Engaged to a Stranger-10

“S-si Lola Tonya?” ulit ni Amber.

Halos hindi pa rin makapaniwala na may alam ang kausap sa kanyang nakaraan.

“Oo, nagbakasyon sila nang matagal doon sa amin. Nasa Australia pa kami noon… Doon nga sila nagkakilala ni Carlos. Turistang Pinoy ang iyong ama na mahilig sa surfing.” Nagpatuloy sa pagkukuwento ang kausap kahit na muntik nang gumaralgal ang boses nang mabanggit ang bansang pinanggalingan.

“Anyway, next month siguro kami magbabalik-bayan ng anak kong si Amelia. Tiyak na magugulat si Carlos Quintanar, ano? Kumusta na siya? Hindi na niya sinagot ang mga sulat ko noon.” May kaunting hinampo sa tinig ng Mama ni Ruan.

“M-mabuti po naman ang kalagayan ni Papa,” tugon ni Amber sa nag-aalangang tinig.

Bago pa siya makaisip ng iba pang sasabihin, kinuha na ni Ruan ang awditibo sa kanya.

“Well, Mama your time is up. Bye for now.”

Nabitin si Amber sa naputol na pag-uusap. Napakaraming tanong ang umuugong ngayon sa loob ng kanyang isipan.

[Want to read the Start of Stories Online titled – ENGAGED TO A STRANGER…? Click Here!]

“So, kilala ka pala ni Mama,” wika ng lalaki.

Nakahalukipkip habang kaswal na nakasandal sa telephone stand na mataas ay yari sa narra.

“Hindi ko siya personal na kakilala,” pagtatama ni Amber. “Magkaibigang matalik daw sila ng Lola Tonya ko. Dalaga’t binata pa sina Mama at Papa noon.”

Nabalisa siya. Nagpalakad-lakad habang inaapuhap sa kanyang diwa ang naibang plano.

“Okey,” wika ni Amber pagkatapos huminto sa harapan ni Ruan. Buo na ang pasiya niya.

“Pakakasal ako sa iyo pero sa dalawang kundisyon,” dagdag niya.

Kumurba pataas ang isang kilay na makapal, ngunit hindi nagsalita ang lalaki.

Lumunok si Amber nang maramdaman na nanunuyo ang kanyang lalamunan.

‘Mas madali sanang magsalita kung hindi ka nakatitig sa akin nang ganyan,’ bulong niya sa sarili niya habang nag-iipon siya ng sapat na lakas ng loob para magpatuloy.

“Sa America tayo magpapakasal,” patuloy niya sa pormal na tono. “At hindi tayo magsisiping.”

Ang sumunod na katahimikan sa kanyang huling sinabi ay sobrang kapal — maririnig niya marahil kung may mahuhulog na karayom sa sahig!

Pakiramdam ni Amber huminto ang kanyang paghinga habang inaarok ng mga mata ng lalaki ang kaibuturan ng kanyang pagkatao.

“Like hell!” Tila kidlat na pumulandit sa dilim ang dalawang kataga na lumusot sa pagitan ng pinagtagis na mga ngipin.

“Isa lang ang kundisyong tatanggapin ko — at iyon ay ang pangalawa! You can keep your cheap body to yourself, babe!”

Umalon ang kulay sa mukha ni Amber ngunit pinigil niya ang anumang ekpresyon. Pinilit niyang ikiling nang bahagya ang kanyang ulo.

“Thank you.”

Kung may inaasahan na reaksiyon si Ruan, hindi ang ipinakita niyang iyon. Lalo lamang nagdilim ang anyo nito. Tinatalikuran siya at mabilis na lumapit sa pinto.

Itinaas ni Amber ang noo. Papayag ba siyang insultuhin siya ng lalaking ito?

Wala siyang puwedeng iganti kundi ang kakayahan niyang magkunwari na manhid ang pakiramdam.

“Ruan…”

Agad na huminto sa paghakbang ang lalaki.

“Bakit?”

“Hindi ka ba magkakape?”

Siguro, kung babae si Ruan, sasabihin niyang inirapan siya nito nang matalim bago lumabas sa pinto.

Saka lamang siya nag-apuhap ng upuan nang pasalyang sumara ang pinto.

Nanlalambot siya pero masarap sa pakiramdam na naipanalo niya ang round na ito.

Magmula ngayon, gagawin na niya ang inaakala niyang makakabuti para sa kanya.

Iyon ang matigas na ipinangako niya sa kanyang sarili habang nakatitig siya sa kisame.

Nasa gayong posisyon siya sa sopa nang kumuriring ang telepono.

“Hello? May I please speak to Miss Amber Quintanar?”

Napangiti ang dalaga nang makilala ang boses ng dating guro.

“Mrs. Megan? This is Amber speaking! Hi! I called you last night but you were out,” wika niya habang ibinabaluktot ang mga tuhod para sa mas komportableng posisyon.

“Yes, I saw your message. Well, how are you and your father?”

Nagkibit ng isang balikat si Amber na para bang nakikita siya ng kausap.

“As usual. Uh, I’m getting married, Mrs. Megan.” Halos pabulong ang pagsasabi niya sa kaibigang biyuda.

Para kasing gusto niyang mapahiya. Ito ang kaharap niya noon nang isumpa niya ang mga lalaki at nagsalita siya nang tapos na hinding-hindi siya magpapatali kaninuman.

At pagkatapos ngayon, kinakain niya nang buo ang lahat nang sinabi niya.

Hindi naman buo dahil may itinira pa siya sa sarili niya.

Hah! At ano naman ang silbi niyon? panunuya ng utak niya.

Sabi nga ni Ruan, kanyang-kanya na ang ayaw niyang ibigay, hindi ba?

“That’s great! You’re too beautiful to remain single, Amber dear,” ang masayang wika ng nasa kabilang linya.

“When is your wedding day?”

Nanlaki ang mga mata ni Amber. Hinubad niya uli ang salaming kasusuot pa lamang. Nakita niya ito sa tabi ng telepono. Ibinaba marahil doon ng lalaki kanina.

“I do not know the details yet – but I’ll surely invite you, Mrs. Megan.”

“I will be there, my dear child. I am glad you will be happy now.”

Napakunot nang bahagya ang noo ni Amber.

Bakit ba sinisigurado agad na magiging masaya ang isang tao kapag ikakasal na?

Sa kanyang sitwasyon, hindi siya lumalagay sa tahimik. Isang walang katapusang giyera ang magiging pagsasama nila ni Ruan Belarmino.

Bumuntonghininga si Amber. Sana lang mayroon namang ceasefire kahit tuwing holidays lang…

“I think, you’ll love it here in the Philippines, Mrs. Megan,” wika niya.

“Yes, of course,” tugon ng biyudang guro. “I miss having you here. You’re such a sweet girl.”

Naantig ang kalooban ni Amber dahil parang isang ina na ang naging turing sa dating guro.

“I miss you, too. I love you,” ang malambing na sambit niya bago marahang ibinaba ang receiver.

“So, you’re saying goodbye to your boyfriend?” patuyang tanong ni Ruan.

Napapitlag si Amber. Hindi niya namalayan na nakatayo na ito sa kanyang harapan.

Hindi rin niya naunawaan agad ang sinabi ni Ruan kaya muling isinuot ang salamin habang nag-iisip ng sasabihin.

“Ano’ng ibig mong sabihin?” ganting tanong niya nang mapansin ang ngiting nakakaloko sa bibig ng lalaki.

“Tsk! Tsk! Poor Amber,” patuloy ni Ruan. “Dapat ay hindi mo na inimbitahan ang boyfriend mo dito. Frustration lang ang aabutin ninyong dalawa!”

ENGAGED TO A STRANGER-11

Leave a Reply

You must be logged in to post a comment.