink at fruit preserve.

“Maaari na siguro akong umalis, Mang Tonying,” paalam niya kapagkuwan. Medyo matatag na uli ang mga tuhod niya. “Babalik na lang ako dito bukas.”

“Ah… puwedeng makisuyo, Senyorita?”

“Ano ‘yon?”

“E, hindi ko na kasi napuntahan ang hilagang hangganan. Kung makakadaan kayo doon, baka puwedeng pakitingnan kung may bakod na kumpunihin.”

“Oo, sige.” Dinukot ni Martina ang susi ng traktora. “Doon nga ang daan ko ngayon.”

“Salamat, Senyorita.”

Isang ngiting may bahid ng pakla ang sumilay sa mga labi ng dalaga.

“Ako ang dapat na nagpapasalamat, Mang Tonying,” bawi niya. “Napakalaking tulong ng pagmamalasakit na ibinibigay n’yo sa asyenda.”

“Ito ang aming tahanan, Senyorita. Nararapat lamang na mahalin at pangalagaan namin ang lugar na ito.”

Parang tinusok ng matulis na bagay ang puso ni Martina. Hindi lang pala siya ang masasaktan nang labis kapag bumagsak ang asyenda!

“N-natutuwa akong marinig ‘yan, Mang Tonying. Maraming salamat uli. Er, sige, aalis na ako.” Nagdumali na siyang lumakad palayo.

“Hanggang bukas, Senyorita!” pahabol pa ng katiwala nang nakasakay na siya sa traktora.

Tumango na lamang siya at kumaway bago nagmaniobra. Nagbalik na naman siya sa kumunoy ng desperasyon.

‘Paano ba niya maisasalba ang lahat?’ daing niya sa sarili habang nagmamaneho.

‘Papa, tulungan mo naman akong makakita ng paraan,’ usal niya habang binabaybay ang hilagang hangganan. Awtomatiko na lamang ang pagsipat ng mga mata sa bakod na yari sa aserong alambre.

Ngunit hanggang sa makarating siya sa luma ngunit malaking bahay na nasa ituktok ng pinakamataas na burol, wala pa rin siyang natatagpuang kasagutan.

Tila wala na talagang solusyon ang mabigat na prublema. Tila isang madilim na bukas na ang naghihintay sa buong asyenda.

Nauntol ang pagmumuni-muni niya nang matanaw ang mga kotseng nakahinto sa harapan ng pakurbang driveway.

May mga bisita pala siya! Sino kaya ang mga iyon?

Binilisan niya ang pagpapatakbo sa traktora upang makalapit agad. Huminto siya sa paanan ng burol. Sa mismong tapat ng hagdanang bato na inuka sa lupa para mas madali ang pag-akyat.

Naagaw ng isang kotse ang buong pansin niya. Doon nakatutok ang kanyang mga mata habang patungo sa front door ang mga paa.

Isang imported luxurious car iyon. Tipong racing car dahil sa madulas na hubog ng katawang metal at malalaking gulong. Siguradong hindi basta-basta ang taong nagmamay-ari.

“Nagustuhan mo ba ang kotse ko, Martina?”

Napapatda ang dalaga nang marinig ang pamilyar na boses-lalaki. Halos hindi niya maikilos ang naparalisang katawan para lingain ang nagsalita.

Ngunit pinuwersa niya ang mga biyas. Kailangan niyang harapin ang isa na namang bangungot na dumating sa kanyang buhay!

“J-jed,” sambit niya. Napaos ang kanyang tinig. Nangapos ang paghinga.

Ngumisi si Jed Pantaleon.

“At natatandaan pa pala ako ng aking senyorita,” panunuya nito.

Tumango ng isa si Martina. Pilit na nilalabanan ang pagkaliyong dulot ng matinding pagkabigla.

“A-ano’ng ginagawa mo dito?” tanong niya. Pabulong halos.

“Hindi mo pa sinasagot ang tanong ko,” bawi ng lalaki. Malamig na ang tono. “Nagustuhan mo ba ang kotse ko?”

Nilinga niya uli ang magarang behikulo. Iyon ang ginamit niyang paraan upang makabawi ng kaunti pang wisyo kahit na imposible.

“O-oo,” ang maikling tugon niya.

“‘Yan lang ba ang masasabi mo?”

Napilitan siyang ibalik sa kausap ang buong atensiyon nang maramdaman ang paglapit ni Jed.

“N-natupad mo pala ang pangarap mo, Jed,” dagdag ni Martina. Pilit na pinatatag ang tono. “Er, a-ano nga pala ang sadya mo dito?” dagdag niya para mabago ang paksa.

Muling sumilay ang mapanuyang ngiti sa matigas na hubog ng bibig ni Jed Pantaleon.

“Marunong akong tumupad sa pangako, Senyorita Martina,” sambit ng lalaki.

Biglang sumulak sa ibabaw ng memorya ang mga galit na salitang ipinukol ng binata sa kanya bago ito lumisan.

‘Babalikan kita, Martina! Ipaparanas ko din sa ‘yo ang matinding sakit ng loob na nadarama ko ngayon! Ipapatikim ko sa ‘yo ang pait ng pagkabigo!’

Nanlata ang mga kalamnan ng dalaga. Nangatal ang bawat himaymay. Ngunit kakatwang ni hindi man lang siya nakaramdam ng takot.

Para bang naginhawahan pa siya. Parang biglang nawala ang bigat na nakaatang sa kanyang mga balikat.

Paano’y naramdaman niyang lumaki ang pag-asang makakaligtas sa paglugmok ang asyenda. Walang halaga ang mga pagbabanta nito dahil matagal na niyang dinaranas ang mga sakit ng loob at hirap ng katawan.

“S-salamat, Jed,” wika niya, pautal at pabulong. “M-maraming salamat at nagbalik ka.”

Tila napamaang ang lalaki sa pagpapasalamat niya. “Nagbalik ako para maghiganti, Martina.”

“A-alam ko.” Pinilit niyang ngumiti ang mga labing naninigas.

“N-napatuloy na ba kayo ni Aling Modesta? I hope, naalok ka na rin niya ng kape. Nainip ba kayo?”

Sunud-sunod ang mga tanong na pa-kaswal habang nagpapaunang humakbang patungo sa harapang pintuan.

Lalampas na sana siya sa kinatatayuan ng lalaki, kundi nito hinawakan ang isang braso niya. Pahaklit siyang pinigilan sa paglakad.

Agad siyang huminto.

Agad rin naman siyang binitawan ng lalaki. Para bang nandiri dahil maputik at ma-grasa ang kanyang dyaket.

Umatras ito ng isang hakbang upang kaipala’y mapagmasdan ang kabuuan niya.

“Muntik na kitang ‘di makilala. Napakalaki na ng ipinagbago mo,” puna nito. “Alam mo bang darating ako ngayon?”

“H-hindi,” maang niya. “Nagpasabi ka ba? I’m sorry. Hindi ko na matandaan.” Habang nagsasalita, minamasdan rin niya ang kaharap.

Napakalaki na rin ng ipinagbago ni Jed Pantaleon, mula ulo hanggang paa.

Makintab at maayos ang maikling buhok. Makinis ang pagkaahit ng bigote at balbas. Halatang mamahalin ang suot na grey business suit. Gayundin ang putim-puting polo at striped necktie. Purong balat ang kulay itim na sapatos.

Tumutok ang mga mata ni Martina sa kaliwang kamay nito. Lantay na ginto ang wristwatch at horseshoe ring na may palamuting maliliit na diyamante. Pabilog at malinis ang mga kukong maiikli. May pahid pa nga ng colorless nail polish.

Elegante at sopistikado nang tingnan si Jed.

Kabaligtaran niya. Luma at kupasin ang maluwang na dyaket at pantalon niya. Maraming mantsa ng putik at grasa ang mga botang itim. Gayundin ang kanyang mga kamay. Baku-bako pa ang pagkakaputol ng mga kuko niya.

Wala na ang bakas ng binatang magsasaka sa anyo ni Jed Pantaleon. Wala na rin ang pagiging senyorita niya. Baligtad na ang mga mundo nila.

Nakapanliliit…

“Hindi ako nagpasabi,” wika ng lalaki. Tapos na ang madetalyeng imbentaryo nito sa hitsura niya.

“Sinadya kong sorpresahin ka, Miss Flavio.” May diin ang pagsambit nito sa huling dalawang kataga.

Ikiniling ni Martina ang ulo. “This is a pleasant surprise,” sang-ayon niya. “Come in.” Isinenyas niya ang isang kamay sa gawi ng mga pintuan.

“Mauna ka.”

Hinubad niya ang mga bota. Pati ang makakapal na medyas na kulay itim. Iniwan ang mga iyon sa may paglabas ng pinto bago humakbang papasok.

Walang ingay ang mga paa niya sa marmol na sahig. Gayundin ang sa lalaki kahit na may suot itong sapatos.

“Sino nga pala’ng kasama mo?” tanong niya habang patungo sa sala.

“Si Attorney Atienza.”

“Hindi ko nakilala ang kotseng dala niya,” puna niya.

“Sira ang kotse niya, kaya ipinahiram ko muna ang isa sa mga service cars ng kumpanya ko.” Kaswal ang tono. Walang bahid ng pagyayabang.

Pero nalula pa rin si Martina. Hindi na lang siya kumibo. Tumango lang ng isa bago binuksan ang pinto.

Maliksing tumindig ang matandang lalaking nakaupo sa isa sa mga sopa, nang malingaan siya.

“Magandang umaga, Miss Flavio,” ang pormal na bati ng abugado. Minana niya ang serbisyo nito, kasama ng asyenda at mga kumpromisong kakabit.

“Magandang umaga rin, Attorney,” tugon niya. “Ipagpaumanhin n’yo ang di ko pagkamay. Marumi pa ako.” Ipinakita niya ang mga kamay na nakulapulan ng grasa at langis.

“Okey lang,” agap ng abugado. Hindi maitago ang pagka-dismaya habang sinisipat ang anyo niya.

Binalingan niya ang lalaking kasunod sa pagpasok. “Maupo ka muna, J – uh — Mr. Pantaleon,” ang pormal na alok niya.

“Bigyan n’yo lang ako ng limang minuto. Padadalhan ko na lang uli kayo ng maiinom,” dugtong niya, nang mamataan ang coffee tray na nasa ibabaw ng lamesita.

“Ako na ang bahalang magsabi kay Aling Modesta,” pakli ni Jed. “Magdumali kang bumalik.”

“O-oo. S-sige, Attorney.” Tumalikod na siya agad at mabilis na lumabas ng sala.

Namumula ang mukha at leeg niya dahil sa kakaibang pagtrato ng lalaki sa kanya. Para siyang alipin na inutusan at ipinagtabuyan. Mistulang panginoon na rin ito sa pamamahay niya.

Ngunit kung nais niyang mailigtas ang asyenda, kailangang magsakripisyo siya ng maraming bagay: katulad ng kanyang pride.

Tinimpla muna niya sa mainit-init ang temperatura ng tubig bago naglinis ng mga kamay. Sinipilyo at sinungkit niya ang duming sumiksik sa mga kuko.

Tatlong minuto na agad ang naubos niya kaya nagkumahog na sa paghihilamos at pagbibihis upang hindi masira ang pangakong limang minuto.

Hindi na siya nagpulbo at bahagya na lang sinuklay ang buhok na nakatirintas pa rin. Jeans at t-shirt lang ang isinuot niya. Bagama’t malinis at maayos na siya, mukhang magsasaka pa rin ang anyo niya dahil sa sobrang kasimplihan.

Mas gusto niyang walang pamaa kaya pumanaog siyang nakahubad ang mga talampakan. Tahimik ang mga yabag niyang nakalapit sa patutunguhan. Kaya hindi namalayan ng dalawang nag-uusap ang pagbabalik niya.

“Ano baga ang balak mong gawin sa asyenda, kungsakaling pumayag si Miss Flavio na ipagbili ito? May plano ka bang ipagbili rin lang uli sa iba?”

“Itutuloy lang ang mga negosyong naumpisahan na,” tugon ng baritonong tinig. Maikli ang tono. Tila hindi gusto ang pag-uusisa ng abugado.

“Kungsakali namang maging pag-aari ko ang asyenda — my plans will be none of your business, Attorney!”

“Hindi ako nakikialam, Mr. Pantaleon,” bawi ng abugado. Mababa at malumanay pa rin ang pagsasalita.

“Gusto ko lang malaman kung saan nakatayo ang aking kliyente. Gusto ko na rin sanang ipaalam sa ‘yo ang mga kondisyon na nais niya.”

Hinawakan ni Martina ang metal na seradura ngunit hindi muna niya itinulak pabukas ang pinto. Nais pa niyang makinig sa pribadong usapang lalaki sa lalaki.

“Anu-ano ba ang mga kondisyon?” Blangko ang tono ni Jed Pantaleon.

“Kaunti lang naman at madaling pagbigyan,” umpisa ng abugado.

“Walang mababawas sa mga tauhang taal na tagarito. Hindi sila paaalisin sa trabaho at sa lugar na tinitirhan.”

“Kumporme ako diyan. Ano pa?”

“Mananatili ang pangalan ng asyenda.”

“Pag-iisipan ko.”

“Mayroon pa ding share si Miss Flavio sa Hacienda Flavio Corporation.”

“As long na nasa akin ang controlling percent of share — no problem.”

“Lastly, hindi kasama sa bentahan ang malaking bahay na ito at ang isang ektaryang lupa na nakapalibot dito.”

“Ikinalulungkot ko, Attorney, hindi ko mapagbibigyan ‘yan,” tutol ng lalaki. Ni walang bahid ng lungkot sa malalim na tinig.

“Ang isa sa mga nais kong mapasaakin ay ang mismong bahay na ito.”

“Ganoon ba?” Natigilan ang abugado. Halatang nabigla sa pahayag ng kausap. “Baka hindi kayo magkasundo ni Miss Flavio, Mr. Pantaleon.”

Click here to READ MORE

Comments are closed.